ELDER HENRY B. EYRING
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Nagtitiwala ang Panginoon sa tunay Niyang mga disipulo. Ipinadadala Niya ang mga taong handa sa Kanyang mga tagapaglingkod na handa.
Lahat tayong nakipagtipan sa binyag ay nangakong ibabahagi ang ebanghelyo sa iba.1 Kung minsan, ang takot na matanggihan at makasakit ay hadlang na tila imposibleng iwasan. Subalit madali itong nalalampasan ng ilang miyembro. Naobserbahan ko na silang mabuti sa mga paglalakbay ko. Naaalala ko pa ang ilan sa kanila.
Sabado ang araw ng palengke sa buong mundo. Sa mga bukirin ng Ghana, sa Ecuador, at sa Pilipinas, maraming tao ang nagdadala sa bayan ng kanilang mga ani at panindang gawa sa kamay para ipagbili. Kinakausap nila ang mga kasalubong nila sa daan. At nakikipagkuwentuhan sa katabi nila habang naghihintay ng bibili. Madalas pag-usapan ang mga pakikibaka sa buhay, ang pag-ahon sa kahirapan at kung minsa’y tungkol sa panganib.
Ang ilan sa mga nasa daan at palengke ay mga Banal sa mga Huling Araw. Madalas nilang pag-usapan ng mga nakikilala nila ang katulad ng maririnig ninyo saanmang dako ng mundo. “Tagasaan ka?” “Anak mo ba ‘yang kasama mo?” “Ilan ang anak mo?” Ngunit may kaibhan sa mga Banal sa mga Huling Araw. Mapapansin ito sa kanilang anyo at pananalita. Nakikinig silang mabuti sa sagot sa mga tanong at nagmamalasakit sa taong kausap.
Kung tatagal nang ilang minuto ang pag-uusap, mapupunta ito sa mga bagay na lubos na mahalaga sa dalawa. Pag-uusapan nila ang inaakala nilang nagdudulot ng ligaya at lungkot. At mapag-uusapan ang mga inaasam nila sa buhay na ito at sa susunod. Kalmadong magsasalita ang Banal sa mga Huling Araw. Hindi palagi, ngunit kung minsan, itinatanong sa Banal sa mga Huling Araw, “Bakit payapangpayapa ka?” Paano mo nalalaman ang sinasabi mong alam mo?”
At darating ang payapang sagot. Marahil tungkol ito sa pagpapakita ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo, sa batang si Joseph Smith. Maaaring tungkol ito sa mapagmahal na ministeryo ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas, tulad ng inilarawan sa Aklat ni Mormon, sa mga karaniwang taong tulad nati’y sumampalataya at nagmahal sa Kanya.
Kung makarinig kayo ng gayong usapan ukol sa espirituwal na mga bagay sa palengke o sa kalye, maaaring itanong ninyo: “Paano ko magagawa iyon? Paano ko mas mainam na maibabahagi ang pananampalataya ko sa mga hindi pa nakadama ng nadarama ko?” Ito ang tanong para sa bawat miyembro. Ang tanong na iyan ay nasa isip ng bawat bishop at branch president sa Simbahan na ngayo’y may tungkuling manguna sa gawaing misyonero sa kanyang mga tao. Ang sagot ay nasa pagdami ng mga taong interesado sa ebanghelyo.
Masusi kong pinag-aralan at idinalangin ang ilang taong pambihira ang katapatan at epektibong mga saksi ng Tagapagligtas at ng Kanyang Simbahan. Nagbibigay-inspirasyon ang kanilang mga karanasan. Isang mapakumbabang tao ang hinirang na pangulo ng maliit na branch. Iilan lang ang mga miyembro kaya hindi niya malaman kung paano kikilos ang branch. Nagpunta siya sa kakahuyan para magdasal. Itinanong niya sa Diyos ang dapat niyang gawin. Dumating ang sagot. Sila ng ilang miyembro ay nagsimulang mag-anyaya ng mga kaibigan sa simbahan. Sa loob ng isang taon, daan-daan ang nagpabinyag at naging mga kababayan na kasama ng mga Banal sa Simbahan ng Panginoon.
May kilala akong tao na halos linggu-linggong nagbibiyahe sa trabaho niya. Sa bawat araw ay may mga misyonero sa iba-ibang dako ng mundo na nagtuturo sa isang taong nakilala niya. May isa pang tao na tila di malaman kung ilang tao ang dapat niyang kausapin bago pa naisin ng isa sa kanila na magpaturo sa mga misyonero. Hindi niya iniintindi ang kanyang pagod kundi ang kaligayahan ng mga taong nagbago ang buhay.
Walang parisan ang ginagawa nila. Walang eksaktong pamamaraan. Ang ilan ay laging may dalang Aklat ni Mormon na ipamimigay. Ang iba’y nagtatakda ng araw sa paghahanap ng patuturuan sa mga misyonero. Ang isa pa ay may mga katanungan tungkol sa kung ano ang pinakamahalaga sa buhay ng tao. Bawat isa’y nanalangin para malaman ang gagawin. Tila iba ang nakuhang sagot ng bawat isa sa kanila, na akma naman sa kanila at sa mga kausap nila.
Ngunit sa isang banda ay magkakatulad sila. Ito iyon: iisa ang paraan nila sa pag-unawa kung sino sila. Nagagawa nila ang ipinagagawa sa kanila dahil dito. Para magawa ang dapat nating gawin kailangan tayong maging tulad nila kahit sa dalawang bagay lang. Una, dama nilang sila ay minamahal na mga anak ng mapagmahal na Ama sa Langit. Dahil diyan madali sa kanila ang madalas na bumaling sa Kanya sa panalangin. Inaasahan nilang matanggap ang personal Niyang tagubilin. Mapakumbaba silang sumusunod, bilang mga anak ng perpektong magulang. Malapit Siya sa kanila.
Ikalawa, sila ang mapagpasalamat na mga disipulo ng nabuhay na maguling Jesucristo. Alam nila mismo na tunay at kailangan ng lahat ang Pagbabayad-sala. Dama nilang nalinis sila sa pagbibinyag ng mga may awtoridad at sa pagtanggap nila ng Espiritu Santo. At dahil sa kapayapaang nadama nila, sila’y gaya ng mga anak ni Mosias, na “nagnais na ipahayag ang kaligtasan sa bawat nilikha, sapagkat hindi nila maatim na ang sinumang kaluluwa ng tao ay masawi; oo, maging ang isipin lamang na ang sinumang kaluluwa ay magtiis ng walang hanggang pagdurusa ay naging dahilan upang sila ay mayanig at manginig.2
Pinahahalagahan ng mga taong madali at madalas magsalita tungkol sa ebanghelyo ang kahulugan nito sa kanila. Madalas nilang isipin ang malaking biyayang iyon. Ang alaala ng kaloob na natanggap nila ang dahilan ng pananabik nila na matanggap din ito ng iba. Nadama nila ang pagmamahal ng Tagapagligtas. Para sa kanila ang mga salitang ito ang tunay na nadarama nila araw-araw, oras-oras:
“Walang takot sa pagibig: kundi ang sakdal na pagibig ay nagpapalayas ng takot, sapagka’t ang takot ay may kaparusahan; at ang natatakot ay hindi pa pinasasakdal sa pagibig.
“Tayo’y nagsisiibig, sapagka’t siya’y unang umibig sa atin.”3 Kahit nadama na ang pag-ibig na iyan, kung minsa’y nababalisa ang tunay na disipulo. Malinaw na sinabi ni Apostol Juan: mawawala ang takot kapag naging sakdal ang pag-ibig sa atin. Mahihiling natin sa panalangin ang kaloob na sakdal na pag-ibig. Makapagdarasal tayo’t makaaasang madarama ang pag-ibig ng Tagapagligtas sa ating lahat. Sapat ang pagmamahal Niya sa atin at sa kanila para bayaran ang ating mga kasalanan. Mahalagang paniwalaan iyan. Mas mahalagang baguhin ang ating puso para madama ito sa bawat sandali. Ang utos na manalangin upang madama ang pagmamahal ng Tagapagligtas ay isa ring pangako. Makinig:
“Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, kung wala kayong pag-ibig sa kapwa-tao, wala kayong kabuluhan, sapagkat ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang. Kaya nga, manangan sa pag-ibig sa kapwatao, na pinakadakila sa lahat, sapagkat ang lahat ng bagay ay nagkukulang—
“Datapwat ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo, at iyon ay nagtitiis magpakailanman; at sinumang matagpuang mayroon nito sa huling araw, ay makabubuti sa kanya.
“Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig, na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo; upang kayo ay maging mga anak ng Diyos; na kung siya ay magpapakita, tayo ay magiging katulad niya, sapagkat makikita natin siya bilang siya; upang tayo ay magkaroon ng ganitong pag-asa; upang tayo ay mapadalisay maging katulad niya na dalisay.”4
Nagtitiwala ang Panginoon sa tunay Niyang mga disipulo. Ipinadadala Niya ang mga taong handa sa Kanyang mga tagapaglingkod na handa. Naranasan na rin ninyo na makakilala ng mga taong tiyak ninyong hindi lang nagkataon na makita ninyo.
May kaibigan akong dumadalangin araw-araw na makakilala ng taong handang tumanggap ng ebanghelyo.
May dala siyang kopya ng Aklat ni Mormon. Noong gabi bago siya magbiyahe, inisip niyang huwag nang magdala nito at “pass along card” na lang ang dalhin. Kinabukasan ay nakadama siya ng espirituwal na impresyon. “Magdala ka ng Aklat ni Mormon.” Naglagay siya ng isang kopya sa bag.
Isang babaing kilala niya ang tumabi sa kanya sa eroplano at naisip niya, “Siya kaya?” Nakasakay niya itong muli pabalik. Naisip niya, “Paano ko babanggitin ang ebanghelyo?”
Sa halip, sinabi nito sa kanya, “Nagbabayad ka ng ikapu sa Simbahan ninyo, di ba?” Sagot niya’y oo. Sinabi ng babae na magbabayad sana siya ng ikapu sa simbahan nila pero hindi niya ginawa at sinabing, “Ano ba itong Aklat ni Mormon?” Ipinaliwanag niyang ito’y banal na kasulatan, isa pang saksi kay Jesucristo, na isinalin ni Propetang Joseph Smith. Tila interesado ito kaya kinuha niya ang aklat sa bag at sinabing, “Naisip kong dalhin ang aklat na ito. Palagay ko para sa iyo ito.”
Sinimulan itong basahin ng babae. Nang maghiwalay sila, sinabi nito, “Marami pa tayong pag-uusapan tungkol dito.” Ang di alam ng kaibigan ko, na alam ng Diyos, ay naghahanap ng simbahan ang babaeng ito. Alam ng Diyos na sinubaybayan nito ang kaibigan ko at nagtaka kung ano ang nasa Simbahan niya na labis na nagpapaligaya sa kanya. Alam ng Diyos na magtatanong ito tungkol sa Aklat ni Mormon at papayag itong magpaturo sa mga misyonero. Handa siya. Gayundin ang kaibigan ko. At maaari din tayong maging handa.
Mababanaag sa inyong mukha at mga mata ang inyong pagkamarapat at hangarin. Masasabik kayo sa Simbahan ng Panginoon at sa Kanyang gawain at mahahalata ito. Magiging disipulo Niya kayo sa loob ng 24 oras anuman ang sitwasyon. Hindi kayo kailangang magpakatapang para sa dakilang sandali ng pakikipag-usap sa isang tao at pagkatapos ay uurong. Ang katotohanang marami sa mga tao ang di interesado sa naipanumbalik na ebanghelyo ay walang gaanong epekto sa ginagawa at sinasabi ninyo. Ang pagsasabi ng pinaniniwalaan ninyo ay magiging bahagi ng inyong pagkatao.
Ganyan ang tatay ko. Isa siyang siyentipiko. Nakapagsalita na siya sa maraming tao sa buong mundo. Minsa’y nabasa ko ang isang talumpati niya sa malaking kumbensyon ng mga siyentipiko. Doo’y binanggit Niya ang paglikha at ang Lumikha habang nagsasalita siya tungkol sa kanyang siyensya. Alam kong iilan lang sa mga nakinig noon, kung mayroon man, ang sumang-ayon sa kanyang pananampalataya. Sinabi ko nang may pagkagulat at paghanga, “Itay, ibinahagi ninyo ang patotoo ninyo.” Gulat siyang tumingin sa akin at nagsabi, “Talaga?”
Ni hindi niya naisip na katapangan iyon. Sinabi lang niya ang alam niyang totoo. Nang magpatotoo siya, maging ang ayaw maniwala ay alam na hindi niya plano iyon kundi bahagi na niya ito. Ganoon siya saanman siya naroroon.
Iyan ang katangian ng bawat taong matapang at epektibo sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Itinuturing nila ang sarili nila na mga anak ng mapagmahal at buhay na Ama sa Langit. At na sila’y mga disipulo ni Jesucristo. Hindi nila kailangang maghirap para makapagdasal. Likas na ito sa kanila. Hindi kailangan ng espesyal na pagsisikap para maalala ang Tagapagligtas. Ang pagmamahal Niya sa kanila at sila sa Kanya ay taglay nila palagi. Ganoon sila kaya ganoon ang tingin nila sa sarili at sa mga nasa paligid nila.
Tila kailangan natin dito ng napakalaking pagbabago, pero makatitiyak tayong darating iyon. Nagaganap ang pagbabagong iyon sa bawat miyembro ng buong Simbahan sa bawat bansa. Ito ang dakilang araw na nakita ng mga propeta simula pa sa paglikha. Dadalhin ang naipanumbalik na ebanghelyo sa bawat bansa. Ipinahatid ng Panginoon ang mga salitang ito kay Propetang Joseph Smith:
“Aking isinugo ang aking anghel na lumilipad sa gitna ng langit, taglay ang walang hanggang ebanghelyo, nagpapakita sa ilan at ipinagkakatiwala ito sa tao, na magpakita sa marami na naninirahan sa mundo.
“At ang ebanghelyong ito ay ipangangaral sa lahat ng bansa, at lahi, at wika, at tao.”5
Anumang pagsubok ang dumating malalaman natin na magtatakda ang Diyos ng mga limitasyon para matupad ang Kanyang mga pangako. Siya, hindi lang mga tao, ang may kontrol sa mga bansa at mga pangyayari para matupad ang Kanyang mga layunin. Sa bawat lahi at bansa ay may mga naglilingkod na ganap na nakatitiyak na sila’y mga anak ng Diyos at dinalisay na mga disipulo ng nabuhay na mag-uling si Cristo sa Kanyang Simbahan.
Ilang taon na ang nakalipas nagsalita ako sa mga misyonero sa training center sa Japan. Nangako ako sa kanila na malaki ang magiging pagbabago sa bansang iyon. Sinabi ko na darami ang mga miyembrong sabik magpapatotoo sa mga kakilala nila hinggil sa ibinalik na ebanghelyo. Inisip ko noon na ang katapangang magsalita ay bunga ng mas matinding paghanga sa Simbahan sa lupaing iyon. Alam ko na ngayon na ang malaking himala, ang malaking pagbabago, ay manggagaling sa mga miyembro, hindi sa mundong nakapaligid sa kanila.
Sila at ang mga miyembro sa buong mundo ay magmamahal, makikinig, at magsasalita, at magpapatotoo dahil nagbago ang kanilang mga puso. Pamumunuan sila ng mga bishop at branch president sa pamamagitan ng halimbawa. Marami ang mabibinyagan at magiging ligtas sa mga kamay ng Panginoon.6
Upang makabahagi ng himalang iyon, hindi na dapat hintayin pang mas mapalapit kayo sa Ama sa Langit o tiyakin na napadalisay kayo ng Pagbabayad-sala ni Jesuristo. Ipanalanging makatagpo ng mga taong nadaramang bubuti pa ang kanilang buhay. Ipanalanging malaman kung paano sila tutulungan. Sasagutin ang inyong mga dalangin. Makakakita kayo ng mga taong inihanda ng Panginoon. Matatagpuan ninyo ang inyong sarili na nadarama at nagsasabi ng mga bagay na hindi pa ninyo naranasan. At darating ang panahon na madarama ninyong mas napapalapit kayo sa Ama sa Langit at madarama ninyo ang paglilinis at pagpapatawad na pangako ng Tagapagligtas sa matatapat Niyang saksi. At madarama ninyo ang Kanyang pagsang-ayon, batid na nagawa ninyo ang ipinagagawa Niya sa inyo, dahil mahal at pinagtitiwalaan Niya kayo.
Salamat at nabuhay ako sa panahong ito. Salamat at nalaman kong tayo’y mahal na mga anak ng niluwalhating Ama sa Langit. Nagpapatotoo ako na si Jesus ang Cristo, na Siya ang ating Tagapagligtas, at Tagapagligats ng lahat ng taong makikilala ninyo. Dumalaw ang Ama at ang Anak kay Propetang Joseph Smith. Naipanumbalik ang mga susi ng priesthood at ang huli at dakilang pagtitipon ay nagsimula na. Alam kong iyan ay totoo.
Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Tingnan sa D at T 88:81; Mosias 18:9.
2. Mosias 28:3.
3. I Ni Juan 4:1819.
4. Moroni 7:4648.
5. D at T 133:3637.
6. Tingnan sa D at T 50:4142.