The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2002
Pag-ibig sa Kapwa: Paisa-isang Pamilya, Paisa-isang Tahanan

Pag-ibig sa Kapwa: Paisa-isang Pamilya, Paisa-isang Tahanan

Anne C. Pingree
Pangalawang Tagapayo sa Pangkalahatang Panguluhan ng Relief Society

Bilang mga babae ng tipan, . . . [m]ababago natin ang daigdig sa paisa-isang pamilya at paisa-isang tahanan sa pamamagitan ng pag-ibig sa kapwa, ang ating maliliit at simpleng gawa ng dalisay na pag-ibig.

Anne C. Pingree
Mga ilang taon na nang dalawin naming mag-asawa ang silangang bahagi ng Berlin, Germany. Nagkalat ang mga tipak ng dating pader na naghihiwalay sa mga mamamayan ng lungsod—na naroon bilang alaala ng tagumpay ng kalayaan sa pagkaalipin. Nakasulat sa isang bahagi ng pader sa malinaw na di pantay-pantay na pulang titik ang mga salitang: "Maraming maliliit na tao sa maliliit na lugar na gumagawa ng maliliit na bagay ang makapagpapabago sa daigdig." Para sa akin iyon ay ukol sa magagawa ng bawat isa sa atin—bilang mga babae ng tipan—upang makagawa ng kaibhan habang sumusulong tayo na alay ang ating mga puso at kamay sa Panginoon sa pagtulong at pagmamahal sa iba.

Hindi mahalaga kung tayo'y bago o matagal nang miyembro; may-asawa o wala, diborsyado o balo; mayaman, mahirap, edukado, o mangmang; nasa modernong lungsod o sa liblib na nayon sa gubat. Tayong mga babae ng tipan ay inilaan ang ating sarili sa layon ni Cristo sa pamamagitan ng ating mga tipan sa binyag at templo. Mababago natin ang daigdig sa paisa-isang pamilya at paisa-isang tahanan sa pamamagitan ng pag-ibig sa kapwa, ang ating maliliit at simpleng gawa ng dalisay na pag-ibig.

Ang pag-ibig sa kapwa-tao, na dalisay na pag-ibig ng Tagapagligtas, ang "pinakadakila, pinakamarangal, pinakamasidhing uri ng pag-ibig"1 kaya "[d]alangin natin sa Ama nang buong lakas ng puso"2 na taglayin natin ito. Itinuturo ni Elder Dallin H. Oaks na ang pag-ibig sa kapwa "ay hindi lamang pagkilos, kundi kalagayan o katayuan, [na nararating ng tao]."3 Ang araw-araw na pag-aalay natin ng pag-ibig sa kapwa ay "hindi isinulat ng tinta, kundi ng Espiritu, ng Dios na buhay sa mga tapyas ng [ating mga] pusong laman."4 Unti-unting binabago ng ating mga pagkakawanggawa ang likas nating pagkatao, ipinakikita ang ating pag-uugali, at sa huli ginagawa tayong mga babae na may tapang at pangako para sabihin sa Panginoon na, "Narito ako; isugo ako."

Bilang huwaran, ipinakita ng Tagapagligtas ang kahulugan ng pag-ibig sa kapwa sa Kanya mismong mga gawa. Bukod sa ministeryo sa mga tao, ipinakita ni Jesus ang matinding pag-ibig at pagkalinga sa Kanyang pamilya. Kahit habang nagdurusa sa krus, naisip Niya ang Kanyang ina at ang kanyang mga pangangailangan.

"Datapuwa't [nakatayo] sa piling ng krus ni Jesus ang kaniyang ina. . . .

"Pagkakita nga ni Jesus sa kaniyang ina, at sa nakatayong alagad na kaniyang iniibig, ay sinabi sa kaniyang ina, Babae, narito, ang iyong anak!

"Nang magkagayo'y sinabi niya sa alagad, Narito ang iyong ina! At buhat nang oras na yaon ay tinanggap siya ng alagad sa kaniyang sariling tahanan."5

Nakakaantig na ipinakikita sa banal na kasulatang ito ang lalim ng katapatan ni Juan kay Maria sa pagsasabing "tinanggap siya ng alagad sa kaniyang sariling tahanan." Naniniwala akong ang pinakamahalagang pagpapakita ng dalisay na pag-ibig ay likas na maliliit at simple, walang hanggan ang bunga, at ipinakikita sa apat na sulok ng ating "sariling tahanan."

Sa matiyaga at magiliw nating pag-aasikaso sa maseselang sanggol, nakahahamong mga tinedyer, mahirap pakisamahang kakuwarto, di-gaanong aktibong kabiyak, o may-edad at may kapansanang mga magulang, maitatanong natin sa ating sarili, "Mahalaga ba talaga ang ginagawa ko? May kabuluhan o katuturan ba ito? Mga kapatid, mahalaga ang inyong ginagawa sa inyong pamilya! Napakahalaga. Araw-araw nating paulit-ulit na natututuhan sa tahanan na ang pag-ibig sa kapwa, ang dalisay na pag-ibig ng Tagapagligtas, ay hindi nabibigo. Maraming kapatid sa Relief Society na naglilingkod na mabuti sa kanilang pamilya. Ang matatapat na babaing ito ay di tumatanggap ng papuri ng mundo—ni di nila ito hangad—ngunit "maawa kayo sa ilan, gumawa ng kaibhan."6

Sino ang mga babaing ito na gumagawa ng kaibhan? Sa Nauvoo ang mga kapatid natin noon sa Relief Society, sa gitna ng matinding kahirapan, ay binuksan ang kanilang mga puso at tinanggap sa kanilang mga tahanan ang mga bagong binyag na dumagsa sa lungsod. Nagbahagi sila ng pagkain, damit, at higit sa lahat, ibinahagi nila ang kanilang pananampalataya sa mapagtubos na pag-ibig ng Tagapagligtas.

Sa ating panahon, si Sister Knell ay babae ng tipan na gumagawa ng kaibhan. Balo siya at mga 80 na, may 47-taong-gulang na anak na may kapansanan sa isip at katawan mula pa pagsilang. Ilang taon na ang nakalilipas nang gawin niya ang tila imposible sa lahat—ang turuang magbasa ang anak niyang si Keith. Gustung-gusto ni Keith na matutong magbasa, ngunit sinabi ng mga doktor na hindi ito magagawa ni Keith. Taglay ang pananampalataya sa puso at hangaring mapagpala ang buhay ng anak, sinabi ng mabait na balong ito sa kanyang anak, "Alam kong pagpapalain ka ng Ama sa Langit, para mabasa mo ang Aklat ni Mormon."

Ito ang isinulat ni Sister Knell: "Mahirap para kay Keith at di rin madali para sa akin. Hindi maganda ang takbo noong una, dahil naiinis ako. Maraming oras ang naubos, sa paisa-isang salita. Tabi kami sa upuan tuwing umaga. Itinuturo ko ng lapis ang bawat salita para masundan niya. Makaraan ang pitong mahahabang taon at isang buwan ay natapos basahin ni Keith ang Aklat ni Mormon." Sabi ng kanyang ina, "Ang maringgan siyang bumasa nang walang tulong ay kagalakang di ko maipaliwanag." Patotoo niya, "Alam kong may himalang nangyayari kapag nagtitiwala tayo sa Panginoon."7

Sa buong mundo, sa Africa, Asia, Pacific, North at South America, at Europa, ang mapagkawanggawang mga babae, kasama ang kanilang pamilya, ay gumagawa rin ng kaibhan sa kanilang komunidad. Sa munting pulo ng Trinidad, si Sister Ramoutar, na abalang pangulo ng Relief Society ng branch at kanyang pamilya ay tumutulong sa mga bata sa paligid. Nakatira ang mga Ramoutar sa isang bayan kung saan "talamak ang droga" at maraming magulang at mga may-edad ang lulong sa alak o nagtutulak ng droga. Nanganganib ang mga bata at madalas na hindi naaasikaso. Marami ang hindi nag-aaral.

Tuwing gabi ng Huwebes, mga 30 bata, edad 3 hanggang 19 na taon, ang nauupo sa may bubong na bahagi sa labas ng tahanan ng mga Ramoutar, sabik na sumasali sa grupong kilala bilang "Ang Malaki at Masaya Nating Pamilya." Ang mga panalangin, himno, masasayang awit, at pagbabahagi ng mabubuting nagawa ng mga bata bawat linggo ay bahagi ng mga aktibidad. Kung minsan, nagbabahagi ng makabuluhang aral ang mga doktor, pulis, guro, o ating mga misyonero gaya ng anim na M ni Pangulong Gordon B. Hinckley. Ang pamilya Ramoutar ay nagliligtas ng mga bata sa kanilang maliliit at simpleng pagkakawanggawa. Sa pagbabahagi nila ng ebanghelyo sa kanilang "Malaki at Masayang Pamilya," ay sumapi ang iba sa Simbahan.

Mahal na mga kapatid sa Relief Society, alam kong saanman tayo nakatira, anuman ang ating kalagayan, bilang mga babae ng tipan, na nagkakaisa sa kabutihan, ay mababago natin ang daigdig. Saksi ako gaya ni Alma na "sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay."8 Sa ating mga tahanan, ang maliliit at simpleng bagay—ang araw-araw nating pagkakawanggawa—ay nagpapahayag ng ating pananalig, "Narito ako; isugo ninyo ako."

Saksi ako na ang pinakadakilang gawa ng pag-ibig sa kapwa sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan ay ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Kusa Niyang inalay ang Kanyang buhay upang bayaran ang ating mga kasalanan. Ipinahahayag ko ang aking katapatan sa Kanyang layunin at hangad kong lagi Siyang paglingkuran, saanman Niya ako tawagin, sa ngalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, 173–74.
2. Moroni 7:48.
3. "Ang Paghamon na Magkaroon ng Kahihinatnan," Liahona, Ene. 2001, 42.
4. II Mga Taga Corinto 3:3.
5. Juan 19:25–27.
6. Judas 1:22.
7. Liham na nakasalansan sa mga tanggapan ng Relief Society.
8. Alma 37:6.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy