The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2002
Isang Tinig ng Kagalakan para sa Ating mga Anak

Isang Tinig ng Kagalakan para sa Ating mga Anak

Coleen K. Menlove
Pangkalahatang Pangulo ng Primary

Ito ang ating tungkulin, ang ating oportunidad, na masigasig na ituro at patotohanan sa ating mga anak ang katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Coleen K. Menlove

Gusto ko ng mga tandang pandamdam! Madalas kong gamitin ito sa pagsulat ng mga tala para sa sarili ko at sa iba. Paraan ito ng pagpapakita ng sigla at paglalaan ng sarili. Isa sa paborito kong mga banal na kasulatan ay mayroong tandang pandamdam:

"Ngayon, ano ang ating naririnig sa ebanghelyo na ating natanggap? Isang tinig ng kagalakan!" May 14 pang tandang pandamdam sa talatang ito at sa sumunod na apat na talata. Nakasaad sa ilang bahagi nito na:

"Isang tinig ng awa mula sa langit; at isang tinig ng katotohanan mula sa lupa . . . isang tinig ng . . . masasayang balita ng labis na kagalakan . . . .

". . . Anong luwalhati ang tinig na ating naririnig mula sa langit, ipinahahayag sa ating mga tainga, kaluwalhatian, at kaligtasan . . . !"1—na may tandang pandamdam.

Dinig natin ang tinig ng kagalakang hatid ay mga pagbulalas ng pag-asa at galak sa sarili nating buhay. Ang galak ng ating mga patotoo sa Tagapagligtas ang magbibigay-diin sa bawat aspeto ng ating buhay habang hinahangad nating lumapit kay Cristo.

Paano ang ating mga anak? Naririnig ba nila ang mga pagbulalas ng kagalakan at pag-asa sa ebanghelyo? Matapos ang aralin sa Primary tungkol sa Unang Pangitain ni Joseph Smith, pinagdrowing ang klase ng mga larawang iuuwi at ibabahagi sa kanilang mga pamilya. Itinuro sa mga bata ang tungkol sa kadilimang dinanas ni Joseph bago nagpakita ang Ama at Anak. Isang anim-na-taong batang babae ang dumampot ng itim na krayola at nagsimulang magdrowing. Initiman niya nang husto ang ilalim at ibabaw na gilid ng papel. Nang tanungin ng guro tungkol sa larawan, sinabi niyang idinodrowing niya si Joseph Smith sa kadiliman.

Itinanong ng kanyang guro: "Alam mo ba na nang magpakita ang Ama sa Langit at si Jesus ay umalis ang lahat ng kadiliman? Lagi nang mas makapangyarihan ang Ama sa Langit at si Jesus kaysa kay Satanas, at ililigtas Nila kayo." Binalikan ng bata ang kanyang papel. Sa ibabaw na sulok, nagdrowing siya ng dalawang tao; pagkatapos ay pinalitan ang itim niyang krayola ng matingkad na dilaw, at pinuno ng liwanag ang natitirang bahagi ng pahina.

Ang liwanag na ito, ang liwanag ng ipinanumbalik na ebanghelyo—isang "tinig ng kalagakan"—na maituturo ng mga magulang sa kanilang mga anak. Tunay ang kaaway, ngunit makadarama ang mga bata ng kapayapaan at kagalakan habang sumasampalataya sila kay Jesucristo. Hindi madarama ng ating mga anak ang liwanag na ito maliban kung ituturo natin sa kanila ang ebanghelyo.

Inutusan ng Panginoon ang mga magulang na "palakihin ang [kanilang] mga anak sa liwanag at katotohanan."2 Inutusan din Niya tayong turuan ang ating mga anak "na manalangin, at magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon,"3 at "maunawaan ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Jesucristo, . . . at ng pagbibinyag at ang kaloob na Espiritu Santo."4 Tumutulong tayong iayon ang kanilang mga tainga, isipan at puso upang kilalanin "ang tinig ng kagalakan" at hangaring maging marapat upang matamo ang walang hanggang kagalakan kapag itinuro natin ang mga katotohanan ng ebanghelyo.

Inihalimbawa ito sa Aklat ni Mormon. Tinuruan si Enos ng kanyang ama, "sa pag-aalaga at pagpapayo ng Panginoon." Dahil sa dakilang pagpapalang ito ipinahayag ni Enos, "Purihin ang pangalan ng aking Diyos dahil dito."5 Ipinaliwanag din ni Enos, "Ang mga salitang madalas kong marinig na sinasabi ng aking ama hinggil sa buhay na walang hanggan, at ang kagalakan ng mga banal, ay tumimo nang malalim sa aking puso."6

Ibinahagi ng isang kaibigan ang karanasan niya noong bata pa sa branch ng Simbahan kung saan siya lang ang nasa Primary. Sa paglipas ng mga linggo, nagturo ng Primary ang kanyang ina sa araw at oras ding iyon. Sabik siyang naghintay na makaupo sa sopa kasama ang kanyang ina at matuto ng ebanghelyo ni Jesucristo at kung paano ito ipamumuhay. Nahayag sa maingat na tala ng kanyang ina sa kuwaderno na laging may panalangin, kanta, at aralin ang mga pulong na iyon sa Primary sa tahanan.

Ang hangad sa puso ng inang ito ay ang magkaroon ng patotoo kay Jesucristo ang musmos niyang anak at madama nito ang kagalakan ng ebanghelyo. Ibinigay niya sa anak ang pinakamahalagang karanasan niya sa kanyang kabataan. Ang batang ito, na ngayon ay dalaga na ng pananampalataya at tipan, ay lumilingon sa kanyang kabataan nang may malaking pasalamat sa sigla at katapatan ng kanyang ina na ituro sa kanya ang tungkol sa Tagapagligtas. Ang kasipagan ng inang ito ay naging lugod ng kanyang anak—na may tandang pandamdam.

Malinaw ang sinabi ng mga buhay na propeta hinggil sa ating sagradong tungkuling turuan ang ating mga anak.7 Sa isang liham na inilabas ng Unang Panguluhan, inuutusan tayong "bigyan ng pinakamataas na priyoridad ang panalanging pangmag-anak, family home evening, pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo, at nakalulugod na mga aktibidad ng pamilya. Gaano man karapat at kaangkop ang ibang pangangailangan o aktibidad, hindi dapat tulutang halinhan ng mga ito ang banal na tungkuling magagampanan lamang ng mga magulang at pamilya."8

Oo, nagiging mabilis ang buhay para sa mga magulang at gayundin sa mga bata. Madaling sabihing walang sapat na panahon para gawin ang lahat. Sa paglingon ko sa panahong mabilis na lumipas, nakikita kong bawat araw ay puno ng mahahalagang sandali ng mga oportunidad para tulungan ang ating mga anak na marinig ang "tinig ng kagalakan" sa ebanghelyo. Laging natututo sa atin ang mga bata. Natututuhan nila kung ano ang mahalaga sa mga pinipili nating gawin at maging sa ayaw nating gawin. Di sapat ang mga walang-kabuluhan at bihirang panalanging pangmag-anak, pag-aaral ng banal na kasulatan, at mga family home evening para mapatatag ang ating mga anak. Saan matututo ang mga bata ng ebanghelyo at mga pamantayang tulad ng kalinisang-puri, integridad, at katapatan, kundi sa tahanan? Ang mga ito'y binibigyang-diin sa simbahan, ngunit mga magulang ang may malaking kakayahan at mabisang magturo ng mga ito sa kanilang mga anak.

Ang pag-unawa kung sino ang mga batang ito at ano ang potensyal nila sa kaharian ng Diyos ay makatutulong sa atin na mas hangaring maging mas matiyaga—mas mapagmahal na tugunan ang mga hamon. Tutulungan tayo ng Panginoon na turuan ang ating mga anak kung gagawin natin ang lahat ng ating makakaya. Walang hanggan ang mga pamilya, at nais ng Tagapagligtas na magtagumpay tayo. Habang hinahangad natin ang Espiritu, tatanggap tayo ng kailangang aliw, patnubay, at muling pagtiyak sa pagtupad ng mga responsibilidad at mga pagpapala ng pagiging magulang.

Ang mga programa ng Simbahan na inspirado ng langit at ang mga tinawag na maglingkod sa ating mga anak ay makatutulong sa atin. Nagpapasalamat kami ng aking asawa sa mga bishop, priesthood at pinuno ng auxiliary, home at visiting teacher, na tumulong sa pagpapalakas sa aming pamilya. May mga anak man tayo o wala sa sarili nating tahanan, makagaganap tayo ng mahalagang bahagi sa pagtulong sa mga magulang.

Kayang-kayang matutuhan ng mga bata ang makabuluhang bagay ng kaharian. Habang nakikinig tayo sa kanila lalo nating mauunawaan kung paano nila ipinamumuhay ang natutuhan nila sa ebanghelyo. Isang ama ang nagpaliwanag sa kanyang apat-na-taong-gulang na anak na halos buong-araw na naglinis ng bahay ang pamilya at bawat kuwarto ay malinis maliban sa isa.

"Alam mo ba kung kaninong kuwarto ang hindi malinis?" tanong niya rito.

"Akin," mabilis niyang sagot.

"May kilala ka bang makatutulong sa paglilinis ng kuwarto mo?" tanong niya, na inaasahang isasagot nito na kaya niya.

Sa halip sumagot ito, "Kasi, Daddy, alam kong kapag takot o nag-aalala ka, o kailangan mo ng tulong, puwede kang lumuhod at humingi ng tulong sa Ama sa Langit."

Nakatutuwang isipin na sa pakikinig natin sa ating mga anak, natuturuan din nila tayo. Isang ama ang nagkuwento tungkol sa kanyang walong-taong-gulang na anak. Sabi niya, "Habang iniisip ko kung ano ang sasabihin sa pananalita ko sa sakrament miting tungkol sa 'Pagiging tulad ng Maliliit na Bata,' tinanong ko ang aking anak kung bakit kailangan nating maging tulad ng maliliit na bata. Ang sagot niya, 'Dahil lahat tayo'y maliliit na bata kumpara kay Jesus, at dahil maganda ang imahinasyon ng maliliit na bata.'"

Gulat sa huling bahagi ng sagot tinanong niya kung bakit kailangan natin ang magandang imahinasyon. Sagot niya, "Para maisip natin si Jesus sa Hardin ng Getsemani at sa krus, at tuwing nasa sakrament tayo maiisip natin Siya."

Sa lahat ng bagay, ipinakita sa atin ng Tagapagligtas ang halimbawa kung paano dapat mahalin at turuan ang ating mga anak. Nang magpakita Siya sa mga Nephita sa panig na ito ng mundo, sinasabi sa atin sa mga banal na kasulatan na habang kausap niya ang mga tao, "siya ay tumangis, . . . at kinuha ang kanilang maliliit na anak, isa-isa, at binasbasan sila, at nanalangin sa Ama para sa kanila."9

Tungkol sa okasyong ito, sinabi ni Pangulong Hinckley, "Wala nang higit na magiliw at magandang larawan sa lahat ng sagradong kasulatan kaysa sa simpleng wikang ito na nagpapaliwanag sa pag-ibig ng Tagapagligtas sa maliliit na bata."10

Ang susi sa mabisang pagtuturo ng ebanghelyo sa tahanan ay ang anyayahang mapasaatin ang Espiritu ng Panginoon. Ilan sa pinakamagandang payo na natanggap namin ng aking asawa sa mahihirap na sandali ng pagpapalaki sa aming mga anak ay ang gawin ang lahat upang maanyayahan at mapanatili ang Espiritu sa aming tahanan. Hindi matututo ng mga espirituwal na bagay ang mga bata at magkakaroon ng espirituwal na damdamin kung walang patnubay ng Espiritu.

Bilang mga magulang madalas nating ibabahagi sa ating mga anak ang ating patotoo kay Jesucristo. Ang pagpapatotoo, sa family home evening o sa pagtuturo man, ay mag-aanyaya sa Espiritu. Inuutusan din tayo ni Pangulong Boyd K. Packer na "turuan ang ating mga kabataan na magpatotoo—na si Jesus ang Cristo, na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos, na ang Aklat ni Mormon ay totoo."11

Muling tinitiyak sa atin ni Pangulong Gordon B. Hinckley: "Sa lahat ng kagalakan sa buhay, walang makakatulad ang kasiyahan ng pagiging magulang. Sa lahat ng responsibilidad na pinagsisikapan natin, walang ibang mas maselan. Ang pagpapalaki sa mga anak sa kapaligirang may pagmamahal, kaligtasan, at pananampalataya ang lubhang makabuluhan sa lahat ng hamon."12

Batid ko—nang may tandang pandamdam—na ang mga bata ay tatanggap ng pagsaksi ng Espiritung maghahatid ng matibay na paniniwala at pangako sa kanilang mga puso! Saksi ako na ito ang ating tungkulin at ating oportunidad, na masigasig na ituro at patotohanan sa ating mga anak ang katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo nang marinig din nila ang "tinig ng kagalakan." Sa ngalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. D at T 128:19, 23; tingnan din sa tt. 20–22.
2. D at T 93:40.
3. D at T 68:28.
4. D at T 68:25.
5. Enos 1:1.
6. Enos 1:3.
7. Tingnan sa "Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo," Liahona, Okt. 1998, 24.
8. "A Letter to Church Members from the First Presidency," Church News, ika-27 ng Peb. 1999, 3.
9. 3 Nephi 17:21.
10. "Save the Children," Ensign, Nob. 1994, 52.
11. Let Not Your Heart Be Troubled, (1991), 154.
12. Ensign, Nob. 1994, 54.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy