The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2002
Nang May Kabanalan ng Puso

Nang May Kabanalan ng Puso

Bonnie D. Parkin
Pangkalahatang Pangulo ng Relief Society

Tuwing tutulong tayo nang may pagmamahal, tiyaga, kabaitan, bukas-palad, iginagalang natin ang ating mga tipan sa pagsasabing:"Narito ako; isugo ako."

Bonnie D. Parkin

Kahit mas marami tayo kaysa sa mga kapatid sa Relief Society sa Nauvoo, iyon pa rin ang diwa ng ating pagtitipon. Gaya natin, pinasaya, inaruga at pinasigla nila ang isa't isa; ipinagdasal nila ang isa't isa; inilaan nila ang lahat ng ari-arian sa kaharian. Sabi ni Pangulong Hinckley tayo'y "malaking pinagmumulan ng pananampalataya at mabubuting gawa . . . na pundasyon ng debosyon, katapatan at kaganapan."1 Kagila-gilalas na nasa Conference Center man tayo, o sa kapilya sa Mexico, o sa branch sa o Lithuania, tayo ay magkakapatid sa Sion na may malaking gawain. Sa pamumuno ng propeta ng Diyos, sama-sama nating magagawa ito! Sana'y dama ninyo ang pagmamahal ko sa inyo—na pagmamahal din ng aking mga tagapayo, na napakalaking pagpapala sa akin.

Ang sabihing nabigla ako nang tawagin ako ni Pangulong Hinckley na maglingkod bilang pangkalahatang pangulo ng Relief Society ay hindi sapat! Nauunawaan ba ninyo ito? Ngunit sa nanginginig na tinig ay tumugon ako, "Narito ako; isugo ako." Nang malaman ng kaibigan kong Judio ang hinihingi ng aking tungkulin, tiningnan niya ako na para bang ako'y nababaliw at tinanong, "Bonnie, bakit mo gagawin iyan?" (Sa ganitong sandali, madalas ko rin itong itanong sa sarili ko!) At isa lang ang dahilan kung bakit ginawa ko ito: Nakipagtipan ako sa Panginoon, at alam ko kung ano ang kapalit noon. Isa pa, alam kong sama-sama tayong maglilingkod; at ang kahandaan kong gawin ito ay para sa ating lahat.

Sa loob ng maraming siglo, ang mabubuting babae ay nagpapasiyang sumapi sa adhikain ni Cristo. Marami sa inyo ang kabibinyag pa lang; sariwa pa sa puso ninyo ang mga tipan, at mga sakripisyo. Habang iniisip ko kayo, naalaala ko si Priscilla Staines ng Widbrook, Wiltshire, England. Sumapi sa Simbahan ang edad labingsiyam na si Priscilla noong 1843. Mag-isa. Kinailangan niyang tumakas sa gabi para mabinyagan; dahil sa matinding pag-uusig ng mga kapitbahay at pagtutol ng pamilya. Isinulat niya: "Naghintay kami hanggang hatinggabi . . . tapos ay nagpunta kami sa isang sapa na halos kalahating kilometro ang layo. Naroon ang sapa . . . na nagyeyelo, at kinailangang butasan ng elder ang yelo, sapat para sa pagbibinyag. Tanging ang Diyos at mga anghel, at iilang saksing kasama namin sa pampang, ang nakarinig sa aking tipan; ngunit sa katahimikan ng hatinggabing iyon tila nakikinig ang buong kalikasan at isinusulat ng tagapagtalang anghel ang aming mga salita sa aklat ng Panginoon."2

Ang kanyang mga salitang, "Tanging ang Diyos at mga anghel . . . ang nakarinig sa aking tipan," ay umaantig sa aking kaluluwa, dahil gaya ni Priscilla—anuman ang ating edad, kaalaman sa ebanghelyo, panahon sa Simbahan—lahat tayo'y pinagtipanang kababaihan. Iyan ang katagang madalas nating marinig sa Simbahan, at ano ang kahulugan nito? Paano nililiwanag ng mga tipan kung sino tayo at paano tayo namumuhay?

Ang mga tipan—o mga pangako sa pagitan natin at ng Ama sa Langit—ay mahalaga sa ating walang hanggang pag-unlad. Unti-unti, tinuturuan Niya tayong maging tulad Niya sa pag-aanyaya sa ating makibahagi sa Kanyang gawain. Sa binyag nangangako tayong mamahalin Siya nang buong puso, at mamahalin ang ating mga kapatid gaya ng ating sarili. Sa templo pangako rin nating maging masunurin, di-makasarili, tapat, marangal, mapagkawanggawa. Nangangako tayong magsasakripisyo at ilalaan ang lahat ng nasa atin. Dahil sa awtoridad ng priesthood, ang mga tipang tinutupad natin ay naghahatid ng mga biyayang magpapaapaw ng ating mga saro. Gaano ninyo kadalas isipin na ang inyong mga tipan ay hanggang sa kabilang buhay at iniuugnay kayo sa Diyos? Ang pakikipagtipan ay pagpapakita ng pusong handang sumunod; pagtupad ng mga tipan, na pagpapakita ng matapat na puso.

Tila madaling basahin, 'di ba? Siyempre, sa paggawa lang natin mapatutunayan kung sino tayo talaga. Kaya, sa tuwing maglilingkod tayo nang may pagmamahal, tiyaga, kabaitan, bukas-palad, iginagalang natin ang ating mga tipan sa pagsasabing, "Narito ako; isugo ako." Madalas pabulong ang bigkas sa mga salitang ito, hindi ibinabanda sa publiko.

Kailan nangyari na ang inyong buhay ay pinagpala, dinulutan ng kapayapaan, inalagaan ang inyong kaluluwa, ng tipan ng isang tao sa Panginoon? Nang kaming mag-asawa ay mga misyonero sa England, nakita namin ang buhay ng maraming elder at sister na tuwirang naimpluwensiyahan ng mga tipan ng mararapat na kababaihan. Lubos ang pasasalamat ko sa mga ina, kapatid na babae, tiya, guro—gaya ng marami sa inyo—na ang iginalang na mga tipan ay nagpala rin sa iba sa paraan ng pagtuturo nila sa mga magiging misyonerong iyon.

Hindi lang tayo unti-unting hinihikayat ng mga tipang iyon na lisanin ang ginhawa ng ating kapaligiran tungo sa bagong pag-unlad, kundi inaakay din ang iba na gawin din ang gayon. Sabi ni Jesus, "Sapagkat ang mga gawang nakita ninyong ginawa ko ay siya rin ninyong gagawin."3 Ang pagtupad Niya sa mga tipan ay nakahihikayat sa ating pagtupad.

Inililigtas tayo ng mga tipan sa walang-saysay na paghihirap. Halimbawa, sa pagsunod natin sa patnubay ng propeta, tinutupad natin ang isang tipan. Pinayuhan Niya tayong umiwas sa utang, mag-imbak ng pagkain, at umasa sa sariling kakayahan. Ang paggasta nang ayon sa kinikita ay may pagpapalang higit pa sa pagsunod na iyon. Tinuturuan tayo nitong tumanaw ng utang na loob, magpigil, magparaya; dulot nito'y kapayapaan mula sa problema sa salapi, at proteksyon laban sa materyalismo. Kung laging puno ng langis ang ating mga ilawan ibig sabihin ay hindi magiging hadlang ang mga di inaasahang pangyayari sa pagsasabi nang tapat na, "Narito ako; isugo ako."

Ang pagpapanibago ay nagbibigay-sigla at ginhawa sa pagod na kaluluwa. Tuwing Linggo, kapag nakikibahagi tayo ng sakramento, ano ang nadarama natin kapag naririnig ang mga salitang "lagi Siyang alalahanin"?4 Bumubuti ba tayo sa kasunod na linggo sa muling pagtutuon ng pansin sa mga bagay na pinakamahalaga? Oo, mahirap ang ating kinakaharap; oo, mahirap magbago. Ngunit di ba kayo namangha kung paano natiis ng kababaihan ang pagtataboy sa kanila sa Nauvoo, at karamiha'y naglakad sa buong paglalakbay? Nang mapagod ang kanilang mga paa, binuhat sila ng kanilang mga tipan! Ano pa ang makapagbibigay ng gayong espirituwal at pisikal na katatagan?

Proteksyon din natin ang mga tipan para hindi tayo "napapahapay dito't doon at dinadala sa magkabikabila ng lahat na hangin ng aral, sa pamamagitan ng mga daya ng mga tao, sa katusuhan."5 Ang pinagtipanang kababaihan ay naninindigan kapag ang masama ay tinatawag na mabuti, at ang mabuti ay tinatawag na masama. Sa silid-aralan man sa kolehiyo, sa trabaho, o sa panonood sa mga "dalubhasang" tagapayo sa telebisyon, ang paggunita sa ating mga tipan ay naglalayo sa atin sa pagkalinlang.

Tayo at ang ating mga mahal sa buhay ay pananatilihing ligtas at handa sa espirituwal sa pamamagitan ng pag-uuna sa mga bagay na mas mahalaga. Halimbawa, pagdating sa pamilya, di tayo dapat magwalang-bahala at maguluhan. Pawala na ang masasayang araw ng kabataan; iilan na lang ang nasisiyahang lumaki sa bukid na gaya ko. Sinabi ni Pangulong Hinckley: "Halos lahat ng mga problema natin ay nagmumula sa tahanan. . . . Kung kailangan ng pagbabago . . . dapat magsimula ito sa tahanan. Dito natututuhan ang katotohanan, napayayaman ang integridad, naikikintal ang disiplina sa sarili at napayayabong ang pagmamahal."6

Mga kapatid, kailangan ng Panginoon ng mga babaing magtuturo sa mga bata na magtrabaho at matuto, maglingkod at maniwala. Anak man natin sila o hindi, kailangang manindigan tayo at sabihing: "Narito ako; isugo ako para bantayan ang inyong mga musmos, unahin sila, gabayan at protektahan sila mula sa kasamaan, mahalin sila."

Kung minsan napipilitan tayong tumupad sa ating mga tipan gayong tila di makatwirang gawin ito. Nakinig ako sa kuwento ng isang kapatid na walang-asawa na "ganap na nagtiwala sa Panginoon." Ang buhay niya'y di gaya ng inaasahan niya. Tila pamilyar? Kasama sa panahong ito ng pagninilay-nilay ang pagpapalit-palit ng trabaho, bagong problema sa pananalapi, impluwensiya ng mga makamundong pilosopiya. Ganito raw ang ginawa niya. Kinausap niya ang ibang kababaihan sa ward at natuklasang sila man ay naghahanap ng kapayapaang dulot ng ebanghelyo. Humingi siya ng basbas ng priesthood. Ipinagpatuloy niya ang pagganap sa kanyang tungkulin. Pinag-aralan at sinikap niyang lalo pang mahalin, pahalagahan, at paniwalaan si Jesus. Nanalangin siya. "Sumamo ako sa Panginoon," wika niya, "at sinabing gagawin ko lahat ng hilingin Niya sa akin." Ginawa niya ito sa kabila ng hirap. At alam ba ninyo ang nangyari? Hindi, hindi lumitaw sa pintuan ang magiging asawa niya. Ngunit napayapa ang kanyang puso, at bumuti ang kanyang buhay.

Mga kapatid, tinutupad natin ang ating mga tipan kapag ibinabahagi natin ang ating kaalaman upang hikayatin ang iba, kapag dumadalaw at nagtuturo tayo na may taos-pusong pagdamay, kapag tinutulungan natin ang mas batang kapatid na malaman na ang bagong pananaw niya'y magpapala sa atin sa Relief Society. Kaya natin iyan!

Nang ang batang si Priscilla, taga-Britania na nabinyagan noong 1843, ay tumawid sa Atlantic, kinaibigan siya ng isang babaeng halos kaedad ng kanyang ina. Dama din ng matandang ito na dapat niyang tuparin ang mga tipang ginawa niya. Tumabi siya kay Priscilla nang nasa daungan na sila ng Nauvoo. May tapang at paniniwala, magkasama silang nakiisa sa mga Banal ng Diyos.7

Ang espirituwal na integridad na tuparin ang ating mga tipan ay mula sa palagiang pag-aaral ng banal na kasulatan, pagdarasal, paglilingkod, at pagsasakripisyo. Ang simpleng mga hakbang na ito'y nagpapalakas sa ating kaluluwa para masabi nating, "Isugo ako para tulungan ang isang kapatid at kanyang sanggol; isugo ako para turuan ang nagsisikap na estudyante; isugo ako para mahalin ang isang di-miyembro. Isugo ako kung saan, at kung kailan ninyo ako kailangan."

Tinawag tayo ng Panginoon na gawin ang lahat nang ating ginagawa nang may "kabanalan ng puso."8 At ang kabanalan ay bunga ng pamumuhay ayon sa mga tipan. Gusto ko ang mga titik ng himnong ito at ang ipinadarama nito sa akin:

Kabanalang lalo,
Aking kahilingan,
At sa kasalanan
ay kalungkutan,
Lalong pananalig
sa Manunubos,
Sa paglilingkod ko'y
Ligayang lubos.9

Kabanalan ang nag-uudyok sa mga salitang, "Narito ako; isugo ako." Nang makipagtipan sa hatinggabi si Priscilla Staines sa nagyeyelong tubig na iyon, nagbago ang kanyang buhay, halos nagyeyelo ang damit, pero nag-aalab sa kaligayahan ang puso. "Wala nang urungan," wika niya. "Ipinasiya kong . . . kamtin ang gantimpala ng walang hanggang buhay, na may tiwala sa Diyos."10

Pangulong Hinckley, kasama ang kababaihan ng Relief Society sa buong mundo, pangako kong nagkakaisa kami bilang mga babae ng tipan at nakikinig sa inyong tinig. Sa iba't ibang wika, dinggin ninyo ang mga salita ng bawat kapatid sa Relief Society na nagsasabing, "Narito ako; isugo ako."

Nawa'y gabayan tayo ng mga tipan na nagbubuklod sa atin sa mapagmahal nating Ama sa Langit, at pangalagaan tayo, pabanalin, at tulutang gawin din ang gayon sa Kanyang mga anak, ang dalangin ko sa ngalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. "Magsilakad sa Liwanag ng Panginoon," Liahona, Ene. 1999, 115.
2. Sinipi sa Edward W. Tullidge, The Women of Mormondom (1877), 287; tingnan din sa 285–86, 288.
3. 3 Nephi 27:21.
4. D at T 20:77, 79.
5. Mga Taga Efeso 4:14.
6. Liahona, Ene. 1999, 117.
7. Tingnan sa Tullidge, Women of Mormondom, 289, 291.
8. D at T 46:7.
9. "Kabanalang Lalo, Aking Kahilingan," Mga Himno, blg. 80.
10. Tullidge, Women of Mormondom, 288.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy