The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
April 2003
Ang Lalamunan ng Diyablo

Ang Lalamunan ng Diyablo

PANGULONG JAMES E. FAUST
Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan

PANGULONG JAMES E. FAUST

Tulungan ninyo kaming labanan ang mundo. Kailangan nating salungatin ang ihip ng hangin. Kung minsan ay kailangan tayong kainisan at basta magsabi ng, “Hindi ito tama.”

Minamahal kong mga kapatid sa priesthood, ngayong gabi’y para sa inyong lahat ang aking pananalita, lalo na sa mga kabataan. Layon kong pagbilinan at balaan kayo sa mga panganib na darating, ngunit nais ko ring ipahayag ang pagmamahal at malaking tiwala ko sa inyo bilang lumalaking henerasyon.

Noong kabataan ko, nagmisyon ako sa Brazil. Isa iyong napakagandang karanasan. Isa sa mga pinakamagagandang lugar sa mundo sa dakilang bansang iyon ang Iguacu Falls. Sa panahon ng pagbaha, ang dami ng tubig na lumiligwak doon ang pinakamarami sa buong mundo. Bawat ilang minuto, milyun-milyong galon ng tubig ang bumabagsak sa bangin sa ibaba. Ang isang bahagi ng talon, kung saan pinakamabigat ang bagsak ng tubig, ay tinatawag na Devil’s Throat [Lalamunan ng Diyablo].

May malalaking bato sa daluyan ng tubig bago bumagsak pababa sa Devil’s Throat. Noong mga nakaraang taon, dinadala roon ng mga walang ingat na mamamangka ang mga pasahero upang tumayo sa mga batong iyon at tanawin ang Devil’s Throat. Karaniwa’y payapa at mabagal ang daloy ng tubig buhat sa talon, at tahimik ang kapaligiran. Tanging ang ugong ng tubig sa ibaba ang nagbababala ng panganib na ilang metro lang ang layo. Ang bigla at di inaasahang agos ng tubig ay maaaring tumangay sa bangka sa rumaragasang tubigan, papuntang bangin, at pabagsak sa Devil’s Throat. Ang mga hangal na hinahayaang mapunta ang kanilang mga bangka sa mapanganib na basang mga batong ito ay madaling madulas at matangay ng agos papunta sa nagaalimpuyong tubig sa ibaba.

Nakikita kong ang ilan sa inyo ay walang kinatatakutan, handang humarap sa anumang hamon. Ngunit ilan sa kapana-panabik na mga pagliliwaliw na ito ay tiyak na tatangay sa inyo pababa sa Lalamunan ng Diyablo. Ang tanging ligtas na landas ay malayo sa mga panganib ng Lalamunan ng Diyablo. Mariing nagbabala si Pangulong George Albert Smith, “Kung lumampas kayo sa guhit nang isang pulgada sa panig ng diyablo, pumailalim kayo sa kapangyarihan ng manunukso, at kung magtagumpay siya, hindi na kayo makapag-iisip o makapangangatwiran nang maayos, dahil nawala na sa inyo ang Espiritu ng Panginoon.”1

May ilan sa inyong mga kabataang lalaki na hinahayaang iba ang magtakda ng inyong mga pamantayan. Katwiran ninyo’y, “Sino ang may sabing hindi natin dapat gawin ito, o iyon?” Maraming antas ang tama at mali kaya bawat isa sa inyo ay kailangang magpasiya kung nasaan ang guhit. Mahigpit ko kayong hinihimok na kung may duda sa isipan o puso ninyo kung tama o mali ang gagawin ninyo, huwag itong gawin. Bawat isa sa atin ay may moral na kalayaang pumili, at patatalasin ng kaloob na Espiritu Santo ang kakayahan nating kumilala ng tama at mali, ng totoo at hindi. Responsibilidad ng mga propeta ng Diyos na ituro ang salita ng Diyos, hindi para ipaliwanag ang bawat kaliit-liitang detalye ng ikikilos ng tao. Kapag sinisikap nating iwasan hindi lang ang kasamaan kundi anumang anyo nito, kikilos tayo para sa ating sarili at hindi tayo ang pinakikilos.2

Karamihan sa mga bagay na mula sa diyablo ay nakaaakit at nakatutukso. Kumikinang ito at nakalulugod sa likas nating kamunduhan. Ang kanyang mensahe ay parang makatarungan at madaling pangatwiranan. Ang kanyang tinig ay karaniwang malamig at makatawag-pansin. Kung ito ay paos o garalgal, walang makikinig, ni matutukso. Ang ilan sa pinakakaakit-akit na mensahe ni Satanas ay: Ginagawa ito ng lahat; kung walang masasaktan, ayos lang; kung hindi naman kayo mapapahamak dito, okey lang; “cool” itong gawin. Si Satanas ang pinakamahusay na manggagaya, dalubhasang manlilinlang, pinakamagaling na manghuhuwad, at pinakamahusay na palsipikador sa buong kasaysayan ng mundo. Dumarating siya sa buhay natin na parang magnanakaw sa gabi. Perpekto ang kanyang pagbabalatkayo kaya mahirap siyang makilala o mahalata ang kanyang mga pamamaraan. Isa siyang lobo na nakadamit tupa.

Laging may dalawang malalaking puwersang naglalaban sa mundo. Nagsimula ito bago pa lalangin ang mundo. Ang magkasalungat na puwersang ito ay ang kabutihan at kasamaan. Napapagitna tayo sa dalawang makapangyarihang puwersang ito na naghihilahan. Sa madaling salita, yaong mabuti ay buhat sa Diyos at yaong masama ay buhat sa diyablo.3 Hindi puwedeng dalawa ang piliin ninyo at makasumpong ng tunay na kaligayahan; may ilang nagtangka, pero nabigo silang lahat sa huli. Kung sinuman sa inyong mga kabataang lalaki ang nag-aakalang puwedeng dalawa ang piliin, niloloko lang ninyo ang inyong sarili. Hindi iyon ganoon. Hindi nangyari iyon kahit kailan. Hindi mangyayari iyon kailanman.

Minamahal kong batang mga kaibigan, may isa pang dakilang katotohanang dapat ninyong malaman. Ito ay bawat bagay ay may kabayaran. May kabayaran ang tagumpay, katuparan, kaganapan, at kagalakan. Walang anumang libre. Pag hindi ninyo pinagbayaran ang tagumpay, pagbabayaran ninyo ang kabiguan. Ang paghahanda, pagtatrabaho, pag-aaral, at paglilingkod ay kailangan upang makamtan at masumpungan ang kaligayahan. Malaki ang kabayaran sa pagsuway at kakulangan sa paghahanda. Bilang mga maytaglay ng priesthood sa Simbahang ito, bahagi ng kabayaran natin ang pamumuhay nang kakaiba sa mundo. Tayo ang mayhawak at tagapag-ingat ng malalakas na kapangyarihang ito na kayang pigilin at pinipigil ang kapangyarihan ni Satanas sa lupa. Hinihimok ko nang buong puso na tulungan ninyo kaming labanan ang mundo. Kailangan nating salungatin ang ihip ng hangin. Kung minsan ay kailangan tayong kainisan at basta magsabi ng, “Hindi ito tama.”

Lahat tayo ay naghahangad na malaman kung sino tayo talaga at kung ano ang puwang natin dito sa mundo. Nagtatangka ang ilan sa inyong mga kabataang lalaki na matuklasan kung sino kayo sa pagiging iba sa inyong mga magulang at pamilya sa paninindigan. Nilikha tayo ng Diyos na kaiba sa sinuman sa mundo, na mapapatunayan sa ating DNA at bakas ng mga daliri. Hindi na ninyo kailangang gumawa ng anuman para maiba sa lahat; talagang naiiba kayo.

Ilang kabataan ang nais maghimagsik laban sa mga pagbabawal. Ilan sa inyo ang nag-iisip na hindi “cool” ang sumunod sa inyong mga magulang o sa payo ng inyong bishop o pangulo ng korum. Nagbahagi ng karanasan si Bishop Richard C. Edgley noong bata pa siya tungkol sa mga bunga ng kawalang-ingat at pagsuway.

“Noong ako ay bata pa, mga limang talampakan ang layo ng garahe namin sa garahe ng kapitbahay. Lumangluma at sira-sira na ang garahe ng kapitbahay namin at tuklap na ang ilang tabla nito. Paminsan-minsa’y umaakyat ako sa garahe namin at nagpapalipatlipat ng talon sa dalawang garahe at naglalaro sa bubungan ng mga ito. Sinabihan ako ng tatay ko, ‘Huwag kang pupunta sa mga garahe,’ pero hindi ako sumunod. Minsan sa paglalaro ko sa ibabaw ng mga iyon, tumalon ako mula sa aming garahe at lumusot sa bubong ng garahe ng kapitbahay, at nagasgas nang husto ang likod at mga paa ko. Dahil sumuway ako, ipinasiya kong huwag sabihin kaninuman na nasaktan ako. Pumasok ako sa bahay at hinugasang maigi ang mga gasgas at galos ko, pero hindi ko maabot ang nasa likod para lagyan ng gamot o malinisan man lang. Tiniis ko nang ilang araw ang sakit, pag-aalala sa impeksyon, at bigat ng budhi habang nagpapagaling.”4

Gaya ng sabi ng isang tao, “Isa sa pinakamagagandang bagay sa mundo ang pagiging bata; hindi nito kailangan ng karanasan, ngunit kailangan ng ilang pagsasanay para maging mabuti.”5

Ang ilan sa inyo ay maaaring nalinlang sa pag-aakalang nakakatuwang malulong sa droga, alak, pornograpiya, at bawal na pakikipagtalik. Binabalaan ko kayo na ang gayong mga panunukso ay kasindulas at kasingpeligroso ng mga bato sa may Devil’s Throat, at tatangayin lang kayo nito sa teritoryo ni Satanas. Mahirap tumakas sa ganoong uri ng panganib at mag-iiwan sa inyo ng higit pa sa kaunting gasgas at galos.

Lilikhain ninyong mga kabataang lalaki ang inyong walang hanggang tadhana sa nakawiwiling panahon. Sa hinaharap magpapatuloy ang pagdami ng mga tuklas ng siyensya at imbensyon na higit na magpapaginhawa at magpapadali sa buhay para sa marami. Walang alinlangang patuloy na makatutuklas ang siyensyang medisina ng mga bagong lunas at gamot na wala pa sa ngayon. Sa kabilang dako, ang impluwensiya ng kasamaan sa mundo ay malamang na lumakas at mas maraming tao ang malalantad sa panlilinlang at pang-aakit ni Satanas. Kayong mga kabataang lalaki ay kailangang lalong lumakas sa espirituwal at moral upang mapaglabanan ang mga tukso at bitag ng mundo. Marahil ito ang dahilan kung bakit ang mga natatanging espiritung ito ang ipinadala sa panahong ito.

Naniniwala rin ako na sa hinaharap, ang oposisyon ni Satanas ay magiging kapwa mas madaya at hayagan. Habang sa ilang paraan ay magiging mas lantaran ito, magiging mas pino at tuso ang balatkayo nito. Kakailanganin natin ng higit na espirituwalidad upang makita ang lahat ng anyo ng kasamaan at higit na lakas para paglabanan ito.

Maraming bansa ngayon ang nahaharap sa mga pangangib ng terorismo. Inilalantad ng digmaan ang mga tao sa kapahamakang pisikal, pero lantad din sila sa kapahamakang moral. Kaming mga nagsipaglingkod sa militar sa panahon ng digmaan ay nakaranas ng magulong buhay bunga ng pagkawalay sa tahanan at pamilya, kaaya-ayang mga samahan, at impluwensiya ng organisadong Simbahan. Binabalaan ko ang mga naglilingkod ngayon sa militar, o maglilingkod dito, sa mga panganib ng mga gulong ito.

Tatangayin tayo nito sa pinakabunganga ng Lalamunan ng Diyablo.

Marami sa mga gagawin ninyo ay mga sitwasyong panggrupo kung saan hindi ninyo laging mapipili ang inyong makakasama. Ngunit mapipili ninyo ang inyong mga pamantayan. Sa militar, kabilang kayo sa isang pulutong kung saan bahagi ng lakas nito ay mula sa pagkakaisa ng mga miyembro. Dapat kayong maging tapat sa mga miyembro ng inyong yunit dahil baka ang taong katabi ninyo ang magligtas sa buhay ninyo bukas! Ngunit hindi ito nangangahulugang dapat ninyong babaan ang inyong mga pamantayang moral. Sa alinmang samahan, may isa o higit pang dapat tumayo at magsabing, “Hindi tama ang ating ginagawa.” Kailangan ng katapangang moral para gawin ito!

Kailan lang ay muling inilathala ng Simbahan ang edisyon ng Principles of the Gospel para sa mga sundalong miyembro ng Simbahan na naglilingkod sa militar saanmang panig ng mundo. Bagama’t sa Ingles lang ito makukuha ngayon, isasalin ito sa iba’t ibang wika. Ang napakainam na reperensiyang ito ay naglalaman ng mga tagubilin para sa mga aktibidad sa Simbahan at sa pagsusuot ng garment ng mga sundalo, mga ordenansa at pagbabasbas ng priesthood, mga paksa sa ebanghelyo, at ilang piling mga himno. Kaming mga naglingkod sa militar noong Ikalawang Digmaang Pandaigidig ay nagkaroon din nito. Napatunayan kong napakahalaga noon.

Patuloy ang proseso ng pagsasala hanggang ngayon. Ipinaaalala sa atin ang talinghaga ng trigo at mga mapanirang damo. Sa talinghagang iyon sinabi ng Panginoon, “Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kaniyang bukid,” ngunit habang tulog siya’y dumating ang kanyang kaaway at naghasik ng mga mapanirang damo sa trigo, kaya sabay na umusbong ang trigo at mga damo. Hindi naunawaan ng mga manggagawa ng taong iyon kung paano napunta sa bukirin ang mga damo at nagtanong sa kanya kung dapat nilang bunutin ang mga ito. Sinansala sila ng may-ari ng bukirin dahil baka pati trigo ay mabunot nila sa pagbunot nila ng mga damo. Kaya ipinayo niya na hayaang sabay na tumubo ang trigo at mga damo at pagdating ng anihan, saka bibigkisin ang trigo nang hiwalay sa mga damo.6

Hiniling ng mga disipulo ni Jesus sa Tagapagligtas na ipaunawa sa kanila ang talinghaga, at sumagot ang
Tagapagligtas, “Ang naghahasik ng mabuting binhi ay ang Anak ng tao;

“At ang bukid ay ang sanglibutan; at ang mabuting binhi, ay ito ang mga anak ng kaharian: at ang mga pangsirang damo ay ang mga anak ng masasama;

“At ang kaaway na naghasik ng mga ito ay ang diablo; . . . at ang mga mangaani ay ang mga anghel.

“Kung paano ang pagtipon sa mga pangsirang damo at pagsunog sa apoy; gayon din ang mangyayari sa katapusan ng sanglibutan.”7

Pinagtitibay ng talinghagang ito ang pahayag ni Alma na nais kong ulitin, “Ano mang mabuti ay nagbubuhat sa Diyos; at ano mang masama ay nagbubuhat sa diyablo.”8

Mga kapatid, nabubuhay tayo sa mapanghamong panahon, at oras na upang tayo’y manindigan nang matatag at matibay sa pagtugon sa ating mga responsibilidad sa pamilya at priesthood. Hindi tayo dapat mahipan na “katulad ng isang alon ng dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad sa magkabikabila.”9 Dapat tayong humayo sa diwa ng pananampalataya, at hindi matakot sa anumang bagay maliban sa mabingit sa Lalamunan ng Diyablo. Tayo ay palalakasin at iingatan kung susundin natin ang payo at patnubay ni Pangulong Gordon B. Hinckley, na siyang nasa timon. Mayroon akong natatanging patotoo na siya ang ating propeta, tagakita, at tagapaghayag. Siya ang tagapagsalita ng Diyos sa lupa ngayon. Dalangin ko na sumaating lahat ang mga pagpapala ng Panginoon, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Sharing the Gospel with Others, pinili ni Preston Nibley (1948), 43.
2. Tingnan sa 2 Nephi 2:13, 26.
3. Tingnan sa Alma 5:40.
4. “Friend to Friend,”
The Friend, Peb. 1995, 6.
5. Charles Dudley Warner,
Thesaurus of Quotations, ed. Edmund Fuller (1941), 115.
6. Tingnan sa Mateo 13:24–30.
7. Mateo 13:37–40.
8. Alma 5:40.
9. Santiago 1:6.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy