The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
April 2003
Ang Kahalagahan ng Pamilya

Ang Kahalagahan ng Pamilya

ELDER L. TOM PERRY
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

ELDER L. TOM PERRY

Nawa’y ipasiya natin ngayong taon na magtatag ng tahanang nakasentro sa ebanghelyo, isang ligtas na daungan mula sa mga unos ng kaaway.

Sa mundo ng kaguluhan at kawalang katiyakan, mas mahalaga kaysa rati na gawing sentro ng ating buhay at unahin ang ating pamilya. Ang pamilya ay nasa sentro ng plano ng ating Ama sa Langit. Nakasaad sa pahayag na ito mula sa “Ang Maganak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” ang responsibilidad ng mga magulang sa kanilang mga pamilya:

“Ang mag-asawa ay may banal na tungkuling mahalin at kalingain ang bawat isa at ang kanilang mga anak. ‘Ang mga anak ay mana na mula sa Panginoon’ (Mga Awit 127:3). Ang mga magulang ay may banal na tungkuling palakihin ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan, maglaan para sa kanilang pisikal at espirituwal na mga pangangailangan, turuan silang magmahal at maglingkod sa isa’t isa, sundin ang mga kautusan ng Diyos at maging masunurin sa batas saanman sila naninirahan. Ang mga mag-asawa—ang mga ina at ama—ay pananagutin sa harap ng Diyos sa kanilang pagtupad sa mga tungkuling ito.”1

Sa mga miting kailan lang kasama ang Unang Panguluhan, nagpahayag sila ng pag-aalala sa pagkasira ng pamilya. Ang utos sa Priesthood Executive Council ay tutukan ang pamilya sa ating mga tungkulin.

Bilang tugon sa Unang Panguluhan, marami nang plano at pagsisikap na nagawa. Gagamitin natin ang lahat ng paraan upang makahikayat ng higit na pagkakasundo, pagmamahal, at impluwensiya sa espesyal na yunit na itinakda ng Panginoon—ang pamilya.

Dapat nating gawing ligtas na kanlungan ang ating tahanan mula sa gulo, na tumitindi sa ating paligid. Kahit sa napakaliliit na butas ng dingding ng ating tahanan na naiwang nakabukas ay makalulusot ang masasamang impluwensiya. Narito ang isang halimbawa.

Ilang taon na ang nagdaan, nang maghapunan kami ng anak kong babae at ng kanyang pamilya. Karaniwang tagpo iyon sa mga tahanang may maliliit na bata. Sinisikap ng anak kong pakainin ng masustansyang pagkain ang tatlong-taong-gulang niyang anak na lalaki. Kinain nito lahat ng pagkaing gusto niya sa kanyang plato. Naiwan ang kaunting bitsuelas, na hindi niya gusto. Desperado, kumuha ng tinidor ang ina at sinubukang ipakain sa anak ang natira. Tiniis ito ng bata hangga’t kaya niya. At sinabi nitong, “Inay, huwag ninyong sirain ang pagkakaibigan natin!”

Iyon mismo ang salitang narinig niya sa patalastas sa telebisyon noong isang araw. Ah, ang laki ng impluwensiya ng mga anunsyo, programa sa telebisyon, Internet at iba pang media sa ating mga pamilya!

Ipinaaalala namin sa inyo na ang mga magulang ang dapat mamuno sa sarili nilang pamilya.

Ang mga tulong at paalala ay magmumula sa Internet site ng Simbahan at mga channel sa telebisyon, at mula sa pamunuan ng priesthood at auxiliary upang alalayan kayo sa pagsisikap na tuparin ang ating mga responsibilidad sa pamilya.

Sa ilang lugar sa daigdig, may pampalit tayo sa patalastas sa telebisyon at sa ilang programang laban sa pamilya. Mayroon tayong BYU Television, na nagtatanghal ng mga programang pampamilya. Bukod sa mga programang hatid ay turo ng ebanghelyo, may mga programang nagtuturo sa magulang at libangan ng pamilya. Sisikapin din naming dagdagan ang kalidad at dalasan ang ating maiikling patalastas na Home Front sa telebisyon na nakatuon sa pamilya.

May iba pang tulong, na mas malawakan kaysa sa telebisyon: nariyan ang Web site ng Simbahan, ang lds.org. Binago ito kailan lang para maisama ang bagong pahina sa tahanan at pamilya. Kabilang sa pahina ang mga kaisipan mula sa banal na kasulatan at mga lider ng Simbahan para mapatatag ang pamilya. May mga ideya rin para sa aktibidad ng pamilya. Ang bagong bahagi ng tahanan at pamilya ay mayroong:

• Mga turo mula sa mga lider ng Simbahan na tanging para sa pamilya.

• Mga ideya para sa mga aktibidad ng pamilya.

• Mga tip tungkol sa family home evening na tutulong sa inyo na magkaroon ng makabuluhan at kasiya-siyang mga family home evening.

• Mga tampok na lathalain sa mga paksa gaya ng higit na tagumpay para sa mga family home evening, pagpapatatag ng ugnayan ng mag-asawa, at mga ideya para lalong magkalapit ang mga miyembro ng pamilya.

Kapag na-update ang site, lilitaw ang dagdag na mga ideya para sa pagpaplano ng mga family home evening. Isa sa mga ito ang magmumungkahi ng mga aktibidad para sa mga programang Pananampalataya sa Diyos,
Tungkulin sa Diyos, at Personal na Pag-unlad.

At may isang media tayong mapagkukunan na umaabot sa buong Simbahan—ang magagandang magasin ng Simbahan. Ang mga magasing ito ay regular na dumarating sa ating tahanan at isa pang paraan ng paghahatid ng impormasyon para mapatatag ang pamilya. Marahil napansin ninyo sa Ensign at Liahona noong Marso, sa internasyonal na magasin—ang mensahe ni Pangulong Gordon B. Hinckley tungkol sa family home evening:

“‘May programa tayo na family home evening minsan isang linggo [Lunes ng gabi] sa buong Simbahan kung saan sama-sama ang mga magulang at mga anak. Nag-aaral sila ng mga banal na kasulatan. Pinaguusapan nila ang mga problema ng pamilya. Nagpaplano sila ng mga aktibidad at mga bagay ukol dito.

Tahasan kong sinasabi na kung gagawin ng bawat pamilya sa buong mundo ang bagay na ito, makakakita kayo ng malaking pagbabago sa pagkakaisa ng mga pamilya sa mundo’ (interbyu, Boston Globe, ika-14 ng Ago. 2000).”2

Kasunod ng panghihikayat ni Pangulong Hinckley na magdaos tayo ng mga family home evening, ay ang lathalain sa Ensign ay pinamagatang, “The Calling I Didn’t Know I Had”:

“Malaking hamon ang family home evening noong maliliit pa ang aming mga anak. Seryoso naming sinusunod na mag-asawa ang payo ng mga propeta sa mga huling araw na magdaos ng regular na family home evening, pero dahil sa mga tungkulin namin sa Simbahan at iba pang mga responsibilidad, madalas ay wala kaming oras at lakas para magplano ng family home evening na epektibo at puno ng pagmamahal pagsapit ng Lunes ng gabi.

“Sa pagbisita sa Primary isang araw ng Linggo napansin ko na giliw na giliw ang mga bata sa mga kuwento, visual aid, at maikli ngunit epektibong mga aktibidad na nakaplano sa oras ng pagbabahagi at musika. Minasdan ko ring mabuti ang mga planadong pagsisikap ng tagapayo sa Primary at lider sa musika sa kanilang mga tungkulin. ‘Halatang gumugol sila ng sapat na oras na puno ng pagmamahal,’ naisip ko. ‘Napakaganda ng pagganap nila sa tungkulin.’

“Noon di’y may ideyang pumasok sa isipan ko: ‘Ang family home evening ay isa sa inyong mga tungkulin. Katunayan, bahagi ito ng pinakamahalaga ninyong tungkulin—ang pagiging ina!’ Pinag-isipan ko iyon. ‘Kung nagagampanan ko ang mga tungkulin ko bilang newsletter editor at visiting teacher, tiyak na magagampanan ko ang tungkulin ko sa family home evening.’”3

Napakaganda ng kaisipang hatid niya sa amin para himukin kaming maging mas epektibo sa pagpaplano para sa espesyal na gabing nakatakda para sa pamilya.

Ipinapaalala din namin na ang isyu ng ating mga magasin ng Simbahan sa Hunyo ay para sa pamilya. Dagdag pa rito, sa buong taon ay may mga isyu ng Liahona, Ensign, New Era, at Friend na naglalaman ng mga materyal para sa pagtuturo sa tahanan. May magagandang mungkahi roon para sa mga family home evening at mga ideya para sa pang-araw-araw na pagtuturo. Isinulat ang mga lathalain upang madaling maiakma ang mga ito sa mga aralin para sa inyong pamilya.

Ipinakikita sa mga bata at kabataan sa pamamagitan ng mga propesiya at aktwal na halimbawa, ang kahalagahan ng pagmamahal at paggalang sa kanilang mga magulang. Tinuturuan ang mga magulang kung paano patatagin at panatilihin ang malapit na ugnayan ng pamilya, kapwa sa hirap at ginhawa. Ang magandang diwa sa mga magasing ito ay tutulong sa pagpuno sa inyong mga tahanan ng paggiliw, pagmamahal, at lakas ng ebanghelyo.

Ang Church News ay tumutulong din sa pagpapalaganap ng mensahe ng pamilya. May mga lathalain ito tungkol sa ibayong pagmamahal at paggalang sa tahanan, pagpapakilos sa ebanghelyo, at pagpaplano ng makabuluhang libangan.

Umaasa kaming sa pagdagsa sa Simbahan ng pampamilyang media, ang mga miyembro ng Simbahan ay maaalalayan at mahihimok na palakasin at paghusayin pa ang mga pamilya. Umaasa kaming magiging dahilan ito ng seryoso at patuloy na pagkakaroon ng pamilyang walang hanggan. Daragsa ang mga materyal ng Simbahan na mapagpipilian ninyo ng kapaki-pakinabang na mga ideya. Kahit paano sa madalas na pagkakita sa mga isyung pampamilya, lahat tayo’y mapaaalalahanang ituon ang ating pansin sa pinakamahalagang organisasyong itinatag ng Panginoon dito sa lupa.

Mula pa noong una pinagtibay na ng Panginoon ang kahalagahan ng samahan ng pamilya. Matapos lisanin nina Adan at Eva ang Halamanan ng Eden, nagsalita sa kanila ang Panginoon:

“Ang Espiritu Santo ay napasa kay Adan, [at] nagpapatotoo sa Ama at sa Anak. . . .

“[Pagkatapos] sa araw na yaon, pinapurihan ni Adan ang Diyos at napuspos, at nagsimulang magpropesiya hinggil sa lahat ng mag-anak sa mundo, nagsasabing: Purihin ang pangalan ng Diyos, sapagkat dahil sa paglabag ko ang aking mga mata ay namulat, at sa buhay na ito ako ay makatatamo ng kagalakan, at muli sa laman aking makikita ang Diyos.

“At si Eva, na kanyang asawa, ay narinig ang lahat ng bagay na ito at natuwa, nagsasabing: [Kung hindi dahil] sa ating paglabag tayo sana ay hindi nagkaroon ng mga binhi, at kailanman ay hindi nalaman ang mabuti at masama, at ang kagalakan ng ating pagkakatubos, at ang buhay na walang hanggan na ibinibigay ng Diyos sa lahat ng masunurin.

“At pinapurihan nina Adan at Eva ang pangalan ng Diyos, at ipinaalam nila ang lahat ng bagay sa kanilang mga anak na lalaki at babae.”4

“Ipinaliwanag ni Pangulong Brigham Young na hindi pa atin ang ating mga pamilya. Ipinagkatiwala sila sa atin ng Panginoon upang tingnan kung paano natin sila pakikitunguhan. Ibibigay lang sila sa atin magpasawalang-hanggan kung tapat tayo. Ang ginagawa natin sa lupa ang batayan kung marapat tayo o hindi na maging mga magulang sa langit.”5

Nagtakda ng dalawang espesyal na pagkakataon ang Simbahan para magtipon ang mga pamilya. Ang una’y nakasentro sa wastong pagsunod sa araw ng Sabbath. Sa oras na ito dapat tayong sama-samang dumalo sa regular na mga miting, pag-aralan ang buhay at mga turo ng Tagapagligtas at ng mga propeta. “Kabilang sa mga angkop na aktibidad tuwing Linggo ang
(1) pagsulat sa sarili at pampamilyang journal, (2) pag-uusap ng pamilya,
(3) pagbuo at pagkakaroon ng mga organisasyong pampamilya para sa pamilya at kamag-anak, (4) personal na interbyu ng mga magulang sa mga anak, (5) pagsulat sa mga kamag-anak at misyonero, (6) genealogy, (7) pagbisita sa mga kamag-anak at mga maysakit o nalulumbay, (8) gawaing misyonero, (9) pagbabasa ng mga kuwento sa mga bata, at (10) pag-awit ng mga himno ng Simbahan.”6

Ang ikalawang pagkakataon ay Lunes ng gabi. Dapat nating turuan ang ating mga anak sa maayos at regular na family home evening. Walang ibang aktibidad na dapat kasangkutan ang ating pamilya sa Lunes ng gabi. Ang itinakdang oras na ito ay para sa ating pamilya.

Umaasa kaming napansin ninyong lahat ang espesyal na pagbibigay-diin ng Unang Panguluhan sa mga family home evening. Ang liham ng Unang Panguluhan noong Oktubre 4, 1999, ay inulit kamakailan sa mga magasin:

“Sa: Mga Miyembro ng Simbahan sa Buong Mundo

“Minamahal naming mga Kapatid: “Ang mga Lunes ng gabi ay inilalaan para sa mga family home evening sa buong Simbahan. Hinihikayat namin ang mga miyembro na ilaan ang panahong ito sa pagpapalakas ng mga ugnayan ng mag-anak at pagtuturo ng ebanghelyo sa kani-kanilang tahanan. “Noong kasisimula pa lang ng taong ito nanawagan kami sa mga magulang na pagsumikapan nilang mabuti ang pagtuturo at pagpapalaki sa kanilang mga anak sa mga alituntunin ng ebanghelyo na magpapanatili sa kanila na malapit sa Simbahan. Pinayuhan din namin ang mga magulang at mga anak na magbigay ng pinakamataas na priyoridad sa panalanging pangmag-anak, family home evening, pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo, at makabuluhang gawaing pangmag-anak.

“Hinihimok namin ang mga miyembro ng Simbahan na iwasan hangga’t maaari ang magdaos ng handaan o iba pang gawaing tulad nito sa mga gabi ng Lunes. Kung maisasagawa, maaari ring hikayatin ng mga miyembro ang mga pinuno ng komunidad o paaralan na iwasang magtakda ng mga gawain sa Lunes ng gabi na mangangailangan ng pag-alis ng mga anak o mga magulang sa kanilang tahanan.

“Ang mga gusali at pasilidad ng Simbahan ay dapat na sarado sa Lunes ng gabi. Walang mga gawain sa purok o istaka ang dapat na iplano, at ang iba pang nakasasagabal na gawain sa mga family home evening ay dapat na iwasan.”7

Nawa’y magpasiya tayo ngayong taon na magtatag ng tahanang nakasentro sa ebanghelyo, isang ligtas na daungan mula sa mga unos ng kaaway. Muli nating alalahanin ang mga pangako at bilin mula sa Panginoon sa Kanyang mga anak:

“Ang kaluwalhatian ng Diyos ay katalinuhan, o, sa ibang salita, liwanag at katotohanan.

“Ang liwanag at katotohanan ay tinatalikdan yaong masama. . . .

“At yaong masama ay dumating at kinuha ang liwanag at katotohanan, sa pamamagitan ng pagsuway, mula sa mga anak ng tao, at dahil sa kaugalian ng kanilang mga ama.

“Subalit ipinag-utos ko sa inyo na palakihin ang inyong mga anak sa liwanag at katotohanan.”8

Nawa’y ito ang maging taon natin para magalak sa liwanag at katotohanan ng ebanghelyo sa ating mga tahanan. Nawa’y maging tunay na lugar ng kanlungan mula sa mundo ang ating mga tahanan, ito ang mapagpakumbaba kong dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Liahona, Okt. 1998, 24.
2. “Family Home Evening,”
Liahona, Mar. 2003, 3.
3. Jan Whitley Hansen, “The Calling I Didn’t Know I Had,” Ensign, Mar. 2003, 6.
4. Tingnan sa Moises 5:4–5, 9–12.
5.
Mga Alituntunin ng Ebanghelyo, [manwal, 1997], 253.
6. “Suggestions for Individual and Family Sabbath-Day Activities,” Ensign, Mar. 1980, 76.
7. Liahona, Mar. 2003, 4.
8. D at T 93:36–37, 39–40.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy