ELDER NEAL A. MAXWELL
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Ang tunay na nagbalik-loob na mga disipulo, bagaman hindi sila perpekto, ay hahangarin ang buhay ng kaluluwa anumang araw, sa anumang dekada, sa gitna ng anumang pagbaba ng moralidad at pagkawasak.
Sa gitna ng mga kaguluhan sa mundo—mga pangyayaring maging tayo ay hindi ganap na ligtas—ay naroon ang tunay at suliranin sa tuwina ng sangkatauhan: kung ating pipiliin o hindi, sa gitna ng mga alalahanin sa mundo, ang mga salita ng Panginoon, na “intindihin . . . ang buhay ng kaluluwa.” (D at T 101:37.) Anuman ang kinalaman natin sa mga nangyayari sa labas, ang pakikibakang ito sa kalooban ay nadarama kapwa sa tahimik at magulong panahon. (D at T 101:37.) Nauunawaan man o nakikilala, ito ang di nagbabagong gawain ng tao—sa bawat salinlahi.
Kapag sinisikap nating sundin ang mga utos ng Diyos, “araw-araw na napapalakas ang pagkatao.” At maging sa mga panahon ng kahirapan, ating “iniingatan ang ating kaluluwa” anuman ang nangyayari sa paligid natin (tingnan sa Mga Kawikaan 19:16). Gayunman, ang ilang desisyong “intindihin” at “ingatan” ang ating kaluluwa ay nangyayari rin sa karaniwang mga panahon sa ating buhay tulad sa nangyari sa alibughang anak. Nagpapakain siya araw-araw ng mga baboy, at sa wakas ay “nakapag-isip siya” (Lucas 15:17). Anuman ang nangyari nang araw na iyon sa “malayong lupain” (Lucas 15:13), “inisip” ng alibughang anak “ang mga ginawa [niya]” (Mga Awit 119:59) at buong-loob na nagpasiyang “Magtitindig ako at paroroon sa aking ama” (Lucas 15:18). Sinundan ng pagbabago ang pag-iisip. Gayunman, halos di mapapansin ng nagdaraan ang tagapag-alaga ng baboy, bagama’t may nangyari sa kanya na eepekto sa kawalang hanggan.
Kung minsan, ang interaksyon ng panlabas at panloob na mga bagay ay madaling nakikita. Inaayos ni Pilato ang wari’y lokal na kaguluhan na kinasasangkutan ng isang Jesus ng Nazaret.
Ang bago niyang pakikipagkaibigan kay Herodes—na dating “kagalit” ni Pilato (Lucas 23:12)—ay walang dudang pulitikal na isyu sa mga ‘nakaaalam.’ Bagama’t nagdadalawang-isip, ginawa niya ang nais ng mga tao, pinalaya niya si Barabas sa halip na si Jesus. At hinugasan niya ang marumi niyang kamay, at bumalik si Pilato sa Caesarea. Sa Cristo naman ay nagtungo sa Getsemani at Calvario, upang gampanan ang napakahirap ngunit mapagpalaya at panlahatang Pagbabayad-sala na kung saan ay bilyun-bilyon ang mabubuhay na mag-uli.
Ngayon, ang digmaan sa iba’t ibang lugar ay dinaranas ng kapwa mabubuti at masasama, at ang maluwalhating kaloob ng dakilang pagkabuhay na mag-uli ay dumarating sa lahat! Tulad ng di nakikitang iba’t ibang pangyayari sa dagat na nasa ilalim ng matataas at mapuputing alon, gayon din sa Pagbabayad-sala. Ang mga bagay na napakahalaga sa daigdig at kawalang hanggang ay nagaganap sa maliit na halamanan at sa mga di kilalang burol. Madalas ihayag ang mga gawain ng Diyos sa tahimik na paraan. Halimbawa, anuman ang pinansiyal na dahilan ng paglipat ng pamilya ni Joseph Smith, Jr. mula New England patungong New York, inaakay sila— nang di nila nalalaman—sa mga banal na lamina, na nakabaon sa Burol ng Cumorah, naghihintay na maging “isa pang tipan ni Cristo,” “habang nakatindig ang mundo” (2 Nephi 2:22).
Samakatwid, bagaman magulo ang panahon natin ngayon, ang tahimik na pag-intindi sa “buhay ng kaluluwa” pa rin ang pinakamahalaga. Bagaman napakahalaga ng mga pangyayari ngayon kung saan maaari nating ipamalas ang ating kabutihan, hindi dapat maging dahilan ang mga kaguluhan para mawalan tayo ng personal na determinasyon, kahit ang ilan ay madaling nawalan nito. Saan man magkaroon ng kaguluhan, di tayo dapat lumabag sa ating mga tipan! Halimbawa, ang pakikiapid ay di natin mabibigyang-katwiran dahil sa digmaan, gayundin ang paghihiwalay ng ilang mga mag-asawa. Walang talababa sa ikapitong utos na nagsasabing, “Huwag kang mangangalunya maliban kung may digmaan” (tingnan sa Exodo 20:14).
Sa ibang panahon ng digmaan, ipinayo ni Pangulong David O. McKay sa mga miyembro ng militar na, “manatiling malinis ang moralidad” sa gitna ng “kalupitan ng digmaan” (sa Conference Report, Abr. 1969, 153).
Maglabanan man ang mga bansa laban sa isa’t isa, hindi makatwirang gumawa ang mga magkasosyo sa negosyo laban sa kanilang kasosyo o laban sa mga namumuhunan sa kanila sa pamamagitan ng pagnanakaw o pagsisinungaling na lumalabag sa ikawalo at ikasiyam na kautusan—na kung saan ay walang sinumang ligtas (tingnan sa Exodo 20:15, 16).
Ang kawalang-katiyakan ng mga kalagayan sa mundo ay hindi dahilan para sa hindi maging tiyak sa mga bagay tungkol sa moralidad. Hindi mapagtatakpan ng mga kaguluhan ang ating mga kasalanan o ang mata ng Diyos na nakakakita sa lahat ng bagay. Dagdag pa rito, hindi maihahalili ang mga tagumpay sa militar sa pagwawagi natin sa pakikibaka sa pagkontrol ng sarili. Hindi rin nababawasan ng nagngangalit at matinding poot ng tao ang ganap at mapagtubos na pag-ibig ng Diyos sa lahat ng Kanyang anak.
Tulad nito, di mababago ng nakabubulag na mga pangyayari sa kasalukuyan ang katotohanan na si Cristo ang Ilaw ng Sanlibutan!
Maging tulad tayo ng binatang kasama ni Eliseo sa bundok. Noong una’y natakot ang binata sa nakapaligid na mga karo ng kaaway, mabuti na lamang nadilat ang kanyang mga mata at nakita niya ang “mga kabayo at ang mga karo ng apoy,” nagpapatunay na “ang sumasaatin ay higit pa sa sumasa kanila” (II Mga Hari 6:16, 17). Mga kapatid, ang bagay na ito ay hindi pa nagbabago!
Ang kakulangan ng ating kaisipan at kalituhan ay hindi nagpapabago sa katotohanan ng kamangha-manghang karunungan ng Diyos sa mga bagay na mangyayari pa lamang, kabilang na rito ang mga personal na pagpiling pananagutan natin. Sa gitna ng pira-pirasong ulat at maiinit na balita tungkol sa iba’t ibang kaguluhan ng tao, nabubuhay ang Diyos sa walang hanggang kasalukuyan kung saan ang nakalipas, ngayon, at bukas ay nasa harapan Niya tuwina (tingnan sa D at T 130:7). Tiyak na mangyayari ang Kanyang banal na plano, dahil anuman ang gawin Niyang pasiya ay tiyak na gagawin Niya (tingnan sa Abraham 3:17). Batid Niya ang wakas sa simula! (tingnan sa Abraham 2:8). Ganap ang “kakayahan ng Diyos para gawin ang [Kanyang] gawain” at isakatuparan ang Kanyang mga layunin, isang bagay na hindi magagawa ng pinakamahusay na plano ng tao dahil madalas nating gamitin nang mali ang ating kalayaan sa pagpili! (tingnan sa 2 Nephi 27:20). Tiniyak sa atin ng Diyos: “Akin kayong aakayin” (D at T 78:18). “Ako ay mapapasa gitna ninyo” (D at T 49:27).
Siya ay “makakasama [natin] sa mga panahon ng [ating] kaguluhan” (D at T 3:8), maging sa pamamagitan ng patnubay ng Kanyang buhay na propeta, si Pangulong Gordon B. Hinckley.
Samantala, ang mahahalagang pangyayari sa “buhay ng kaluluwa” ay patuloy na nakasalalay sa araw-araw nating pagpili sa pagpapalayaw o pagkakait sa sarili, kabaitan at pagkapoot, awa at kawalang katarungan, pagiging bukaspalad at kasamaan ng pag-uugali.
Hindi pinawawalang-bisa ng digmaan ang ikalawang kautusan. Wala itong kinikilalang hangganan. Ang mga sumusunod dito ay hindi nagsusuot ng sagisag ng mga bansa, o may partikular na kulay ng balat.
Maaaring dumanas tayo ng gutom, ngunit makapagbibigay pa rin tayo ng tulad ng balong nagbigay ng tanging natitirang pagkain niya kay Elias (tingnan sa I Mga Hari 17:8–16). Ang ganitong pagbibigay sa kabila ng kasalatan at kahirapan ay nakaaantig ng damdamin sa tuwina. Noong bata pa siya, ang kahanga-hanga kong bishop noong bata pa ako, si M. Thirl Marsh, ay paulit-ulit na nagtangkang magtrabaho sa minahan noong panahon ng Depresyon. Dahil bata pa kahit malaki ang bulas ng katawan, nagpilit siya at natanggap naman, ngunit ang ilan sa kanyang mga kaibigan ay hindi. Dahil dito, pagkatapos ng trabaho hindi lang minsan niyang hinati-hati sa kanyang mga kaibigan ang kinita niya, hanggang sa sila rin ay makapagtrabaho. Kaya pala naging malingap siyang pastol ng kawan sa bandang huli.
Habang iniisip nating mabuti ang tungkol sa “buhay ng kaluluwa,” makabubuting sikapin nating ganap na magbalik-loob yayamang ang mga binhi ng ebanghelyo ay unang napunta sa “mabuting lupa”—na ayon kay Jesus ay yaong mga may “pusong taimtim at mabuti” (Lucas 8:15). Kasunod nito, ang taong ito’y “nakinig sa salita” nang “buong galak,” at “naunawaan ito,” “nagbunga,” at “nabuhay nang matagal,” at nalaman kung paano “magutom at mauhaw sa kabutihan” (Mateo 13:20, 23; Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 13:21; Mateo 5:6). Ito’y “malaking pagbabago” (Mosias 5:2). Ang pagbabalik-loob ay ang pagbabago mula sa pagiging “likas na tao” sa pagiging “tao ni Cristo” (Mosias 3:19; Helaman 3:29; tingnan din sa II Mga Taga Corinto 5:17). At para magawa ito ay kailangan ng mahigit kalahating araw.
Kabilang sa mga bunga ng prosesong ito ang “mawalan ng hangaring gumawa ng masama, kundi patuloy na gumawa ng mabuti” (Mosias 5:2). Hindi nakapagtataka na ang mga nagbalik-loob ay “nakapagpapalakas ng [kanilang] mga kapatid” (Lucas 22:32) kaya’t magbigay-inspirasyon sa iba sa pamamagitan ng “pagiging handa sa pagsagot sa bawat tao na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pagasang nasa inyo” (I Ni Pedro 3:15). Gumagawa rin ang matatapat na indibiduwal na ito ng iba pang mahalagang tahimik na serbisyo sa sangkatauhan: nagiging bahagi sila ng kritikal na dami ng taong makatatawag sa mga pagpapala ng Diyos na kailangan ng sangkatauhan.
Ang tunay na nagbalik-loob na mga disipulo, bagaman hindi sila perpekto, ay hahangarin ang “buhay ng kaluluwa” anumang araw, sa anumang dekada, sa gitna ng anumang pagbaba ng moralidad at pagkawasak. Kabilang sa prosesong ito ang pagiging abala sa gawain ng Ama” (Lucas 2:49; tingnan din saMoises 1:39).
Dahil nararapat lamang na mangyari ang ganap na pagbabalik-loob, ang marahas at magulong mga kaganapan ay maaaring makatulong sa pagpapatuloy o pagpapabilis ng paglalakbay.
Mga kapatid, sa gitna ng pabagubago at nakalilitong mga alalahanin sa mundo, intindihin ang “buhay ng kaluluwa.” Salamat sa maluwalhating Pagbabayad-sala ni Jesus, ang buhay ng imortal na kaluluwa ay higit pa sa napakahabang buhay ng alinmang bituin, samakatwid higit pa ito sa sandaling panahon ng mga pangyayari sa mundo, kahit na anong lagim nito.
Ito ang patotoo ko sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen!