The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2002
Ano ang Mapapala Ko Diyan?

Ano ang Mapapala Ko Diyan?

Pangulong James E. Faust
Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan

Ang pagpasan sa krus at pagsunod sa Tagapagligtas ay pagdaig sa pagkamakasarili; ito'y pangakong maglingkod sa iba.

Pangulong James E. Faust

Mapagpakumbaba kong dalangin na patuloy na pumatnubay ang espiritung gumabay sa ibang mga tagapagsalita ngayong umaga habang nagsasalita ako sa inyo.

Noon ay nakatrabaho ko ang dalawang lalaking mas matanda at higit ang karanasan. Matagal kaming nagkasamang magkakaibigan at nakabuti ang pagtutulungan ng bawat isa. Isang araw, humingi sa amin ng tulong ang isang katrabaho tungkol sa napakahirap na bagay. Matapos itong ipaliwanag, agad na sinabi ng isa pang katrabaho na, "Ano ang mapapala ko diyan? Nang marinig ang makasariling sagot ng kaibigang ito, nabakas ko ang sakit at pagkabigo sa mukha ng taong humingi ng tulong sa amin. Ang pakikitungo nila sa isa't isa ay di na gaya ng dati matapos ang pangyayaring iyon. Hindi umunlad ang makasarili naming kaibigan dahil natakpan ng kanyang kasakiman ang kanyang mga kaloob, talino, at katangian. Ang malungkot, isa sa mga sumpa ng daigdig sa ngayon ay nababalot sa sagot na, "Ano ang mapapala ko diyan?"

Sa propesyon ko noon, tinulungan kong maisaayos ang ari-arian ng mga tagapagmana ng isang marangal na mag-asawa. Di malaki ang ari-arian, ngunit bunga ito ng maraming taon ng matiyagang pagtatrabaho at sakripisyo. Lahat ng mga anak nila'y disente at may takot sa Diyos na naturuang ipamuhay ang nakaliligtas na mga alituntunin ng Tagapagligtas. Pero sa hatian ng ari-arian, nagkaroon ng pagtatalo kung kanino mapupunta ang ano. Bagama't walang lubhang mahalagang bagay na pag-aawayan, pagkamakasarili at kasakiman ang sumira sa samahan ng ilan sa mga miyembro ng pamilya. Hindi na ito naghilom pa at nagpatuloy sa sumunod na henerasyon. Nakalulungkot na ang pamanang dulot ng butihing mga magulang na ito ang sumira sa pagkakaisa at pagmamahalan ng kanilang mga anak. Mula rito'y natutuhan ko na ang pagkamakasarili at kasakiman ay nagbubunga ng galit at pagtatalo; samantala, ang sakripisyo at pagbibigayan ay nagdudulot ng kapayapaan at kapanatagan.

Sa Malaking Kapulungan sa Langit, nang ilahad ang dakilang plano ng kaligtasan para sa mga anak ng Diyos, tumugon si Jesus, "Narito ako, isugo ako,"1 at "Ama, masusunod ang inyong kalooban, at ang kaluwalhatian ay mapasainyo magpasawalang-hanggan."2 At sa gayon Siya ang naging Tagapagligtas natin. Sa kabilang banda, si Satanas, na higit na kilala bilang 'anak ng umaga,"3 ay nagsabing hahayo siya at "tutubusin ang buong sangkatauhan, upang wala ni isa mang katao ang mawala."4 Dalawa ang kundisyon ni Satanas: una ang pagkakait ng kalayaang pumili, at ikalawa, ang mapasakanya ang karangalan. Sa madaling salita, dapat may pakinabang siya doon. Dahil dito siya'y naging ama ng lahat ng kasinungalingan at kasakiman.

Ang pagpasan sa krus at pagsunod sa Tagapagligtas ay pagdaig sa pagkamakasarili; ito'y pangakong maglingkod sa iba. Ang pagkamakasarili ay isa sa mga nakasusuklam na ugali ng tao, na dapat masupil at madaig. Pinahihirapan natin ang ating kaluluwa kapag hangad nating tumanggap kaysa magbigay. Kadalasan ang unang salitang natututuhang bigkasin ng maliliit na bata ay akin 'yan. Kailangan silang maturuan ng kagalakan sa pagbabahagi. Tunay na ang pagiging magulang ay isa sa pinakamabisang tagapagturo ng pagdaig sa kasakiman. Nabibingit ang buhay ng mga ina sa pagluluwal ng mga anak. Nagpapakapagod at nagsasakripisyo ang mga magulang upang mabigyan ng bahay, mapakain, madamitan, makalinga, at mapag-aral ang kanilang mga anak.

Nalaman ko na ang kasakiman ay mas malaki ang kaugnayan sa damdamin natin tungkol sa ating mga ari-arian kaysa dami nito. Sabi ng makatang si Wordsworth, "Sobra tayo sa kamunduhan; lagi-lagi na lang, / Sa pagkita at paggasta, kapangyariha'y sinasayang."5 Ang taong mahirap ay maaaring maging makasarili6 at ang mayama'y maging mapagbigay, ngunit ang taong ang hangad lang ay tumanggap ay mahihirapang makatagpo ng kapayapaan sa buhay.

Minsa'y sinabi ni Elder William R. Bradford: "Sa lahat ng impluwensiyang nagtutulak sa tao na piliin ang mali, walang alinlangang kasakiman ang pinakamatindi. Kapag may kasakiman, wala roon ang Espiritu ng Panginoon. Hindi naibabahagi ang mga talino, hindi natutugunan ang mga pangangailangan ng mahihirap, hindi napalalakas ang mahihina, hindi natuturuan ang mga mangmang, at hindi naibabalik ang mga nawawala."7

Kausap ko kailan lang ang isa sa pinakabukas-palad na mga taong nakilala ko. Ipinalarawan ko sa kanya kung ano ang nadarama niya sa pagiging mapagbigay. Binanggit niya ang galak at ligaya sa puso ng taong nagbabahagi sa mga kapus-palad. Sinabi niyang wala naman siyang tunay na pag-aari—lahat ay nagmumula sa Panginoon—tayo'y mga katiwala lang ng mga ibinigay Niya sa atin. Tulad ng sabi ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith, "Lahat ng bagay na ito ay akin, at kayo ang aking mga katiwala."8

Kung minsan madali nating malimutan na "ang lupa ay sa Panginoon at ang buong narito."9 Binalaan tayo ng Tagapagligtas, tulad ng nakatala sa aklat ni Lucas: "Mangagmasid kayo, at kayo'y mangagingat sa lahat ng kasakiman: sapagka't ang buhay ng tao ay hindi sa kasaganaan ng mga bagay na tinatangkilik niya.

"At nagsaysay siya sa kanila ng isang talinghaga, na sinasabi, Ang lupa ng isang taong mayaman ay namumunga ng sagana:

"At iniisip niya sa sarili na sinasabi, Ano ang gagawin ko, sapagka't wala akong mapaglalagyan ng aking mga inaning bunga?

"At sinabi niya, Ito ang gagawin ko: igigiba ko ang aking mga bangan, at gagawa ako ng lalong malalaki; at doon ko ilalagay ang lahat ng aking butil at aking mga pagaari.

"At sasabihin ko sa aking kaluluwa, Kaluluwa, marami ka nang pagaaring nakakamalig para sa maraming taon; magpahingalay ka, kumain ka, uminom ka, [at] matuwa ka.

"Datapuwa't sinabi sa kaniya ng Dios, Ikaw na haling, hihingin sa iyo sa gabing ito ang iyong kaluluwa; at ang mga bagay na inihanda mo, ay mapapa sa kanino kaya?

"Gayon nga ang nagpapakayaman sa ganang kaniyang sarili, at hindi mayaman sa Dios."10

Mga ilang taon na nang ikuwento si Elder ElRay L. Christiansen ang isa sa malayo niyang kamag-anak na taga-Scandinavia na sumapi sa Simbahan. Mayaman siya at ipinagbili ang kanyang mga lupain at ari-arian sa Denmark upang magpunta sa Utah kasama ang kanyang pamilya. Sandali niyang natupad ang tungkulin niya sa Simbahan at mga aktibidad dito, at yumaman siya. Gayunman, yumabang siya dahil sa kanyang mga ari-arian at nalimutan niya ang layunin ng pagpunta niya sa Amerika. Dinalaw siya ng bishop at hinimok na maging aktibo gaya ng dati. Nagdaan ang mga taon at ilan sa kanyang mga kapatid ang dumalaw sa kanya at nagsabi, "Tingnan mo, Lars, ang bait ng Panginoon sa iyo noong nasa Denmark ka. Naging mabuti siya sa iyo mula nang dumating ka rito. . . . Sa aming palagay, dahil may edad ka na, makabubuting gugulin mo ang ilang panahon mo para sa kapakanan ng Simbahan. Di mo naman kasi madadala ang mga bagay na ito pagkamatay mo."

Sa gulat niya, sumagot ang lalaki, "Kung gayon, hindi ako mamamatay."11 Ngunit siya'y namatay! At tayo ring lahat ay mamamatay!

Napakadaling matangay ng mga pag-aari nila ang ibang tao at mawalan ng gana sa kawalang-hanggan. Nang lisanin ni Abraham ang Egipto, sumama sa kanya ang pamangking si Lot patungong Bethel. Sina Abraham at Lot ay may mga kawan ng tupa't baka at mga tolda, "At sila'y hindi makayanan ng lupain, na sila'y manahan na magkasama: sapagka't napakarami ang kanilang pagaari, na ano pa't hindi maaaring manirahang magkasama."12 Matapos ang alitan ng mga pastol nina Abraham at Lot, iminungkahi ni Abraham kay Lot na, "Ipinamamanhik ko sa iyong huwag magkaroon ng pagtatalo, ikaw at ako, at ang mga pastor mo at mga pastor ko; sapagka't tayo'y magkakapatid.

". . . Kung ikaw ay pasa sa kaliwa, ay pasa sa kanan ako: o kung ikaw ay pasa sa kanan, ay pasa sa kaliwa ako."13

Nakita ni Lot kung "ano ang mapapala niya dito" nang tanawin niya ang masaganang kapatagan ng Jordan at pinili ang lupaing malapit sa makamundong lugar ng Sodoma.14 Kuntentong dinala ni Abraham ang mga kawan niya para manirahan sa tigang na lupain ng Canaan, subalit doo'y lalo siyang yumaman.

Si Abraham, gayunman, ay mas kilala bilang dakilang patriarch ng mga taong nakipagtipan sa Panginoon. Isa sa mga unang sanggunian natin hinggil sa pagbabayad ng ikapu ay nang magbayad si Abraham kay Melquisedec ng ikapu ng lahat ng kanyang pag-aari.15 Tiwala kay Abraham ang Panginoon kaya ipinakita sa kanya ang mga katalinuhan sa mundo bago pa ang buhay na ito, ang pagpili ng isang Manunubos, at ang Paglikha.16 Kilala rin si Abraham sa kahandaan niyang isakripisyo ang kanyang anak na si Isaac. Ang napakalaking pagpapamalas na ito ng pananampalataya ay sagisag ng walang kapantay na di-makasariling sakripisyo sa buong kasaysayan, nang ibuwis ng Tagapagligtas ang Kanyang buhay para sa ating lahat upang pagbayaran ang ating mga kasalanan.

Ilang taon na ang nakalilipas, "ipinambili ng diyaryo ng isang batang Koreano ang baon niya sa buong linggo. Ito'y ibinenta naman nila ng kanyang mga kaibigan sa mga lansangan ng Seoul, Korea, para makaipon ng perang itutulong sa kapwa nila estudyante na walang pera para magpatuloy sa pag-aaral. Binahaginan din ng batang ito ng kanyang baon ang estudyanteng ito araw-araw para hindi ito magutom. Bakit niya ginawa ito? Dahil pinag-aaralan niya ang kuwento ng Mabuting Samaritano17 at di lang basta inaaral ang tungkol sa Mabuting Samaritano kundi nais niyang madama ang nadarama ng Mabuting Samaritano. . . . Matapos ang masususing pagtatanong ng ama tungkol sa kanyang ginagawa"18 siya'y umamin, "Pero Itay, tuwing tutulungan ko ang kaibigan ko, pakiramdam ko'y lalo akong nagiging katulad ng Mabuting Samaritano. Isa pa, nais kong tulungan ang mga kaklase kong hindi ko kasimpalad. Maliit na bagay lang po ang ginagawa ko. Nabasa ko po ito sa manwal sa seminary at nadama kong iyon ang dapat kong gawin."19 Hindi itinanong ng bata ang, "Ano ang mapapala ko diyan?" bago niya ginawa ang kabaitang ito. Sa katunayan, ginawa niya ito na walang iniisip na kapalit o pagkilala.

Noong Setyembre 11, 2001, ang kambal na gusali ng World Trade Center sa New York City ay sinalpok ng mga eroplanong kontrolado ng mga teroristang nagpaguho sa dalawang gusali. Libu-libong tao ang nasawi. Mula sa trahedyang ito'y naglabasan ang daan-daang mga kuwento ng katapangan at di-makasariling paglilingkod. Isang tanyag na kuwento ng kabayanihan ang isinalaysay ng Washington Post tungkol sa retiradong sundalong si Koronel Cyril "Rick" Rescorla, na nagtatrabaho bilang pangalawang pangulo ng pangkalahatang seguridad sa Morgan Stanley Dean Witter.

Si Rick ay dating pinunong militar na dalubhasa sa pakikipaglaban. Siya'y nasa kanyang opisina nang "sumalpok ang unang eroplano sa gusali sa gawing hilaga noong alas-8:48 n.u. . . . Tumanggap siya ng tawag mula sa ika-71 palapag hinggil sa sumalpok na eroplano sa Unang Gusali ng World Trade Center, at agad niyang iniutos ang paglikas ng lahat ng 2,700 mga empleyado sa Ikalawang Gusali," gayundin ang 1,000 pang nasa Ikalimang Gusali. Gamit ang megaphone, pumanhik siya sa mga palapag at nakipagsiksikan sa kapal ng tao sa ika-44 na palapag hanggang makarating sa ika-72 palapag, para tumulong sa paglikas ng mga tao sa bawat palapag. Isang kaibigan ni Rick na nakakita sa kanya na pinalalakas ang loob ng mga tao sa may hagdanan ng ika-10 palapag ang nagsabing, "Rick, lumabas ka na rin."

"Pag natiyak kong nakalabas na ang lahat," sagot niya.

"Hindi man lang siya kinabahan. Inuna niyang iligtas ang buhay ng iba kaysa sa sarili." Tumawag siya sa punong-himpilan para sabihing babalik siya sa itaas para hanapin ang iba pang nahiwalay.

Napanood ng asawa niya ang pagsalpok ng United Airlines sa gusaling kinalalagyan niya. "Makaraan ang ilang sandali, tumunog ang telepono. Si Rick ang nasa linya.

"'Ayokong umiyak ka,' sabi niya. 'Kailangan kong ilikas ang mga tao ko ngayon din.'

"Patuloy ang hikbi niya.

"'Kung may mangyari sa akin, gusto kong malaman mong pinaligaya mo ang buhay ko.'

"Naputol ang linya." Hindi nakalabas ng gusali si Rick.

"Anim lang ang namatay sa 2,700 empleyado ng Morgan Stanley sa gusali sa gawing timog noong Set. 11, isang bukod-tanging himala sa gitna ng pagguho. At sinabi ng mga opisyal ng kompanya na karapat-dapat si Rescorla sa halos lahat ng parangal. Siya ang gumawa ng plano sa paglikas. Siya ang nagdala sa kanyang mga kasamahan sa ligtas na lugar. At maliwanag na bumalik siya sa naglalagablab na apoy para hanapin ang mga nahiwalay. Siya ang kahuli-hulihang lumabas mula sa gusali sa gawing timog matapos ang pagbomba sa World Trade Center noong 1993, at tiyak na ganoon din ang posibleng nangyari noong nakaraang buwan, ukung hindi naunang gumuho sa kanya ang mataas na gusali."

Sa gitna ng laganap na kasamaan at paninira noong Setyembre 11, 2001, hindi naghangad si Rick ng pakinabang nito sa kanya; sa halip ay inisip niya ang kapakanan ng iba at ang panganib na kinasadlakan nila. Si Rick Rescorla ang "tamang tao sa tamang lugar sa tamang oras." Si Rick, "na 62-taong-gulang na napakalaking tao ay balewalang isinakripisyo ang buhay alang-alang sa iba."20 Gaya ng sinabi ng Tagapagligtas Mismo, "Walang lalong may dakilang pagibig kay sa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang mga kaibigan."21

Karamihan sa atin ay hindi nagpapamalas ng pagiging di-makasarili sa ganitong pamamaraan, ngunit para sa bawat isa sa atin ang pagiging di-makasarili ay maaaring mangahulugan ng pagiging tamang tao sa tamang lugar sa tamang oras upang maglingkod. Halos araw-araw ay nagkakaroon ng oportunidad na magsagawa ng di-makasariling paglilingkod para sa iba. Ang ganitong mga pagkilos ay walang limitasyon at maaaring maging simple tulad ng isang pagpuri, pagtulong, o magiliw na ngiti.

Pinaaalalahanan tayo ng Tagapagligtas na, "Ang nakasusumpong ng kanilang buhay ay mawawalan nito; at ang mawalan ng buhay dahil sa akin ay makasusumpong niyaon."22 Isa sa masasakit na pangyayari sa buhay ay kapag ang taong may ugaling maghanap kung ano ang pakinabang niya ay maaaring magkamal ng salapi, ari-arian, at lupain, ngunit sa huli'y mawawalan ng katiwasayan ng kalooban at ng kaligayahang tinatamasa ng taong bukas-palad na nagbabahagi ng kanyang talino at kaloob sa iba.

Nais kong magpatotoo na ang labis na nagbibigay kasiyahang paglilingkod na maipagkakaloob ninuman sa atin ay ang paglilingkod sa ating Guro. Sa iba't ibang larangan sa aking buhay walang naging makabuluhan o kapaki-pakinabang na tulad ng pagtugon sa mga tawag na makapaglingkod sa Simbahang ito. Bawat isa'y naiiba. Bawat isa'y naghatid ng kaibang pagpapala. Ang pinakamahalagang kaganapan sa buhay ay nagmumula sa paglilingkod sa iba, at hindi ang paghahangad ng "kung ano ang mapapala ko diyan." Pinatototohanan ko ito sa ngalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Abraham 3:27.
2. Moises 4:2.
3. D at T 76:26.
4. Moises 4:1.
5. William Wordsworth, "The World Is Too Much with Us; Late and Soon," The Complete Poetical Works of William Wordsworth (1924), 353.
6. Tingnan sa D at T 56:17.
7. "Selfishness vs. Selflessness," Ensign, Abr. 1983, 51.
8. D at T 104:86.
9. Mga Awit 24:1.
10. Lucas 12:15–21.
11. Sa Conference Report, Okt. 1973, 35; o Ensign, Ene. 1974, 35.
12. Genesis 13:6.
13. Genesis 13:8–9.
14. Tingnan sa Genesis 13:10–11.
15. Tingnan sa Alma 13:15.
16. Tingnan sa Abraham 3–4.
17. Tingnan sa Lucas 10:25–37.
18. Victor L. Brown, "The Banner of the Lord," Ensign, Nob. 1984, 40.
19. "Profiting for Others," Tambuli, Peb. 1980, 29.
20. Michael Grunwald, "A Tower of Courage," Washington Post, ika-28 ng Okt. 2001.
21. Juan 15:13.
22. Mateo 10:39.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy