The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
April 2003
Ang Mahalagang Papel ng Gawaing Misyonero ng Miyembro

Ang Mahalagang Papel ng Gawaing Misyonero ng Miyembro

ELDER M. RUSSELL BALLARD
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

ELDER M. RUSSELL BALLARD

Ihanda natin ang ating sarili sa pagtulong sa mga misyonero na hanapin ang mga anak ng ating Ama sa Langit na yayakap sa mensahe ng Pagpapanumbalik.

Mga kapatid, sa Pasko ng Pagkabuhay ang mga Kristiyano ay nakatuon at nagagalak sa Pagkabuhay na Mag-uli ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Ang pangyayaring iyon ang nagpabago sa lahat sa habampanahon. Inalis ng Tagapagligtas ang lahat ng balakid sa ating daan pabalik sa mapagmahal na Ama sa Langit. Kapalit nito’y iniutos Niyang tayo’y “magsiyaon . . . at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo:

“Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at narito, ako’y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan” (Mateo 28:19–20).

Isang mas personal na bersyon ng mensaheng ito ang nakatala sa Ebanghelyo ni Juan. Sa baybayin ng Dagat ng Galilea, tatlong beses na tinanong ni Jesus si Pedro: “Iniibig mo baga ako?” Sa bawat tanong ay iisa ang sagot ni Pedro: “Nalalaman mo na kita’y iniibig.” At paulit-ulit na ibinilin ng Tagapagligtas kay Pedro: “Pakanin mo ang aking mga kordero. . . .
Alagaan mo ang aking mga tupa. . . .
Pakanin mo ang aking mga tupa” (Juan 21:15–17).

Ang mahigpit na bilin ng Tagapagligtas na “pakanin ang [Kanyang] mga tupa” ay gayon pa rin ngayon. Gaya ni Pedro at ng kanyang mga kapatid noon, tungkulin ng mga Apostol ngayon ng Panginoong Jesucristo na dalhin ang Ebanghelyo sa buong mundo. Laging nasa isip namin ang utos na ito. Tungkulin ng bawat General Authority na maging misyonero.

Ngunit hindi lang sa mga Apostol nagsasalita ang Tagapagligtas. Nagsasalita rin Siya sa bawat taong mapalad na nakarinig ng ebanghelyo at miyembro ng Kanyang Simbahan. Sa pahayag kay Propetang Joseph Smith, simple ang pagkasabi ng Panginoon: “Nababagay lamang sa bawat tao na nabigyang-babala na balaan ang kanyang kapwa” (D at T 88:81).

Noong nakaraang pangkalahatang kumperensya hinamon namin ang ating kabinataan na ihanda ang sarili nila sa paglilingkod sa Panginoong Jesucristo. Hiniling namin na sila’y maging marapat, may kakayahan, at espirituwal na masisiglang misyonero. Sa magulong kalagayan ng mundo ngayon, dapat silang maging “pinakadakilang henerasyon ng mga misyonero sa kasaysayan ng Simbahan.” (Tingnan sa “ang Pinakadakilang Henerasyon ng mga Misyonero,” ni Russell M. Ballard, Liahona, Nob. 2002, 46.) Hindi sila kailangan maging perpekto, pero dapat silang maging sabik, handa, at tapat na maglingkod upang marating nila ang bagong antas ng espirituwalidad bilang mga guro ng ebanghelyo. Dapat nilang malaman ang mensahe ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo at ituro ito nang may kapangyarihan sa sarili nilang salita sa pumapatnubay na impluwensya ng Banal na Espiritu.

Sa buong Simbahan sinisikap nating tulungan lahat ng ating mga misyonero na magkaroon ng dagdag na espirituwalidad. Ang pandaigdigang pagsisikap na ito ay tinawag na “pagtataas ng sukatan” o “pagtataas ng pamantayan.” Salamat sa mga magulang, bishop at stake president sa suporta ninyo sa mithiing ito. Salamat din sa matatapat na kabataan ng Simbahan sa pagkukusa ninyong ipamuhay ang pamantayan ng Panginoon. Nawa’y patuloy kayong pagpalain ng Ama sa Langit sa paghahanda ninyong maglingkod sa Kanya sa magulong mundong ito.

Ngunit sa pagtataas natin ng inaasahang antas ng pagganap ng ating mga misyonero, kailangang itaas din natin ang inaasahang antas ng pagganap ng lahat ng ating miyembro sa pagtupad sa ating tungkulin bilang misyonero. Kailangan namin ang tulong ninyo, mga kapatid, sa pagsuporta at pagtulong sa ating mga misyonero na hanapin at binyagan ang marami pang mga anak ng ating Ama sa Langit. Tulungan ninyo kaming bantayan, pangalagaan, at bigyang-sigla ang mga misyonero na mga alagad ng Panginoon. Kung itataas ang pamantayan, itataas ito para sa ating lahat. Kailangang maging mas matapat tayo. Mas umayon tayo sa espiritu. Ihanda ang ating sarili sa pagtulong sa mga misyonero na hanapin ang mga anak ng ating Ama sa Langit na yayakap sa mensahe ng Pagpapanumbalik.

Tandaan, mga kapatid, hindi tayo nagbebenta ng produkto. Wala tayong itinitinda. Hindi natin pinahahanga ang sinuman sa pagdami o paglago natin. Tayo’y mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo na binigyan ng kapangyarihan at isinugo ng Panginoon Mismo upang hanapin, pangalagaan, at ligtas na dalhin sa Kanyang Simbahan ang lahat na naghahangad makaalam ng katotohanan.

Sa walang hanggang pananaw na iyon parang napakasimple at napakalinaw ng gagawin natin, pero alam kong maraming hamon at nakakatakot kung minsan ang gawaing misyonero ng miyembro. Magmumungkahi ako ng tatlong simpleng bagay na magagawa natin upang makatulong sa banal na responsibilidad na ito.

Una, manalig tayo at manalanging mag-isa at bilang mga pamilya, at humingi ng tulong kung paano ibabahagi ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Hilingin sa Panginoon na buksan ang daan. Manalangin kayo at bilang pamilya ay magtakda kayo ng petsa para makahanap ng taong tuturuan ng mga misyonero sa inyong tahanan. Tandaan, ito ang Simbahan ng Panginoon. Palagi ninyong idalangin na patnubayan Niya kayo. Kausapin ang lahat ng maaari niyong kausapin nang may dalangin sa puso. Huwag agad humatol. Huwag ipagkait kaninuman ang mabuting balita. Kausapin ang lahat, at magtiwalang ipaaalam sa inyo ng pangakong kapangyarihan ng Espiritu ang dapat ninyong sabihin.

Hayaang sila ang magdesisyon kung tatanggapin o tatanggihan ang inyong imbitasyon. Sa paglipas ng panahon, ihaharap sa inyo ng Panginoon ang mga naghahanap sa katotohanan. Siya ang Mabuting Pastor. Kilala Niya ang Kanyang mga tupa, at kilala nila ang Kanyang tinig, na nagsasalita sa pamamagitan ninyo, at susunod sila sa Kanya (tingnan sa Juan 10).

Kamakaila’y sinabi ni Pangulong Hinckley: “Magiging dakila ang araw na di lang ipagdarasal ng ating mga miyembro ang mga misyonero sa buong mundo, kundi hihilingin pa nila sa Panginoon na tulungan silang alalayan ang mga misyonerong nagsisikap sa sarili nilang ward” (“Paglilingkod ng Misyonero,” Unang Pandaigdigang Pulong sa Pagsasanay sa Pamumuno, Ene. 2003, 19).

Ikalawa, dapat mamuno ang mga lider sa pamamagitan ng halimbawa. Uudyukan at gagabayan kayo ng Espiritu sa paghananap sa mga interesado sa ating mensahe. Ang pagkamarapat ninyo ang magbibigay sa inyo ng lakas ng loob at espirituwal na kapangyarihan na bigyang-inspirasyon ang inyong mga miyembro para aktibong tulungan ang mga misyonero.

Ilang taon na ang nakaraan nang tawagin ang tapat na miyembrong si Brother George McLaughlin na mamuno sa maliit na branch ng 20 miyembro sa Farmingdale, Maine. Mabait siyang tao at pagmamaneho ng trak ng gatas ang ikinabubuhay. Sa kanyang pag-aayuno at taimtim na dalangin, itinuro ng Espiritu kung ano ang gagawin nila ng kanyang mga miyembro para mapalago ang Simbahan sa kanilang lugar. Sa laki ng kanyang pananalig, palagiang pagdarasal, at makapangyarihang halimbawa, tinuruan niya ang kanyang mga miyembro kung paano ibahagi ang ebanghelyo. Kagila-gilalas na kuwento ito, at isa sa mga dakilang kuwento ng misyonero sa dispensasyong ito. Sa loob lang ng isang taon, 450 ang nabinyagan sa branch. Nang sumunod na taon 200 pa ang sumapi. Sabi ni Pangulong McLaughlin: “Ang trabaho ko bilang branch president ay turuan [ang mga bagong binyag] kung paano maging Mormon. Tinuruan ko sila kung paano magtalumpati at magturo sa simbahan, at paano ituro ang ebanghelyo sa kanilang mga anak. Sinanay ko ang mga bagong miyembro para maging matatag.” Napakadali.

Makalipas lang ang limang taon, nabuo ang Augusta Maine Stake. Karamihan sa mga lider ng bagong stake ay mula sa mga sumaping iyon sa Farmingdale Branch. Maitatanong natin kung bakit ganoon sila katagumpay noon, at ang sagot ay baka dahil sa kailangan kaagad na patatagin ang Simbahan. Tinitiyak ko sa inyo na ang pangangailangang iyon sa lahat ng yunit ng Simbahan ay kailangangkailangan din ngayon.

Nilinaw ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang gawaing misyonero ay dapat isentro sa ward. Nasa stake president at bishop ang responsibilidad at pananagutang tulungan ang mga miyembro na matagpuan ang malilinis ang puso at ihanda sila sa binyag at buhay ng paglilingkod sa kanilang mga ward at stake. Sinabi rin ni Pangulong Hinckley: “Iminumungkahi ko na ibigay ng bawat bishop sa Simbahan bilang sawikain ng kanyang mga miyembro ang, ‘Magtulungan tayong palakihin ang ward’” (“Find the Lambs, Feed the Sheep,” Liahona, Hulyo 1999, 120).

Isang bishop sa estado ng Washington ang mapanalanging sumunod sa payong iyon. Ganito ang ginagawa niya. Sa tulong ng mga lider ng priesthood at auxiliary, ang ward council ang nangangasiwa ng gawaing misyonero sa ward. Inaanyayahan ang mga misyonero sa mga miting ng ward council para talakayin ang kanilang gawain. Inaatasan ang mga miyembro na samahang bumisita ang mga misyonero sa mga investigator. Magkasama rin ang mga miyembro at misyonero sa pagbisita sa mga di-gaanong aktibo at nagiisang miyembro ng simbahan sa pamilya. Noong isang taon nagbinyag at nagkumpirma ang ward na ito ng 46 na mga bagong miyembro, at marami ang nanatiling aktibo. Ang mga dumarating sa Simbahan o nagbabalik sa ward ay mayroon nang kaibigan dahil kasali ang priesthood at mga auxiliary sa pagpapabalik-loob sa utos ng bishop sa pamamagitan ng ward council (tingnan sa Church News, Peb. 2003, 5).

Mga bishop, isali ang buong ward sa pangangaral ng ebanghelyo. Makikita ninyo na babasbasan kayo at ang inyong mga miyembro ng Panginoon ng mas marami pang kasapi at babalik sa pagkaaktibo ang marami. Hindi lang sa adyenda ng ward council dapat isama ang gawaing misyonero kundi sa adyenda rin ng korum ng mga elder, Relief Society, at iba pang korum, grupo at auxiliary. Dapat bigyangdiin ang pagbibinyag at pagpapanatiling aktibo sa mga ama at ina kasama ang kanilang mga anak. Kaya nga ang bishop at ward mission lider ang dapat magtulong sa pangangasiwa ng gawaing misyonero ng mga lider ng priesthood at auxiliary sa tulong ng ward council. Sa gayon ang mga nabinyagan ay lubos na magiging aktibong mga miyembro sa kanilang ward.

Sa ngayon, may espesyal na oportunidad ang mga miyembro na ibahagi ang ebanghelyo gamit ang DVD na Finding Faith in Christ na nakalakip sa inyong Abril 2003 na magasing Ensign. Anyayahan ang inyong mga kapitbahay at kaibigan isang gabi sa panahon ng Pasko ng Pagkabuhay. Magbahaginan tungkol sa buhay, ministeryo, at maluwalhating pagkabuhay na mag-uli ng ating Panginoong Jesucristo. Marahil angkop ding padaluhin ang mga misyonero para turuan ang mga taong ito kung paano ipinanumbalik ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.

Ikatlo, hindi kailangan sa gawaing misyonero ng miyembro ang mga istratehiya o pakulo. Pananampalataya ang kailangan dito—tunay na pananampalataya at tiwala sa Panginoon. Kailangan din ang tunay na pagmamahal. Ang unang dakilang utos ay “iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo. . . .

Ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:37, 39).

Kaya hayaang gabayan tayo ng kapangyarihan ng pag-ibig sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa mga miyembro ng pamilya, kaibigan, kapitbahay, kasosyo sa negosyo, at iba pang taong nasasalubong natin sa buhay na ito. Halos gusto ng lahat na makadama ng kapayapaan at kaligayahan. Likas ang hangaring ito sa tao. Nais nilang malutas ang mga problemang kinakaharap nila. Nag-iibayo ang katotohanang ito sa mundong ating ginagalawan.

Ang pag-asenso sa trabaho, dagdag na suweldo, mas malaking bahay, o bagong mga kotse at kagamitang panglibangan ay di nagdudulot ng tumatagal na kapayapaan at kaligayahan. Ang kaligayahan ay nagmumula sa pag-unawa sa Diyos at pagkaalam na may plano Siya para sa ating walang hanggang kagalakan at kapayapaan, sa pagkakilala at pagmamahal sa Tagapagligtas at pamumuhay ayon sa Kanyang mga turo. Ang kaligayahan ay nagmumula sa matatag na pamilya at samahan sa Simbahan na nakasalig sa pinahahalagahan ng ebanghelyo.

Ang sabi ng ilang miyembro, “Takot akong ibahagi ang ebanghelyo dahil baka makasakit ako.” Ayon sa karanasan hindi nasasaktan ang mga tao kapag ang pagbabahagi ay dahil sa tunay na pagmamahal at malasakit. Paano masasaktan ang isang tao kapag sinabi nating: “Natutuwa ako sa pagtulong sa akin ng aking Simbahan” at idagdag ang anumang paramdam ng Espiritu. Nasasaktan lamang natin ang iba kapag tila tumutupad lang tayo sa utos at di tayo nagpapakita ng pagmamalasakit at pagmamahal sa iba. Huwag kalimutan kailanman, mga kapatid, na nasa natin ang mga doktrinang maglalapit sa mga tao sa Panginoon. May kapangyarihan ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo na magdulot ng lubos at tumatagal na ligaya sa kaluluwa—na pahahalagahan at mamahalin hanggang sa walang hanggan. Hindi lang natin pinasasapi ang mga tao sa ating Simbahan; ibinabahagi natin sa kanila ang kaganapan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Ngunit kahit makapangyarihan ang ating mensahe, hindi ito maipipilit o maigigiit sa mga tao. Maibabahagi lang ito—nang puso sa puso, kaluluwa sa kaluluwa, espiritu sa espiritu—sa pakikipagkapwa at pagmamalasakit at pagmamahal. Kailangan tayong magmalasakit sa isa’t isa at magtulungan. Sa gayo’y makikita nila ang ningning ng ebanghelyo sa ating buhay, at makikita ng mga tao ang mga pagpapalang handog ng ebanghelyo.

Sundin natin ang payo ni Propetang Joseph Smith: “Matapos masabi ang lahat, ang [ating] pinakadakila at pinakamahalagang tungkulin ay ipangaral ang Ebanghelyo” (History of the Church, 2:478).

Kaya natin at dapat tayong magpakahusay, mga kapatid. Dalangin kong igawad nawa ng Diyos sa bawat isa sa atin ang pananampalataya at tapang na pag-ibayuhin ang suporta natin sa mga full-time na misyonero sa pagbabahagi ng ipinanumbalik na ebanghelyo sa lahat ng mga anak ng Diyos sa buong mundo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy