PANGULONG THOMAS S. MONSON
Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan
Naway tulungan natin at iligtas ang mga naliligaw ng landas, upang wala ni isang mahalagang kaluluwang mawala.
Natitipon tayo ngayong gabi bilang isang malaking grupo ng priesthood, dito sa Conference Center at sa iba’t ibang panig man ng mundo. Taglay ng ilan ang Aaronic Priesthood, at ang iba nama’y ang Melchizedek Priesthood.
Ipinahayag ni Pangulong Stephen L. Richards, na naging tagapayo kay Pangulong David O. McKay: “Ang Priesthood ay karaniwang nangangahulugan ng ‘kapangyarihan ng Diyos na itinalaga sa tao.’” Patuloy niya: “Palagay ko, tumpak ang paliwanag pakahulugang ito. Ngunit sa praktikal na paraan nais kong ipakahulugan ang Priesthood ayon sa paglilingkod at madalas ko itong tawaging ‘pekpektong plano ng paglilingkod.’ . . . Ito’y instrumento ng paglilingkod . . . at mawawala ito sa taong di gagamit nito, dahil malinaw na inihayag sa atin na siya na nakakaligtaan ito ay ‘hindi ibibilang na karapat-dapat na magtagal sa katungkulan.’”1
Sa Pioneer Stake sa Salt Lake City kung saan natanggap ko ang Aaronic at Melchizedek Priesthood, tinuruan kaming maging bihasa sa banal na kasulatan, pati sa mga bahagi 20, 84, at 107 ng Doktrina at mga Tipan. Sa mga bahaging ito tayo natututo tungkol sa priesthood at pamamahala sa simbahan.
Ngayong gabi bibigyang-diin ko ang isang talata mula sa Bahagi 107: “Dahil dito, ang bawat tao ngayon ay matuto ng kanyang tungkulin, at kumilos sa katungkulang itinalaga sa kanya nang buong sigasig.”2
Madalas ituro ni Pangulong Harold
B. Lee: “Kapag tinaglay ng isang tao ang priesthood, siya’y nagiging kinatawan ng Panginoon. Dapat niyang ituring ang kanyang tungkulin bilang utos na ipinagagawa ng Panginoon.”3
Nalalaman din natin sa mga bahaging ito ang tungkulin ng mga panguluhan ng korum at ang katotohanang may pananagutan tayo sa iba bukod sa ating sarili.
Matibay ang paniniwala ko na mas malakas ngayon ang Simbahan kaysa noon. Patunay ang pagkaaktibo ng ating mga kabataan na ito’y henerasyon ng pananampalataya at katapatan sa katotohanan. Subalit may ilang nadadapa, na naaaliw sa ibang mga bagay na humihimok sa kanilang pabayaan ang mga tungkulin nila sa Simbahan. Hindi dapat mawala ang mahahalagang kaluluwang ito.
Dumarami ang magiging mga elder na wala sa mga miting ng Simbahan at walang katungkulan dito. Ang sitwasyong ito’y maaari at dapat lunasan. Atin ang tungkuling ito. Kailangang italaga ang responsibilidad at maagaran ang pagkilos.
Ang mga panguluhan ng mga korum ng Aaronic Priesthood, sa pamumuno ng mga tagapayo sa bishopric at korum, ay mabibigyang-kapangyarihan para tumulong at magligtas.
Sabi ng Panginoon, “Tandaan na ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos; . . . at anong laki ng kanyang kagalakan sa kaluluwang nagsisisi!”4
Kung minsa’y tila napakabigat ng tungkulin. Mapagkukunan natin ng panibagong tapang ang karanasan ni Gedeon noon na, sa maliit niyang hukbo’y nakidigma sa mga Madianita at mga Amalecita. Matatandaan ninyo kung paano hinarap ni Gedeon at ng kanyang hukbo ang malakas na puwersang mas maiinam ang kagamitan at mas nakararami. Nakatala sa aklat ng Mga Hukom sa Lumang Tipan na ang nagkaisang mga kaaway na ito, ang mga Madianita at Amalecita, “ay nalalatag sa libis na parang balang sa dami; at ang kanilang mga kamelyo ay tila sindami ng buhangin sa tabing dagat.”5 Lumapit si Gedeon sa Poong Maykapal para siya’y lumakas.
Nagulat si Gedeon nang sabihin ng Panginoon na masyadong marami ang kanyang hukbo para ihatid ng Panginoon ang kalaban sa kanilang kamay, dahil baka sabihin nilang, “Aking sariling kamay ang nagligtas sa akin.”6 Inutusan si Gedeon na sabihin sa kanyang mga tao, “Sinomang matatakutin at mapanginig, ay bumalik at pumihit mula sa bundok ng Galaad. At bumalik sa bayan ang dalawang pu’t dalawang libo; at naiwan ang sangpung libo.”7
At sinabi ng Panginoon, “Ang bayan ay totoong marami pa.”8 Inutusan Niya si Gedeon na dalhin ang mga tao sa tubig at tingnan kung paano sila uminom. Ang mga dumila sa tubig ay pinagsamasama, at ang mga lumuhod para uminom ay inihiwalay. Sinabi ng Panginoon kay Gedeon, “Sa pamamagitan ng tatlong daang lalake na humimod ay ililigtas ko kayo, at ibibigay ko ang mga Madianita sa iyong kamay: at pabayaan mong ang buong bayan ay yumaon bawa’t isa sa kanikaniyang dako.”9
Bumalik si Gedeon sa kanyang mga tauhan at sinabi sa kanila, “Tumindig kayo; sapagka’t ibinigay ng Panginoon sa inyong kamay ang hukbo ng Madian.”10 At hinati niya ang tatlong daang lalaki sa tatlong pulutong, at binigyan ng trumpeta (pakakak) ang bawat isa, at bangang walang laman at sulo sa loob nito. At sinabing,
“Masdan ninyo ako, at inyong parisan: at, narito, pagka ako’y dumating sa pinakahuling bahagi ng kampamento, ay mangyayari, na kung anong aking gawin ay siya ninyong gagawin. “Pagka ako’y hihihip ng pakakak, ako at lahat na kasama ko, ay humihip nga naman kayo ng mga pakakak sa buong palibot . . . at sabihin ninyo, Ang Tabak ng Panginoon at ni Gedeon.”11 Ibig niyang sabihi’y “Sundan ninyo ako.” Ang salita niya’y, “Kung anong aking gawin ay siya ninyong gagawin.”
Sa hudyat ng pinuno, hinipan ng hukbo ni Gedeon ang mga pakakak at binasag ang mga banga at sumigaw, “Ang tabak ng Panginoon at ni Gedeon.” Itinala ng banal na kasulatan ang bunga ng digmaang ito: “At sila’y nangakatayo, bawa’t isa, as kaniyang dako,” at sila ang nanalo.12
Ang home teaching ay bahagi ng plano ng pagliligtas ngayon. Nang unang banggitin ito ni Pangulong David O. McKay sa lahat ng General Authority, ipinayo niya: “Home Teaching ang isa sa mga oportunidad na lubhang kailangan at mapakinabang para mangalaga at magbigayinspirasyon, magpayo at mangasiwa sa mga anak ng ating Ama. . . . Ito’y banal na paglilingkod, isang banal na tungkulin. Tungkulin nating mga Home Teacher na ihatid ang banal na diwa sa bawat tahanan at puso.”13
Sa ilang lugar na hindi sapat ang lakas ng Melchizedek Priesthood, maaaring gamitin ng mga stake president at bishop ang full-time na mga misyonero, sa pakikipag-ugnayan sa mission president, para dalawin ang mga miyembrong di-gaanong aktibo at mga pamilyang iisa hindi lahat ay miyembro. Hindi lang nito muling pinag-aalab ang diwang misyonero sa tahanan, kundi magandang oportunidad din ito para makakuha ng maaayos na tuturuan.
Sa paglipas ng mga taon sa pagdalaw ko sa maraming stake sa buong mundo, may mga stake kung saan ang mga lider ng ward at stake, dahil sa pangangailangan o pagganap sa tungkulin, ay tumigil sa pagdadahilan, inihanda ang sarili, at sa tulong ng Panginoon, ay nagsimulang kumilos at nagdala ng mga lalaking karapat-dapat sa Melchizedek Priesthood at, kasama ang mga asawa at anak nila, pumasok sa Banal na Templo para sa endowment at kanilang mga pagbubuklod.
Babanggit ako ng ilang maiikling halimbawa:
Sa pagbisita sa Millcreek Stake sa Salt Lake City ilang taon na ang nakararaan, nalaman kong mahigit 100 mga kapatid na magiging mga elder ang naorden na elder noong nakalipas na taon. Tinanong ko kay Pangulong James Clegg ang sekreto ng kanyang tagumpay. Bagama’t nahihiyang umamin, isa sa mga tagapayo niya ang nagsabing si Pangulong Clegg, na batid ang hamon, ang mismong tumawag at nakipag-ayos para makausap nang sarilinan ang bawat isang magiging elder. Sa pakikipag-usap, binanggit ni Pangulong Clegg ang templo ng Panginoon, ang nagliligtas na mga ordenansa at tipang binibigyang-diin doon, at nagtatanong: “Ayaw mo bang dalhin ang mahal mong asawa at mga anak sa bahay ng Panginoon, upang maging walang-hanggan ang inyong pamilya magpakailanman?” Sumunod ang pagsang-ayon, isinulong ang pagpapaaktibo, at nakamit ang mithiin.
Noong 1952 karamihan sa mga pamilya sa Rose Park Third Ward ay mga miyembrong ang mga ama o asawa ay Aaronic Priesthood lang ang taglay, sa halip na Melchizedek Priesthood. Si Brother L. Brent Goates ay tinawag na maging bishop. Inanyayahan niya ang isang di-gaanong aktibong kapatid sa ward, si Ernest Skinner, para tumulong sa pagpapaaktibo sa 29 na mayedad na mga kapatid sa ward na mga teacher sa Aaronic Priesthood at tulungan sila at ang kanilang mga pamilya na makapasok sa templo. Dahil di rin gaanong aktibo, atubili noong una si Brother Skinner ngunit pumayag din sa wakas na gawin ang kaya niya. Sinimulan niyang dalawin ang digaanong aktibong may-edad na mga teacher para tulungan silang maunawaan ang kanilang papel bilang mga lider ng priesthood sa kanilang tahanan at bilang asawa at ama sa kanilang mga pamilya. Di nagtagal ay nagpatulong siya sa ilang di-gaanong aktibong mga kapatid sa kanyang gawain. Isaisa silang muling napaaktibo at dinala ang kanilang mga pamilya sa templo.
Isang araw umalis sa pila sa tindahan ang klerk ng ward para batiin ang huling lalaki sa grupong patungong templo. Dahil siya ang huli sinabi ng lalaki, “Minasdan ko ang lahat sa grupo na naging aktibo sa ating ward at nagpunta sa templo. Kung naisip ko lang noon pa kung gaano kaganda sa loob ng templo, at kung paano nito mababago ang buhay ko sa habampanahon, hindi sana ako ang huli sa 29 na mabubuklod sa templo.”
Sa bawat pangyayaring ito, may apat na elementong umakay sa kanila sa tagumpay:
1. Isinulong ang pagpapaaktibo sa ward.
2. Kabahagi ang bishop ng ward.
3. Naglaan ng mga kwalipikado at inspiradong mga guro.
4. Pinagtuunan ng pansin ang bawat indibiduwal.
Mga kapatid, tandaan natin ang payo ni Haring Benjamin: “Kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwatao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos.”14
Tumulong tayong iligtas ang mga nangangailangan ng ating tulong at iangat sila sa mas mainam na daan. Ituon ang ating isipan sa mga pangangailangan ng mga maytaglay ng priesthood at ng kanilang mga asawa at anak na di na gaanong aktibo. Nawa’y pakinggan natin ang di mabigkas na mensahe mula sa kanilang puso:
Akayin at patnubayan Sa tamang daan. Turuan ng gagawin, Nang S’ya’y makapiling.15
Ang pagpapaaktibo ay hindi para sa tamad o mapangarap. Lumalaki ang mga bata, tumatanda ang mga magulang, at walang hinihintay ang oras. Huwag ipagpaliban ang paramdam; bagkus, kumilos, at bubuksan ng Panginoon ang daan.
Madalas kailanganin ang makalangit na katangiang pagtitiyaga. Bilang bishop nadama ko isang araw na dapat kong tawagan ang isang lalaki na ang asawa at mga anak ay aktibo. Gayunman, ang lalaking ito’y di tumugon kahit kailan. Isang araw sa tag-init iyon nang kumatok ako sa screen na pintuan ni Harold G. Gallacher. Nakikita kong nakaupo si Brother Gallacher at nagbabasa ng pahayagan. “Sino ‘yan?” tanong niya, na di tumitingin.
“Ang bishop mo,” sagot ko. “Naparito ako para makipagkilala at himuking kang dumalo ng pamilya mo sa mga miting natin.”
“Hindi, masyado akong abala,” balewala niyang sagot. Ni hindi siya tumingala. Pinasalamatan ko siya sa pakikinig at umalis na.
Kasunod niyon ay lumipat ang pamilyang Gallacher sa California. Lumipas ang mga taon. Isang araw, bilang miyembro ng Korum ng Labindalawa, nagtatrabaho ako sa opisina nang tumawag ang sekretarya ko, at sinabing: “Gusto kayong makausap ni Brother Gallacher na minsang natira sa inyong ward. Narito po siya sa aking opisina.”
Sagot ko, “Itanong mo kung siya si Harold G. Gallacher na, tumira kasama ng kanyang pamilya sa Vissing Place sa West Temple at Fifth South.”
Sabi niya, “Siya nga po.” Sinabi kong papasukin siya. Maganda ang pag-uusap namin tungkol sa kanyang pamilya. Sabi niya, “Naparito ako para humingi ng paumanhin sa di ko pagtayo para papasukin ka noong araw na iyon ng tag-init.” Tinanong ko kung aktibo siya sa Simbahan. Nakangiwi siyang sumagot, “Ako ngayon ang pangalawang tagapayo sa bishopric ng aking ward. Labis akong nabagabag sa pagtanggi ko sa paanyaya mong pumunta ako sa simbahan kaya nagpasiya akong kumilos.”
Maraming beses kaming nagkausap ni Harold bago siya namatay. Maraming naging katungkulan sa Simbahan ang mga Gallacher at kanilang mga anak. Isa sa mga bunsong apo ay nasa fulltime na misyon ngayon.
Sa maraming misyonerong nakikinig ngayong gabi, napansin ko rin na kadalasa’y hindi agad nag-uugat at namumulaklak ang mga binhi ng patotoo. Ang tinapay na ibinato sa tubig ay lumulutang lang, kung minsan, makaraan pa ang ilang araw. Pero talagang lumulutang ito.
Sinagot ko ang tawag sa telepono isang gabi at narinig ko ang tinig na nagtatanong, “May kaugnayan ba kayo kay Elder Monson na naglingkod noon sa New England Mission?”
Ang sabi ko’y hindi. Nagpakilala ang tumawag bilang Brother Leonardo Gambardella at sinabing isang Elder Monson at isang Elder Bonner ang bumisita noon sa kanyang tahanan at nagbigay ng kanilang patotoo sa kanilang mag-asawa. Nakinig sila pero wala nang ginawa pa para sundin ang kanilang itinuturo. Kasunod noo’y lumipat sila sa California, kung saan, makaraan ang 13 taon ay muli nilang natagpuan ang katotohanan at nabinyagan. At tinanong ni Brother Gambardella kung may paraan para makausap niya ang mga elder na naunang dumalaw sa kanila, para pasalamatan sila sa kanilang patotoo, na nanatili sa puso nilang mag-asawa.
Tiningnan ko ang mga rekord. Natagpuan ko kinaroroonan ng mga elder. Laking gulat nila nang tumawag ako, dahil may kani-kanyang pamilya na sila ngayon, at sinabi ko ang mabuting balita—maging ang bunga ng kanilang pagsisikap noon. Agad nilang naalala ang mga Gambardella. Isinaayos ko ang sabayang pag-uusap namin sa telepono para personal silang makapagbatian at tanggapin sila sa Simbahan. Ginawa nila ito. May mga luha, ngunit ito’y mga luha ng kagalakan.
Isinulat ni Edwin Markham ang mga taludtod na ito:
Magkakapatid ang ating tadhana; Walang nabubuhay nang mag-isa: Anumang ibigay natin sa kapwa Bumabalik sa atin kapagdaka.16
Ngayong gabi dalangin kong maunawaan nating lahat na maytaglay ng priesthood ang ating mga responsibilidad, upang bawat isa’y gampanan ang tungkuling itinalaga sa kanya, tulad ni Gedeon noong una, at magkaisang sundin ang ating Pinuno—maging ang Panginoong Jesucristo—at ang Kanyang prope- tang si Pangulong Gordon B. Hinckley. Nawa’y tulungan nating iligtas ang mga naliligaw ng landas, upang wala ni isang mahalagang kaluluwang mawala.
Sa pangalan ni Jesucristo, Amen.
MGA TALA
1. Sa Conference Report, Abril 1937, 46.
2. D at T 107:99.
3. Stand Ye In Holy Places (1974), 255.
4. D at T 18:10, 13.
5. Mga Hukom 7:12.
6. Mga Hukom 7:2.
7. Mga Hukom 7:3.
8. Mga Hukom 7:4.
9. Mga Hukom 7:7.
10. Mga Hukom 7:15.
11. Mga Hukom 7:1718.
12. Mga Hukom 7:18, 21. Tingnan din sa Mga Hukom 6 at 7
13. Priesthood Home Teaching Handbook, binagong ed. (1967), iiiii.
14. Mosias 2:17.
15. Naomi W. Randall, Ako ay Anak ng Diyos, Mga Himno, blg. 189.
16. A Creed, sa Masterpieces of Religious Verse (1948), ni James Dalton, ed., 464.