The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
April 2003
Digmaan at Kapayapaan

Digmaan at Kapayapaan

PANGULONG GORDON B. HINKLEY

PANGULONG GORDON B. HINKLEY

Umaasa ako na ang mga tao ng Panginoon ay payapa sa bawat isa sa panahon ng kaguluhan, sa kabila ng katapatan nila sa magkakaibang pamahalaan o partido.

Noong nakaraang Linggo habang nag-iisip ako kung ano ang sasabihin ko ngayon, nakatanggap ako ng tawag na nagsasabi sa aking si Staff Sergeant James W. Cawley ng U.S. Marines ay napatay sa Iraq. Siya’y 41 taong gulang, at naiwan ang kanyang maybahay at dalawang maliliit na anak.

Dalawampung taon na ang nakalipas nang magmisyon si Elder Cawley sa Japan. Gaya ng marami, lumaki siya sa Simbahan, naglalaro noong nag-aaral pa, nagpasa ng sakrament bilang deacon, at napatunayang karapat-dapat na magmisyon, upang ituro ang ebanghelyo ng kapayapaan sa mga Hapon. Umuwi siya, naglingkod sa Marines, nag-asawa, naging pulis, at tapos ay tinawag muli sa aktibong tungkulin sa militar, na walang alinlangan niyang tinanggap.

Ang kanyang buhay, misyon, paglilingkod sa militar, at pagkamatay, ay tila kumakatawan sa magkasalungat na ideya ng kapayapaan ng ebanghelyo at ng lupit ng digmaan.

Kaya nagpasiya akong magsalita tungkol sa digmaan at sa ebanghelyong ating itinuturo. Binanggit ko ito sa kumperensya noong Oktubre 2001. Nang magpunta ako sa pulpitong ito noong panahong iyon, kasisimula pa lang ng digmaan laban sa terorismo. Ang kasalukuyang digmaan ay karugtong at pagpapatuloy ng labanang iyon. Sana nga’y papatapos na ito.

Sa pagbanggit ko sa bagay na ito, hangad ko ang gabay ng Banal na Espiritu. Ipinagdasal ko at pinagisipan ko itong mabuti. Alam kong napakaselang paksa nito para sa pandaigdigang kongregasyon, pati na sa di kabilang sa ating relihiyon.

Ang mga bansa ng daigdig ay nahahati sa kasalukuyang sitwasyon. Matindi ang mga damdamin. May mga demonstrasyong ayon at laban dito. Ang Simbahan ay laganap na sa buong daigdig at may mga miyembro tayo sa mga bansang nagtatalu-talo sa bagay na ito. May damdamin ang ating mga tao. Mayroon silang mga problema.

Hindi na bago ang digmaan. Nagbabago ang mga sandata. Lalong pinagbubuti ang kakayahang pumatay at mangwasak. Ngunit sa paglipas ng mga panahon ay laging may pagtatalo pa rin tungkol sa mga paksang ito.

Bahagyang binanggit ng aklat ng Apocalipsis ang marahil ay matinding pagtatalo sa isipan at katapatan ng mga anak ng Diyos. Marapat lang na ulitin ang kuwento:

“At nagkaroon ng pagbabaka sa langit: si Miguel at ang kaniyang mga anghel ay nakibaka sa dragon; at ang dragon at ang kaniyang mga anghel ay nakibaka;

“At hindi sila nanganalo, ni nasumpungan pa man ang kanilang dako sa langit.

“At inihagis ang malaking dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diablo at Satanas, ang dumadaya sa sanglibutan; siya’y inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya” (Apocalipsis 12:7–9). Nagsalita rin si Isaias tungkol sa malaking digmaang iyon (tingnan sa Isaias 14:12–20). Ang makabagong paghahayag ay nagbibigay linaw (tingnan sa D at T 76:25–29), gayundin sa Aklat ni Moises (tingnan sa 4:1–4), na nagsasabi sa plano ni Satanas na sirain ang kalayaan ng tao.

Minsan hilig nating purihin ang malalaking imperyo noon, gaya ng Ottoman Empire, ang Roman at Byzantine Empire, at kailan lang, ang malawak na British Empire. Ngunit may madilim na aspeto ang bawat isa sa mga ito. Nababalot ito ng malupit at kagimbal-gimbal na pananakop, panlulupig, pagsupil, at malaking kawalan sa buhay at kayamanan.

Ang dakilang Ingles na manunulat, si Thomas Carlyle, ay patuyang pumuna: “Marahil tumatawa ang Diyos, kung ito ma’y nangyayari, na makita ang kagila-gilalas niyang mga nilalang dito sa lupa” (Thomas Carlyle, Sartor Resartus, [1836], 182). Palagay ko’y tumangis ang Ama sa Langit habang tinitingnan ang Kanyang mga anak na sa paglipas ng mga siglo ay sinayang ang kanilang dakilang pagkapanganay sa walang-awang paglipol sa isa’t isa.

Sa kasaysayan paminsan-minsan ay may lumilitaw na mga mapaniil na malupit sa sarili nilang mamamayan at nagbabanta sa daigdig. Ito ang pinaniniwalaang nangyayari ngayon, at dahil dito ang matitinding puwersa na may sopistikado at nakapanghihilakbot na mga armas ay nakipadigmaan.

Marami sa ating mga miyembro ang nasangkot sa labanang ito. Nakita natin sa telebisyon at sa diyaryo ang luhaang mga anak na kumakapit sa kanilang mga amang naka-uniporme, na patungo sa digmaan.

Sa isang nakaaantig na liham na natanggap ko nito lang, isang ina ang sumulat tungkol sa kanyang Marinong anak na sa ikalawang pagkakataon ay nasa digmaan sa Gitnang Silangan. Sinabi niya na sa unang pagpunta ng anak, “umuwi siya sandali at hiniling na lumabas kami para maglakad-lakad.
. . . Inakbayan niya ako at sinabing pupunta siya sa digmaan. Sabi . . . niya, ‘Inay, kailangan kong umalis para maging malaya ka at ang ating pamilya, malayang sumamba. . . . At sakaling
ako’y mamatay . . . buhay ko’y ialay.” Naroon siya muli at sumulat na sa kanyang pamilya, na nagsasabing, “Ipinagmamalaki kong narito ako na naglilingkod sa aking bansa at sa ating paraan ng pamumuhay. . . . Dama
kong mas ligtas ako dahil alam kong kasama ko ang ating Ama sa Langit.”

May mga ina, mga inosenteng sibilyan, na nanginginig sa takot at nakatingin sa langit at sumasamo habang yumayanig ang lupa at sumasabog ang nakamamatay na mga bomba sa paligid nila.

Marami nang namatay sa kakilakilabot na digmaang ito at malamang na madagdagan pa. Malamang na magpatuloy ang mga pampublikong protesta. Ang mga lider ng ibang bansa ay di maikakailang tumuligsa sa estratehiya ng koalisyon.

Ang tanong ngayon, “Ano ang pananaw ng Simbahan sa lahat ng ito?”

Una, dapat maintindihan na wala tayong alitan sa mga Muslim o sa mga tao ng ibang pananampalataya. Kinikilala natin na ang lahat ng tao sa mundo ay kabilang sa pamilya ng Diyos. At dahil Siya ang ating Ama, tayo nga ay magkakapatid at may obligasyon sa isa’t isa.

Ngunit bilang mga mamamayan tayo ay nasa ilalim ng pamamahala ng ating mga pambansang pinuno. Mas malawak ang kanilang kaalaman sa pulitika at militar kaysa sa karamihan ng tao. Ang mga nasa serbisyong militar ay may tungkulin sa kanilang sariling pamahalaan na ipatupad ang nais ng maykapangyarihan. Nang sumali sila sa serbisyong militar pumasok sila sa isang kasunduang tinutupad nila ngayon, at matapat na ginagampanan.

Ayon sa isa sa ating Mga Saligan ng Pananampalataya, na kumakatawan sa pahayag ng ating doktrina: “Naniniwala kami sa pagpapasailalim sa mga hari, pangulo, namamahala, at hukom, sa pagsunod, paggalang at pagtataguyod ng batas” (Ang Mga Saligan ng Pananampalataya 1:12).

Ngunit batay sa modernong paghahayag dapat nating “talikuran ang digmaan at ipahayag ang kapayapaan” (D at T 98:16).

Sa demokrasya ay maaari nating talikuran ang digmaan at ipahayag ang kapayapaan. Maaari ding sumalungat. Marami ang nagsasalita nang hayagan laban dito. Pribilehiyo nila iyon. Karapatan nila iyon, basta’t ginagawa nila ito sa legal na paraan. Ngunit, dapat din nating isipin ang isa pang mas mahalagang tungkulin, na sa tingin ko’y namamayani sa personal kong damdamin at nagsasabi ng dapat kong pag-ukulan ng katapatan sa situwasyon sa kasalukuyan.

Nang mag-alab ang digmaan sa pagitan ng mga Nephita at Lamanita, sang-ayon sa mga tala “ang mga Nephita ay binigyang-sigla ng higit na mainam na dahilan, sapagkat hindi sila nakikipaglaban para sa . . . kapangyarihan kundi sila ay nakikipaglaban para sa kanilang mga tahanan at kanilang mga kalayaan, kanilang mga asawa at kanilang mga anak, at ang lahat-lahat sa kanila, oo, para sa kanilang mga seremonya ng pagsamba at kanilang simbahan.

“At ginagawa nila yaong inaakalang tungkulin nila na utang nila sa kanilang Diyos” (Alma 43:45–46).

Pinayuhan sila ng Panginoon, “Ipagtatanggol ninyo ang inyong mga mag-anak maging hanggang sa pagdanak ng dugo” (Alma 43:47).

At “pinunit [ni Moroni] ang kanyang bata; at kinuha niya ang isang piraso niyon, at sinulatan ito—Sa alaala ng ating Diyos, ating relihiyon, at kalayaan, at ating kapayapaan, ating mga asawa, at ating mga anak—at ikinabit ito sa dulo ng isang kahoy.

“At isinuot niya ang kanyang baluti sa ulo, at kanyang baluti sa dibdib, at kanyang mga kalasag, at ibinigkis ang kanyang baluti sa kanyang balakang; at kinuha niya ang mahabang kahoy, kung saan nakakabit sa dulo niyon ang kanyang pinunit na bata, (at tinawag niya itong ang bandila ng kalayaan) at iniyukod niya ang kanyang sarili sa lupa, at siya ay nanalangin nang mataimtim sa kanyang Diyos upang ang mga pagpapala ng kalayaan ay mapasakanyang mga kapatid” (Alma 46:12–13).

Malinaw dito at sa ibang mga kasulatan na may panahon at pagkakataon kung saan may katwiran ang mga bansa at sa katunayan ay tungkulin nilang ipagtanggol ang pamilya, kalayaan, at labanan ang kalupitan, pagbabanta, at pang-aapi.

Matapos ang lahat tayo sa Simbahang ito ay mga tao ng kapayapaan. Tayo ay mga tagasunod ng ating Manunubos, ang Panginoong Jesucristo, na siyang Prinsipe ng Kalayaan. Ngunit maging Siya ay nagsabi, “Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang magdala ng kapayapaan sa lupa: hindi ako naparito upang magdala ng kapayapaan, kundi tabak” (Mateo 10:34).

Inilalagay tayo nito sa katayuan ng mga taong hangad ay kapayapaan, nagtuturo ng kapayapaan, gumagawa para sa kapayapaan, ngunit mga mamamayan din ng mga bansa at sakop ng mga batas ng ating pamahalaan. Bukod dito, tayo’y mga taong nagmamahal sa kalayaan, na tapat na magtatanggol sa kalayaan kapag ito’y nasa panganib. Naniniwala akong hindi pananagutin ng Panginoon ang mga taong nasa militar bilang kinatawan ng kanilang pamahalaan sa pagsasagawa ng legal na tungkuling dapat nilang gampanan. Maaari pang ituring Niya tayong maysala kung tatangkain nating pigilan o hadlangan ang mga taong nakikipaglaban sa mga puwersa ng kasamaan at panlulupig.

Ngayon, marami tayong puwede at dapat gawin sa mga panahong ito ng panganib. Maaari tayong magbigay ng palagay sa mga punto ng paksa, ngunit di tayo dapat kailanman magsalita o gumawa ng kasamaan laban sa ating mga kapatid sa maraming bansa na nasa isang panig o sa kabila. Ang mga pagkakaiba sa pulitika ay hindi kailanman dahilan para mamuhi o di makipagkasundo sa iba. Umaasa ako na ang mga tao ng Panginoon ay payapa sa bawat isa sa panahon ng kaguluhan, sa kabila ng katapatan nila sa magkakaibang pamahalaan o partido. Ipagdasal natin ang mga tinawag ng kanilang mga pamahalaan para makipaglaban, at magsumamong protektahan sila ng langit upang makabalik sila nang ligtas sa mga mahal nila sa buhay.

Sa ating mga kapatid na nasa panganib sinasabi naming ipinagdarasal namin kayo. Dalangin naming bantayan kayo ng Panginoon at iligtas sa sakuna, upang kayo’y makauwi at muling simulan ang inyong buhay. Alam naming nandiyan kayo sa mainit at mahanging disyerto di dahil sa nasisiyahan kayo sa mga laro ng digmaan. Ang tatag ng inyong katapatan ay nasusukat sa kahandaan ninyong ialay ang inyong buhay para sa inyong pinaniniwalaan.

Alam naming namatay ang ilan, at maaaring mamatay pa ang iba sa mainit at mapanganib na labanang ito. Magagawa natin ang lahat sa abot ng ating makakaya para aliwin at pagpalain ang mga nawalan ng mahal sa buhay. Nawa ang mga nagdadalamhati ay maalo ng ginhawang tanging kay Cristong Manunubos nagmumula. Siya ang nagwika sa Kanyang mga alagad:

“Huwag magulumihanan ang inyong puso: magsipanampalataya kayo sa Dios, magsipanampalataya naman kayo sa akin.

“Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan; kung di gayon, ay sinabi ko sana sa inyo; . . . ako’y paroroon upang ipaghanda ko kayo ng dakong kalalagyan . . . upang kung saan ako naroroon, kayo naman ay dumoon.

“Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man” (Juan 14:1–3, 27).

Sumasamo tayo sa Panginoon, na may dakilang lakas at walang hanggan ang kapangyarihan, na itigil nawa ang labanan, itigil upang magbigay ng mas mabuting buhay sa lahat ng naapektuhan. Ipinahayag ng Panginoon, “Sapagkat ako, ang Panginoon, ang naghahari sa itaas ng kalangitan, at sa mga hukbo ng lupa” (D at T 60:4).

Maaari tayong umasa at manalangin para sa maluwalhating araw na ipinropesiya ni Propetang Isaias na “pupukpukin [ng mga tao] ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod, at ang kanilang mga sibat ay maging mga karit: ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, o mangangaral pa man sila ng pakikipagdigma” (Isaias 2:4).

Kahit sa masamang daigdig maaari tayong mabuhay nang marapat upang malingap na arugain ng ating Ama sa Langit. Maaari tayong maging tulad ng mabubuti na nabuhay sa gitna ng mga kasamaan ng Sodoma at Gomorra. Nagsumamo si Abraham na iligtas ang mga bayang ito alang-alang sa mabubuti. (Tingnan sa Genesis 18:20–32.)

At higit sa lahat, mauunawaan natin sa ating mga puso, at maipahahayag sa mundo, ang kaligtasan ng Panginoong Jesucristo. Dahil sa Kanyang mapagtubos na sakripisyo natitiyak natin na magpapatuloy ang buhay sa kabila. Maituturo natin ang ebanghelyong iyon na hahantong sa kadakilaan ng mabubuti.

Kahit na patuloy ang mapanganib at maingay na digmaan at may kadiliman at poot sa puso ng ilang tao, naroon ang malugod, nagbibigay katiyakan, nakaaaliw, at mapagmahal na Anak ng Diyos, ang Manunubos ng daigdig. Maipahahayag nating kasama ni Pablo: “Sapagka’t ako’y naniniwalang lubos, na kahit ang kamatayan man, kahit ang buhay, kahit ang mga anghel, kahit ang mga pamunuan, kahit ang mga bagay na kasalukuyan, kahit ang mga bagay na darating, kahit ang mga kapangyarihan,

“Kahit ang kataasan, kahit ang kababaan, kahit ang alin mang ibang nilalang, ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Dios, na nasa kay Cristo Jesus na Panginoon natin” (Taga Roma 8:38–39).

Ang buhay na ito ay isang kabanata lamang sa walang-hanggang plano ng ating Ama. Puno ito ng salungat at di magkatugmang mga bagay. May batang namamatay. Ang ilan ay nabubuhay hanggang tumanda. Hindi natin ito maipaliwanag. Ngunit tanggap natin ito nang may tiyak na kaalaman na sa pamamagitan ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Panginoon tayong lahat ay patuloy na uunlad kasama ang mapang-aliw na pangako ng Kanyang di masusukat na pagmamahal.

Sinabi niya: “Matuto sa akin, at makinig sa aking mga salita; lumakad sa kaamuan ng aking Espiritu, at ikaw ay magkakaroon ng kapayapaan sa akin” (D at T 19:23).

At doon natin dapat isalalay ang ating pananampalataya. Anuman ang kalagayan, nasa atin ang ginhawa at kapayapaan ni Cristong ating Tagapagligtas, ang ating Manunubos, ang buhay na Anak ng buhay na Diyos. Ito ang patotoo ko sa Kanyang banal na pangalan, maging ang pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy