SUSAN W. TANNER
General President ng Young Women
Sa kawalang-hanggan ng mga bagay, ang pinakamahalaga at pinakakasiya-siyang bagay na gagawin inyo ay ang magbuo ng isang banal na tahanan at mag-aruga ng isang matatag na pamilya sa pamamagitan ng pagmamahal.
Halos tatlong taon na ang nakalilipas, isa sa aking anak na babae ang nag-asawa at kaagad na lumipat sa isang malayong lungsod kung saan mag-aaral ng medisina ang kanyang asawa. Iniwan ng aking anak ang katiwasayan ng tahanang kanyang pinaglakhan upang bumuo ng sarili niyang tahanan. Naisip ko: Naituro ko ba sa kanya ang lahat ng kailangan niyang malaman? Batid ba niya kung ano ang bagay na pinakamahalaga sa buhay na ito?
Habang tinatanaw ko siya sa kanyang paglisan, naalaala ko ang isang maliit na talaarawan na ibinigay ko sa kanya noong kanyang ika-17 kaarawan. Pinamagatan itong, “Nasabi Ko Ba sa Iyo . . . ?” Isinulat ko roon ang mga payong madalas kong ibigay sa kanya sa aming mga pag-uusap sa kalaliman ng gabi. Sa pagsisimula ng kanyang buhay may-asawa, naisip ko ang tatlo pang bagay na nais kong idagdag sa maliit na talaarawang iyon upang matulungan siya sa pagbabago o transisyon na higit na mahalaga at mahirap kaysa paglipat sa ibang lungsod: ito’y ang transisyon sa pag-uumpisa niya ng kanyang sariling tahanan at pamilya. Hayaan ninyong ibahagi ko ang mga bagay na ito sa kanya at sa lahat ng kabataan sa Simbahan, upang makapagturo at makapagbigay patotoo sa kahalagahan ng pamilya.
Una, nasabi ko ba sa iyo . . . kung paano gagawing pook ng kapayapaan at sandigan ng lakas ang iyong tahanan? Dapat mong maging huwaran ang nakita mo sa pagpasok sa bahay ng Panginoon, ang “magtayo ng isang bahay . . . ng panalangin, ng pag-aayuno, ng pananampalataya, ng pag-aaral, ng kaayusan” (D at T 109:8). Sa ating pagsunod sa huwarang ito, malaking kapayapaan ang mananahan sa ating mga tahanan sa isang mundong tigib ng kaguluhan.
Pagmasdan ang halimbawa sa tahanan ng iyong mga lolo at lola. Kapwa pinalaki ng mga lolo at lola mo sa magkabilang panig ang kanilang “mga anak sa liwanag at katotohanan”
(D at T 93:40). Ang tahanan ng aking ama ay isang bahay ng pag-aaral.
Kanyang binanggit sa serbisyo ng paglilibing ng kanyang ama na hindi siya kailanman natuto ng alituntunin sa ebanghelyo sa pagpupulong sa simbahan na hindi niya naunang natutuhan sa sarili niyang tahanan. Karugtong ang Simbahan ng kanyang tahanan. Ang aking tahanan ay isang bahay ng kaayusan. Napakahalaga sa aming (sa kabila ng abala naming mga gawain) sabay-sabay kumain ng almusal at hapunan. Ang oras ng pagkain ay hindi lang pagpapalakas ng katawan. Iyon ay mahalagang sandali ng pagpapalakas ng mga espiritu at gayon din ng katawan.
Maliliit na bagay ang lumilikha sa masayang tahanan—gaya ng panalangin, pagsabi ng “patawad,” pasasalamat, magkakasabay na pagbasa ng aklat. Natatandaan mo ba kung paano tayo magkasabay na tumawa at umiyak habang ginagawa natin ang bakod sa likod? Natatandaan mo ba na tuwing sasakay tayo sa kotse ay umaawit tayo upang hindi tayo mag-awayaway? Natatandaan mo ba kung paano tayo nag-ayuno para sa mahalagang desisyong gagawin ng isang miyembro ng pamilya at sa isa pang may mahalagang eksamen? Inulit ito sa Pagpapahayag Tungkol sa Mag-anak: “Ang mga matagumpay na . . . maganak ay itinatatag . . . sa mga alituntunin ng pananampalataya, panalangin, pagsisisi, pagpapatawad, paggalang, pagmamahalan, awa, gawa, at mga kapaki-pakinabang na gawain” (Ang Mag-anak: Isang Paghahayag sa Mundo,” Liahona, Okt. 1998, 24).
Noong kabataan mo, bumuo ka ng kaugaliang tulad ng pananalangin at pagbabasa ng banal na kasulatan. Pakinabangan mo ang mga kasanayang ito na natutuhan mo at gayon din sa pagluluto at pagbabadyet. Dahil sa matwid mong mga hangarin at kasanayan sa pagpapatakbo ng tahanan, makagagawa ka ng tahanang kanlungan ng kapayapaan at sandigan ng lakas.
Kasunod, nasabi ko ba sa iyo . . . na ang mga anak “ay mana na mula sa Panginoon” (Mga Awit 127:3)? Isinasaad sa Pagpapahayag Tungkol sa Mag-anak na “ang kautusan ng Diyos na magpakarami at kalatan ang lupa ay nananatiling may bisa.” Umaasa kami na bibiyayaan kayo ng Ama sa Langit ng mga anak. Marami sa mundo ang hindi nakakikilala sa kagalakang dulot ng mga anak at itinuturing silang pabigat. Totoong nakapapagod, nakapanghihina ng kalooban, at kailangan ng pag-iisip ang pagiging magulang. Walang sinumang magbibigay sa iyo ng magagandang marka o asul na ribon sa mga nagawa mo bilang ina. Minsan maiisip mo “Tama ba itong ginawa ko? Sulit ba ang lahat?”
Sulit lahat! Lahat ng propeta sa mga huling araw ay nagpatotoo sa sagradong tungkulin ng pagiging ina. Sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimball, “Mahalagang maunawaan ninyong kababaihan sa mga Huling araw na sagrado at napakataas ng pagpapahalaga ng Panginoon sa pagiging ina at sa mga ina” (“Privileges and Responsibilities of Sisters,” Ensign, Nob. 1978, 105). Nagpatotoo ang Espiritu sa aking kaluluwa na totoo ang mga ito.
Mababatid mo, gaya ko, na hindi paghamon lamang ang pagiging magulang, kundi nagdudulot din ito ng pinakamalaking kagalakan sa buhay. Dumarating ang kagalakan kapag sa family home evening ay nagkuwento ang limang-taong-gulang na anak mula sa banal na kasulatan nang tumpak at kompleto ang detalye o kapag matapat na binabasa ng isang anak ang Aklat ni Mormon gabi-gabi. Nakadarama ako ng kagalakan kapag ang anak kong cheerleader ay may lakas ng loob na sabihin sa grupo niya na ang bagong cheer na pinag-aaralan nila’y may mga kilos na di angkop, at kapag isinusulat ng isang anak na misyonera ang patotoo niya sa ebanghelyo. Dumarating ang kagalakan kapag nakikita kong binabasahan ng anak kong babae ang isang babaing bulag at ang isa kong anak na lalaki ay naglilingkod sa templo. Sa ganitong mga sandali’y dama ko ang nadama ni Juan na Minamahal, “Wala nang dakilang kagalakan sa ganang akin na gaya nito, na marinig na ang aking mga anak ay nagsisilakad sa katotohanan” (3 Juan 1:4). Nasabi ko ba sa inyo . . . nang buong puso ko na gustung-gusto ko ang pagiging ina?
Bilang pangwakas, nasabi ko ba sa iyo . . . na pagmamahal ang pundasyon sa pagtatayo ng matatag na tahanan? Ipinakita ng Ama sa Langit ang huwaran na dapat nating sundan. Mahal Niya tayo, tinuturuan tayo, matiisin sa atin, at ipinagkatiwala sa atin ang ating kalayaang pumili. Sabi ni Pangulong Hinckley, “Pag-ibig ang lilikha ng kaibahan—ang pagmamahal na masaganang ibinigay sa pagkabata hanggang sa nakaiilang na mga taon ng kasibulan. . . . At panghihikayat
na madaling magbigay ng papuri at di agad nambabatikos” (“Bring Up a Child in the Way He Should Go,” Ensign, Nob. 1993, 60). Kung minsan napagkakamalan ang disiplina (na ibig sabihi’y magturo) na pamimintas. Mas bumubuti sa pagmamahal at panghihikayat ang pag-uugali ng mga bata (at ng lahat ng tao kahit anong edad) kaysa sa pambabatikos.
Nang magpahaba ng buhok ang isang binatilyo, pinili ng mga magulang niya na pagtuunan ng pansin ang kahusayan niya sa trabaho at kabaitan niya sa mga taong nangangailangan. Sa huli siya na mismo ang nagpagupit ng kanyang buhok. Pinaghusay niya ang pag-aaral, naglingkod sa Simbahan, at ginawa sa sarili niyang pamilya ang huwarang ito ng pagmamahal sa mga anak para gawin nila ang tama.
Ipinakikita natin ang pagmamahal sa mga miyembro ng pamilya hindi lamang sa pagtuturo sa kanila nang tama, kundi sa pag-uukol din ng panahon sa kanila. May nabasa ako kailan lang na artikulo na pinamagatang “Putting Children Last.” Tungkol ito sa mga magulang na may “listahang gamit” kapag pinag-uusapan ang kanilang mga anak: “15 minuto sa gabi kung puwede,” “regular na oras ng pakikipaglaro minsan sa isang linggo,” at iba pa (ni Mary Eberstadt, Wall Street Journal, Mayo 1995). Ihambing ito sa ina na nangakong hindi lang mag-uukol ng kapaki-pakinabang na panahon sa kanyang mga anak kundi ng maraming panahon. Batid niyang ang magiliw na ugnayan ay kailangan ng palagian at patuloy na pag-uusap, paglalaro, pagtatawanan, at samasamang paggawa. Naniniwala din ako na kailangang maging bahagi ang mga magulang at mga anak ng karaniwan at pang-araw-araw na karanasan ng bawat isa. Kaya alam ko ang inyong mga test sa eskuwela; alam mo ang paghahanda ko ng aralin. Nanonood ako sa mga laro mo; tumutulong ka sa akin sa kusina. Tayo’y mahahalagang bahagi ng buhay ng bawat isa, na nagmamahalan dahil sa pang-araw-araw na karanasan.
At mananatili ang pagmamahal sa kabila ng mga pagsubok sa buhay.
Turo ni Pablo, “Ang pagibig ay hindi nagkukulang kailanman” (I Mga Taga Corinto 13:8). Nakita ko ang matiyagang pagmamahal ng isang ina sa anak niyang lasenggo. Hindi siya kailanman tumigil sa pananalangin para sa kanya, at laging naroon para sa kanya. Nang tumanda ang anak, “siya’y [na]kapagisip” (Lucas 15:17), nagkaroon ng magandang trabaho, at ginamit ang kanyang husay bilang mekaniko para ayusin ang bahay ng kanyang ina.
Maraming pamilya ang nahihirapan sa suwail na mga anak. May ginhawang dulot ang “walang hanggang pagbubuklod ng matatapat na magulang” na siyang aakay sa mga anak “pabalik sa kawan” (Orson F. Whitney, Conference Report, Abril 1929, 110). Huwag tayong susuko sa pagmamahal sa kanila, pagdarasal para sa kanila, at pananalig sa pangangalaga ng Ama sa Langit.
Kaya’t sa aking anak na babae, at sa lahat ng kabataan sa Simbahan, habang kayo’y nasa transisyon tungo sa bagong yugto ng inyong buhay, para sa inyo ito. Nagpapatotoo ako na sa kawalang-hanggan ng mga bagay, ang pinakamahalaga at pinakakasiyasiyang bagay na gagawin inyo ay ang magbuo ng isang banal na tahanan at mag-aruga ng isang matatag na pamilya sa pamamagitan ng pagmamahal. Pagpapalain ng pamilyang ito ang lipunan at tatagal sa kawalang-hanggan. Ito ang aking patotoo sa pangalan ni Jesucristo, amen.