The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2002
Pagpapala sa Ating mga Pamilya sa Pamamagitan ng Ating mga Tipan

Pagpapala sa Ating mga Pamilya sa Pamamagitan ng Ating mga Tipan

Kathleen H. Hughes
Unang Tagapayo sa Pangkalahatang Panguluhan ng Relief Society

Kung tutuparin natin ang ating mga tipan, dakila ang mga pangakong tatanggapin natin.

Kathleen H. Hughes
Mga kapatid, napakagandang makasama kayo ngayong gabi. Napakabubuti ninyong mga babae. Matatapat kayo at mabubuting anak ng Diyos, na nagsisikap gawin ang lahat upang matupad ang mga tipan na ginawa ninyo sa Ama sa Langit.

Sana'y nakita na ng bawat isa sa inyo ang poster na pinili namin para sumagisag sa ating tema, "Narito ako, isugo ako." Ang larawang pinamagatang Dumarating ang mga Tagabunsod, ay ipininta ni Sister Minerva Teichert, ina, maybahay, at iginagalang na pintor. Gusto namin ito at ang nakalarawan sa mukha ng babae habang kasamang naglalakad ang kanyang pamilya. Lalo na ang bag niya. Bagama't di natin malalaman ang laman ng bag, ipinaaalala nito ang ibang bag na nakikita ko sa simbahan. Nakapagdala na ako nito at tiyak kong kayo rin! Ang akin ay naglaman na ng banal na kasulatan, materyal ng aralin, bote, babasahing aklat, papel, at krayola.

Mga kapatid, gaya ng pagdadala natin ng ating mga bag sa simbahan, kailangan din nating dalhin ang isa pang bag saanman tayo magpunta—at sa bag na ito ay ang ating yaman ng mga tipan—dahil tayo ay mga babae ng tipan. Gusto kong sabihin sa inyo kung paano mapalalakas ng ating mga tipan ang mabubuting pamilya.

Mahalagang malaman natin na di iisa ang hitsura ng mabubuting pamilya. Ang ilan ay dalawa ang magulang; ngunit minsan, dahil sa pagpanaw o diborsyo, iisa lang ito. Ang ilan ay maraming anak, at ang iba, sa sandaling ito, ay wala pa. Karamihan sa mga miyembro ay sumandaling nag-iisa sa buhay, ngunit itinuro ni Elder Marvin J. Ashton na "Ang Diyos at ang isang tao ay pamilya."1 Sa ilang mabubuting pamilya ang ama lang ang nagtatrabaho sa labas ng tahanan, at kung minsan kailangang magtrabaho ang ama't ina. Kaya, bagama't nagkakaiba tayo, ang bagay na magkatulad sa mabubuting pamilya ay ang mga tipang pinananatili nilang banal.

Una kong naiisip ang mga tipang nauugnay sa mga batas ng ebanghelyo: gaya ng ikapu, pagsisimba, at Word of Wisdom. Mga kapatid, di ko na dapat sabihin na kung tutuparin natin ang mga tipang ito ay pagpapalain ang ating mga pamilya. Di ko sinasabing di tayo maghihirap; ngunit sa huli'y batid nating may gantimpala ang pagtupad sa ating mga pangako.

Ang ibang mga tipan ay ukol sa magagandang asal; kapwa ang ating pakikitungo at mga pamantayan sa pagkilos na nauugnay sa ating katawan. Dapat nating ituro sa ating mga anak ang wastong pag-uugali: katapatan, paggalang, paninindigan, kabaitan sa salita at gawa. Isinusugo natin ang ating mga anak sa mundo na kung saan ang mga ugaling ito ay bumababa, ngunit dapat natin silang turuan sa salita at, higit sa lahat, sa halimbawa, ng mga kilos na disente at mabuti.

Paano naman ang pamantayan ng pag-uugaling nauugnay sa ating katawan? Mga kapatid, dapat tayong maging halimbawa ng ating mga anak sa pananamit, hitsura, at kalinisang-puri. Dalawang taon na ang nakaraan nang tumayo si Pangulong Hinckley sa miting na ito at pinayuhan tayong "turuan ang [ating] mga anak habang bata at musmos pa sila, at huwag titigil."2 Maliwanag ang pamantayan para sa ating lahat, ngunit alam natin na ang mga kilos ng mundo ay madalas na nagiging kilos natin at ng ating mga anak.

Minsa'y narinig kong sinabi ng isang ina na sa dami ng masasamang impluwensiyang nakapaligid sa kanyang mga anak ay napilitan siyang pumili ng kakalabanin. Kaya nga pinili niyang huwag kalabanin ang kanilang pananamit. Ngunit ang kahinhinan ay prinsipyong dapat ipaglaban dahil madalas nitong naaapektuhan ang mas maseselang isyu sa moralidad. Hindi ibig sabihin na pilitin natin silang takpan ang buo nilang katawan, kundi tulungan natin silang manamit para makikita na sila ay anak ng Diyos. Mga kapatid, kayo ay matatalino at kahanga-hangang mga ina. Hindi ninyo kailangan ng hanbuk na nagsasabi kung ano ang nararapat na kasuotan. Sundin ang Espiritu at malalaman ninyo ng inyong mga anak kung ano ang tama.

Dapat din nating tiyakin na nauunawaan ng ating mga anak ang inaasahan ng Panginoon hinggil sa sekswal na asal. Ang pamantayan hinggil sa kalinisang-puri ay hinding-hindi nagbago—dapat malaman ng mga bata ang hangganan. Gayunman, madalas nating nakikita ang ating mga anak na nangangatwiran sa mali nilang asal at ginagaya ang takbo ng mundo. Hindi tayo dapat mahiya o mag-alinlangan para tahasan nating makausap ang ating mga tinedyer. Dapat nilang malaman isa-isa, hindi lahatan, kung ano ang katanggap-tanggap na asal sa lalaki at babaeng hindi kasal. Kung hindi natin ituturo sa kanila ang mga pamantayan, ang mundo ang magtuturo nito, at sila'y mapapahamak.

Totoo rin ito sa pinakabagong banta: teknolohiya. Nakalulungkot na hindi kayang tiyakin ng pinakamahusay na filter na nilikha na walang kabastusang papasok sa ating tahanan. Bagamat maganda ng Internet, dapat nating bantayan ito pati ang iba pang impluwensiya ng media sa tahanan. Lalong lumalaganap ang pornograpiya at sumisiksik sa buhay ng mga banal, at inilalayo ang puso nila sa mga pamantayan ng Diyos.

Ang pinakamahalagang tipan ukol sa mga pamilya ay ang tipan ng walang hanggang kasal. Alam nating "ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae ay inordena ng Diyos at ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak."3 Ang ating pamilya ang pinakamalaking responsibilidad at pinakadakilang biyaya natin.

Ang tema ng kumperensyang ito ay "Narito ako; isugo ako." Pangako ito sa Panginoon, at pahiwatig na handa tayong maglingkod. Kung tutuparin natin ang ating mga tipan, dakila ang mga pangakong tatanggapin natin. Isinulat ni Pangulong Boyd K. Packer:

"Karaniwan na ang sumandaling mawala ang anak ng responsableng mga magulang, at maimpluwensiyahan ng bagay na di nila makontrol. Naninimdim sila kapag rebelde ang mga anak. Nagtataka sila kung bakit walang makatulong gayong sinikap nilang gawin ang dapat nilang gawin.

"Naniniwala akong mawawala rin ang masasamang impluwensiyang iyon balang-araw. . . .

"Hindi natin maaaring maliitin ang kahalagahan ng kasal sa templo, ang nagbibigkis na ordenansa ng pagbubuklod, at ang mga pamantayan ng pagkamarapat na hinihiling sa kanila. Kapag tinutupad ng mga magulang ang mga tipang ginawa nila sa altar ng templo, nakabigkis ang kanilang mga anak sa kanila magpakailanman."4

Mga kapatid, umaasa ako sa pangakong iyon. Mamuhay tayo nang may tiwala, mahigpit na kipkip ang makikinang nating bag, ngunit alisin sa bag na iyon ang mga bagay na di kailangan. Makakabagal lang sa atin ang dagdag na pasan. Mga kapatid, alisin natin sa ating sarili ang "paano kung" at "sana kung" at "ilagay ang ating pasan sa Panginoon."5 Kailangan natin itong pagtulungan. Gawin natin ang ating makakaya araw-araw at tulutang punan ng Panginoon ang kakulangan. Isa iyan sa mga pangako Niya sa atin.

Bilang pangwakas, ikukuwento ko sa inyo ang isang babaeng hindi ko pa nakikilala, ngunit mahal na mahal ko dahil tapat siya sa kanyang mga tipan. Ang aking kalola-lolahang si Charlotte Gailey Clark ay isa sa huling 295 kataong tumanggap ng mga tipan sa Nauvoo Temple bago nagsimula ang malaking paglalakbay pakanluran. Isinara ang templo dahil pinalalayas na ang mga banal, ngunit di pa natatanggap ng lahat ng marapat ang kanilang mga endowment. Pangungunahan ng lola at lolo ko ang kanilang pamilya pakanluran, at gusto niyang nasa kanya na ang mga tipan bago siya maglakbay. Lagi ko siyang naiisip nitong nakaraang ilang buwan. Gusto kong sabihin sa kanya balang-araw, "Lola, salamat sa pagtupad mo sa iyong mga tipan. Mapalad ako na maging apo mo. Pinagpala ang aming pamilya dahil sa iyong katapatan—at lahat kami'y patuloy na pagpapalain sa maraming henerasyon." At mga kapatid, balang-araw masasabi rin ito ng ating mga anak at apo sa atin, at tungkol sa atin. Balang-araw pasasalamatan nila tayo sa pagtupad sa "bag" ng mga tipan na ito, at paggamit sa mga ito upang pagpalain ang buhay ng ating mga pamilya.

Nawa pagpalain tayo ng Ama sa Langit na tuparin ang ating mga tipan upang mapalakas at mapagpala ang ating mga pamilya dahil sa ating mabuting pamumuhay, sa ngalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. "Be a Quality Person," fireside para sa mga walang-asawa, ika-30 ng Ago. 1992.
2. "Ang Iyong Pinakamalaking Hamon, Inay," Liahona, Ene. 2001, 114.
3. "Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo," Liahona, Okt. 1998, 24.
4. "Our Moral Environment," Ensign, Mayo 1992, 68.
5. Mga Awit 55:22.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy