The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2002
Tuwa at Kaligayahan

Tuwa at Kaligayahan

Elder Claudio R. M. Costa
Ng Pitumpu

Nakadarama tayo ng kaligayahan araw-araw sa ating buhay sa maliliit na bagay na ginagawa natin, at ganap tayong liligaya habang sinusunod natin ang mga kautusan ng mapagmahal na Diyos.

Elder Claudio R. M. Costa

Mga apat na buwan na ang nakalipas, natanggap ko ang atas na maglingkod sa Bogota, Colombia, at lumipat doon. Isang araw, habang hinahanap ko ang patungo sa meetinghouse ng bago kong ward, huminto ako sa parke para magtanong kung saan ang daan.

Marami akong nakitang pamilya na nagkakasayahan sa maaraw na umagang iyon. Sandali kong minasdan ang mga batang masayang naglalaro sa parke. Kakaiba ang ningning sa kanilang mga mukha; namumula ang mga pisngi sa init ng araw at sa katatakbo at kalalaro. Mababait silang lahat sa isa't isa.

Halatang nasisiyahan sila. Habang pinagmamasdan ko silang mabuti, natanto kong hindi lang sila nagkakatuwaan, talagang maliligaya sila.

Maya-maya, habang nagmamaneho ako papuntang kapilya, naalala ko noong mabinyagan ako sa Simbahan. Nilapitan ako ng isang kaibigan at nagtanong kung ano ang nakita kong kaiba roon. Ang sagot ko'y, "Natagpuan ko ang tunay na kaligayahan." Na kanyang sinagot, "Walang tunay na kaligayahan—pawang masasayang sandali lang."

Naunawaan kong hindi alam ng kaibigan ko ang kaibhan ng tuwa sa kaligayahan. Ang tinatawag niyang "masasayang sandali" ay ang mga sandaling natuwa siya. Hindi niya alam noon na ang kaligayahan ay higit pa sa tuwa. Ang tuwa ay panandalian lang, ngunit ang kaligayahan ay tumatagal.

Maraming tao sa mundong ito ang hindi nakauunawa sa kaibhan ng tuwa sa kaligayahan. Marami ang naghahanap ng kaligayahan sa katuwaan, pero magkaiba ang kahulugan ng mga ito.

Tiningnan ko sa diksyunaryo ang kahulugan ng bawat isa. Ang tuwa ay laro, libangan, kasayahan, katuwaan, pinagmumulan ng saya, kaaliwan, malikot, magulo, madalas na maingay, at pagbibiruan. Ang kaligayahan ay pagiging kuntento, galak, lugod, kasiyahan.

Tinuruan ako, matapos mabinyagan sa Simbahan, na talagang malaki ang kaibhan ng tuwa sa kaligayahan. Natutuhan ko, maging bago pa ako nabinyagan, na may Plano ng Kaligtasan ang Panginoon para sa lahat ng Kanyang mga anak (tingnan sa 2 Nephi 2:9). Sa tulong ng planong ito, batay sa nagawa natin sa mundo, babalik tayo sa kinaroroonan ng ating Ama sa Langit at makakapiling Siya magpakailanman sa walang hanggang kaligayahan.

Parehong mabuti ang tuwa at kaligayahan, ngunit tinitiyak kong pinakamarapat hangarin ang kaligayahan. Masasakop ng kaligayahan ang tuwa, ngunit hindi tayo tunay na paliligayahin ng puro katuwaan lang.

Sa Lucas, kabanata 15, mababasa natin ang talinghaga ng alibughang anak. Sa talinghagang ito, hiningi ng bunsong anak sa ama ang kanyang mana. Ibinigay ito ng ama, at humayo ang anak, at hinanap ang akala niya'y tunay na kaligayahan. Nagsimula siyang magpakasaya, hangga't may pera siya, naligiran siya ng mga taong nagpapanggap na kaibigan niya. Nang maubos lahat ang yaman niya dahil sa katuwaang tinamasa nila ng itinuring niyang mga kaibigan, lahat sila'y tumalikod sa kanya at naiwan siyang walang pera. Pagkatapos ay dumanas siya ng maraming hirap at kabiguan. Nagsimula siyang mamasukan bilang tagapakain ng baboy, at dahil gutom, sinubukan niyang kainin maski balat ng mais na kinakain ng mga baboy. Naisip niya ang mga alila ng kanyang ama na sapat ang pagkain at may tira pa, samantalang siya ay walang makain.

Ipinasiya niyang umuwi sa kanyang ama at hiniling na tanggapin siya bilang isa sa mga upahang alila nito. Nagbalik siyang nagsisisi sa lahat ng ginawa niya, at sinalubong siya ng butihin niyang ama bilang espesyal na anak. Naunawaan niya sa wakas na ang tunay na kaligayahan ay naroon sa simpleng buhay sa piling ng kanyang pamilya.

Lahat ng naghahangad ng ganap na kaligayahan ay matatagpuan ito sa ebanghelyo ni Jesucristo, na itinuturo sa Kanyang Simbahan. Sa doktrina ni Cristo, itinuro sa atin na maaari tayong maging bahagi ng dakilang plano ng kaligayahan na inihanda Niya para sa ating lahat, na Kanyang mga anak. Sa pagsunod natin sa Kanyang mga kautusan, pagpapalain tayo at malalaman natin ang tunay na kaligayahan. Nalaman natin na ang kaligayahan ay nasa paggawa ng maliliit na bagay na nagpapaunlad sa atin, na nagpapaibayo ng ating pananampalataya at patotoo. Maliliit na bagay na ginagawa natin sa araw-araw gaya ng:

Masaya tayo kapag nagdarasal tuwing umaga at gabi, kapag nadarama nating naririnig tayo ng Panginoon at laging handang magpala, magpatawad at tumulong sa atin. Masaya tayo kapag nadarama natin ang panghihikayat ng Espiritu Santo sa ating buhay. Kapag nadarama natin ang espiritu sa mahahalagang desisyon sa buhay natin. Masaya tayo kapag umuuwi galing sa mahirap at maghapong pagtatrabaho, sa piling ng ating pamilyang nagmamahal at nagpapahalaga sa atin. Masaya tayo kapag kausap ang ating mga anak, kasama ang pamilya, nakatipon sa gabi ng pamilya. Sa madaling salita, naliligayahan tayo araw-araw sa ating buhay, sa maliliit na bagay na ginagawa natin, at ganap tayong liligaya habang sinusunod natin ang mga kautusan ng mapagmahal na Diyos na nangangalaga sa atin.

Ang tunay na kaligayahan ay nagmumula sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. Itinuro sa atin sa 2 Nephi 2:25 na, "si Adan ay nahulog upang ang tao ay maging gayon; at ang tao ay gayon upang sila ay magkaroon ng kagalakan" o, sa madaling salita, nang sila'y lumigaya.

Nasaksihan ko ang kaligayahang ito sa buhay ng maraming miyembro ng Simbahan. Ilang linggo na ang nakalilipas naatasan akong mamuno sa isang kumperensya ng stake sa Cali, Colombia. Nakilala ko ang isang espesyal na binatilyong miyembro ng Simbahan na halimbawa ng kahulugan ng tunay na kaligayahan.

Siya'y si Fabián. Miyembro ng Simbahan ang pamilya niya at natutuhan niya ang plano ng kaligayahan noong maliit pa siya. Noong 1984, nang 3 taong gulang siya, nakatira si Fabian at ang pamilya niya malapit sa malapad at mataong kalye. Daanan ng bus ang kalyeng iyon.

Isang araw, nang makitang bukas ang tarangkahan, tinangkang tawirin ni Fabián ang kalye at nabundol siya ng bus. Salamat sa kabutihan ng Ama sa Langit, nakaligtas sa aksidente si Fabián. Dinala siya ng kanyang mga magulang sa tatlong iba't ibang ospital na nagsabing hindi nila kayang gamutin ito. Patuloy silang naghanap ng tulong, at nang makita ang angkop na tulong medikal, hindi na maganda ang lagay niya. Matapos sumailalim sa maraming operasyon, ipinaalam ng doktor sa pamilya na matindi ang pinsala sa kanyang mga paa at binti at para mailigtas siya, kailangan nilang putulin ang kanyang kanang binti.

Nagbago ang buhay ng batang si Fabián mula noon, na putol ang isang binti. Unti-unti niyang natutuhang kontrolin ang pagbalanse sa kanyang katawan at lumakad nang nakasaklay. Nag-aral siyang muli at sinuportahan siya ng kanyang mga guro at kaibigan. Pinagtawanan siya ng ilan ngunit agad niyang natutuhang huwag pansinin ang mga panunukso sa kanya.

Gusto niyang sumali sa mga pisikal na aktibidad, at madalas niya itong gawin. Kahit hindi siya manalo, matapang siya at handang makilahok.

Si Fabián ay kasalukuyang tagapayo sa Young Men Organization ng kanyang stake. Dumadalo siya sa mga klase sa institute, at aktibo sa organisasyon ng mga estudyante. Naglalaro siya ng basketbol at soccer. Nakikipaglaro din ng Ping-Pong sa mga kaibigan niya sa institute. Nagbibisikleta siya at ginagawa ang lahat ng ginagawa ng isang binatilyo. Boluntaryo siyang nagtuturo ng Ingles sa isang foundation na kumakalinga sa mga batang maralita.

Gustong maglingkod ni Fabián sa kanyang kapwa at sa Diyos nang buong lakas niya. Lagi siyang nakangiti at handang tumulong sa nangangailangan. Tunay ngang si Fabián ay isang maligayang binatilyo. Taglay ang kagila-gilalas na lakas na nagmumula sa pananampalataya at tiwala niya sa Diyos, isang dakilang halimbawa si Fabián sa kanyang mga kababayan.

Nagmumula ang kanyang kaligayahan sa pamumuhay nang marapat araw-araw, at pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. Ipinaaalala niya sa akin ang kasulatan sa Mosias 2:41: "At bukod dito, ninanais kong inyong isaalang-alang ang pinagpala at maligayang kalagayan ng mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Sapagka't masdan, sila ay pinagpala sa lahat ng bagay, kapwa temporal at espirituwal; at kung sila ay mananatiling matapat hanggang wakas, sila ay tatanggapin sa langit upang doon sila ay manahanang kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan. O tandaan, tandaan na ang mga bagay na ito ay totoo; sapagkat ang panginoong Diyos ang siyang nagsabi ng mga ito."

Sa pagsunod sa mga utos ng Diyos, liligaya tayo magpasawalang-hanggan. Sinabi ng Panginoon sa Alma 41:10 na "ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan."

Bilang lingkod ng Diyos at bilang miyembro ng Kanyang Simbahan, inaanyayahan ko kayong maging tunay na maligaya sa pagtalima sa Kanyang mga payo, sa pamumuhay ng Kanyang mga kautusan, at pagsunod sa mga salita ng Kanyang buhay na mga propeta.

Alam ko na isa sa mga malaking impluwensiya sa ating kaligayahan ay ang pakikinig sa payo ng mga buhay na propetang nagtuturo sa atin sa Simbahang ito.

May patotoo ako na buhay ang Diyos, na si Jesus ang Cristo, ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Ibinigay Niya ang Kanyang mahalagang buhay para sa bawat isa sa atin. Alam ko nang buong puso na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos. Alam kong ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos, at maaakay tayo nito sa mga landas ng kaligayahan.

Alam ko na si Pangulong Gordon B. Hinckley ay propeta ng Diyos ngayon, at nagtuturo siya sa atin nang may pagmamahal at tiyaga kung paano tayo liligaya sa buhay na ito at sa kabila.

Ang mga bagay na ito ay bahagi ng aking patotoo sa katotohanan, at ibinabahagi ko ito sa inyo, mga kapatid ko, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy