Elder F. Melvin Hammond
Ng Pitumpu
Naiisip ba ng inyong mga anak kung tulog kayo pagdating sa mga bagay na lubhang mahalaga sa kanila?
Kani-kanina lang, nakipagkita kami nina Elder Pace at Elder Condie sa Unang Panguluhan. Pagpasok namin sa silid tiningnan kaming mabuti ni Pangulong Hinckley at pagkatapos ay nakangiting sinabi, "Paano naging Panguluhan ng Young Men ng Simbahang ito ang tatlong matatandang lalaking puti na ang buhok?" Ang tanging nasabi nami'y, "Dahil tinawag ninyo kami sa tungkuling ito, President."
Mga kabataang lalaki, umaasa kami na interesado kayo sa programang Aaronic Priesthood: Pagtupad sa Ating Tungkulin sa Diyos. Pinasimulan na ito sa lahat ng Aaronic Priesthood sa buong mundo. Nilayon ito upang pagpalain kayo sa espirituwal, pisikal, sosyal, at mental. Makabuluhan ang mga kinakailangan at ibubuhos ninyo rito ang lahat ng makakaya ninyo. Makagagawa kayo ng personal na mga mithiin at makakamit ang mga ito sa tulong ng inyong mga magulang at magagaling ninyong lider. May kamangha-manghang sigla sa programang ito sa buong Simbahan. Nais naming maging marapat ang bawat isa sa inyo at makatanggap ng pinakaaasam na Gawad na Tungkulin sa Diyos.
Dinala ko noon ang kaisa-isang anak naming lalaki sa una niyang kamping at pangingisda. Musmos pa siya noon. Matarik ang bangin, mahirap ang pababa sa ilog. Pero magandang mangisda. Tuwing makakabingwit ako ng isda iaabot ko ang pamingwit sa sabik na bata at sumisigaw siya sa galak habang iniikid niya ang tali ng pamingwit at nakikita na niya ang magandang isda. Sa lilim at lamig ng dapithapon, sinimulan naming akyatin pabalik ang gilid ng bangin. Nakipag-unahan siya sa akin sa pag-akyat sa bundok at hinamon ako, "Tena, Itay. Siguro mauuna ako sa tuktok." Narinig ko ang hamon, pero minabuti kong di ito pansinin. Halos lumipad ang maliit niyang katawan sa bawat hadlang sa daan habang parang mamamatay naman ako sa bawat hakbang. Narating niya ang tuktok at sinabihan akong magpatuloy. Matapos ang hapunan, lumuhod kami't nagdasal. Matamis na pumailanlang sa langit ang maliit niyang tinig sa panalangin sa pagtatapos ng aming araw. Pagkatapos ay nahiga kami sa malaking double sleeping bag at makalipas ang kaunting tulakan at hilahan naramdaman kong tumabi ang maliit niyang katawan sa akin para mainitan at mapanatag sa magdamag. Habang minamasdan ko ang katabi kong anak, bigla kong nadama ang bugso ng pagmamahal sa aking kalooban at ako'y napaluha. Nang sandaling iyon mismo iniyakap niya sa akin ang maliliit niyang bisig at sinabing, "Itay."
"Ano 'yon, anak."
"Gising ba kayo?"
"Oo, anak ko, gising ako."
"Itay, mahal ko kayo nang isang milyon-trilyong beses!!"
At agad siyang nakatulog. Ngunit, gising ako hanggang hatinggabi sa kapapasalamat sa gayon kagandang pagpapala sa katauhan ng isang batang lalaki.
Ngayo'y malaki na ang anak ko at may sarili nang anak. Paminsan-minsa'y nangingisda kaming tatlo. Minamasdan ko sa tabi ng kanyang ama ang maliit kong apo na pula ang buhok at naaalala ko ang larawan ng napakagandang sandaling iyon matagal na panahon na ang lumipas. Ang inosenteng tanong na, "Itay, gising ba kayo?" ay kumakalabit pa rin sa aking puso.
Sa bawat ama, iyon din ang gusto kong itanong, "Itay, gising ba kayo?" Naiisip ba ng inyong mga anak na tulog kayo pagdating sa mga bagay na lubhang mahalaga sa kanila? Gusto kong sabihin na may ilang bagay na magpapahiwatig kung "gising" o "tulog" tayo sa mga mata ng ating mga anak.
Una, ang pagmamahal natin sa Diyos at pagtanggap sa ating tungkulin bilang lider ng pamilya sa pagsunod sa Kanyang mga kautusan. Ilang taon na ang nakalilipas, pagkatapos ng kumperensya ng stake, naisip kong dalawin ang isang priesthood na nawala sa Simbahan. Nadatnan namin siyang naghahalaman. Nilapitan ko siya at sinabing, "Mahal na kapatid, ipinadala ako ng Panginoong Jesucristo para dalawin ka. Ako si Elder Hammond, isa sa Kanyang mga alagad."
Nagyakapan kaming tulad ng mga Latino at pumasok sa kanyang magandang munting tahanan. Tinawag niya ang kanyang asawa at tatlong anak para humarap rin sa amin. Dalawang makikisig na binatilyo at isang magandang batang babae ang umupo sa tabi ng kanilang ama't ina. Tinanong ko sa mga bata kung ano ang pinakagusto nila sa lahat sa sandaling iyon. Nagsalita ang panganay, "Kung makakabalik sana ang aming buong pamilya sa Simbahan, labis kaming liligayamagpapasalamat." Sinabi namin kanila na kailangan at mahal sila ng Tagapagligtas. Nagpatotoo kami at lumuhod para magdasal. Nanalangin ang ama. Umiyak ang ina. Ngayo'y ganap na silang nakabalik sa Simbahan. Ipinagmamalaki ng mga bata ang kanilang ama at masaya sila.
Bawat ama sa Simbahan ay dapat gumanap bilang patriarch ng kanyang tahanan. Dapat niyang patnubayan sa espirituwal ang kanyang pamilya. Hindi niya dapat ipasa, o ipabalikat sa asawa niya ang kanyang responsibilidad. Siya dapat ang tumawag para manalangin ang pamilya, mag-family home evening, magbasa ng banal na kasulatan, at paminsan-minsang mag-interbyu sa mga anak. Siya ang tagapangalaga, tagapagtanggol, at ang mahinahong tagadisiplina. Ang ama ang dapat mamuno, magbuklod at magpatibay sa pamilya sa pagtanggap ng priesthood ng Diyos at pagtugon sa mga tawag at pribilehiyong kaakibat ng awtoridad ng priesthood. Ang kaugnayan niya sa Diyos at sa Kanyang Anak na si Jesucristo ay isa sa mga parolang tatanglaw sa kanyang mga anak sa mga pagsubok sa buhay.
Kung si Itay ay tunay na disipulo ni Jesucristo, susunod sa kanya ang mga anak gaya ng pagsunod ng gabi sa araw. "Itay, gising ba kayo?"
Ikalawa, ang relasyon natin sa ating mga asawaang kanilang mga ina. Kung titingnan ang lahat ng ginagawa natin, ang pakikitungo natin sa ating asawa ang may pinakamalaking impluwensya sa pagkatao ng ating mga anak na lalaki. Kung sinasaktan ng ama ang kanyang asawa sa salita o sa gawa sa anumang paraan, magagalit sa kanya ang kanyang mga anak na lalaki, baka kamuhian pa siya dahil dito. At kapansin-pansin na kapag lumaki sila at nag-asawa, malamang na gawin din nila ang gayong pang-abuso sa kanilang asawa. Kailangan sa ating lipunan ang mga amang gumagalang at nagmamahal sa kanilang asawa.
Kamakaila'y narinig ko ang tungkol sa isang ama na walang pakundangang tinawag na "tanga" at "bobo" ang maganda at matalino niyang asawa dahil sa maliit na pagkakamali na di niya sinasadya. Narinig ito ng mga anak, at nahiya at natakot para sa kanilang Ina. Hinamak siya sa harap ng mga taong pinakamamahal niya. Kahit nagkapatawaran pa, nanatili pa rin ang sakit at kahihiyan ng sandaling walang kabuluhan.
Huwag asahan na pagpapalain ng Espiritu ng Panginoon ang ating buhay kung patuloy tayong galit, manhid at malupit sa ating asawa. Hindi natin maaasahan ang ating mga anak na magkaroon ng respeto at pagkagiliw sa kanilang ina kung di natin ipapakita ang wastong halimbawa. Sabi ni Pangulong David O. Mckay, "Ang pinakamahalagang magagawa ng isang ama para sa kanyang mga anak ay ang mahalin ang kanilang ina" (sinipi mula kay Theodore Hesburgh, Reader's Digest, Ene. 1963, 25; sa Richard L. Evans Quote Book [1971], 11). "Itay, gising ba kayo?"
Ikatlo, ang magbigay ng patas na disiplina na isinagawa nang may pagmamahal. Kadalasan bunga ng sarili nating kabiguan at kahinaan pinapalo natin ang ating mga anak, na karaniwan ay para protektahan ang ating makasariling kapalaluan. Kailangang disiplinahin ang bawat bata. Hindi lang nila ito kailangan, inaasahan nila ito; nais nila ito. Ang disiplina ay nagbibigay ng direksyon at nagtuturo ng pagpipigil sa sarili, pero sa lahat ng pagdidisiplina dapat ay mayroong matwid na pagpapasiya at dalisay na pagmamahal.
Noong bata pa ako binigyan ako ng biyuda kong ina ng pinakamatinding disiplinang maibibigay niya. Sinabi niya, nang may luha sa mga mata, "Anak, bigung-bigo ako sa iyo." Di ko makayanan ang sakit na nadama ko sa aking puso. Sanlibong latay man ay hindi susugat sa akin nang gayon kalalim. Alam kong pinagalitan lang ako dahil sa dalisay na pagmamahal niya sa akin, dahil kung may isang bagay man na tiyak ko, iyon ay ang mahal ako ni Inay. Nagpasiya akong di na muling bibiguin at sasaktan ang damdamin ng aking mabait na ina. Naniniwala akong matagumpay ko itong naisagawa.
Pagdating sa pagdidisiplina, "Itay, gising ba kayo?"
Mga Tatay, kailangan tayong maging matatag sa binanggit kong mga pagsubok kung nais nating mawasto ang espirituwal at emosyonal na paglaki ng ating mga anak na lalaki. Sa gayo'y hindi nila tayo ikahihiya, ni ikahihiya ang kanilang sarili. Lalaki silang may dangal, kagalang-galang, puno ng pagmamahal, handang maglingkod sa Tagapagligtas at isusuko ang kanilang kalooban sa Kanya. Sa gayo'y magagalak tayo sa katotohanang sila ay atin magpakailanman. Sasabihin nila, "Itay, gising ba kayo?"
At sasagot tayo ng, "Oo, anak, gising ako."
Sa pangalan ni Jesucristo, amen.