The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
April 2003
Maghanap, at Kayo’y Makasusumpong

Maghanap, at Kayo’y Makasusumpong

ELDER CRAIG C. CHRISTENSEN
Ng Pitumpu

ELDER CRAIG C. CHRISTENSEN

Sa pagpapakita natin ng pananampalataya at paggamit ng ating buong lakas para mas mapalapit kay Jesucristo ay mas lubos nating nauunawaan kung sino Siya talaga.

Minamahal kong mga kapatid, dalangin kong gabayan nawa ako ng Espiritu ng Panginoon habang ibinabahagi ko sa inyo ang aking personal na damdamin at patotoo.

Isa sa mga pinakamahigpit na imbitasyon at matinding pangakong ibinigay ng Tagapagligtas ay nasa simpleng katagang “maghanap, at kayo’y makasusumpong.”1

Bagama’t kasama sa proseso ng paghahanap ang panalangin at pagsamo, ito’y higit pa rito. Ang paghahanap ay mas katulad ng paglalakbay sa halip na isang kaganapan lang. Itinutulad ko ito sa mahabang bakasyon sa ibang bayan. Kahit alam natin ang ating patutunguhan, ang magagandang karanasan at tunay na pagkatuto ay dumarating sa araw-araw habang sumusulong tayo tungo sa ating mithiin.

Habang hinahanap natin ang mga bagay ng Diyos, dapat tayong magpakumbaba sa Kanyang harapan, alalahanin na dahil sa Kanyang biyaya ay natatanggap natin ang mga ito. Ituon dito ang ating isipan at panalangin, pananampalataya, at mithiin, at ang buong lakas ng ating puso upang tuwiran nating matanggap ang liwanag at pang-unawa mula sa mapagmahal na Ama sa Langit.

Ang huwaran ng paghingi ng sagot mula sa Diyos ay madaling ipaliwanag at tayo mismo ang dapat gumawa. Sa simula ay pag-aralan sa ating isipan at pagnilay-nilayin sa ating puso ang mga bagay na hangad natin mula sa Kanya.2 Ang prosesong ito ng pagmumuni-muni ay nagbibigay-liwanag at inspirasyon sa ating kaluluwa. Pagkatapos ay dapat nating ilahad ang ating kaisipan at hangarin sa Ama sa Langit sa mapakumbabang panalangin na may pangako na, kung itatanong natin sa Kanya, sa pangalan ni Cristo, kung tama iyon, at kung tayo’y “magtatanong nang matapat, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito [sa atin] sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” dahil sa “kapangyarihan ng Espiritu Santo” natin malalaman “ang katotohanan ng lahat ng bagay.”3

At ano ang dapat nating hangarin? Itinuturo sa atin ng banal na kasulatan na dapat nating “masigasig
. . . hanapin ang [pinaka]mahusay na kaloob,”4 ang karunungan at pang-unawa at “ihanda ang lahat ng kailangan.”5 Hinihimok tayong ilaan ang ating sarili sa paglilingkod sa iba6 at hanapin ang mga bagay na “marangal, kaaya-aya, o magandang balita, o maipagkakapuri.”7

Kasabay nito binalaan tayong huwag hangarin ang masasamang bagay ng daigdig.8 Sabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Laganap ang kasamaan, ang mapang-akit na kasamaan sa daigdig. Talikuran ito, mga kapatid. Iwasan ito. Ito’y tulad ng mapanganib na sakit. Ito’y tulad ng lason na sisira sa inyo. Layuan ito.”9 Sa aklat ni Amos mababasa natin, “Magsihanap kayo ng kabutihan, at huwag kasamaan, upang kayo’y mangabuhay: at sa gayo’y ang Panginoon, ang Dios ng mga hukbo, ay sasa inyo.”10

Higit sa lahat, ang hinahanap natin ay ang “kaharian ng Diyos at ang kanyang kabutihan.”11 Hangad nating makilala “ang iisang Diyos na tunay at si Jesucristo na Kanyang isinugo.”12

Sa napakapersonal na imbitasyon na maghanap upang matagpuan, sinabi ng Tagapagligtas, “Magsilapit sa akin at ako ay lalapit sa inyo; masigasig akong hanapin at inyo akong matatagpuan.”13

At ano ang ibig sabihin ng matagpuan Siya?

Sa pagpapakita natin ng pananampalataya at paggamit ng ating buong lakas para mas mapalapit kay Jesucristo ay mas lubos nating nauunawaan kung sino Siya talaga. Sa masigasig nating paghahanap sa Kanya, nagkakaroon tayo ng malalim at matatag na patotoo sa Kanyang walang kapantay na pag-ibig, sa Kanyang perpektong buhay at halimbawa, at mga biyayang dulot ng Kanyang dakilang pagbabayad-sala. Habang mas napapalapit tayo sa Kanya, nakikita at nakikilala natin Siya bilang Manlilikha ng mundo, ang Manunubos ng sangkatauhan, ang Bugtong na Anak ng Ama, ang Hari ng mga hari, ang Prinsipe ng Kapayapaan.

Kapag lalo natin Siyang hinahanap ay lalo nating napahahalagahan ang Kanyang papel bilang Dakilang Jehova ng Lumang Tipan at Banal na Mesiyas ng Bagong Tipan. Mas nauunawaan natin ang Kanyang walang-hanggang mensahe ng kaligtasan at kadakilaan. Na patuloy Niya tayong pinalalapit at pinasusunod sa Kanya, na tiyak ang Kanyang mga turo at angkop pa rin ngayon gaya noong naunang mga henerasyon. Nauunawaan natin, nang may mas matinding pasasalamat, ang nangyari sa Getsemani at sa Calvario. Bagamat mali ang paratang at hatol sa Kanya, kusa Niyang inalay ang Kanyang buhay; at bilang katuparan mismo ng Kanyang mga salita, Siya’y nabuhay na muli sa ikatlong araw. Ang walang katumbas na kaloob na ito ay nagdulot ng imortalidad sa lahat at buhay na walang-hanggan sa mga masunurin at matatapat.

Habang natatanto natin na ang Kanyang mensahe ay para sa buong sangkatauhan, tanggap natin nang buong sigla ang kuwento sa banal na kasulatan tungkol sa Kanyang pagdalaw sa mga nanirahan noon sa kontinente ng Amerika. Natutuwa tayo sa paglitaw ng Aklat ni Mormon bilang pangalawang saksi—ang isa pang tipan—ng Kanyang misyon bilang Mesiyas at bilang Tagapagligtas at Manunubos ng daigdig. Kinikilala nating ang tao ay mas mapapalapit sa Kanya sa pamamagitan ng pagsasaliksik at pananalangin tungkol sa Aklat ni Mormon kaysa pag-aaral ng ibang aklat.14

Habang sinisikap nating mahanap Siya, tumatanggap tayo ng patotoo sa Kanyang personal na pagdalaw, at ng Kanyang Ama, sa batang propetang si Joseph Smith, na pasimula ng pinakahihintay na “dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon.”15

Habang hinahanap natin Siya, kinikilala natin na pinanumbalik Niya ang Kanyang Simbahan sa lupa, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na sa loob ng Kanyang Simbahan ay ipinagkaloob Niya ang kapangyarihan at awtoridad na magsagawa ng mahahalagang ordenansa na magpapahintulot sa atin na makabalik at mamuhay muli sa Kanyang piling.

Habang hinahanap natin Siya, nakikita natin na patuloy Niyang ginagabayan ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng Kanyang buhay na propetang si Pangulong Gordon B. Hinckley, at ang organisasyon ng Simbahan Niya ay nakatayo sa saligan ng mga apostol at propeta, at si “Cristo mismo ang pangulong bato sa panulok.”16

Habang masigasig natin Siyang hinahanap, nadarama natin ang pagmamahal Niya sa atin at mas nauunawaan ang sagot sa ating mga panalangin.

Tanggap nating sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu ay makatatagpo tayo ng “karunungan at malaking kayamanan ng kaalaman, maging mga natatagong kayamanan”17 at lalo nating hangad na mamuhay nang naaayon sa Kanyang mga utos.

Habang hinahanap natin Siya, nakikita nating Siya ang ilaw at buhay ng daigdig.18 Habang hinahanap natin Siya, mga kapatid, tiyak na matatagpuan natin Siya at madarama ang kapayapaan sa ating kalooban na ipinangako Niya sa atin. Ito ang aking patotoo, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Mateo 7:7; 3 Nephi 14:7.
2. Tingnan sa D at T 9:7; Moroni 10:3.
3. Moroni 10:4–5.
4. D at T 46:8.
5. D at T 109:7–8.
6. Tingnan sa Lucas 17:33.
7. Ang Saligan ng Pananampalataya 1:13.
8. Tingnan sa 3 Nephi 20:41; Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 6:38.
9.
Teachings of Gordon B. Hinckley (1997), 709.
10. Amos 5:14.
11. Mateo 6:33.
12. Juan 17:3.
13. D at T 88:63.
14. Tingnan sa Joseph Smith,
Teachings of the Prophet Joseph Smith, pinili ni Joseph Fielding Smith (1976), 194.
15. Mga Taga Efeso 1:10.
16. Mga Taga Efeso 2:20.
17. D at T 89:19.
18. Mosias 16:9.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy