Bishop Keith B. McMullin
Pangalawang Tagapayo sa Presiding Bishopric
Ang mga alituntunin ng pag-ibig, paggawa, tiwala sa sariling kakayahan, at paglalaan ay bigay ng Diyos. Ang mga yumayakap sa mga ito at iniaayon ang kanilang sarili ay nagiging dalisay ang puso.
Sa pakikipagpulong namin sa mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo, tila iisa ang hamon sa lahat: ang sapat na oras para magawa ang lahat ng bagay na kailangang gawin. Sa mga kaunti lang ang mapagkukunan, kailangan ng dagdag na oras para makamit ang mga kailangan sa buhay. Sa mga nakasasapat, kailangan ng dagdag na oras para matamasa ang kaginhawahan sa buhay. Nakakatakot ang hamong ito dahil nakapako ang oras; di kayang dugtungan ng tao ang araw o kaya'y pahabain ang taon.
Kagagawan ito ng mundo. Habang masugid na humahanap ang mundo ng epektibong paraan sa paggamit ng oras, lalo tayong inaakit nito sa mga makamundong bagay. Ngunit ang buhay ay hindi pakikipaglaban sa orasito'y labanan sa pagitan ng mabuti at masama.
Kung ano ang gagawin dito ay desisyong mahirap gawin. Noong 1872, pinayuhan ni Propetang Brigham Young ang mga Banal hinggil sa paksang ito. Sabi niya: "Teka! Sandali! Sa pagbangon ninyo sa umaga, bago man lang kayo sumubo ng pagkain, . . . yumuko sa harap ng Panginoon, hilinging patawarin niya ang inyong mga kasalanan, at pangalagaan kayo sa maghapon, ilayo kayo sa tukso at lahat ng masama, gabayan ang mga kilos ninyo, nang makagawa kayo sa araw na iyon ng bagay na makabubuti sa kaharian ng Diyos sa mundo. May oras ba kayong gawin ito? . . . Ito ang payo ko sa mga Banal sa mga Huling Araw ngayon. Teka, huwag magmadali. . . . Masyado kayong nagmamadali; kulang kayo sa miting, kulang kayo sa panalangin, kulang ang pagbabasa ninyo ng Banal na Kasulatan, kulang kayo sa pagninilay, parang lagi kayong lilipad, at sa pagmamadali ay di ninyo alam kung ano ang uunahin. . . . Gagawin ko itong simple ang sasabihin kopinakasimple at karaniwang magagamit'Lagi ninyong itihaya ang inyong pinggan,' para kapag nandiyan na ang lugaw, mapupuno ang inyong pinggan."1
Gamitin ang plano ng ebanghelyo sa paggawa ng mga priyoridad. Inutos ng Panginoon: "Kaya nga, huwag hanapin ang mga bagay ng daigdig na ito sa halip inyo munang hangaring itatag ang kaharian ng Diyos [o Sion], at pagtibayin ang kanyang katwiran, at ang lahat ng bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo."2
Noong bata pa ako at nasa katimugang Utah, ang mga konsepto ng Sion ay di kasinglinaw na gaya ngayon. Tumira kami sa maliit na bayan na di kalayuan sa Zion National Park. Madalas naming awitin sa simbahan ang mga pamilyar na salitang:
"Israel, Diyos ay tumatawag,
Tumatawag sa inyo.
Pagguho ng Babilonia;
Ay kagustuhan ng Diyos.
Sa Sion ay magsitungo
At doo'y ligtas kayo.
Sa Sion ay magsitungo
At doo'y ligtas kayo.3
Sa mura kong isipan, nakita ko ang ubod nang gandang mga talampas at nagtataasang tuktok na bato ng pambansang parke na iyon. Paliku-liko sa gilid ng nagtataasang mga dalisdis ang agos ng tubig sa ilogkung minsa'y banayad, minsan nama'y rumaragasa ang tubig. Kaya maiisip ninyo kung gaano ako nalito nang subukan kong itugma ang mga salita ng himno sa pamilyar na kapaligiran ng magandang parke na iyon. Bagama't hindi ito lumapat, nakintal sa isip ko na ang Sion ay bagay na maringal at banal. Sa pagdaan ng mga taon, mas luminaw ang aking pang-unawa. Mababasa natin sa mga banal na kasulatan, "Samakatwid, katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon, ang Sion ay magdiwang, dahil ito ang Sionang may dalisay na puso."4
Ang pagtatatag ng Sion ang dapat hangarin ng bawat miyembro ng Simbahan. Masasabi nating: Habang buong puso nating hinahangad na maitatag ang Sion, ang pag-aalala na kulang tayo sa panahon ay maglalaho. May kaligayahan at pagpapala sa pakikibahagi sa marangal na gawaing ito. Ang personal na buhay ng tao ay napagbabago. Ang tahanan ay hindi na isang hotel kundi lugar ng kapayapaan, katiwasayan, at pagmamahalan. Ang lipunan mismo ay nagbabago. Sa Sion, naglalaho ang pagtatalo at alitan, ang kaibhan ng antas ng pamumuhay at pagkamuhi ay napapawi, walang mahirapsa espirituwal o temporal, at wala nang anumang uri ng kasamaan. Gaya ng patunay ng marami, "Tunay na wala nang mas maliligayang tao pa sa lahat ng tao . . . na nilikha ng kamay ng Diyos."5
Ang propeta noon na si Enoc ay gumawa sa loob ng maraming taon upang dalhin ang kanyang mga tao sa kalagayan ng kabutihan. Gaya ng ating panahon, namuhay din sila sa panahon ng kasamaan, digmaan at pagdanak ng dugo. Ngunit ang matwid na mga tao ay tumalima. "At tinawag ng Panginoon ang kanyang mga tao na Sion, sapagkat sila ay may isang puso at isang isipan, at namuhay sa kabutihan; at walang maralita sa kanila."6
Pansining mabuti ang salitang sapagkat. Ang Sion ay naitatatag at umuunlad sapagkat binigyang inspirasyon ng Diyos ang buhay at paggawa ng mga mamamayan nito. Ang Sion ay hindi dumarating na tila regalo kundi dahil sa nagkakaisa at tulung-tulong sa paggawa ang mabubuting tao ng tipan. Sabi ni President Spencer W. Kimball: "Sa pag-awit natin ng 'Sa Sion ay Magsitungo,' ibig sabihin ay . . . magpunta sa ward, branch, misyon, stake, at tumulong na maitatag ang Sion."7 Natitipon sa paraan ng Panginoon, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay puspusang nagsisikap na maitatag ang Sion bilang "kaharian ng ating Diyos at ng kanyang Cristo,"8 bilang paghahanda sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.9
Pinaalalahanan tayo ni Pangulong Hinckley na "ang gawaing kinabibilangan natin ay hindi ordinaryong gawain. Ito'y gawain ni Cristo. Ito'y kaharian ng Diyos na ating Amang Walang Hanggan. Pagtatatag ito ng Sion sa mundo."10
"Kung itatatag natin ang Sion na binanggit ng mga propeta na ipinangako ng Panginoon, dapat nating isantabi ang ating matinding kasakiman. Dapat nating talikuran ang layaw ng magaan na pamumuhay, at sa mismong proseso ng pagsisikap at pagpupunyagi, maging sa ating mahigpit na pangangailangan, lalo nating higit na makikilala ang ating Diyos."11
Ilan sa mga dokrina na sanhi ng paglitaw ng pinakamataas na uri ng orden ng samahan ng priesthood ay ang pag-ibig, paglilingkod, paggawa, tiwala sa sariling kakayahan, paglalaan, at pangangasiwa.12 Upang higit na maunawaan kung paano natin maitatatag ang Sion sa mga pundasyong ito ng katotohanan, isaalang-alang natin ang apat sa mga ito.
Ang una ay pag-ibig.
"Sinabi ni Jesus . . . Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng boong puso mo, at ng boong kaluluwa mo, at ng boong pagiisip mo.
"Ito ang dakila at pangunang utos.
"At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.
"Sa dalawang utos na ito'y nauuwi ang boong kautusan, at ang mga propeta."13
Ang ibigin ang Diyos nang higit sa lahat ay nagsasabi sa ating kontrolin ang ating mga priyoridad at ayusin ang ating buhay para maiayon ito sa Kanya. Natututuhan nating mahalin ang lahat ng nilikha ng Diyos, pati ang ating kapwa. Ang pag-una sa Panginoon sa lahat ng bagay ay nagpapaalab sa pagmamahal at katapatan ng mag-asawa, mga magulang at mga anak. Sa Sion, nakikita natin ang "bawat taong hinahangad ang kapakanan ng kanyang kapwa, at ginagawa ang lahat ng bagay na ang mata ay nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos."14
Kasunod ang paggawa. Ang paggawa ay pisikal, mental, o espirituwal na pagsisikap. Inutos ng Panginoon, "Sa pamamagitan ng pawis ng iyong mukha, ay kakain ka ng tinapay."15 Ang paggawa ay pinagmumulan ng kaligayahan, pagpapahalaga sa sarili, at kaunlaran. Sa ekonomiya ng Diyos, walang lugar para sa panlilinlang at kasakiman. Ang paggawa ay matapat na pagtatrabaho na may kaakibat na banal na layunin: "Ang manggagawa sa Sion ay gagawa para sa Sion; sapagkat kung gagawa sila para sa salapi, sila ay masasawi."16
Kasunod ang tiwala sa sariling kakayahan. Saligan ito ng personal na pagpili at seguridad. Ang Simbahan at ang mga tao nito ay inutusan ng Panginoon na maging handa, tumayo sa sariling paa, at tumayong malaya.17 Ang panahon ng kasaganaan ay panahon para mag-impok at mag-imbak. Ang panahon ng kasalatan ay panahon para magtipid at gamitin ang nakaimbak.
"Walang tunay na Banal sa Huling Araw, habang siya ay pisikal at emosyonal na may kakayahan, na sasadyaing ilipat ang kanyang mga pananagutan o ang pasanin ng kanyang pamilya sa iba. Hangga't kaya niya, sa ilalim ng inspirasyon ng Panginoon at kalakip ang kanyang paggawa, tutustusan niya ang kanyang sarili at ang kanyang pamilya sa espirituwal at temporal na mga pangangailangan sa buhay."18
Tayo'y mga anak ng Diyos at tunay na sa Kanya galing ang lahat ng mayroon tayo. Kung susundin natin ang Kanyang mga utos, di Niya tayo pababayaan. Ngunit di gagawin ng Ama sa Langit ang magagawa at dapat na gawin natin para sa ating sarili. Umaasa Siyang gagamitin natin ang mga bagay na nagmula sa Kanya upang pangalagaan natin ang ating sarili at ang ating pamilya. Kapag ginawa natin ito, tayo'y tumatayo sa ating sariling mga paa.19
At panghuli, ang paglalaan. Kabilang sa tipan ng paglalaan ang pagsasakripisyo; nakapaloob dito ang pag-ibig, paggawa, at tiwala sa sariling kakayahan; at ito'y kailangan sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos. "Ang Sion ay hindi maitatayo," sabi ng Panginoon, "kung hindi ito ayon sa mga alituntunin ng batas ng kahariang selestiyal."20 Ang tipan ng paglalaan ang sentro ng batas na ito. Balang-araw ganap nating susundin ito. Kasama sa tipang ito ang "pag-uukol ng oras, talino, at mga pag-aari upang kalingain ang mga nangangailangansa espirituwal o temporalat sa pagtatayo ng kaharian ng Panginoon."21
Ang mga alituntuning ito ng pag-ibig, paggawa, tiwala sa sariling kakayahan, at paglalaan ay bigay ng Diyos. Ang yumayakap sa mga ito at iniaayon ang kanilang sarili ay nagiging dalisay ang puso. Ang matwid na pagkakaisa ay katangian ng kanilang samahan. Ang kanilang kapayapaan at pagkakaisa ay nagiging bandila sa mga bansa. Sabi ng Propetang Joseph Smith:
"Ang pagtatayo ng Sion ay gawain na bumighani sa mga tao ng Diyos sa bawat panahon; ito'y paksang binigyang-diin ng mga propeta, saserdote, at hari nang may kakaibang galak; . . . narito ito upang ating mamalas, pagmalasakitan, at tulungang maisulong ang kaluwalhatian [ng Sion] sa mga huling araw . . . ang gawain na nakatakdang lumipol sa kapangyarihan ng kadiliman, ng pagpapanibago ng daigdig, ng kaluwalhatian ng Diyos, at ng kaligtasan ng pamilya ng sangkatauhan."22
Saksi ako na ang mga bagay na ito'y totoo. Si Pangulong Gordon B. Hinckley ay propeta ng Diyos sa mundo, gaya ni Joseph Smith, Jr. Ang kaharian ng Diyos ay Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at magiging Sion sa buo nitong kagandahan. Si Cristo ang Tagapagligtas ng daigdig, ang Bugtong na Anak ng Diyos na buhay, ang Banal ng Israel. Sa ngalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Deseret News Weekly, 5 Hunyo 1872, 248; idinagdag
ang pagbibigay-diin.
2. Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 6:38.
3. "Israel, Diyos ay Tumatawag," Mga Himno, blg.
67.
4. D at T 97:21.
5. Tingnan sa 4 Nephi 1:16; tingnan din sa tt. 118.
6. Moises 7:18; idinagdag ang pagbibigay-diin.
7. Sa Conference Report, Paris Area Conference 1976, 3.
8. D at T 105:32; tingnan din sa 68:2531; 82:14; 115:16.
9. Tingnan sa D at T 65:2, 6.
10. Sa Conference Report, Okt. 1989, 70; o Ensign, Nob.
1989, 53.
11. Sa Conference Report, Okt. 1991, 78; o Ensign, Nob.
1991, 59.
12. Tingnan sa Spencer W. Kimball, "'And the Lord Called
His People Zion,'" Tambuli, Dis. 1984, 29.
13. Mateo 22:3740.
14. D at T 82:19.
15. Moises 4:25; tingnan din sa Genesis 3:19.
16. 2 Nephi 26:31.
17. Tingnan sa D at T 78:1314; 38:2931.
18. Spencer W. Kimball, sa Conference Report, Okt. 1977, 124;
o Ensign, Nob. 1977, 7778; tingnan din sa I Timoteo 5:8.
19. Tingnan sa Providing in the Lord's Way: A Leader's Guide
to Welfare (hanbuk sa welfare, 1990), 5.
20. D at T 105:5.
21. Tingnan sa Tambuli, Dis. 1984, 7.
22. Teachings of the Prophet Joseph Smith, seleksiyon
ni Joseph Fielding Smith (1976), 23132; idinagdag ang pagbibigay-diin.