The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2002
Pinagpala ng Tinig ng mga Propeta ang Pandaigdigang Simbahan

Pinagpala ng Tinig ng mga Propeta ang Pandaigdigang Simbahan

Elder Dieter F. Uchtdorf
Ng Panguluhan ng Pitumpu

Makinig tayo sa mga propeta ng ating panahon habang tinutulungan nila tayong tumuon sa mga bagay na mahalaga sa plano ng Maylikha.

Elder Dieter F. Uchtdorf

Malaking kagalakan at pribilehiyo ang maging bahagi ng pandaigdigang Simbahan at maturuan at mabigyang-sigla ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag! Isinasahimpapawid ang kumperensyang ito sa 68 bansa at isinalin sa 55 wika. Tunay na pandaigdigang Simbahan ito na may mga miyembrong nakakalat sa lahat ng bansa sa daigdig. Lahat tayo'y anak ng buhay at mapagmahal na Diyos, ang ating Ama sa Langit. Ipinararating ko ang pagmamahal ko sa inyo, mahal kong mga kapatid.

Tatlong buwan pa lang ang nakararaan nakibahagi tayo, sa inspiradong pamumuno ni Pangulong Gordon B. Hinckley, sa dedikasyon ng muling itinayong Nauvoo Temple. Ibinalik tayo nito kay Propetang Joseph at sinariwa sa ating alaala ang mga Banal noon, ang mga sakripisyo nila, kalungkutan, at luha, gayundin ang kanilang tapang, pananampalataya, at tiwala sa Panginoon. Wala akong ninuno sa mga tagabunsod ng ika-19 na siglo. Gayunman, mula nang mabinyagan ako sa Simbahan, malapit na ang damdamin ko sa mga tagabunsod na iyon na tumawid ng kapatagan. Sila ang espirituwal na ninuno ko, at gayon din sa bawat miyembro ng Simbahan, anuman ang bansa, wika, o kultura. Itinatag nila hindi lang ang isang ligtas na lugar sa Kanluran kundi ang espirituwal na pundasyon din sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa lahat ng bansa sa mundo.

Dahil tanggap na ngayon ang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa buong mundo, tayong lahat ay mga tagabunsod sa ating lugar at kalagayan. Sa pagtatapos ng gulo ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Germany unang narinig ng pamilya ko ang tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Si George Albert Smith ang Pangulo noon. Bata pa ako noon at dalawang beses nawala ang lahat ng ari-arian namin sa loob lang ng pitong taon. Mga refugee kami na walang tiyak na kinabukasan. Gayunman, sa pitong taong iyon, higit pa ang natamo namin kaysa anumang mabibili ng salapi. Nakatagpo kami ng makalangit na kanlungan, isang lugar na ligtas sa kawalang-pag-asa—ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo at ang Kanyang Simbahan, na pinamumunuan ng isang tunay at buhay na propeta.

Sa panahong ito ng aking kamusmusan naglalaro ako sa mga binombang bahay at lumaki sa gitna ng mga alaala ng digmaang ikinatalo ng aming bansa at batid na ang sarili kong bansa ang sanhi ng matinding pasakit sa maraming bansa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Ang magandang balita na ginawa ni Jesucristo ang perpektong Pagbabayad-sala para sa sangkatauhan, na tumubos sa lahat mula sa kamatayan at naggantimpala sa bawat tao ayon sa kanyang mga gawa, ang siyang nagbigay ng pag-asa at kapayapaan sa aking buhay.

Anuman ang ating mga hamon sa buhay, gagaan ang ating mga pasanin kung maniniwala tayo kay Cristo at sa Kanyang kakayahan at kapangyarihang linisin at aluin ang ating buhay at tatanggapin ang Kanyang kapayapaan.

Si Pangulong David O. McKay ang propeta noong tinedyer ako. Parang personal ko siyang kilala: dama ko ang kanyang pagmamahal, kabaitan, at dangal; binigyan niya ako ng tiwala at tapang sa aking kabataan. Kahit na ako'y lumaki na libong milya ang layo sa Europa, dama kong nagtitiwala siya sa akin, at ayaw ko siyang biguin.

Ang isa pang pinagmumulan ng lakas ay ang liham ni Apostol Pablo kay Timoteo, ang kanyang pinagkakatiwalaang katuwang at kaibigan, habang siya'y nasa piitan. Isinulat niya:

"Sapagka't hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng katakutan; kundi ng kapangyarihan at ng pag-ibig at ng kahusayan.

"Huwag mo ngang ikahiya ang pagpapatotoo sa ating Panginoon" (II Kay Timoteo 1:7–8).

Napukaw ako ng mga salitang ito mula sa isa sa mga Apostol noon ng ating Tagapagligtas, noon at hanggang ngayon. Subalit ilan sa atin ang pumapayag na makontrol ng ating takot sa panahong ito ng gulo sa buong mundo, ng walang-katiyakang ekonomiya at pulitika, at personal na mga hamon.

Di-nagbabago ang Diyos sa pakikipag-usap sa atin. Makikitungo ang Diyos nang pantay sa lahat ng pamilya ng tao. Maaaring nasa malaking ward o maliit na branch tayo, maaaring magkaiba ang ating klima o pananim, pinagmulang kultura at wika, at kulay ng balat. Ngunit ang kapangyarihang pandaigdig at pagpapala ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay para sa lahat, anuman ang kultura, bansa, sistema sa pulitika, tradisyon, wika, ekonomiya, kapaligiran, o edukasyon.

Ngayo'y mayroon na naman tayong mga apostol, tagakita, at tagapaghayag na mga bantay sa tore, mensahero ng makalangit at nagpapagaling na katotohanan. Alam na alam nila ang iba't ibang kalagayan nating mga miyembro. Narito sila sa mundo, ngunit hindi makamundo.

May buhay na propeta tayo sa balat ng lupa, maging si Pangulong Gordon B. Hinckley. Alam niya ang ating mga hamon at kinatatakutan. May mga inspirado siyang kasagutan. Noong nakaraang taon tinuruan niya tayo sa kanyang masaya at maliwanag na paraan. Sabi niya:

"Hindi dapat matakot. Maaari tayong magkaroon ng kapayapaan ang ating puso at tahanan. Maaari tayong maging impluwensiya sa kabutihan sa mundong ito, lahat tayo. . . .

". . . Nakasalalay ang ating kaligtasan sa pagsisisi. Ang lakas natin ay nagmumula sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos" ("Sa Panahon Natin Ngayon," Liahona, Enero 2002, 83).

Nagsasalita sa atin nang buong linaw ang mga propeta sa ngalan ng Panginoon. Gaya ng pinatutunayan ng Aklat ni Mormon, "Sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagbibigay-liwanag sa pang-unawa; sapagkat siya ay nagsasalita sa mga tao alinsunod sa kanilang wika, sa kanilang ikauunawa" (2 Nephi 31:3).

Responsibilidad natin hindi lang makinig kundi sumunod din sa Kanyang salita, upang maangkin natin ang mga pagpapala ng mga ordenansa at tipan ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Sabi niya, "Ako, ang Panginoon, ay nakatali kapag ginawa ninyo ang aking sinabi; subalit kapag hindi ninyo ginawa ang aking sinabi, kayo ay walang pangako" (D at T 82:10).

Marahil may mga oras na tila nadadaig, nasasaktan, o nasisiraan ng loob tayo habang sinisikap nating maging perpektong mga miyembro ng Simbahan. Magtiwala, may balsamo sa Galaad. Makinig tayo sa mga propeta ng ating panahon habang tinutulungan nila tayong tumuon sa mga bagay na mahalaga sa plano ng Maylikha para sa walang-hanggang tadhana ng Kanyang mga anak. Kilala tayo ng Panginoon, mahal Niya tayo, nais Niya tayong magtagumpay, at hinihikayat Niya tayo sa pagsasabing: "At tiyakin na ang lahat ng bagay . . . ay gagawin sa karunungan at kaayusan; sapagkat hindi kinakailangan na ang [mga lalaki o babae] ay tumakbo nang higit na mabilis kaysa sa [kanilang] lakas. . . . [Ngunit] kinakailangang [sila] ay maging masigasig" (Mosias 4:27).

Masigasig ba tayo sa pagsunod sa mga utos ng Diyos, at hindi tumatakbo nang mas mabilis kaysa ating lakas? O dahan-dahan lang tayong namamasyal? Matalino ba nating ginagamit ang ating oras, talento, at kabuhayan? Nakatuon ba tayo sa mahahalagang bagay? Sinusunod ba natin ang inspiradong payo ng mga propeta?

Ang isang halimbawang napakahalaga sa sangkatuhan ay ang pagpapalakas ng ating mga pamilya. Ang alituntunin ng family home evening ay ibinigay sa atin noong 1915. Muling ipinaalala ni Pangulong McKay sa mga magulang noong 1964 na "walang ibang tagumpay ang makapupuno sa pagkukulang sa tahanan" (sinipi mula sa J. E. McCulloch, Home: The Savior of Civilization [1924], 42; sa Conference Report, Abr. 1964, 5). Noong 1995 nanawagan sa buong mundo ang mga propeta ng ating panahon na palakasin ang pamilya bilang pangunahing yunit ng lipunan. At tatlong taon pa lang ang nakararaan magiliw na ipinahayag ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol na: "Pinapayuhan namin ang mga magulang at anak na bigyan ng pinakamataas na priyoridad ang panalangin ng mag-anak, family home evening, pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo, at mga nakasisiyang aktibidad ng mag-anak. Gaano man karapat at kaangkop ang iba pang pangangailangan o aktibidad, di dapat payagang halinhan ng mga ito ang mga itinakdang banal na tungkuling tanging mga magulang at mag-anak lamang ang makagaganap" (Liham mula sa Unang Panguluhan, Liahona, Dis. 1999, 1).

Mapakumbaba at may pananalig nating sariwain ang ating dedikasyon at matibay na pangakong susundin ang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag nang buong sigasig. Makinig upang matagubilinan at mapasigla ng mga maytaglay ng mga susi ng kaharian. At sa pagdalo natin sa kumperensyang ito, nawa'y magbago ang ating mga puso, upang magkaroon ng dakilang hangaring gawin ang mabuti (tingnan sa Alma 19:33), at maging mga tagabunsod tayo sa pagtatayo ng espirituwal na pundasyong magtatatag sa Simbahan sa bahagi natin sa mundo. Sa ngalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy