The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
April 2003
Ang mga Ginintuang Taon

Ang mga Ginintuang Taon

PANGULONG BOYD K. PACKER
Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawa

PANGULONG BOYD K. PACKER

Pahalagahan ang matatanda ayon sa kung ano sila, di lamang ayon sa magagawa nila.

Bisperas ng Pasko maraming taon na ang nakalilipas, isang pinsan ko ang nawalan ng anak dahil sa pulmonya. Nagtipon ang pamilya palibot sa kabaong para manalangin. Isang maliit na kumot, na gawa ng kanyang ina, ang nakatupi sa may paanan ng maliit na batang lalaki.

Isasara na nila ang kabaong, nang lumapit ang aking ina, niyakap ang nagdadalamhating ina, at tinulungan siyang iladlad ang kumot at ibalot iyon sa bata. Nang huling makita ng mga magulang ang kanilang maliit na anak, para siyang natutulog, na nababalot ng kanyang paboritong kumot. Isa iyong madamdaming sandali. Iyon ang ginagawa ng mga lola!

Bumalik kami sa Brigham City para sa libing ng ama ng aking maybahay, si William W. Smith. Isang binatilyong lalaki na kilala ko bilang isang estudyante ng seminary ang nakatayo sa may kabaong, labis na malungkot. Hindi ko alam na kilala niya ang biyanan ko.

Sabi niya: “Nagtrabaho ako sa kanya sa bukid isang tag-araw. Kinausap ako ni Brother Smith tungkol sa pagmimisyon. Hindi kayang suportahan ng pamilya ko ang isang misyonero. Sinabi sa akin ni Brother Smith na ipagdasal ko ito, at nagsabi, ‘Kung magdedesisyon kang magmisyon, babayaran ko ang iyong misyon,’ at kanya nga itong ginawa.”

Hindi iyon alam ng aking maybahay maging ng kanyang ina. Isa iyon sa mga ginagawa ng mga lolo!

Mayroon kaming 10 anak. Isang magulong Linggo noong maliliit pa ang mga anak namin, nasa sakrament miting ang aking maybahay. Gaya ng dati, nasa malayo ako kung Linggo. Inakupa ng mga anak ko halos ang isang buong hanay ng upuan sa kapilya.

Si Sister Walker, isang kaibig-ibig, at may-puting buhok nang lola na nagpalaki ng labindalawang anak, ang tahimik na lumipat mula sa ilang hanay sa likuran at umupo sa hanay ng aming magugulong anak. Matapos ang pulong, pinasalamatan siya ng aking maybahay.

Sabi ni Sister Walker, “Puno ang mga kamay mo, di ba?” Tumango ang aking maybahay. Tapos ay tinapik ni Sister Walker ang kanyang kamay at nagsabi, “Puno ang kamay mo ngayon; puno ang puso mo paglaon!” Waring propesiya ang kanyang tahimik na mga salita. Iyan ang ginagawa ng mga lola!

Nangulo kami sa Misyon ng New England. Nag-asawa ang isa sa aming mga misyonero at nagkaroon ng limang anak. Umalis siya para kumuha ng mas malaking sasakyan para sa kanyang pamilya at di na nakabalik. Lumaon ay nakita ang kanyang katawan sa ilalim ng isang tulay.

Tinawagan ko ang kanyang stake president para mag-alok ng tulong sa pamilya. Nakapag-alok na siya.

Sabi ng lolo, “Alam namin ang aming tungkulin. Di namin kakailanganin ang tulong mula sa simbahan. Alam namin ang aming tungkulin.” Iyan ang ginagawa ng mga lolo!

Pakay ko na magsalita sa inyo tungkol sa mga lolo’t lola at magsalita sa kanila—at sa ibang nakatatandang miyembro na walang mga apo ngunit tumatayo bilang mga lolo’t lola.

Sabi sa atin ng mga banal na kasulatan: “Nasa mga matanda ang karunungan; at sa kagulangan ang unawa” (Job 12:12).

Minsan sa isang miting ng stake, napansin ko ang di karaniwang dami ng mga nakatatandang miyembro. Karamihan sa kanila ay mga balo. Binanggit ko kung gaano sila kahangahanga sa stake president.

Tugon ng pangulo, “Oo, ngunit di sila aktibo sa Simbahan,” ibig sabihin na di sila naglilingkod bilang mga pinuno o mga guro. Nagsalita siya na para bang pabigat ang mga ito.

Inulit ko ang kanyang mga salita, “Di aktibo sa Simbahan?” at nagtanong, “Aktibo ba sila sa ebanghelyo?” Sa simula hindi niya lubos na naunawaan ang pagkakaiba nito.

Gaya ng marami sa atin, labis siyang nakatuon sa ginagawa ng mga tao na nakalimutan niya kung ano sila, mga napakahalagang dulangan ng karanasan, karunungan at inspirasyon.

Nahaharap tayo sa isang nakatatakot na hamon. Ang mga populasyon sa buong mundo ay bumababa. Ang bilang ng mga isinisilang na sanggol sa maraming bansa ay bumababa at mas tumataas ang haba ng buhay. Maliliit ang pamilya—sadyang pinaliliit. Sa ilang bansa, ilang taon lamang ay magkakaroon na ng mas maraming matatanda kaysa mga bata. Ang pagtanda ng populasyon ay may malaking epektong ekonomikal, sosyal at espiritwal. Maaapektuhan nito ang pag-unlad ng Simbahan.

Dapat nating turuan ang ating mga kabataan na maging malapit sa mga lolo at mga lola.

Kailan lamang ay sinabihan ng Unang Panguluhan ang mga kabataang babaeng nagdadalaga na sumama sa mga ina at mga lola sa Relief Society (tingnan sa liham ng Unang Panguluhan, 19 Mar. 2003).

Lumalayo ang ilang mga kabataang babae. Mas nais nilang sumama sa mga kaedad nila.

Mga kabataang babae: Huwag maging hangal at di magkaroon ng pagkakataong makahalubilo ang mga nakatatandang kapatid. Mas magiging kapaki-pakinabang ang pagkakataong ito kaysa sa mga aktibidad na ikinasisiya ninyong gawin sa ngayon.

Mga pinuno: Turuan ang mga batang babae na maging malapit sa kanilang mga ina at lola at sa mga nakatatandang babae ng Relief Society. Sa gayon ay magkakaroon sila ng pakikipag-ugnayang katulad ng sa mga kabataang lalaki sa mga korum ng priesthood.

Ang lahat ng atensiyong ibinibigay sa ating mga kabataan ay di magiging lubos kundi natin ituturo sa kanila ang layon ng Pagpapanumbalik. Ipinanumbalik ang mga susi ng priesthood at ipinaalam ang karapatan ng pagbubuklod at itinayo ang templo upang pag-ugnay-ugnayin ang mga henerasyon. Mula sa sinaunang mga panahon hanggang sa lahat ng paghahayag ay tumatakbo ang walang-hanggang, ginintuang sinulid, “Papagbabalikingloob ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang” (Malakias 4:6).

Bishop: Alam mo ba na ang ilang problema mo sa mga kabataan, at sa iba, ay malulutas kung magiging malapit sila sa kanilang mga ama at mga ina, at mga lolo’t lola, ang mga nakatatanda?

Kung ikaw ay nabibigatan sa labis na pagbibigay-payo, may mga nakatatandang kapatid, mga lola sa ward, na maaaring makaimpluwensya sa mga batang babaeng may asawa at kumilos bilang lola sa kanila. At may mga nakatatandang lolo para sa mga kabataang lalaki. Ang mga nakatatandang tao ay may katatagan, kahinahunan na nagmumula sa karanasan. Matutong gamitin ang dulangang iyan.

Sinabi ni Propetang Joseph Smith, “Ang paraan upang magkaisa sa anumang mahalagang bagay ay ang tipunin sa kalipunan ninyo ang marurunong na mga lalaki (at babae), at may mga karanasan at nakatatandang lalaki (at babae), upang tumulong sa konseho sa lahat ng panahon ng kaguluhan” (Teachings of the Prophet Joseph Smith, pinili ni Joseph Fielding Smith [1976], 299).

Sinusubukan nating tipunin ang mga kabataan at nakakaligtaan nating pagsama-samahin ang mga henerasyon. Napakaraming magagawa ang mga nakatatandang miyembro. Kung nakikita ninyo ang mga nakatatandang miyembro na di aktibo sa Simbahan, tanungin ninyo ang inyong sarili, “Aktibo ba sila sa ebanghelyo?”

Huwag kalimutan ang dakilang nagtataguyod na kapangyarihan sa mga panalangin ng mga magulang at mga lolo’t lola. Tandaan ang, “malaki ang nagagawa ng maningas na panalangin ng taong matuwid” (Santiago 5:16).

Si Nakababatang Alma ay isang rebelde. Pinarusahan siya ng isang anghel na nagsabi sa kanya, “Masdan, napakinggan ng Panginoon ang mga panalangin ng kanyang mga tao, at gayon din ang mga panalangin ng kanyang tagapaglingkod na si Alma, na iyong ama; sapagkat nanalangin siya nang may labis na pananampalataya hinggil sa iyo na baka sakaling madala ka sa kaalaman ng katotohanan; anupa’t dahil sa layuning ito ako ay naparito upang papaniwalain ka sa kapangyarihan at karapatan ng Diyos, upang ang mga panalangin ng kanyang mga tagapaglingkod ay matugon alinsunod sa kanilang pananampalataya” (Mosias 27:14).

Nakita naming mag-asawa nang yumao ang aming mga lolo’t lola at tapos ang aming mga magulang. Ang ilang mga karanasang aming unang inisip na pabigat o problema lamang ay malaon nang itinuring na mga biyaya.

Namatay sa aming tahanan ang ama ng aking maybahay. Kinailangan niya ang patuloy na pag-aalaga. Tinuruan ng mga nars ang aming mga anak kung paano mag-alaga sa aming nakaratay nang lolo. Ang kanilang natutuhan ay lubos na mahalaga sa kanila at sa amin. Nagpapasalamat kami na amin siyang nakapiling.

Nabayaran kami na sanlibong beses ng impluwensiyang mayroon siya sa aming mga anak. Iyon ay mahalagang karanasan para sa aming mga anak, isang bagay na aking natutuhan bilang bata noong mamatay sa aming tahanan si Lolo Packer.

Pahalagahan ang matatanda ayon sa kung ano sila, di lamang ayon sa magagawa nila.

Inisip na ba ninyo kung bakit itinatag ng Panginoon ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol nang sa gayon ang pinakamataas na pamunuan ng Simbahan ay laging matatanda? Pinahahalagahan ng huwarang ito ang karunungan at karanasan kaysa sa kabataan at pisikal na sigla.

Ang karaniwang edad ngayon ng Panguluhan at ng Labindalawa ay 77 taon. Di kami gaanong maliksi. Maaaring lampas na kami sa kalakasan ng buhay namin. Gayunpaman, inutos ito ng Panginoon.

Isa o dalawang kumperensyang nakalipas, sinabi ni Joseph Wirthlin na hahamunin niya ang mga miyembro ng Labindalawa sa isang karera. Inisip ko minsang tanggapin ang hamon.

Tapos ay naisip ko na mas madaling kumarera laban kay 96 na taong gulang na si Brother David Haight. Ngunit kung iisipin kong muli, maaaring patirin ako ni David ng kanyang tungkod, at matatalo ako sa karera. Kaya’t di ko na ito itinuloy!

Kapag nagpulong-pulong ang Panguluhan at ang Labindalawa, pinagsasama namin ang 1,161 taon ng buhay na may nakagugulat na dami ng karanasan. At mayroon kaming 430 taong pinagsama-sama, bilang mga General Authority ng Simbahan. Halos lahat ng aming pag-usapan, ang isa sa amin ay nakapunta na roon! O nagawa na iyon—maging paglilingkod sa militar!

Nabubuhay tayo ngayon sa magulong panahon. Sa panahon ng ating mga kabataan, ang mga gulo ay di mababawasan at tiyak na darami pa. Ang matatanda ay nag-aalok ng tiyak na karunungang mapagtitiisan ang mga bagay.

Nag-asawa na ang aming mga anak at lumisan ng tahanan upang hanapin ang kanilang kapalaran.

Ang isang pamilya ay umalis na sakay ng isang lumang kotse kasama ang kanilang malilit na anak. Luhaan ang aking maybahay. Inaliw ko siya sa pamamagitan ng pagsasabing, “Ang Simbahan ay naroon sa pupuntahan nila. May lola roon na sasagot sa kanyang mga tanong tungkol sa pagluluto o pag-aaruga at may lolong magtuturo sa kanya ng mga praktikal na bagay.” Makaaampon ng lola sa Relief Society. At makatatagpo ng lolo sa mga korum ng priesthood. Ngunit di lahat ng lolo’t lola ay nasa Simbahan.

Isang anak na lalaki ang bumili ng isang maliit na bahay sa isang malayong estado. Pinakita niya sa akin ang mga laryo sa isang gilid ng pundasyon na gumuguho na. Tinanong niya kung ano ang kanyang dapat gawin.

Di ko alam, ngunit itinanong ko, “Mayroon bang matatandang magasawa na nakatirang malapit sa inyo?”

“Oo,” tugon niya, “ sa kabila ng kalsada ilang bahay pababa ay may nakatirang retiradong mag-asawa.”

“Bakit di mo siya papuntahin at patingnan iyan. Alam niya ang inyong klima.”

Ginawa niya iyon at nakuha niya ang payo ng isang nakatatandang lalaki na nakakita na ng ganoong problema at ng ilan pa. Iyan ang magagawa ng mga ampon na lolo.

“Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina: upang ang iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupa na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Dios” (Exodo 20:12).

Itinuro ni Apostol Pablo na ang “matatandang babae” ay dapat na magturo sa mga batang babae at ang “matatandang lalaki” ay dapat na himukin ang mga batang lalaki na maging, “isang uliran sa mabubuting gawa” (Tito 2:1–7).

Matatanda na kami ngayon. Di maglalaon ay tatawagin na kami sa kabila ng tabing. Di namin nilalabanan iyon. Sinusubukan naming ituro ang mga praktikal na bagay na natutuhan namin sa loob ng maraming taon sa yaong mga nakababata—sa aming pamilya at sa iba.

Di na namin kayang gawin ang ginagawa namin noon, ngunit mas mahusay kami ngayon kaysa noon. Ang mga natutuhan namin sa buhay, ang ilan sa kanila masakit na labis, ay nagpamarapat sa amin na magbigaypayo, magtama, maging magbabala sa ating mga kabataan.

Sa inyong mga ginintuang taon, napakaraming magagawa, napakaraming maaaring maging. Huwag magretiro mula sa buhay. Iyan, sa iba, ay magiging walang-saysay, maging makasarili. Maaaring nakapaglingkod ka na sa misyon at natapos na at iniisip na tapos ka na sa paglilingkod sa Simbahan, ngunit di ka kailanman matatapos sa pagiging aktibo sa ebanghelyo. “Kung ikaw ay may mga naising maglingkod sa Diyos ikaw ay tinawag sa gawain” (D at T 4:3).

Maaaring sa wakas, kung matanda ka na at uugod-ugod, ay matuto na ang pinakadakilang misyon sa lahat ay ang palakasin ang iyong sariling pamilya, at ang mga pamilya ng iba, upang pagbuklurin ang mga henerasyon.

Nagtuturo ako ng isang tunay na alituntunin. Nagtuturo ako ng isang doktrina, “ang alituntunin ay sumasang-ayon nang tiyakan sa doktrina na iniutos sa inyo sa paghahayag” (D at T 128:7).

Sa himnong, “Saligang Kaytibay,” na inilathala noong 1835 sa unang Banal sa Huling-araw na aklat ng mga himno, makikita natin ang mga salitang ito:

Hanggang sa pagtanda ay mapatutunayan, Na pag-ibig ko sa inyo’y walang hanggan. Puti mang buhok ang sa ulo’y mamamasdan, Aking pagyakap, inyong maaasahan.

(Mga Himno, blg. 48, taludtod 6)

Panatilihing nag-aalab ang ningas ng inyong patotoo sa ipinanumbalik na ebanghelyo at ang inyong saksi sa ating Tagapagligtas upang mapalakas ninyo ang ating mga anak sa pamamagitan ng inyong pananampalataya. Iyan ang dapat gawin ng mga lolo at mga lola! Sa ngalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy