Elder David B. Haight
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Kung magpapasalamat din lang tayo nang wasto sa ating Ama sa Langit, dapat natin itong gawin nang buong puso, kapangyarihan, isipan, at lakas.
Nang hilingin ni Pangulong Thomas S. Monson sa mga bagong miyembrong iyon ng Pitumpu at sa pangkalahatang panguluhan ng Young Women na umakyat at umupo sa lugar nila sa pulpito, malinaw kong naalala ang Abril 1970, nang tawagin akong Assistant sa Korum ng Labindalawana nakagulat sa akin. Ilang oras ko pa lang itong nalalaman. Nang anyayahan akong umupo sa isa sa mga pulang silya sa lumang Tabernacle, sinimulang awitin ng koro ang "O Divine Redeemer." Habang nakikinig ako sa napakagandang himig ng makapangyarihang awiting iyon, tahimik kong hiniling sa Tagapagligtas na tanggapin ako bilang ako at kalimutan ang aking mga pagkakamali, pagkukulang, at kasalanan (tingnan sa Mga Awit 25:7). Napakagandang araw niyon! Sumagi iyon sa aking isipan nang anyayahan ako ni Pangulong Monson ngayon.
Karangalan kong maparito ngayong hapon upang makapiling kayo nang ilang sandali at sumaksi at magpatotoo at ipaabot sa inyo ang aking nadarama hinggil sa napakagandang gawaing ito.
Sinabi ko kay Elder Neal A. Maxwell na aakyat ako rito nang walang tungkod. Inihanda niya ito para sa akin, pero sabi ko, "Hindi, kaya ko kahit wala iyan. Ipakikita ko sa iyong may pananalig akong kaya ko ito." Habang tumatanda ako at lumilipas ang mga taon, karangalan kong magkaroon ng ganitong oportunidad at magkaroon ng kakayahan at hangaring tumayo at sumaksi sa inyo sa mga pagpapala ng ebanghelyo na dumating sa aking buhay nitong maraming taong nagdaan. Hindi ko alam kung ako ang pinakamatanda sa malaking bulwagang ito ngayon, ngunit ako'y 97 taong gulang na. Nang ipahayag ngayong umaga na ito ang ika-172 ikalawang taunang kumperensya ng Simbahan, naisip kong maituturing ng ilang kabataan na napakatagal na panahon ng 172. Ipaaalala ko sa inyo ang ika-100 anibersaryo ng Simbahan. Noon kami ikinasal ni Ruby. Taong 1930 iyon. Ito ang ika-172 anibersaryo ng Simbahan, at 72 taon na kaming kasal. Binabanggit ko lang ito para maalala ninyong mga matematiko ang 172; madaling tandaan ito.
Sana sa pagkakataong ito'y maparangalan at mapasalamatan ko ang aking Ama sa Langit sa mga pagpapalang natanggap ko sa buhaysa pagkasilang ko sa butihing mga magulang at paglaki sa mabuting tahanan. At sa paglibot namin sa buong bansa sa lahat ng aktibidad na sinalihan namin, nagpapasalamat akong makasama ang mabubuting tao. Iniimpluwensiyahan ang buhay ninyo ng mabubuting tao at tumutulong sa paghuhubog ng inyong sariling personalidad at pagkatao at sa pakikisalamuha sa lipunan at pamumuhay sa paraang naaangkop. Tinutulungan nila kayong magpatuloy sa mga makabuluhang proyekto, at maging mas mabuting tao. Labis akong nagpapasalamat sa Ama sa Langit sa mga pagpapalang tinanggap ko. Sumasaksi ako sa Kanya, at alam kong Siya ang ating Ama at si Jesus ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos, ang Lumikha, ang Tagapagligtas ng buong sangkatauhan. Nagpapasalamat ako sa maringal na tungkuling ginampanan niya sa Paglikha at sa pagtatatag ng ebanghelyo sa lupa at sa oportunidad na idinudulot nito sa sangkatauhan. Kung sila'y makikinig, maririnig, mauunawaan at matatanggap nila ang mga pagpapala ng langit kung nararapat sila at gagawing bahagi ng kanilang buhay ang ebanghelyo.
Salamat sa aking mga ninunong sumapi sa Simbahan noong nagsisimula pa lang ang Simbahan. Naglakbay sila mula sa itaas ng New York upang makihalubilo sa mga Banal sa Nauvoo at makasali sa Nauvoo Temple at pagkatapos ay makasama sa paglalakbay patungong Kanluran. Sa lahat ng pagpapalang ito, nagpapasalamat ako ngayon, sa pagbanggit ko sa mga ito.
Kailangan kong banggitin si Pangulong Gordon B. Hinckley. Napakagaling ng pananalita niya kaninang umagaat binigyan tayo ng buod ng mga taong nagdaan lalo na ng buod ng mga kaganapan sa Nauvoo at sa muling pagtatayo ng maringal na templong iyon. Lahat ng naganap doon ay pagpapala sa mundo at sangkatauhan.
Nais kong malaman ni Pangulong Hinckley na nagmasid akong mabuti simula nang matawag siya bilang dagdag na tagapayo kay Pangulong Spencer W. Kimball at nang umupo siya sa Unang Panguluhan. Napakalaki ng iniunlad at itinanda niya at nabigyan siya ng inspirasyon at pinatnubayan sa pagsasagawa ng mga aktibidad na nasasaksihan natin! Marami sa atin ang may nagawa kahit paano sa pananaw na taglay niya sa pag-unlad ng Simbahan kamakailan, kasama na ang pagtatayo ng mga templo, at ngayo'y 114 na ang gumagana. Lahat ng ito ay bunga ng inspiradong patnubay ni Pangulong Hinckley. Pagpalain siya ng Panginoon sa kanyang mga nagawa sa pagtulong na mapalaganap ang Simbahan at mapalago at mapaganda ang pagkakilala sa atin ng mundo. Labis kaming nagpapasalamat sa nagawa niya, sa kinaroroonan natin ngayon sa Simbahan, at sa kanyang pamumuno.
Gaya ng nakatala sa Lucas, isang araw ay pumasok ang Tagapagligtas sa isang nayon kung saan may 10 ketongin. Ngayon, tayong nangagsilaki nitong huling ilang taon ay kaunti lang ang alam tungkol sa mga ketongin. Ang ketong ay malubha at kinatatakutang sakit noong araw. Lumapit ang 10 ketonging ito sa Tagapagligtas at sinabi, "Guro, maawa ka sa amin; maawa ka sa amin na dinapuan ng malubhang sakit na ketong." At sinabi Niya sa 10 ketongin, "Magsihayo kayo at kayo'y pakita sa inyong saserdote, at aalagaan niya kayo"na siya nilang ginawa. Nagtungo sila sa kanilang mga saserdote, at nangalinis sila, lahat silang 10. Di naglaon, isa sa kanila ang bumalik sa Tagapagligtas at nagpatirapa at lumuhod sa kanyang harapan, at pinasalamatan ang Tagapagligtas sa pagpapagaling sa kanya mula sa malubhang sakit. At sinabi ng Tagapagligtas sa nag-iisang taong iyon: "Hindi baga [sampu] ang nagsilinis? Ano ang nangyari sa siyam? Saan sila naroon?" (Tingnan sa Lucas 17:1119.)
Sa paulit-ulit kong pagbabasa ng kuwentong iyon, nakintal iyon sa aking isipan. Nais ba ninyong maging bahagi ng "lipunan ng siyam"? Ano kaya ang pakiramdamng mapabilang sa mga hindi bumalik at kumilala sa Tagapagligtas sa mga pagpapalang ibinigay Niya sa kanila? Iisa lang ang bumalik.
Napakadali sa buhay na tumanggap ng mga pagpapala, halos di mabilang ang mga ito, at may mga pangyayari na magpapabago, magpapabuti, at maghahatid ng Espiritu sa ating buhay. Ngunit kung minsan binabalewala natin ang mga ito. Dapat ay pinasasalamatan natin ang mga pagpapalang dulot ng ebanghelyo ni Jesucristo sa ating puso at kaluluwa. Ipaaalala ko sa inyo na kung magpapasalamat din lang tayo nang wasto sa ating Ama sa Langit, dapat natin itong gawin nang buong puso, kapangyarihan, isipan, at lakasdahil Siya ang nagbigay sa atin ng buhay at hininga. Binigyan Niya tayo ng oportunidad na mabuhay nang ganito, magkaroon ng ebanghelyo sa ating buhay, magkaroon ng halimbawa ng mabubuting taong gaya ni Pangulong Hinckley na namumuno sa Simbahan sa buong mundo ngayon. Nariyan ang oportunidad ng mga kabataan na umasa sa kanya nang buong pagmamalaki at pasasalamat sa isang pinunong angkop ang pagkatao at pagkilos at ipinamamalas kung ano ang idudulot ng Espiritu ni Cristo sa ating puso at kaluluwa. Habang naipakikita at napalalago at nadaragdagan ang pasasalamat na iyon, mapagpapala nito ang ating puso at isipan at kaluluwa kung saan nais nating magpatuloy na gawin ang mga bagay na ipinagagawa sa atin.
Marami sa aming pamilya ang nakakalat sa mga 20 lugar sa Estados Unidos at Inglatera. Iminungkahi ko sa kanila na kapag may pagkakataon silang sang-ayunan ang mga General Authoritylalo na si Pangulong Hinckley at kanyang mga tagapayokung kailangan nilang tumayo sa tabi ng radyo o saanman, ay buong sigla silang magtaas ng kamay at sabihin sa sariling, "Bahagi ako sa pagsang-ayon sa pamumuno ng Simbahan." Naiisip ko ngayon na habang itinataas natin ang ating mga kamay may mga batang paslitmga batang minamahal at sinasamba natinna nagtataas din ng mga kamay sa ilang bahagi ng mundo. Umaasa kaming tuturuan sila sa tulong ng Espiritu ng Panginoon na maghangad na matuto, malaman, mamuhay, at maging bahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo. Umaasa kaming ganap nilang tatamasahin ang mga pagkakataon para pagyamanin ang kanilang pagkatao at tumulong sa pagbabago at pagpapasigla ng puso ng ibang tao.
Buhay ang Diyos. Siya ang ating Ama. Sumasaksi ako sa inyo na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos, at si Propetang Joseph Smith ang propeta ng Panunumbalik. Si Pangulong Hinckley ang ating inspiradong pinuno ng Simbahan sa buong mundo ngayon. Pagpalain siya sa lahat ng kanyang ginagawa at sa inspirasyon at paghahayag at pananaw na angkin niya habang isinusulong niya ang gawain. Iniiwan ko sa inyo ang patotoong ito sa ngalan ni Jesucristo, amen.