Pangulong Gordon B. Hinckley
May puwang para sa pagbabago sa bawat buhay. . . . Anuman ang ating kalagayan, mapagbubuti natin ang ating sarili at habang ginagawa ito ay makaaapekto sa buhay ng mga tao sa ating paligid.
Napakagandang kumperensya nito, mga kapatid. Sa pagbalik natin sa ating mga tahanan at mga pang-araw-araw na gawain, dapat maging mas mabuting tao ang bawat isa sa atin kaysa noong magsimula ang kumperensya.
Magagaling ang lahat ng nakapagsalita na. Nagbibigay-inspirasyon ang kanilang mga dasal. Kahanga-hanga ang musika.
Pero ang pinakamahalaga ay ang maaaring maganap sa damdamin ng bawat isa sa atin bunga ng ating karanasan. Ako mismo ay gumawa ng mas matibay na pagpapasiya sa aking sarili na mas maging mabuting tao kaysa noon. Umaasa akong magiging mas maawain sa sinumang nababagabag na matatagpuan ko. Mas matulungin sa mga nangangailangan. Mas karapat-dapat sa inyong pagtitiwala. Mas mabuting asawa, ama, at lolo. Mas mabuting kapitbahay at kaibigan. Mas mabuting Banal sa mga Huling Araw na may ibayong pang-unawa sa kahanga-hangang aspeto ng maluwalhating ebanghelyo.
Hinahamon ko ang bawat isa na nakaririnig sa akin na maging uri ng taong kaya ninyong maging bilang anak ng Diyos. Talaga bang batid natin ang ibig sabihin ng maging anak ng Diyos, ang magtaglay ng kabanalang mula sa Kanya?
Buong puso akong naniniwala na ang mga Banal sa mga Huling Araw, sa pangkalahatan, ay mabubuting tao. Kung ipinamumuhay natin ang mga alituntunin ng ebanghelyo, dapat na mabubuting tao tayo, dahil magiging bukas-palad tayo at mabait, maalalahanin at mapagparaya, at matulungin at mapaglingkod sa mga nababalisa. Maaari nating pigilin ang kabanalang mula sa Diyos at itago ito para hindi makita sa buhay natin o ihayag ito at hayaang impluwensyahan nito ang lahat ng ating ginagawa.
May puwang para sa pagbabago sa bawat buhay. Anuman ang ating trabaho o kalagayan, mapagbubuti natin ang ating sarili at habang ginagawa ito ay makaaapekto sa buhay ng mga tao sa ating paligid.
Hindi natin kailangang ipakita o sabihin sa tao ang ating relihiyon. Lalong hindi natin ito dapat ipagyabang, o isiping mas magaling tayo sa iba. Salungat iyon sa Espiritu ni Cristo na sinisikap nating tularan Naipahahayag ang Espiritung iyon sa puso at kaluluwa, sa tahimik at mapagpakumbabang paraan ng ating pamumuhay.
Lahat tayo ay nakakita na ng mga taong halos kainggitan natin dahil nagkaroon sila ng ugaling, di man sabihin ay halimbawa ng kagandahan ng ebanghelyong iniuugnay nila sa kanilang pag-uugali.
Mas mahihinaan natin ang ating boses. Magagantihan ng kabutihan ang kumakalaban sa atin. Makangingiti kahit mas madali ang magalit. Makapagpipigil at makapagdidisiplina ng sarili at hindi papansinin ang pangungutya sa atin.
Maging masayahin tayo. Ang plano ng Panginoon ay plano ng kaligayahan. Mas giginhawa ang buhay, mas kokonti ang mga problema, mas gagaan ang mga hamon kung pagyayamanin natin ang diwa ng kaligayahan.
Magsikap pa tayo sa ating pananagutan bilang mga magulang. Ang tahanan ang pangunahing yunit ng lipunan. Ang pamilya ang pangunahing organisasyon sa Simbahan. Labis naming inaalala ang kalidad ng buhay ng ating mga miyembro bilang mag-asawa, at bilang mga magulang at mga anak.
Lubhang marami ang mga pamumuna at paghahanap ng mali kapag galit at naninigaw. Napakalakas ng tensyong nadarama natin araw-araw. Umuuwing pagod ang mga lalaki mula sa trabaho at nagiging mayamutin. Sa kasamaang-palad, nagtatrabaho ang karamihan sa mga maybahay. Mayroon din silang mabibigat na hamon na maaaring mas malaki ang kapalit kaysa sa kinikita nila. Naiiwang naghahanap ng sariling libangan ang mga bata, at marami rito ang hindi maganda.
Mga kapatid, dapat nating gampanan ang responsibilidad natin bilang mga magulang na parang nakasalalay dito ang lahat-lahat, dahil iyon naman ang totoo.
Kung bigo tayo sa ating tahanan, bigo tayo sa ating buhay. Walang taong tunay na matagumpay kung nagkulang siya sa kanyang tahanan. Hinihiling ko, lalo na sa mga lalaki, na suriin kung nagagawa ninyo ang inyong tungkulin bilang asawa at ama, at puno ng inyong sambahayan. Humingi ng patnubay, ng tulong, at sundin ang mga bulong ng Espiritu para gabayan kayo sa mabibigat ninyong responsibilidad, dahil ang mga bunga ng pamumuno ninyo sa tahanan ay walang hanggan at walang katapusan.
Pagpalain kayo ng Diyos mga minamahal kong kasama. Sumainyo nawa ang kapayapaan at pag-ibig saanman kayo naroroon. Magkaroon nawa kayo ng pagkakaisa sa inyong buhay. Gaya ng sinabi ko sa ating mga kabataan sa maraming lugar, maging matalino, maging malinis, maging matapat, maging mapagpasalamat, maging mapagpakumbaba, maging madasalin. Nawa'y lumuhod kayo at manalangin sa Makapangyarihan na may pasasalamat sa Kanyang masaganang mga biyaya. Manindigan kayo at sumulong bilang mga anak ng Diyos upang maisakatuparan ang kanyang walang hanggang layunin, sa sarili ninyong pamamaraan, ang aking dalangin at iniiwan ko sa inyo ang aking pagmamahal at pagpapala, sa pangalan ni Jesucristo, amen.