PANGULONG GORDON B. HINCKLEY
Maging tapat sa kahusayang taglay ninyo. Maging tapat at totoo sa mga tipang kaugnay ng priesthood ng Diyos.
Walang katulad ang pulong na ito sa buong mundo. Saanman tayo naroon, anuman ang wika natin, lahat tayo’y mga kalalakihang tumanggap ng priesthood ng Diyos sa pagpapatong ng mga kamay sa ating mga ulo. Mga batang lalaki man tayong tumanggap ng Aaronic priesthood, o mga kalalakihang tumanggap ng mas mataas o Melchizedek priesthood, bawat isa sa atin ay nagawaran ng kalugud-lugod at kahanga-hangang bagay, na siyang katangian ng pagkadiyos.
Inuulit ko, walang katulad ang pagtitipong ito sa mundo. Nagpupulong tayo sa isang kapatiran, sa malawakang pagtitipon ng mga lalaking napagkalooban ng kapangyarihan o awtoridad, na may pribilehiyong magsalita at kumilos sa ngalan ng Maykapal. Nakita ng Panginoong Diyos ng langit na angkop tayong bigyan ng isang bagay na Kanyang-Kanya lang. Kung minsa’y winawari ko kung marapat tayo rito at tunay natin itong pinahahalagahan. Iniisip ko ang kawalang-hanggan ng kapangyarihan at awtoridad na ito. Patungkol ito sa buhay at kamatayan, sa pamilya at Simbahan, sa dakila at pambihirang kalikasan ng Diyos Mismo at ng Kanyang walang-hanggang gawain.
Mga kapatid, binabati ko kayo bilang mga miyembro ng mga korum ng banal na priesthood, bilang mga tagapaglingkod ng buhay na Diyos, na nagbigay ng responsibilidad sa bawat isa sa atin na hindi natin dapat o kayang tanggihan.
Kaugnay ng pagbating iyan, magsasalita ako tungkol sa iba’t ibang aspeto ng isang salita. Iyon ay ang katapatan.
Iniisip ko ang katapatan bilang pagiging totoo sa sarili natin, pagiging lubos na tapat sa pinili nating makasama sa buhay, sa Simbahan, at sa maraming gawain dito. Iniisip ko ito bilang pagiging ganap na tapat sa Diyos ng langit, ang ating Walang Hanggang Ama, at sa Kanyang Minamahal na Anak, ang ating Manunubos, ang Panginoong Jesucristo.
Dapat tayong maging tapat sa kahusayang taglay atin. Tayo’y mga anak ng Diyos na pinarangalang magtaglay ng Kanyang banal na awtoridad. Ngunit naliligiran tayo ng kasamaan. Lagi nang may kapangyarihang humihila sa atin pababa, na binubuyo tayong gawin ang mga bagay na hindi akma sa banal na priesthood na taglay natin. Magandang obserbahan kung paanong ang ama ng kasinungalingan, ang tusong anak ng umaga na pinalayas sa langit, ay lagi nang may kakayahang mang-akit, mambuyo, mapasunod sa mga pamamaraan niya ang mahihina at hindi listo. Kamakaila’y isang pelikula ang napiling pinakamagandang palabas ng taon. Hindi ko ito napanood, at wala akong balak. Pero nasabi sa aking puno ito ng kahalayan at kawalang-galang.
Talamak ang pornograpiya sa ating panahon. Yumayaman ang mga prodyuser nito sa kahinaan ng mga gustong manood nito. Sa mga unang bahagi ng paghahayag na tinatawag nating Word of Wisdom, sinabi ng Panginoon: “Dahil sa masasama at mga pakana na umiiral at iiral sa mga puso ng mga nagsasabwatang tao sa mga huling araw, binigyang-babala ko kayo, at binabalaan kayo, sa pamamagitan ng pagbibigay sa inyo nitong salita ng karunungan sa pamamagitan ng paghahayag” (D at T 89:4).
Nagsalita pa Siya tungkol sa pagkaing isinusubo natin. Maiaangkop din ito sa ipinapasok natin sa ating isipan kapag nalululong tayo sa pornograpiya.
Mga kapatid, alam ng bawat matanda at batang lalaking nakikinig sa akin kung ano ang nakakababa. Hindi ninyo kailangan ng mapa para malaman kung saan kayo dadalhin ng pagkalulong sa pornograpiya. Ihambing iyan sa ganda, kapayapaan, saya ng pakiramdam sa pamumuhay nang malapit sa Panginoon at pag-iwas sa mga mapanirang gawi sa ating paligid.
Naaangkop ito sa inyo, mga kabataang lalaking nasa pulong na ito. Kayo ang puntirya ng kaaway. Kung makukuha niya kayo ngayon, batid niyang makukuha niya kayo habambuhay. Banal ang layunin ng mga kamangha-manghang kapangyarihan at likas na ugaling taglay ninyo. Gayunman, kapag ginamit ang mga ito sa maling paraan, sumisira sila sa halip na bumubuo.
Lubos akong nagpapasalamat sa lakas ng ating mga kabataan. Ngunit batid ko ring lumalayo sa atin ang ilan. Isang trahedya ang bawat isang nawawala. Kailangan kayo sa kaharian ng Panginoon. Maging marapat dito at tapat sa kahusayang taglay ninyo. Huwag kayong susuko sa anumang magpapahina sa kakayahan ninyong tumanggi.
Sa inyong mga kalalakihan narito ang hamon. Layuan ang agos ng kahinaang dadaig sa inyo. Takasan ang mga kasamaan ng mundo. Maging tapat sa mas mabuti ninyong pagkatao. Maging tapat sa kahusayang taglay ninyo. Maging tapat at totoo sa mga tipang kaugnay ng priesthood ng Diyos. Hindi ninyo maaatim na malulong sa kahalayan, magsinungaling, mandaya, manlamang nang wala sa katwiran nang hindi itinatatuwa ang kabanalang taglay natin nang tayo’y isilang. Idadalangin ko nang buo kong lakas, mga kapatid, na madaig natin ito at maging tapat tayo sa kahusayang taglay natin.
Maging tapat sa mga ugnayang pampamilya. Nasaksihan ko na ang pinakamabuti at pinakamasama sa pagaasawa. Linggu-linggo responsibilidad kong tugunan ang mga hiling na kanselahin ang mga pagbubuklod sa templo. Lubhang karaniwan na ang diborsyo sa buong mundo. Kahit hindi legal, basta na lang nagsasama ang mga lalaki at babae. Nagpapasalamat akong sabihing mas madalang ang diborsyo sa mga kasal sa templo. Pero kahit sa mga ito mas marami pa ring diborsyo kaysa nararapat.
Pumapasok ang magnobyo sa bahay ng Panginoon na nagpapahayag ng pag-ibig sa isa’t isa. Taimtim silang nakikipagtipan sa isa’t isa at sa Panginoon sa kawalang-hanggan. Ang ugnayan nila ay ibinubuklod sa kawalanghanggan. Walang umaasang magiging perpekto ang bawat pag-aasawa. Ngunit maaasahang bawat kasal sa bahay ng Panginoon ay taglay ang tipan ng katapatan sa isa’t isa.
Noon pa’y may palagay na akong ang pinakamalaking dahilan ng kaligayahan ng mag-asawa ay ang pag-aalala sa kaginhawahan at kapakanan ng isa’t isa. Kadalasan ang pagkamasarili ang pangunahing dahilan ng pagtatalo, paghihiwalay, diborsyo, at sama ng loob.
Mga kapatid, mas maganda ang inaasahan ng Panginoon sa atin, na mas maganda kaysa sa matatagpuan sa mundo. Huwag kalilimutang kayo ang pumili ng makakasama ninyo. Kayo ang nakadama na wala siyang katulad.
Kayo ang humiling na maangkin siya magpakailanman. Pero sa maraming pagkakataon unti-unting naglalaho ang alaala ng karanasan sa templo. Maaaring dahil ito sa pagnanasa. Pamimintas ang pumapalit sa pagpuri. Kapag hinahanap natin ang mali sa iba, makikita natin ito. Pero kung hahanapin natin ang pinakamaganda, mag-iibayo ang katangiang ito hanggang sa ito’y lumutang.
Naranasan ko rin iyan. Halos 66 na taon na kaming kasal ni Sister Hinckley. Hindi ko alam kung paano siya nakatiis sa akin nang ganito katagal. Matatanda na kami ngayon. Pero malaki ang pasasalamat ko para sa kanya. Sabik akong makita siyang maginhawa. Labis kong hangad ang pinakamainam para sa kanya. Napakabuti niyang kabiyak. Kahanga-hanga siyang asawa at kay buti niyang ina at lola at lola sa tuhod.
Narinig na ninyo siyempre ang tungkol sa isang matandang lalaking tinanong ng mga reporter kung paano siya umabot sa gayong edad. Tumugon siya na nang ikasal silang mag-asawa ipinasiya nilang kung magtatalo sila, lalabas ng bahay ang isa. Ang sabi niya, “Mga ginoo, tumanda ako nang ganito dahil sa dami ng nalanghap kong sariwang hangin sa loob ng maraming taon.”
Mga kapatid, maging tapat sa inyong kabiyak. Nawa’y pagpalain ang inyong pagsasama ng matatag na katapatan sa isa’t isa. Hanapin ninyo ang kaligayahan sa piling ng isa’t isa. Bigyan ang inyong kabiyak ng pagkakataong umunlad sa sarili niyang mga hilig, paghusayin ang kanyang mga talento, bumuti sa sarili niyang paraan, at danasin ang sariling tagumpay.
Hayaan ninyong magsalita ako ngayon tungkol sa katapatan sa Simbahan.
Marami ang nagwawalang-bahala. May mga nagsasabing, “Hindi ako didiktahan ng Simbahan kung paano iisipin ito, o iyon, o iba pa, o kung paano mabuhay.”
Hindi, tugon ko, hindi didiktahan ng Simbahan ang sinuman kung paano mag-isip o ano ang gagawin. Ituturo ng Simbahan ang paraan at aanyayahan ang bawat miyembro na ipamuhay ang ebanghelyo at tamasahin ang mga biyayang nagmumula sa gayong pamumuhay. Hindi didiktahan ng Simbahan ang sinuman, ngunit magpapayo ito, maghihikayat, maghihimok, at aasa sa katapatan ng mga miyembro nito.
Noong nasa kolehiyo pa ako, sinabi kong minsan sa tatay ko na palagay ko’y lumalampas ang mga Pangkalahatang Awtoridad sa karapatan nila kapag nagmumungkahi sila. Napakatalino niya at mabuti siyang tao. Ang sabi niya, “Binilinan tayo ng Pangulo ng Simbahan at sinusuportahan ko siya bilang propeta, tagakita, at tagapagpahayag, at susundin ko ang payo niya.”
Naglingkod na ako sa mga pangkalahatang konseho ng Simbahang ito sa loob ng 45 taon. Naglingkod na ako bilang Assistant sa Labindalawa, bilang miyembro ng Labindalawa, bilang
Tagapayo sa Unang Panguluhan, at ngayo’y walong taon na akong Pangulo. Nais kong magpatotoo sa inyo na bagama’t nakadalo na ako sa libu-libong pulong kung saan tinalakay ang mga patakaran at programa ng Simbahan, wala pa akong dinaluhang hindi hinangad ang patnubay ng Panginoon ni hinangad ninuman sa dumalo na magmungkahi o gumawa ng anumang makapipinsala o pipilit sa sinuman.
Sinasabi sa aklat ng Apocalipsis: “Nalalaman ko ang iyong mga gawa, na ikaw ay hindi malamig o mainit man: ibig ko sanang ikaw ay malamig o mainit.
“Kaya sapagka’t ikaw ay malahininga, at hindi mainit o malamig man, ay isusuka kita sa aking bibig” (Apocalipsis 3:15–16).
Ipinangangako ko, mahal kong mga kapatid, na habang naglilingkod ako sa tungkulin ko ngayon hindi ko kailanman papayagan ni imumungkahi ang anumang patakaran, programa, o doktrinang di kapaki-pakinabang sa mga miyembro ng Simbahang ito ng Panginoon.
Ito ang Kanyang gawain. Itinatag Niya ito. Inihayag Niya ang doktrina nito. Binalangkas Niya ang mga gawain nito. Nilikha Niya ang pamunuan nito. Ito ay Kanyang gawain at kaharian, at sinabi Niya, “Sila na hindi para sa akin ay laban sa akin” (2 Nephi 10:16). Noong 1933, may kilusan sa Estados Unidos para baguhin ang batas na nagbabawal sa pangangalakal ng alak. Nang pagbotohan ito, ang Utah ang estadong nagbigay ng huling pasiya.
Nasa misyon ako noon sa London, England, nang mabasa ko ang mga ulo ng balita sa pahayagan na naghuhumiyaw na, “Pinatigil ng Utah ang Pagbabawal.”
Si Pangulong Heber J. Grant, na noo’y Pangulo ng Simbahang ito, ay nakiusap sa ating mga tao na bumoto laban sa pagpapawalang-bisa ng pagbabawal. Nalungkot siya nang balewalain ng maraming miyembro ng Simbahan ang payo niya.
Sa pagkakataong ito hindi ako magsasalita tungkol sa buti o sama ng pagbabawal, kundi tungkol sa matatag na katapatan sa Simbahan.
Labis akong nagpapasalamat sa malaking pananampalataya ng napakaraming Banal sa mga Huling Araw, na kapag nahaharap sa mabigat na pagpapasiyang ginawa ng Simbahan, ay umaayon sila sa pasiyang iyon. At pinasasalamatan kong lalo na masabing kabilang sa matatapat na iyon ang mga kalalakihan at kababaihang matagumpay, may nagawa, may pinag-aralan, maimpluwensya, matatag—matatalino at may kakayahan.
Bawat isa sa atin ay kailangan itong harapin—kung tototo ba ang Simbahan, o hindi. Walang nasa gitna. Ito ang Simbahan at kaharian ng Diyos, o balewala ito.
Salamat, mga kapatid ko, kayong mga kalalakihang matindi ang lakas at katapatan at pananampalataya.
Sa huli, katapatan sa ating Diyos Amang Walang Hanggan at sa Kanyang Minamahal na Anak, ang Panginoong Jesucristo.
Bawat lalaki sa Simbahang ito ay may karapatang malaman na ang Diyos ang ating Amang Walang Hanggan at ang Kanyang Minamahal na Anak ang ating Manunubos. Ibinigay ng Tagapagligtas ang susi upang makamtam natin ang gayong kaalaman. Ipinahayag Niya: “Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makilala niya ang turo, kung ito’y sa Dios, o kung ako’y nagsasalita na mula sa aking sarili” (Juan 7:17).
Nakilala si Judas Iscariote bilang mahusay na tagapagkanulo, na ipinagbili ang kanyang katapatan para sa 30 pirasong pilak (tingnan sa Mateo 26:15).
Ilan sa ating panahon ang ayon nga kay Pablo ay “ipinapapakong muli . . . ang Anak ng Dios, at inilalagay na muli siya sa hayag na kahihiyan” sa kawalang-galang at kalapastanganan? (tingnan sa Mga Hebreo 6:6).
Batid ninyo ang kawalang-galang sa paaralan at sa kalye. Iwasan ito. Huwag ninyong babanggitin ito. Ipakita ang katapatan ninyo sa Diyos ng langit at sa Manunubos ng daigdig sa pagpapanatiling sagrado ng mga pangalan nila.
Manalangin sa inyong Ama sa Langit sa ngalan ng Panginoong Jesucristo, at tuwina, sa lahat ng kalagayan, sa likas ninyong buhay ay ipakita ang inyong katapatan at pagmamahal.
Sino’ng panig sa Diyos? Ipabatid ngayon, Itong aming tanong: Sino’ng panig sa Diyos? (Mga Himno, blg. 162)
Nawa’y mapasainyo at sa inyong pamilya ang mga biyaya ng langit, mahal kong mga kapatid. Nawa’y mapatunayan tayong totoo at tapat, mga matanda at batang lalaking may integridad at lubos na katapatan, ang dalangin ko sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.