Elder Robert D. Hales
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Magbayad ng ikapu. Buksan ang mga dungawan ng langit. Sagana kayong bibiyayaan sa pagsunod at katapatan ninyo sa mga batas at kautusan ng Panginoon.
Ang ikapu ay pagsubok sa pananampalataya na may mga walang hanggang pagpapala.
1 Sa Lumang Tipan, pinatunayan ni Abraham ang kanyang pananampalataya sa pagbabayad ng ikapu sa dakilang high priest na si Melquisedec.
2 Si Jacob na apo ni Abraham ay nangako sa Panginoon, "Sa lahat ng ibinigay mo sa akin ay walang pagsalang ang ikasangpung bahagi ay ibibigay ko sa iyo."
3
Ibinigay ang ikapu sa mga huling araw na ito bilang mahalagang batas para sa mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon. Isa ito sa mga pangunahing paraan ng pagsaksi natin sa ating pananampalataya sa Kanya at pagsunod sa Kanyang mga batas at kautusan. Ang ikapu ay isa sa mga kautusang nagpapagindapat sa atin, dahil sa ating pananampalataya, na makapasok sa temploang bahay ng Panginoon.
Tatlong buwan pa lang ang nakararaan mula nang mamatay na martir si Propetang Joseph Smith, sa panahong itinatayo ng mga Banal ang Templo sa Nauvoo, isinulat ni Brigham Young bilang kinatawan ng Korum ng Labindalawang Apostol: "Mahigpit na sundin ang palagiang pagbabayad ng ikapu, . . . : at pumasok sa Bahay ng Panginoon, at maturuan sa Kanyang mga pamamaraan, at tumahak sa kanyang mga landas."4
Hindi lang tayo ginagawang marapat ng mahigpit na pagsunod sa batas ng ikapu upang tanggapin ang mas mataas at nakapagliligtas na mga ordenansa sa templo, tinulutan din tayo nitong tumanggap nito para sa ating mga ninuno. Nang tanungin kung mabibinyagan ang mga miyembro para sa mga patay kung hindi bayad ang kanilang ikapu sumagot si Pangulong John Taylor, na noo'y nasa Korum ng Labindalawa: "Ang taong di nagbayad ng kanyang ikapu ay di marapat binyagan para sa kanyang mga patay. . . . Kung walang sapat na pananampalataya ang isang tao para gawin ang maliliit na bagay na ito, di sapat ang pananampalataya niya para iligtas ang kanyang sarili at mga kaibigan."5
Pinalalakas at sinusubok ng ikapu ang ating pananampalataya. Sa pagsasakripisyo sa Panginoon ng inaakala nating kailangan o gusto natin para sa ating sarili, natututo tayong umasa sa Kanya. Pinangyayari ng ating pananampalataya sa Kanya na tupdin ang ating mga tipan sa templo at matanggap ang mga walang hanggang pagpapala ng templo. Isinulat ng tagabunsod na si Sarah Rich, maybahay ni Charles C. Rich, sa kanyang journal pagkaalis ng Nauvoo, "Marami kaming natanggap na biyaya sa Bahay ng Panginoon, [na] nagbigay-galak at aliw sa kabila ng aming mga pagsubok, at nagbigay sa amin ng pananampalataya sa Diyos, na nalalamang gagabayan at aalalayan Niya kami sa walang katiyakang paglalakbay na haharapin namin."6
Gaya ng mga tagabunsod, ang masunuring pagbabayad ng ikapu ay nagpapatibay ng ating pananampalataya, na nagpapalakas sa atin sa mga pagsubok, hirap, at lungkot sa ating buhay.
Tinuturuan din tayo ng ikapu na kontrolin ang ating mga pagnanasa at hilig sa mga bagay ng mundo. Hinihikayat tayo ng pagbabayad ng ikapu na maging tapat sa pakikitungo sa ating kapwa. Natututo tayong magtiwala na ang mga bigay sa atin, sa pamamagitan ng mga pagpapala ng Panginoon at sa sarili nating sikap, ay sapat para sa ating mga pangangailangan.
May espesyal na layunin ang ikapu bilang batas na naghahanda sa atin sa iba pang bagay. Sa unang bahagi ng dispensasyong ito, inatasan ng Panginoon ang ilang miyembro ng Simbahan na ipamuhay ang mas mataas na batas ng paglalaanisang batas na natanggap sa pamamagitan ng tipan. Nang hindi nasunod ang tipang ito, matitinding hirap ang dumating sa mga Banal.7 Binawi ang batas ng paglalaan. Kapalit nito'y inihayag ng Panginoon ang batas ng ikapu para sa buong Simbahan.8 Noong Hulyo 8, 1838, ipinahayag Niya:
"At ito ang magiging pasimula ng pagbibigay ng ikapu ng aking mga tao.
". . . Yaong mga hiningan ng ikapu ay magbabayad ng ikasampung bahagi ng lahat ng kanilang tinubo taun-taon; at ito ay mananatiling batas sa kanila magpakailanman."9
Inihahanda tayo ng batas ng ikapu na maipamuhay ang mas mataas na batas ng paglalaanna ilaan ang buong panahon, talino, at kabuhayan natin sa gawain ng Panginoon. Hanggang sa araw na kailanganin nating ipamuhay ang mas mataas na batas na ito, inutusan tayong ipamuhay ang batas ng ikapu, na kusang-loob10 na pagbibigay ng ikasampung bahagi ng ating kita taun-taon.
Sa mga taos at tapat na namumuhay sa batas ng ikapu, nangangako ang Panginoon ng saganang biyaya. Ilan sa mga biyayang ito ay temporal, gaya ng mga ikapu. Ngunit gaya ng panlabas na mga ordenansa ng binyag at sakrament, ang kautusang magbayad ng ikapu ay kailangan ng temporal na sakripisyo, na sa huli'y magbubunga ng maraming espirituwal na pagpapala.
May kilala akong mag-asawang nanirahan libu-libong milya ang layo sa pinakamalapit na templo. Bagama't maliit ang kita, tapat silang nagbayad ng ikapu at inipon ang kaya nilang ipunin para makapunta sa bahay ng Panginoon. Makaraan ang isang taon, di inaasahang dumating ang kapatid ng lalakina di miyembro ng Simbahanat binigyan sila ng dalawang tiket sa eroplano. Dahil sa temporal na biyayang ito natanggap nila ang mga espirituwal na pagpapapala ng kanilang mga endowment at pagbubuklod sa templo. Dagdag na espirituwal na pagpapala pa ang dumating nang sumapi sa Simbahan ang kapatid, na naantig sa mapagpakumbabang katapatan ng mag-asawa.
Ang temporal at espirituwal na mga pagpapala ng ikapu ay iniakma sa atin at sa ating mga pamilya, ayon sa kalooban ng Panginoon. Ngunit para matanggap ang mga ito dapat nating sundin ang batas kung saan nakasalalay ang mga ito.11 Hinggil sa ikapu, sinabi ng Panginoon, "Dalhin ninyo ang buong ikasangpung bahagi sa kamalig, upang magkaroon ng pagkain sa aking bahay, at subukin ninyo ako ngayon sa bagay na ito, sabi ng Panginoon, kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga dungawan sa langit, at ihuhulog ko sa inyo ang isang pagpapala, na walang sapat na silid na kalalagyan."12
May sinuman ba sa atin na sadyang tatanggi sa pagbuhos ng mga pagpapala mula sa Panginoon? Ang malungkot, ito ang ginagawa natin kapag di tayo nagbabayad ng ikapu. Umaayaw tayo sa mismong mga pagpapalang hinahangad at idinarasal nating matanggap. Kung nagduda man kayo sa mga pagpapala ng ikapu, hinihikayat ko kayong tanggapin ang paanyaya ng Panginoon na "subukin [Siya] . . . ngayon." Magbayad ng ikapu. Buksan ang mga dungawan ng langit. Sagana kayong bibiyayaan sa pagsunod at katapatan ninyo sa mga batas at kautusan ng Panginoon.
Makatitiyak kayo na ang mga pagpapalang ito ay ibubuhos nang pantay-pantay sa mayayaman at mahihirap. Tulad ng sabi sa himno, "biyaya'y bunga ng pagpapakasakit," hindi kabuuan ng ating mga kontribusyon.13 Ang mga miyembrong kusang-loob na nagbibigay ng buong ikasampung porsiyento ng kanilang taunang kita ay tinatanggap ang mga ipinangakong pagpapala ng ikapu, singliit man ito ng lepta ng babaing balo o napakalaking halaga.
Ilang taon na ang nakalilipas binisita ko ang isang bahay-pulungan ng ibang relihiyon. Nakasulat sa magandang salaming bintana na may kulay at binili pa sa Europa ang pangalan ng nagbigay sa mga ito; nakaukit sa maringal na pulpitong gawa sa mga sedro ng Lebanon ang inisyal ng mayamang tagatangkilik, ang napakagandang mga upuan ay ipinangalan sa mga bantog na pamilyang nag-ambag sa pondong ginamit sa pagpapatayo ng kapilya.
Sa kabaligtaran, sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, lahat ng nagbabayad ng buong ikapu ay gayon din ang pagkilala at pagpapala ng Panginoon, nang walang espesyal na mga papuri at gantimpala sa publiko. Hindi Siya "nagtatangi ng mga tao."14 Ang Kanyang batas sa kinita ay tunay na makatarungan.
Makahulugan sa ating panahon ang paraan sa pamamahagi ng ikapu. Habang nakikita natin ang mga halimbawa ng kasakiman at pag-iimbot sa pera ng ilan sa mga iresponsableng tagapamahala sa mga kompanya, magpasalamat tayo na naglaan ang Panginoon ng paraan sa pangangasiwa ng ikapu sa ilalim ng Kanyang patnubay.
Ayon sa paghahayag, ang mga bishop ay inorden upang "mag-ingat ng kamalig ng Panginoon; upang tumanggap ng mga laang gugugulin ng Simbahan."15 Ang mga bishop at klerk ay kapwa inaasahang nagbabayad ng buong ikapu at namumuhay ayon sa kanilang kita. Ilang oras matapos matanggap ang pondo ng ikapu mula sa mga miyembro ng kanilang ward at branch, ipinadadala agad ng mga lokal na lider na ito ang pondo sa punong-tanggapan ng Simbahan.
Pagkatapos, gaya ng ipinahayag ng Panginoon, isang konsehong binubuo ng Unang Panguluhan, Korum ng Labindalawang Apostol, at Presiding Bishopric ang nagpapasiya sa paggamit ng ikapu. Partikular na ipinahayag ng Panginoon na ang gawain ng konseho ay pangangasiwaan, "ng sarili kong tinig sa kanila."16 Ang konsehong ito ay tinawag na "Konseho sa Pamamahagi ng mga Ikapu."
Nakatutuwang saksihan ang pagsunod ng konsehong ito sa tinig ng Panginoon. Nakaaalam at nakikilahok ang bawat miyembro sa lahat ng pasiya ng konseho. Walang pasiyang isinagawa nang hindi nagkakaisa ang buong konseho. Ang lahat ng pondo ng ikapu ay ginugugol para sa mga layunin ng Simbahan, kabilang na ang pangkapakananpagkalinga sa mahihirap at nangangailanganmga templo, gusali at paglilinis ng mga bahay-pulungan, edukasyon, kurikulumsa madaling salitaang gawain ng Panginoon.
Nang tanungin ng isang kaibigan si Pangulong George Albert Smith kung ano ang palagay niya sa plano nitong kunin ang dapat niyang ibayad na ikapu at ibigay ito sa kawanggawang kanyang pinili, ipinayo ni Pangulong Smith:
"Palagay ko'y isa kang taong bukas-palad sa pag-aari ng iba. . . .
". . . Binanggit sa akin ang ginawa mo sa pera ng Panginoon ngunit hindi mo sinabing nabigyan mo ang sinuman sa sariling pera mo. [Ang Panginoon] ang pinakamahusay mong katuwang sa buong mundo. Ibinibigay Niya sa iyo ang lahat ng tinatamasa mo, maging ang hanging nilalanghap mo. Sinabi Niyang dapat mong kunin ang ikapu ng iyong kinita at ibigay ito sa Simbahan tulad ng bilin ng Panginoon. Hindi mo pa nagawa iyan; kinuha mo ang pera ng pinakamahusay mong katuwang, at ipinamigay ito."17
Ang ikapu ng mga miyembro ng Simbahan ay sa Panginoon. Siya ang nagpapasiya, sa tulong ng konseho ng Kanyang mga tagapaglingkod, kung paano ito gagamitin.
Sa mga miyembro at iba pa sa buong mundo, pinatototohanan ko ang Konseho sa Pamamahagi ng mga Ikapu. 17 taon na akong miyembro ng konsehong ito, bilang Presiding Bishop ng Simbahan at ngayon bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Walang itinatangi, ang pondo ng ikapu ng Simbahang ito ay ginagamit para sa Kanyang mga layunin.
Nais ng Panginoon na magkaroon ang lahat ng Kanyang anak ng mga pagpapala ng ikapu. Tayong mga magulang ay madalas na hindi tinuturuan at hinihikayat ang ating mga anak na ipamuhay ang batas na ito dahil maliit na halaga lang ito. Ngunit kung wala silang patotoo sa ikapu, madali silang matutukso. Kapag tinedyer na sila, naaakit sila sa mga damit, libangan, at mamahaling gamit, at nanganganib na mawala ang espesyal na proteksyong dulot ng ikapu.
Sa paglipas ng mga taon, posible bang maorden na elder ang isang binatilyo, magmisyon, at epektibong magturo sa iba ng isang batas na hindi niya mismo ipinamuhay? Pag-uwi niya at mahaharap na sa mga problema sa pag-aaral, pagsisimula ng pamilya, at trabaho, mas dadali bang maipamuhay ang batas ng ikapu? Gayundin, maging marapat kayang maglingkod sa Panginoon ang isang dalagita at gumawa ng mga tipan sa kasal na walang hanggan nang walang sariling patotoo sa ikapu ? Magiging handa ba siyang ituro sa kanyang mga anak ang isang batas na hindi niya natutuhan sa sarili niyang karanasan? A, kaylaking pananampalataya ang kailangan ng mga ama at inang nagkakaisang isamo ang nangangalagang mga pagpapala ng ikapu sa kanilang pamilya at mga pagpapalang angkop na mapasakanila! Sinabi ni Pangulong Lorenzo Snow: "Turuang magbayad ng ikapu ang mga bata, upang lagi itong masunod. Kung sinusunod natin ang batas na ito, anuman ang gawin ng ating mga kaaway, iingatan tayo ng Panginoon."18
Sa darating na ilang linggo bawat isa sa atin ay magkakaroon ng sagradong pagkakataong makipagkita sa ating bishop at ayusin ang ating ikapu sa Panginoon. Magiging mahinahon at mabait ang inyong bishop. Uunawain niya ang mga hamon ninyo sa buhay. Kung hindi ninyo mababayaran ang hindi ninyo nabayaran noon, humayo kayo. Magsimula ngayon. Ibahagi sa inyong bishop ang matibay na pangako ninyong magbabayad ng buong ikapu sa hinaharap at pagsikapang makabalik sa templo sa lalong madaling panahon. Sa sandaling maipakita ninyo ang inyong pananampalataya sa pagbabayad ng ikapu sa loob ng ilang panahon at masunod ang iba pang kinakailangang mga kautusan, lalo ninyong matatamasa ang mga walang hanggang pagpapala ng templo. Nakikiusap ako, huwag ninyong hayaang lumagpas ang pagkakataong ito. Huwag kayong magpaliban.
Mga ama at ina, habang naghahanda kayong isaayos ang inyong ikapu hinihikayat ko kayong tipunin sa inyong tabi ang maliliit ninyong anak at tulungan silang tantiyahin ang kanilang ikapu. Tulungan ang inyong mga kabataan na tingnan ang kanilang talaan at alamin ang kanilang taunang kita. Malaking oportunidad ito para itanim ang binhi ng pananampalataya sa puso ng inyong mga anak. Sisimulan ninyo sila sa landas patungong templo. Ang mga henerasyon ng inyong mga ninuno at inapo ay magsisibangon at tatawagin kayong mapapalad, dahil naihanda ninyo ang inyong mga anak sa pagsasagawa ng mga nakapagliligtas na ordenansa para sa kanila. Hindi ito nagkataon lang, mga kapatid, na sa ilalim ng patnubay ng buhay na propeta ng Diyos sa lupa ngayon, si Pangulong Gordon B. Hinckley, itinatayo ang mga templo sa buong mundo. Ang pagsunod sa mga kautusan, kabilang na ang pagbabayad ng ating ikapu, ay gagawin tayong marapat na makapasok sa mga templong iyon, mabuklod sa ating mga pamilya, at matanggap ang mga walang hanggang pagpapala.
Nakikiusap ako na huwag nating ipagpaliban ito at sundin natin ang utos ng ating Panginoon na ipamuhay ang batas ng ikapu. May kilala akong dalawang misyonerong dumalaw sa isang napakahirap na pamilya. Nakatira ang pamilya sa hamak na dampa, na walang sahig at walang kuryente o kama. Tuwing gabi'y ginugugol ng ama, na isang magsasaka, ang maghapong kita sa pagbili ng hapunan. Habang paalis sa hamak na tahanang iyon, naisip ng senior na kompanyon, "Siguradong magiging hadlang sa pamilyang ito ang batas ng ikapu. Huwag na muna kaya natin itong talakayin." Ilang sandali pa, ipinahayag ng kanyang junior na kompanyon, na lumaki sa gayunding kalagayan sa sarili niyang bansa, ang iniisip nito: "Alam kong sa ikalimang talakayan pa ituturo ang alituntunin ng ikapu, pero puwede bang ituro na natin ito sa susunod nating pagbisita? Dapat nilang malaman ngayon ang tungkol sa ikapu dahil kailangang-kailangan nila ang tulong at pagpapala ng Panginoon."
Naunawaan ng misyonerong ito na "may isang batas, hindi mababagong utos sa langit bago pa ang pagkakatatag ng daigdig na ito, kung saan ang lahat ng pagpapala ay nakasalalayAt kapag tayo ay nagtatamo ng anumang mga pagpapala mula sa Diyos, ito ay dahil sa pagsunod sa batas kung saan ito ay nakasalalay."19 Nais pagpalain ng Panginoon ang pamilyang ito at sabik na inaasam ang kanilang pagsunod upang magawa Niya ito.
Mahal kong mga kapatid, ang mga walang hanggang pagpapala ng ikapu ay totoo. Dinanas ko na ang mga ito sa buhay ko at ng aking pamilya. Ang pagsubok sa ating pananampalataya ay kung ipamumuhay natin ang batas ng ikapu sa ating pagsunod at sakripisyo. Dahil, sa mga salita ni Propetang Joseph Smith, "ang relihiyong hindi nangangailangan ng sakripisyo ng lahat ng bagay ay walang sapat na kapangyarihang magbunga ng pananampalatayang kailangan sa buhay at kaligtasan kailanman."20
Pinatototohanan ko na isinakripisyo ng Panginoong Jesucristo ang kanyang buhay upang idulot ang kaligtasang ito sa bawat isa sa atin. Bilang Kanyang mga natatanging saksi, pinatototohanan ko na Siya ay buhay. At para sa Kanya, pinasasalamatan ko kayo, ang mga bata, balo, kabataan, pamilyaang matatapatsa inyong mga sagradong ikapu. "Huwag kang matakot, ang lahat ay sa akin din ginawa."21 Sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Tingnan sa Joseph F. Smith, Gospel Doctrine, ika-5
edisyon (1939), 22526.
2. Tingnan sa Genesis 14:20.
3. Genesis 28:22.
4. History of the Church, 7:282.
5. History of the Church, 7:29293.
6. Journal ni Sarah De Armon Pea Rich, Archives, Harold B. Lee
Library, Brigham Young University (nakamakinilya), 42.
7. Tingnan sa Joseph Fielding Smith, Church History and Modern
Revelation (Kursong pag-aaralan ng Melchizedek Priesthood, unang serye,
1946), 196.
8. Tingnan sa makasaysayang pambungad sa D at T 119.
9. D at T 119:34.
10. Tingnan sa Church History and Modern Revelation (ikatlong
serye, 1946), 120.
11. Tingnan sa D at T 130:2021.
12. Malakias 3:10.
13. "Purihin ang Propeta," Mga Himno, blg.
21.
14. D at T 1:35; 38:16.
15. D at T 72:10.
16. D at T 120:1.
17. Sharing the Gospel With Others, pinili ni Preston
Nibley (1948), 46; tingnan din sa 4447.
18. Sinipi sa Church History and Modern Revelation (ikatlong
serye), 122.
19. D at T 130:2021.
20. Joseph Smith, Lectures on Faith (1985), 69.
21. "Isang Taong Manlalakbay," Mga Himno,
blg. 22.