ELDER JAMES M. DUNN
Ng Pitumpu
Sa pagtatagumpay natin sa buhay, habang nakatuon sa mga tunay na layunin nito, tayoy nabibiyayaan dito at sa kabilang buhay.
Ang mundo ay puno ng mga salita. Marami dito ang nakatutulig, nagbibintang, nanunuya. Kapag sama-sama ang mga ito’y maingay, malabo, at di natin pinakikinggan o pinapansin. Paminsan-minsan, naririnig natin ang mahahalagang salita, tulad sa kumperensyang ito, mga salitang dapat ipamuhay.
Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson sa pangkalahatang kumperensya noong Abril:
“Pinahahalagahan natin ang inspiradong kaisipang:
“Ang Diyos ay isang Ama. Ang tao ay isang kapatid. Ang buhay ay isang misyon At hindi isang propesyon.” (Sa pagsipi kay Stephen L. Richards sa “An Invitation to Exaltation,” Ensign, Mayo 1988, 54).
Ito ay mga salitang dapat ipamuhay. Ang Diyos ang ating Ama sa Langit. Tayo’y mga espiritung anak Niya. Ang pagkaalam sa kaugnayan natin sa Diyos ay tumutulong para mas maunawaan natin ang ating pinanggalingan at ang mga posibilidad natin sa kawalang-hanggan. Sa pagkilala natin sa Kanya, lalo nating nalalaman kung paano lalapit sa Kanya at paano mamuhay para makalugdan Niya. Ang buhay sa lupa ay bahagi ng banal na plano ng kaligayahan na dinisenyo Niya, para mabuhay tayo sa pananampalataya, magkaroon ng mga karanasan, at maging marapat sa pamamagitan ng pagsunod at kapangyarihan ng Pagbabayad-sala para makabalik sa piling Niya magpakailanman.
Nabubuhay tayo sa mundong maraming pagkakaiba: iba’t ibang lupain, kultura, lahi, at wika. Sa isang banda, kahit papaano, dapat maniwala ang tao na nilayon ito ng Diyos. Itinuturo sa atin ng ebanghelyo na kahit ano pa ang mga pagkakaiba, lahat tayo’y mga anak ng iisang Ama sa Langit. Iisang pamilya ang lahi ng tao at dahil dito lahat tayo’y magkakapatid.
Bilang magkakapatid, dapat nating makita na pantay-pantay ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit sa Kanyang mga anak, tulad ng sinumang butihing ama sa lupa. Ang paggalang, kabaitan, pagbibigay, at pagpapatawad ay pawang mga elemento ng wastong asal ng magpapamilya. Isipin ang kabiguang nadarama ng perpekto at mapagmahal na Amang nakikita ang Kanyang mga anak na nagmamalupit sa isa’t isa.
Maikli ang buhay. “Kayo nga’y isang singaw, na sa sangdaling panahon ay lumilitaw, at pagdaka’y napapawi” (Santiago 4:14). Maraming dapat gawin sa mahalagang oras natin sa buhay na ito. Ang ilan sa mga ito’y mas mahalaga kaysa iba, kaya maging matalino tayo sa paggawa ng desisyon. Ang ilang bagay ay maling-mali. Ang ilan ay mabubuti. Ngunit ang ilan ay napakahalaga kung gsuto nating abutin ang inaasahan ng ating Ama at magtatagumpay sa pagsubok natin sa buhay.
Umaasa ang Ama na hindi lang tayo maghahanap ng ikabubuhay o magpapakasawa sa kagandahan at kasiyahan ng daigdig na ito, kahit tiniyak sa atin ng Panginoon: “Ikinalulugod ng Diyos na kanyang ibinigay ang lahat ng bagay na ito sa tao; sapagkat sa ganitong hangarin ang mga ito ay ginawa upang gamitin, nang may karunungan, hindi sa kalabisan” (D at T 59:20).
Sa pagtatagumpay natin sa buhay, habang nakatuon sa mga tunay na layunin nito, tayo’y nabibiyayaan dito at sa kabilang buhay. Ang pagsunod sa mga kautusan, pagtupad sa mga sagradong tipan, at pagiging “sabik sa paggawa ng mabuting bagay” (D at T 58:27) ang nagbibigay-daan para makabahagi tayo sa galak na layon ng buhay natin sa lupa (2 Nephi 2:25).
Binigyan tayo ng Panginoon ng dagdag na katiyakan: “Subalit matutuhan na siya na gumagawa ng mga gawa ng kabutihan ay makatatanggap ng kanyang gantimpala, maging kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating” (D at T 59:23).
Kaya walang gaanong kinalaman ang ating misyon sa ating mga propesyon dito. Gayunman, malaki ang kinalaman nito sa paghahanda para sa ating walang hanggang tadhana.
Pinatototohanan ko na makadiyos na buhay ang aakay sa atin pabalik sa Ama, na nagbigay-buhay sa atin at tatanggap sa ating pagbalik sa buhay na walang hanggan.
Marami sa mga anak ng Diyos ang namumuhay na para bang walang araw ng pagtutuos. Ang buhay nila’y puro pasarap, pagpapayaman at kasiyahan. Ito ang sabi ni Nephi tungkol dito, “Oo, at marami ang magsasabi: “Magsikain, magsiinom, at magsipagsaya, sapagkat mamamatay tayo bukas; at ito ay makabubuti sa atin” (2 Nephi 28:7). Lalong nagkakamali ang marami sa pagsasabing: “Gayon pa man, matakot sa Diyos—kanyang bibigyan ng katwiran ang paggawa ng kaunting kasalanan; oo, magsinungaling nang kaunti, pagsamantalahan ang isa dahil sa kanyang mga salita, humukay ng hukay para sa iyong kapwa; walang masama rito; at gawin ang lahat ng bagay na ito, sapagkat bukas tayo ay mamamatay; at kung tayo man ay may kasalanan, hahagupitin tayo ng Diyos ng ilang palo, at sa wakas tayo ay maliligtas sa kaharian ng Diyos” (2 Nephi 28:8).
Dahil sa gayong maling pag-iisip, ang mundo’y puno ng mapang-akit at masasagwang atraksyon. Nariyan ang mga binatang ayaw mag-asawa; mga dalagang hangal na isinusuko ang puri nila sa masasagwang pakikipagrelasyon; mga mag-asawang ayaw magkaanak o gusto lang ng isang “anak na maipagmamalaki” dahil sagabal ang “pamilya” sa mga planong paglalakbay, pagsasaya, at pagpapayaman.
Gayunpaman, milyun-milyong matatapat na kapatid sa buong mundo ang nagsisikap araw-araw na “[mabuhay] sa bawat salita na magmumula sa bibig ng Diyos” (D at T 84:44). Nagpaplano sila at nabubuhay ayon sa inihayag na kalooban ng Ama sa Langit. Nagsisikap sila, nag-aaral, at nagdarasal nang husto. Alam nila kung paano maging seryoso at magsaya. Nakikinig sila sa salita at sinusunod ito. Alam nila ang kahulugan at mga biyayang nagmumula sa pagsunod sa batas ng sakripisyo. Ang matatapat na taong ito ay tumutulong at gumagalang sa iba. Nagmamahal at nagmamalasakit sila sa maliliit na bata at matatanda. Kapansin-pansin sa kanila ang magandang pag-uugali at mataas na moral, at sila’y magagandang halimbawa sa kanilang tahanan, kapitbahay, at komunidad. Mahal sila at pinagpapala ng Diyos. Ang Kanyang mga salita ay kanilang sinusunod, mga salitang “tiyak at hindi mabibigo” (D at T 64:31).
Mga salitang dapat ipamuhay. Karaniwa’y simple at tuwiran ang mga ito. Tinutulungan tayo nitong makaalala. Pinananatili tayo nito sa tamang landas. Aakayin tayo nito pabalik sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang kapahingahan.
Nawa’y maalala nating:
Ang Diyos ay isang Ama, Ang tao ay isang kapatid. Ang buhay ay isang misyon At hindi isang propesyon.
Sa pangalan ni Jesucristo, amen.