ELDER RUSSELL M. NELSON
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Dapat tayong manalangin ayon sa kalooban ng ating Ama sa Langit. Nais Niya tayong subukan, patatagin, at tulungang maabot ang ating potensyal.
Sa panahong ito ng mga kompyuter, telepono, at pager, mas madali ngayon ang komunikasyon ng mga tao kaysa noon. Gayunman, madalas kulang pa rin ang mabuting komunikasyon. Kailan lang nang dalawin ko ang isang bahaykalinga, nakausap ko ang isang babae tungkol sa kanyang pamilya. Siya raw ay may tatlong anak na lalaki, at dalawa rito ang laging dumadalaw sa kanya.
“Kumusta naman ang pangatlo mong anak?” tanong ko.
“Di ko alam kung nasaan siya,” ang naiiyak niyang sagot. “Ilang taon na akong walang balita sa kanya.
Ni hindi ko alam kung ilan na ang mga apo ko.”
Bakit Tayo Nananalangin
Kung ang inang ito’y sabik makarinig sa kanyang mga anak, madaling maunawaan kung bakit nais ng mapagmahal na Ama sa Langit na makarinig mula sa Kanyang mga anak.1 Sa panalangin natin maipakikita ang pagmamahal sa Diyos. At pinadali Niya ito. Kahit anong oras ay maaari tayong magdasal sa Kanya. Di kailangan ng espesyal na kagamitan. Ni hindi kailangan ng mga baterya o ng buwanang bayad para sa serbisyo.
Ang ilan ay nagdarasal lang kapag may problema sila. Ang iba’y di talaga nagdarasal. Pinuna ito sa banal na kasulatan: “Hindi ninyo naaalaala ang Panginoon ninyong Diyos sa mga bagay na pinagpala niya sa inyo; ngunit lagi ninyong naaalaala ang inyong mga kayamanan, hindi upang magpasalamat sa Panginoon . . . para sa mga yaon.”2
Matagal na tayong sinasabihan ng mga propeta na mapakumbaba at madalas na manalangin.3
Paano Manalangin
Itinuro sa atin ni Jesus kung paano.4 Nagdarasal tayo sa Ama sa Langit,5 sa ngalan ni Jesucristo,6 sa kapangyarihan ng Espiritu Santo.7 Ito ang “tamang paraan ng panalangin,”8 kumpara sa “walang kabuluhang paulit-ulit”9 o pagbigkas para sila’y “mangakita ng mga tao.”10
Ipinahayag ni Jesus na nagdarasal tayo sa matalinong Ama sa Langit na alam ang lahat ng kailangan natin, bago pa tayo humingi sa Kanya.11
Itinuro ni Mormon sa kanyang anak na si Moroni na dapat tayong manalangin “nang buong lakas ng puso.”12 Sabi ni Nephi, “Ako ay patuloy na dumadalangin para sa [aking mga tao] sa araw, at nababasa ng luha ang aking unan sa gabi, . . . at ako ay sumasamo sa aking Diyos nang may pananampalataya, at alam kong diringgin niya ang aking pagsusumamo.”13
Ang magiliw na kapangyarihan ng panalangin ay mapapalakas sa pag-aayuno, paminsan-minsan, kapag angkop sa isang partikular na pangangailangan.14
Maaari ring tahimik na manalangin. O kaya’y isipin ang panalangin, lalo kung mahirap itong bigkasin.15 Madalas tayong lumuhod kapag nananalangin; maaari tayong tumayo o umupo.16 Mas mahalaga ang espirituwal na pagsunod sa Diyos kaysa pisikal na posisyon.
Tinatapos natin ang pagdarasal “sa pangalan ni Jesucristo, amen.”17 Kapag naririnig natin ang panalangin ng iba, sinasabi nating “amen,” na ibig sabihin ay, “Iyan din ang dalangin ko.”18
Kailan Mananalangin
Kailan tayo dapat manalangin? Sabi ng Panginoon, “Masigasig na maghanap, manalangin tuwina, at maging mapanampalataya, at lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa inyong ikabubuti.”19
Sabi ni Alma, “Makipagsanggunian sa Panginoon sa lahat ng iyong mga gawain, at gagabayan ka niya sa kabutihan; oo, kapag ikaw ay nahiga sa gabi, mahiga sa Panginoon, upang mabantayan ka niya sa iyong pagtulog; at kapag ikaw ay bumangon sa umaga hayaang ang iyong puso ay mapuspos ng pasasalamat sa Diyos.”20
Nagdarasal tayo nang sarilinan, regular na kasama ang ating pamilya, sa oras ng pagkain, at sa mga pangaraw-araw na gawain. Sa madaling salita, tayo’y mga taong madasalin.
Personal na Karanasan sa Panalangin
Naranasan na ng marami ang magiliw na kapangyarihan ng panalangin. Ang isa sa aki’y kasama ko ang isang stake patriarch na mula sa katimugang Utah. Una ko siyang nakilala sa aking klinika mahigit 40 taon na ang nakararaan, noong bago pa lamang ginagawa ang pag-oopera sa puso. Malaki na ang paghihirap ng mabait na taong ito dahil sa sakit sa puso. Humingi siya ng tulong, sa pag-aakalang ang sakit niya’y sanhi ng sirang balbula sa kanyang puso na maaari pang ayusin.
Natuklasan sa masusing pagsusuri na dalawang balbula ang may diperensya sa kanya. Bagamat maaayos ang isa, ang ikalawa ay hindi na. Dahil dito hindi na ipinayo ang operasyon. Labis siyang nalungkot nang malaman ito.
Gayon din ang naging payo sa sumunod na mga pagbisita niya. Sa kawalan ng pag-asa, kinausap niya ako: “Dr. Nelson, nagdasal ako para humingi ng tulong at sa inyo ako itinuro. Hindi ipaaalam sa akin ng Panginoon kung paano aayusin ang ikalawang balbula, pero maipaaalam Niya ito sa iyo. Handang-handa na ang iyong isipan. Kung ooperahan mo ako, ipaaalam sa iyo ng Panginoon ang dapat mong gawin. Sige na, operahan mo na ako, at hingin mo sa panalangin ang tulong na kailangan mo.”21
Matindi ang epekto sa akin ng kanyang malaking pananampalataya. Paano ko pa siya matatanggihan? Matapos kaming taimtim na manalangin, pumayag akong subukan ito. Sa paghahanda sa araw na iyon, paulitulit akong nagdasal, pero di ko pa rin alam ang gagawin sa balbulang may diperensya. Kahit na nang magsimula ang operasyon,22 nagtanong ang assistant ko, “Ano ang gagawin mo riyan?”
Sabi ko, “Ewan ko.” Sinimulan namin ang operasyon. Matapos bawasan ang bara ng unang balbula,23 tiningnan namin ang pangalawang balbula. Nakita naming buo naman ito, pero masyadong maluwang kaya hindi na ito maayos na nakakatakbo. Habang sinusuri ang balbulang ito, may malinaw na mensaheng pumasok sa isipan ko: Bawasan mo ang luwang. Sinabi ko ito sa aking assistant. “Maaayos natin ang balbula kung mababawasan natin ang luwang nito at maibalik ito sa normal na sukat.”
Ngunit paano? Di kami makagagamit ng sinturon, gaya ng ginagamit sa pantalon para mapahigpit ito. Hindi kami makagagamit ng tali, para mahigpitan ito gaya ng ginagawa sa pagpapahigpit ng siya sa kabayo. Pagkatapos malinaw na nailarawan sa aking isipan ang paraan para magawa ito, ipinakikita kung paano ito tatahiin—itutupi rito at isusuksok doon—para maisagawa ang nais mangyari. Naaalala ko pa ang paglalarawang iyon sa aking isipan—kasama ang mga putul-putol na linya kung saan dapat tahiin. Natapos ang pagtatahi ayon sa nakalarawan sa aking isipan. Sinubukan namin ang balbula at malaki ang nabawas sa dugong tumatagas dito. Sabi ng assistant ko, “Himala ito.”
Ang sabi ko, “Sagot ito sa dalangin.” Mabilis na gumaling ang pasyente at bumuti ang kanyang lagay. Hindi lang siya natulungan sa kamangha-manghang paraan, kundi posible na ring operahan ang ibang taong gayundin ang kalagayan. Hindi ko inaangkin ang papuri. Iyon ay sa matapat na patriarch na ito at sa Diyos, na sumagot sa aming mga dalangin. Nabuhay pa nang maraming taon ang matapat na taong ito, at ngayon’y nagtungo na siya sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian.
Magtanong sa Panginoon
Kapag nagdarasal tayo, hindi natin dapat turuan ang Panginoon ng dapat Niyang gawin kundi dapat ay magtanong tayo sa Panginoon,24 at makinig sa Kanyang payo.25 Ang unang panalangin ni Joseph Smith ang nagpasimula sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo.26 Noong 1833, tinanggap niya ang Word of Wisdom matapos humingi ng payo sa Panginoon.27 Ang paghahayag sa priesthood na tinanggap noong 1978 ni Pangulong Spencer W. Kimball ay dumating matapos ang marubdob na panalangin.28 Ang inspirasyon ukol sa pagtatayo ng maliliit na templo ay dumating matapos magnilay-nilay si Pangulong Gordon B. Hinckley.29
Mga Sagot sa mga Dalangin
Hindi lahat ng dalangin natin ay sasagutin ayon sa gusto natin. Paminsan-minsan ang sagot ay hindi. Di tayo dapat magulat. Ang mapagmahal na mortal na mga magulang ay hindi pumapayag sa bawat kahilingan ng kanilang mga anak.30
Sa isang family home evening ng magkakamag-anak kamakailan ay tuwang-tuwa ang aming mga apo. Ang anim-na-taong-gulang na apo [lalaki] ay nabagabag nang husto nang sabihin ng kanyang ama na oras na para umuwi. Ano ang ginawa ng batang ito? Lumapit siya sa akin at nagtanong, “Lolo, papayag po ba kayong suwayin ko ang tatay ko?”
Sabi ko’y, “Hindi, mahal. Isa sa mga dakilang aral sa buhay ang malaman na ang kaligayahan ay nagmumula sa pagsunod.31 Sumama ka sa kanilang umuwi, at liligaya ka.” Bagamat nalungkot, matapat siyang sumunod.
Dapat tayong manalangin ayon sa kalooban ng ating Ama sa Langit.32 Nais Niya tayong subukan, patatagin, at tulungang maabot ang ating potensyal. Nang ikulong si Propetang Joseph Smith sa Piitan ng Liberty, humingi siya ng tulong. Ang mga dalangin niya’y sinagot nang may paliwanag: “Ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti.”33
Awit ng Panalangin
Dama kong dapat kong tapusin ang mensaheng ito sa panalangin sa pamamagitan ng pagdarasal—sa pag-awit ng isang himno. Sinabi ng Panginoon na “ang awit ng mabubuti ay isang panalangin sa akin.”34 Ang musika ay mula sa ating aklat na Hymns,35 na binago ko ang mga salita. Lakip ang pasalamat kina Craig Jessop, Mack Wilberg at iba pang mahal na mga kaibigan sa
Tabernacle Choir, maririnig natin ang awit na iyon ng panalangin. Brother Jessop: [pag-awit ng “Aming Dalangin sa Inyo” ng Tabernacle Choir].
Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Maraming talata ang patungkol sa mga taong mabagal . . . sa pag-alaala sa Panginoon (tingnan sa Mosias 9:3; 13:29; Helaman 12:5).
2. Helaman 13:22.
3. Para sa mga halimbawa, tingnan sa Jeremias 29:1113; Joel 2:32; Mga Taga Filipos 4:6;
1 Nephi 15:811; Alma 37:37.
4. Habang isinasakatuparan Niya ang Pagbabayad-sala, patuloy Siyang nagdasal sa Kanyang Ama, kapwa sa Getsemani (tingnan sa Lucas 22:3944), at sa krus sa Calvario (tingnan sa Lucas 23:3334, 46).
5. Tingnan sa Mateo 6:9; Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 6:10; Lucas 11:2; 3 Nephi 13:9.
6. Tingnan sa Jacob 4:45; 3 Nephi 20:31; 27:9; Moises 5:8.
7. Tingnan sa Moroni 6:9; 10:45.
8. Bruce R. McConkie, A New Witness for the Articles of Faith, 380.
9. Mateo 6:7.
10. Mateo 6:5.
11. Tingnan sa Mateo 6:8.
12. Moroni 7:48.
13. 2 Nephi 33:3; tingnan din sa Jacob 3:1; Alma 31:38; D at T 37:2.
14. Tingnan sa Mateo 17:21; Marcos 9:29; I Mga Taga Corinto 7:5; Mosias 27:2223; Alma 5:46; 3 Nephi 27:1; D at T 88:76.
15. Nakasaad sa isa sa ating mga himno na Panalangiy mithiing tunay, / Ng ating kaluluwa, . . . / Ang pataas na pagsulyap sa kalangitan / Pag Diyos ang syang kasama
(Mga Himno, 81).
16. Kung aangkop sa okasyon.
17. Para sa iba pang makatutulong na tagubilin tingnan sa The Language of Prayer, ni Dallin H. Oaks, Ensign, Mayo 1993, 1518.
18. Tingnan sa American Heritage Dictionary, ika-4 na edisyon (2000), 57; amen. . . .
Gamit sa hulihan ng panalangin o pahayag upang ipakita ang pagsang-ayon o pahintulot. [Middle English, mula sa Old English, mula sa Late Latin ãmån, mula sa Griego, mula sa Hebreo ãmån, walang alinlangan, katotohanan, ãman, upang maging matatag.]
19. D at T 90:24; idinagdag ang diin.
20. Alma 37:37; idinagdag ang diin. Tingnan din sa Mosias 26:39; Alma 26:22. Para sa katulad na aral mula kay Pablo, tingnan sa I Mga Taga Tesalonica 5:17.
21. Bagamat hindi binanggit lahat ang salita niya, itoy tumpak na paglalahad ng kanyang pahayag.
22. Ang operasyong itoy isinagawa noong Mayo 24, 1960.
23. Siyay may stenosis (pagkitid) ng mitral valve o balbula sa puso [na nagpapadaloy ng dugo sa iisang direksyon lang, na sanhi ng naunang atake ng rheumatic fever.
24. Sinabi ng Panginoon, Kung kayo ay hihingi, kayo ay makatatanggap ng paghahayag sa paghahayag, ng kaalaman sa kaalaman (D at T 42:61). Para sa halimbawa, tingnan sa bahagi 9 ng Doktrina at mga Tipan. Ipinaliwanag ng Panginoon na kailangan mong pag-aralan ito sa iyong isipan; pagkatapos kailangang itanong mo sa akin kung ito ay tama, at kung ito ay tama aking papapangyarihin na ang iyong dibdib ay mag-alab; samakatwid, madarama mo na ito ay tama. Subalit kung ito ay hindi tama wala kang madaramang gayon, kundi ikaw ay magkakaroon ng pagkatuliro ng pag-iisip (talata 89). Tingnan din sa Jacob 4:10.
25. Tingnan sa Exodo 15:26; Deuteronomio 13:1718; I Samuel 15:22; Jeremias 26:46; Omni 1:13; D at T 41:1; 133:16.
26. Tingnan sa Joseph SmithKasaysayan 1:1520.
27. Tingnan sa D at T 89.
28. Tingnan sa Opisyal na Pahayag2.
29. Tingnan sa Church News, Ago. 1, 1998, 3, 12; Mar. 13, 1999, 9; Mar. 4, 2000, 7; Hun. 24, 2000, 9.
30. Kahit ang Anak ng Diyos ay dumanas ng gayon, na sinasabi, Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito: gayon may huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo (Lucas 22:42). Alam kapwa ng Ama at ng Anak ang dapat mangyari.
31. Tungkol sa pagsunod sa banal na batas, tingnan sa Abraham 3:25. Tungkol sa pagsunod sa matalinong payo ng mapagmahal na mga magulang, tingnan sa Mga Taga Efeso 6:1; Mga Taga Colosas 3:20.
32. Tingnan sa Helaman 10:45.
33. D at T 122:7.
34. D at T 25:12.
35. Hymns, 337; ang musika ay komposisyon ni Joseph Parry; tono: SWANSEA.