ELDER RICHARD G. SCOTT
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Ang pananampalataya sa Diyos at ang patnubay Niya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ang tutulong sa inyo sa mundong ito na puno ng hamon.
Sino ang di nangangailangan ng kasiguruhan sa oras ng kawalang katiyakan at pagsubok? Sino ang may tiwala sa sarili na di na kailangan pa ang katatagan ng buhay? Isang mahalagang layunin ng buhay sa lupa ang personal na pag-unlad at tagumpay. Dahil dito dapat mayroong oras ng pagsubok at pagkalito para magkaroon ng pag-unlad. Sinong bata ang makapagtataguyod sa kanyang sarili kapag matanda na siya kung lahat ng importanteng desisyon ay ginawa na ng mga magulang? Gayundin sa ating Ama sa Langit. Sa Kanyang plano ng kaligayahan ay mayroong mga hamon, kahirapan, at kailangang gumawa ng mahahalagang desisyon upang tayo’y umunlad, sumulong, at magtagumpay sa buhay na ito.1 Salamat at dahil sa Kanyang ganap na pag-ibig ay nagbigay Siya ng paraan para malutas ang mga hamon habang nadaragdagan ang lakas at kakayahan natin. Ang tinutukoy ko’y ang nagtataguyod na kapangyarihan ng pananampalataya sa oras ng kawalang katiyakan at pagsubok.
Binigyan tayo ng Diyos ng kakayahang manampalataya para matagpuan ang kapayapaan, kagalakan, at layunin ng buhay. Para magamit ang kapangyarihan nito, kailangang may batayan ang pananampalataya. Wala nang mas matatag na pundasyon kaysa sa pananalig sa pagmamahal ng Ama sa Langit sa atin, pananampalataya sa Kanyang plano ng kaligayahan at sa kapasidad at kahandaan ni Jesucristo na tuparin lahat ng Kanyang mga pangako.
Hindi nauunawaan ng iba ang pananampalataya kaya hindi nila ito lubusang magamit. Para sa iba’y walang basehan ang usapan sa relihiyon at patnubay na matatanggap ng tao dahil sa matatag na pananampalataya. Gayunman, ang pananampalataya’y hindi ilusyon o madyik. Ito’y kapangyarihang batay sa walang hanggang mga alituntunin. Sinubukan mo na bang manampalataya pero di ka nabiyayaan nito? Ah, marahil hindi mo naunawaan ang alituntuning kinasasaligan nito. Narito ang halimbawang magpapakita sa ibig kong sabihin.
Noo’y nakasama ako sa pagsukat at pagmamasid sa katangian ng iba’t ibang bahagi ng atom. Gumamit kami ng inieskperimentong nuclear reactor para lumikha ng mabibilis na bahagi ng atom na lumulusot sa butas patungo sa gitna ng reactor. Inilipat ang mga ito sa ibang lalagyan at doon minamasdan ang epekto ng mga ito. Ang mabibilis na bahagi’y di nakikita ngunit dapat makontrol ito para di makapinsala sa iba. Isang araw ay pumasok ang janitor habang nag-eeksperimento kami. Pagalit niyang sinabi, “Mga sinungaling, kunwari’y may mahalaga kayong ginagawa, pero di n’yo ko malilinlang. Alam ko na kapag di mo nakikita, nalalasahan, naaamoy, o nahihipo ang bagay ay di ito umiiral.” Dahil sa pag-uugaling ito ay hindi niya nalaman na may mahahalagang bagay na di nadarama at nakikita ng tao. Kung bubuksan niya ang kanyang isipan para maunawaan kung paano nalalaman na may mga nuclear particle, magpapatunay siya na mayroon nga nito. Ang pananampalataya’y gayon din, huwag itong pagdudahan. Matatanggap ninyo ang mga biyaya ng pananampalataya sa pagsunod sa mga alituntuning bigay ng Diyos ukol sa paggamit nito.
Ang ilan sa mga alituntuning ito ay: • Magtiwala sa Diyos at sa kahandaan Niyang tumulong kung kinakailangan gaano man katindi ang pangyayari.
• Sundin ang Kanyang mga utos at patunayan na maaari Siyang magtiwala sa inyo.
• Maging sensitibo sa payapang paramdam ng Espiritu.
• Buong tapang na sundin ang paramdam na iyon.
• Maging matiyaga at maunawain kapag hinahayaan kayong magsikap ng Diyos para umunlad at ang mga sagot ay unti-unting darating sa loob ng mahabang panahon.
Ang nakahihikayat na pananampalataya’y nakasentro sa tiwala sa Panginoon at sa kahandaan Niyang tumugon sa inyong mga pangangailangan. Dahil “pinagpapala at pinananagana [ng Panginoon] ang mga . . . nagtitiwala sa kanya.”2 Ang palagian at kahandaang magpakita ng pananampalataya ay nagdaragdag ng tiwala at kakayahan para magamit ang kapangyarihan ng pananampalataya.
Mabisa ninyong magagamit ang pananampalataya sa pagsunod sa alituntuning itinuro ni Moroni: “Ang pananampalataya ay mga bagay na inaasahan at hindi nakikita; kaya nga, huwag magtalu-talo dahil sa hindi ninyo nakikita, sapagkat wala kayong matatanggap na patunay hangga’t hindi natatapos ang pagsubok sa inyong pananampalataya.”3 Sa tuwing susubukin ninyo ang inyong pananampalataya at gagawa ng mabuti, tatanggap kayo ng patunay ng Espiritu. Ito ang magpapalakas sa pananampalataya kung paulit-ulit itong gagawin. Alam ng Panginoon ang kailangan ninyo. Kapag nagtanong kayo nang tapat at may tunay na layunin, ipagagawa Niya sa inyo ang bagay na magdaragdag sa inyong kakayahan na kumilos nang may pananalig. Kung patuloy ang pagsampalataya, ito’y magiging maningning, mabisa, masigla, at magbibigay inspirasyon sa inyong buhay. Sa paglakad ninyo sa kadiliman, kung may pananampalataya kayo’y mahahanap ninyo ang solusyon na di mahahanap sa ibang paraan. Ito ang aking patotoo.
Kahit napakalakas ng inyong pananampalataya, hindi kayo kaagad gagantimpalaan ng Diyos ayon sa gusto ninyo. Sa halip tutugon ang Diyos sa pinakamainam na paraan para sa inyo ayon sa Kanyang walang hanggang plano. Hindi ninyo lubos na mauunawaan ang lalim at tindi ng pagmamahal Niya sa inyo. Kung malalaman lang ninyo ang buong plano Niya, hindi kayo hihiling ng salungat dito kahit na nakatutukso itong gawin. Taimtim na pananalig ang nagbibigay unawa at lakas na tanggapin ang kalooban ng ating Ama sa Langit kapag kaiba ito sa gusto natin. Matatanggap natin ang kalooban Niya nang payapa at may katiyakan, nagtitiwala na higit ang karunungan Niya kaysa kakayahan nating umunawa sa Kanyang plano na unti-unting inihahayag.
Ang pananampalataya’y hindi pagtatanong lang at may sagot na agad. Sabi ng Panginoon: “Ang lahat kong iniibig, ay aking sinasaway at pinarurusahan: ikaw nga’y magsikap, at magsisi.”4 Puna ni Brigham Young, “ang Diyos ay di nagkakaloob sa kanyang mga tao, o sa isang tao, ng mas maiinam na biyaya nang walang matinding pagsubok para mapatunayang marapat siya.”5 Ako mismo, sa ilang mahahalagang desisyon, ay dumanas ng matinding hirap at sakit bago ako sinagot. Gayunman ang matinding hirap at pasakit na iyo’y nakabuti. Masarap isiping hindi ka susubukin ng Diyos kailanman nang higit sa inyong kakayahan.
Pananampalataya ang gamit ng Diyos para hubugin ang inyong pagkatao. Ang pagkatao ang magsasabi kung ano ang mararating ninyo. Ang katatagan ng pagkatao ay bunga ng tamang pagpili sa mga pagsubok ng buhay. Aakayin kayo ng pananampalataya na piliin ang tama. Malinaw na ang kilos ninyo’t iniisip ang nagsasabi kung sino kayo at ano ang mararating ninyo. Kaya dapat may inspirasyon ng Panginoon ang ginagawa ninyong pagpili. Mahihikayat kayo ng iba na gumawa ng tamang desisyon, ngunit kayo ang dapat pumili. Kailangan ninyong mag-isip, magdasal, at manalig upang mapili ang naaayon sa turo ng Guro. Ang gayong pagpili’y batay sa pagtitiwala sa mga bagay na pinaniniwalaan at pinagtitibay kapag nagawa na ito.
Tanging sapat na patnubay ang ibibigay para maakay kayo sa tama at di humina ang inyong pagkatao. Ang patnubay na ito ang magpapatatag sa tiwala ninyo sa Ama sa Langit at sa
Tagapagligtas.
Pananampalataya ang nagpapalakas sa pagkatao sa oras ng biglaang pangangailangan. Ang gayong pagkatao’y di nabubuo sa oras ng malaking hamon o tukso. Sa halip ito ang oras para gamitin ito. Ang pagkatao’y nahuhubog sa maraming taon ng pagsunod sa mga alituntunin at doktrina. Mababasa sa Santiago: “ang pagsubok sa iyong pananampalataya ay gumagawa ng pagtitiis. At pabayaan na ang pagtitiis ay magkaroon ng sakdal na gawa, upang kayo’y maging sakdal at ganap, na walang anoman kakulangan.”6 Ang pundasyon ng pagkatao ay integridad. Ang marapat na pagkatao ay magpapalakas sa inyong kakayahang sumunod sa utos ng Espiritu. Magiging mabuti ang inyong pagkatao. Ito’y mas mahalaga kaysa inyong ari-arian, dunong, o anumang nagawa ninyo. Dahil dito’y mapagkakatiwalaan kayo. Mabuting pagkatao ang pundasyon ng espirituwal na katatagan. Tutulungan kayo nito sa oras ng matinding pagsubok na gumawa ng tama at mahalagang desisyon kahit tila mahirap ito. Pinatototohanan ko na ang kapangyarihan ni Satanas o ng sinuman ay di makapagpapahina o makasisira sa inyong pagkatao. Kayo lang ang sisira sa inyong sarili kapag sumuway kayo.
Kagila-gilalas ang plano ng ating Ama. Pananampalataya ninyo ang bumubuo ng inyong pagkatao. Ang matatag na pagkatao ang nagdaragdag sa kakayahan ninyong manampalataya. Dahil dito’y lalo kayong nagtitiwala na kaya ninyong daigin ang mga pagsubok ng buhay. At patuloy ang paglakas ng inyong pananampalataya. Sa pagtatag ng pagkatao lalo ninyong magagamit ang kapangyarihan ng pananampalataya.
Ang sawikaing “Kung ano ang itinanim ay siyang aanihin” ay totoo rin sa mga espirituwal na gantimpala. May aanihin ka sa pagsunod, sa pagsampalataya kay Jesucristo, sa masigasig na pagsunod sa mga katotohanang natutuhan mo. Ang aanihin mo’y ang pagkahubog ng iyong pagkatao, dagdag na kakayahan, at matagumpay na pagtapos ng iyong layunin dito sa lupa— ang pag-unlad bagamat sinusubok.
Anuman ang mangyari, gaano man kagulo ang mundo, laging mapapasaiyo ang kapangyarihan ng pananampalataya. Hindi ‘yan magbabago. Hinding-hindi magbabago ang ganap na pag-ibig ng iyong Ama sa Langit. Ang plano Niyang ebanghelyo ang nagbibigay kahulugan sa buhay at tiyak na liligaya kayo. Ang plano Niya’y hindi lang ang subukan kayo sa lupa kundi para matanggap din ninyo ang pagunlad mula sa mga tamang desisyon na dulot ng pananampalataya at ginawang posible ng inyong pagsunod.
Bakit mababahala sa paparating na mga kalamidad o kaguluhan na di ninyo mapipigilan? Sa matwid ninyong pamumuhay malamang ay di na ninyo danasin ito. Kapag dumating ang mga hamon at pagsubok, ang pananampalataya ang aakay sa inyo sa mga solusyon. Ang kapayapaan ng isipan, katiyakan ng sagot sa mga problema, ang kagalakan ninyo, ay batay sa pagtitiwala ninyo sa Ama sa Langit at sa Anak Niyang si Jesucristo. Mananaig ang tama. Tatanggap kayo ng mga biyaya kapag matapat kayong sumusunod sa mga utos ng Diyos. Tandaan na ang di-nagmamaliw at patuloy na pinagmumulan ng pananampalataya at kapanatagan ay laging sasainyo. Ito’y dahil sa mahal kayo ng Ama sa Langit anuman ang inyong katayuan, anuman ang pagsubok na dinaranas ninyo. Hindi iyan magbabago. Ang kakayahan ninyong matanggap ang suportang iyan ay batay sa lakas ng inyong pananampalataya sa Kanya at sa kahandaan Niyang pagpalain kayo.
Alam kong ang pananampalataya sa Diyos at ang patnubay Niya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ang tutulong sa inyo sa mundong ito na puno ng hamon. Alam kong ang pagsunod sa mga alituntuning nirebyu natin ang tutulong sa inyo para matangggap ang nagtataguyod na kapangyarihan ng pananampalataya sa oras ng kawalang katiyakan at pagsubok.
Marami ang nalilito at naghahanap ng solusyon sa mga problema ng buhay. Ibahagi ang inyong patotoo sa katotohanan at kapangyarihan ng pananampalataya. Ipaunawa sa kanila kung paanong ang pananampalataya sa Diyos at sa Kanyang mga turo, na ibinalik sa kaganapan nito sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ay magpapala sa kanilang buhay sa magulong panahong ito. Magpatotoo na may kapangyarihan ang Panginoon na pagpalain ang kanilang buhay. Gawin ito ngayon. Ang inyong pananampalataya ang gagabay at tutulong sa inyo. Alam ko. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Tingnan sa Apocalipsis 3:19.
2. Helaman 12:1; tingnan din sa Mga Kawikaan 3:56.
3. Eter 12:6; idinagdag ang diin.
4. Apocalipsis 3:19.
5. Discourses of Brigham Young, tinipon ni John A. Widtsoe (1954), 338.
6. Santiago 1:34.