The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
April 2003
Unti-unting Pagkatuto sa Priesthood

Unti-unting Pagkatuto sa Priesthood

ELDER DAVID B. HAIGHT
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

ELDER DAVID B. HAIGHT

Ang priesthood ay kapangyarihan at awtoridad na ipinakatawan ng ating Ama sa Langit sa tao. Ang awtoridad at karingalan nito’y di natin lubos na nauunawaan.

Ang gandang tingnan ng Conference Center na ito na puno ng mga tao at isipin ang mga gusali sa buong mundo na puno ng mga maytaglay ng priesthood. Marahil ito na ang pinakamalaking pagtitipon ng priesthood sa kasaysayan ng Simbahan. Naiisip kong totoo iyan dahil patuloy tayong umuunlad taun-taon. Una kong nalaman ang tungkol sa priesthood noong ako’y binyagan. Bininyagan ako sa dike ng patubig sa maliit na bayan ng Oakley, Idaho. Kasama ko ang mga kaibigan ko sa gilid ng dike. Nakasuot kami ng panligong makakapal na overall na pinutulan ang pantalon para hindi kami lumubog at binutasan ang mga bulsa nito. Hindi pa kami nakakita ng panligong yari sa knit o ibang uri ng tela. Lumabas ang tatay ko mula sa meetinghouse ng First Ward kasama ang kanyang mga tagapayo. May dala siyang bangko, at inilagay ito sa tabi ng dike. Sabi ng tatay ko, “David, halika rito; bibinyagan ka namin.”

Tumalon ako sa patubig at lumangoy papunta sa kabilang gilid, na nanginginig sa ginaw. Setyembre noon at medyo malamig, at ginawin ang mga bata, alam n’yo na, lalo na’t overall lang ang suot mo. Lumusong sa patubig ang tatay ko. Ang tanda ko, hindi niya hinubad ang sapatos niya o binago ang anuman at pangkaraniwang damit ang suot niya. Ipinakita niya kung saan ako hahawak at bininyagan na niya ako. Paglitaw ko sa tubig, sabay kaming gumapang paakyat sa gilid ng dike. Umupo ako sa bangko, at ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa aking ulo at pinagtibay akong miyembro ng Simbahan. Pagkatapos niyon tumalon ako sa dike at lumangoy papunta sa kabila, at nakisama sa mga kaibigan ko.

Ito talaga ang una kong karanasan sa priesthood.

Ipaaalala ko sa inyo na ang priesthood ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos na ipinakatawan sa tao. Uulitin ko: Ang priesthood ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos na ipinakatawan sa tao. Sa mga pagtitipong ito ngayong gabi, kasama natin ang mga maytaglay ng Aaronic Priesthood, ang mas mababang priesthood, at ang Melchizedek Priesthood, na mas mataas na priesthood. Hindi ba nakakatuwang isipin kung paano nag-organisa ang Panginoon at ang Kanyang Ama sa Langit, sa pagtatakda ng plano ng kaligtasan, para sapat na maging marapat ang mga lalaki at hiranging magtaglay ng priesthood at sumali sa malaking hukbo ng kalalakihang kailangan para maisagawa ang walang hanggang mga layunin ng ating Ama sa Langit, na isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao—ng buong sangkatauhan? Napakalaking grupo niyon!

Ilang taon matapos akong binyagan, nang malaman ko na ang ilang tungkulin sa Simbahan, naorden ako sa Aaronic Priesthood. Ang tatay ko, na nagbinyag sa akin, ay namatay na noon sa atake sa puso, kaya ang bishop ang naggawad sa akin ng Aaronic Priesthood at nag-orden sa akin bilang deacon. Naaalala kong napakaganda ng pakiramdam ko nang igawad niya sa akin ang priesthood, na may mga responsibilidad na ako at mananagot sa mga kilos ko at may mga bagay na dapat kong matutuhan sa pag-unlad ko sa buhay. Kakaiba ang damdamin ko na medyo nagbago na ako ngayon, na hindi ako magiging katulad na katulad ng mga kaibigan kong walang priesthood o mga taong makikilala ninyo sa daigdig. May ilang responsibilidad na ako ngayon, mga tungkuling matututuhan namin sa simbahan tuwing Linggo habang nakaupo sa palibot ng de-uling na kalan sa silong ng meetinghouse.

Tuwing Sabado, nililinis namin ang simbahan, pinupuno ng uling ang mga sisidlan nito, at tinitiyak na handa ang gusali para sa mga pulong sa araw ng Linggo. May mga dapat kaming gawin sa mas mababang priesthood, ukol sa temporal na gawain ng ward— pagkolekta ng handog-ayuno at pagsunod sa mga ipinagagawa ng bishop. Siya at ang iba pang mga lider ang nagtuturo sa amin tungkol sa Aaronic Priesthood at sa tungkulin ng deacon, ng teacher, at, siyempre pa, ng priest sa pagsulong namin sa priesthood. Tila unti-unti ko nang nauunawaan, mas lumalalim ang pang-unawa ko sa dapat isagawa, at may ilang personal akong pananagutan, bagama’t ako’y bata pa sa isang maliit na bayan. May bagay na napakahalaga tungkol dito.

Noong 11 taong gulang ako, namatay ang tatay ko, at sa kanyang burol ay naantig ako nang marinig ko sa mga tao ang tungkol sa kanyang kabaitan. Sa sementeryo habang ibinababa nila ang kabaong sa libingan at sinisimulang tabunan ito ng lupa at mga bato, nagmasid ako, at naisip na siya ang aking idolo, at naisip ko ang mangyayari sa akin ngayong wala na ang tatay ko. Nakita ko ang mga lalaking gamit ang priesthood at gumagawa ng tama—ang mga lalaking tumulong sa paghukay ng puntod at nag-asikaso ng lahat—at nakita ko ang isang mabait na lalaking ibinalik ang limang dolyar na inalok ni inay sa pagtulong na hukayin ang libingan, at sinabing, “Huwag, itabi mo iyan dahil kakailanganin mo iyan balang araw.”

Kaya gusto kong sabihin sa inyong lahat sa mga pagtitipong ito ngayong gabi, sa Aaronic Priesthood at Melchizedek Priesthood, hindi ba nakakatuwang sa karunungan ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak, sa pagaayos ng lahat ng bagay na ito, ay natututuhan nating gawin sa mas mababang priesthood ang temporal na mga gawain? Magkakaroon tayo ng temporal na mga tungkulin, na natututuhan sa mapakumbaba at simpleng paraan ang mga bagay na dapat isagawa. Tuturuan tayo nito ng paglilingkod at pamumuhay sa mga utos ng Panginoon, na ihahanda tayo para mapunta tayo balang araw sa Melchizedek Priesthood, taglay ang buong karingalan at walang hanggang kaluwalhatiang kaakibat nito.

Ang mga taon sa Aaronic Priesthood ay nakakaaliw sa buhay. Lagi akong natututo ng bago at lumalawak ang pang-unawa at damdamin ko sa ebanghelyo at sa tungkulin nating ihatid ang mensaheng ito sa buong mundo. Sa prosesong iyon natuto tayong makihalubilo sa ibang tao. Kung minsan ay dama nating baka hindi tayo tanggapin ng mga tao dahil mas mataas ang ating pamantayan. May mga bagay na di natin ginagawa. Nariyan ang Word of Wisdom, na tumutulong para mas lumusog tayo, ang uri ng buhay na nakakatulong sa pagbibinata natin at may mga pamantayan at mithiin at paraan ng pamumuhay na gustong taglayin ng marami sa daigdig. Nalaman ko na kung mamumuhay ka nang nararapat, napapansin ito ng mga tao, at humahanga sila sa mga paniniwala mo, at naiimpluwensyahan mo ang buhay ng iba. Kapag nalaman nilang hindi sila dapat manigarilyo o maglasing o magdroga, na napakasama ng epekto sa mundo, ang katotohanang di mo ginagawa iyon ay nakakaimpluwensiya sa mga taong iyon.

Ang pagsunod sa mga pamantayan ninyo ang nagpapagindapat para makasal kayo sa templo. Nagkataong ito ang ika-173 taunang pangkalahatang kumperensya ng Simbahan, at para malaman ninyo, 73 taon na kaming kasal ng aking asawa. Kaya noong ikasal kami, maaaring nagdaraos ng ika-100 taunang kumperensya ang Simbahan. Naaalala ko pa na habang hawak ko ang kamay ni Ruby sa altar ng templo—na nakikinig sa mga salita sa seremonya ng pagbubuklod—may kakaibang damdamin sa puso ko, hindi lang sa kasagraduhan nito kundi sa responsibilidad na dapat akong mamuhay nang marapat, na pangalagaan ko siya at ang aming mga anak, at aming mga apo, at ang susunod pang mga henerasyon. Nagpasiya akong maging halimbawa ng taong gumagalang sa priesthood at sa tipan ng aming kasal.

Ngayong gabi habang nagtitipon tayo bilang mga maytaglay ng priesthood, isipin lang ninyo ang responsibilidad ng bawat isa habang iniisip natin ang mangyayari sa mundong ito—marahil mga bagay na di pa natin alam ngayon—matapos ang digmaang ito at mabalik sa dati ang mga bagay. Napakarami nating dapat gawin. Para magawa ito, dapat tayong maging marapat sa priesthood na taglay natin para makatulong tayong mamuno sa pagsulong ng Simbahan, marahil sa mas epektibong paraan kaysa noon. Kay dakila ng araw na iyon!

Nang nasa navy ako noong Ikawalang Digmaang Pandaigdig, inutusan akong magreport sa himpilan ng mga barkong pandigma sa Pearl Harbor. Inihatid ako ng pamilya ko sa Treasure Island sa San Francisco Bay, kung saan sumakay ako sa lumang eroplanong pandagat na tinatawag na Pan-American clipper. Sakay ng eroplanong iyon ang ilang matataas na mediko-opisyal na paalis para ihanda at dagdagan ang suporta sa ospital dahil ilang linggo lang ay digmaan na sa Tarawa. Dahil sa ranggo ko, inatasan akong matulog sa sleeping bag sa gawing buntot ng eroplanong iyon, kung saan kita ko ang mga makina sa kanan habang lumilipad kami sa San Francisco, na walang ilaw sa gabi dahil sa digmaan. Madilim habang lumilipad kami papunta sa Pasipiko, at tingin ko’y tila nag-aapoy ang makina ng lumang eroplanong iyon. Hindi ako nakatulog sa pagmamasid dito sa buong paglipad.

Sa maligalig na gabing iyon naisip ko ang buhay ko at kung namumuhay ba ako nang marapat sa mga oportunidad at responsibilidad na mapapasaakin bilang maytaglay ng Melchizedek Priesthood—ang responsibilidad na maging halimbawa at mamuhay nang marapat para magampanan ko ang mga tungkuling mapapasaakin. Noong gabing iyo’y sinuri ko ang sarili ko, ang mga saloobin ko, iniisip kung ginagawa ko ang lahat ng kaya ko. Bagama’t tinanggap kong lahat ang mga tungkulin ko sa Simbahan, inisip ko kung nagagampanan kong lahat ito nang buong puso, kakayahan, isip, lakas at kaluluwa at namumuhay ako nang marapat para gampanan ang responsibilidad, ang biyaya, na natanggap ko bilang maytaglay ng Melchizedek Priesthood at kung ano ang aasahan sa aming mga nakatanggap ng biyayang ito.

Sa paggunita sa maligalig na gabing iyon, nagpapasalamat ako sa Panginoon sa Kanyang mga pagpapala ngayon at sa lahat ng pinagdaanan ko. Lagi kong sinisikap na ipamuhay nang lubusan ang ebanghelyo, na gawin ang lahat ng ipinagagawa sa akin nang buong puso, kakayahan, isip, at lakas, upang magampanan ang anumang tungkuling maaaring dumating sa akin para maging marapat akong gawin ang anumang ipagawa sa akin balang araw.

Sa gabing ito na pinararangalan natin ang priesthood, kayong mga kabataan ng priesthood, magpasiyang mamuhay nang marapat. Iwasang masangkot sa ilang kalokohang umiiral sa mundo, kundi alalahanin ang ibinigay sa inyo. Uulitin ko, ang priesthood ang kapangyarihan at awtoridad na ipinakatawan ng ating Ama sa Langit sa tao. Ang awtoridad at karingalan nito’y di natin lubos na nauunawaan.

Ibinibigay ko ang aking patunay, ang aking patotoo, na ang gawaing ito’y totoo. Natutuwa ako na kahit matanda na ako’y nakatayo pa rin ako at sumasaksi sa katotohanan ng ebanghelyo, batay sa nasaksihan ko sa buong buhay ko mula nang binyagan ako hanggang ngayon. Mahal ko ang Panginoon. Mahal ko ang ating Ama sa Langit at ang gawaing ito. Saksi ako sa katotohanan ng gawaing ito.

At sa inyong lahat na mga lider ng priesthood, mamuhay nang marapat. Kakaiba tayo, at hindi mabuting maging katulad kayo ng iba dahil taglay ninyo ang priesthood ng Diyos, kaakibat ang dakilang mga pangako at pagpapala at inaasahan sa inyo.

Ang gawaing ito’y totoo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy