ELDER JEFFREY R. HOLLAND
Ng Korum ng Labindalawa
Bilang mga magulang mapatatatag natin ang buhay natin . . . sa pamamagitan ng pananampalataya, na pasalin-salin sa mga henerasyon, sa bawat bata.
Sa pagtatapos ng unang araw ng pagtuturo Niya sa matatapat na Nephita, ibinaling ng nabuhay na mag-uling Jesus ang Kanyang pansin sa mga natatanging maliliit na tagapakinig, at kung minsan di natin nakikita.
Ayon sa nakaulat, “Kanyang iniutos na ang kanilang maliliit na anak ay ilapit. . . .
“At . . . nang sila ay nakaluhod na sa lupa, . . . siya rin naman ay lumuhod
. . . ; at masdan, siya ay nanalangin sa Ama, at ang mga bagay na kanyang idinalangin ay hindi maaaring isulat, . . . ang gayong kadakila at mga kagilagilalas na bagay . . . [Kanyang] winika
. . . sa Ama. “Nang matapos si Jesus sa pananalangin . . . siya ay tumayo; . . . at . . . tumangis, . . . at kinuha ang kanilang maliliit na anak, isa-isa, at binasbasan sila, at [muling] nanalangin sa Ama para sa kanila.
“At nang magawa na niya ito, siya ay muling tumangis; . . . [nagsasabing] sa maraming tao, . . . Masdan ang inyong mga musmos.”
Hindi natin ganap na batid ang damdamin ng Tagapagligtas sa madulang tagpong iyon, ngunit alam nating nababahala si Jesus at Siya’y “naghinagpis sa kanyang sarili” dahil sa masasamang impluwensiyang umaaligid sa mga walang-malay.1 Alam nating nadama Niyang kailangan Niyang ipagdasal at basbasan ang mga bata.
Sa mga panahong gaya ng sa atin, kahit ang panganib ay pandaigdigan o lokal o sa sarili nating buhay, ako’y dumadalangin rin para sa mga bata. Kung minsan parang binabaha sila ng katakut-takot na mga tukso at pagsuway bago pa sila maging handa para labanan o harapin ito. At madalas tila hindi natin kayang kontrolin ang ilan sa mga pwersang ito.
Marahil nga hindi natin kayang kontrolin ang ilan sa mga ito ngunit nagpapatotoo ako at nananalig na kaya itong kontrolin ng buhay na Diyos. Siya’y buhay at ang kapangyarihan ng priesthood ay umiiral sa magkabilang panig ng tabing. Hindi tayo nag-iisa at huwag manginig na parang tinalukuran Niya. Sa pagtupad sa ating bahagi, maaari nating sundin ang ebanghelyo at ipagtanggol ang mga alituntunin nito. Maipahahayag natin sa iba ang tiyak na Daan, ang nagliligtas na Katotohanan, at ang maligayang Buhay.2 Maaari tayong magsisi sa iba’t ibang paraan at kapag nagawa na natin ang lahat, maaari tayong magdasal. Sa lahat ng paraang ito’y mapagpapala natin ang bawat isa lalo na ang lubos na nangangailangan ng ating pangangalaga—ang mga bata. Bilang mga magulang mapatatatag natin ang buhay natin—sa pamamagitan ng pananampalataya, na pasalin-salin sa mga henerasyon, sa bawat bata.
Sa gayong panalangin para sa mga bata, babanggitin ko ang isang aspeto ng kanilang kaligtasan. Maingat at magiliw akong magsasalita sa matatanda ng Simbahan, magulang man o hindi, na nag-aalinlangan, at di ganap na matapat sa Diyos, at nais naglalayo ng sarili sa mas nakararami, na mahilig magkukumpara sa doktrina ng Simbahan sa mga doktrina ng iba. Sa mga taong ito—na mahal natin at nais nating maging mas komportable kapag kasama nila tayo—sinasabi ko, sana’y malaman ninyo na ang ibubunga ng gayong asal ay hindi pa mangyayari ngayon. Nakalulungkot na ang iba rito’y parang utang na babayaran pa rin ng mga anak ninyo at ng mga apo ninyo sa halagang hindi ninyo akalain.
Sa Simbahang ito’y hinihikayat nang husto ang utos mula sa banal na kasulatan na mag-aral at matuto, maghambing at pag-isipan, magtalakayan at maghintay pa ng karagdagang paghahayag. Natututo tayo nang “taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon”3 na may layuning magkaroon ng tunay na pananampalataya sa Diyos at maging ganap na tulad ni Cristo. Walang pamimilit o pagkukunwari rito. Ngunit dapat walang bata sa Simbahang ito na mag-aalinlangan sa katapatan ng kanyang mga magulang sa Panginoong Jesucristo, sa Pagpapanumbalik ng Kanyang Simbahan, at sa katotohanan na may buhay na mga propeta at apostol, na noong kanilang kapanahunan, ay namuno sa Simbahan ayon sa “kalooban ng Panginoon , . . . kaisipan ng Panginoon, . . . salita ng Panginoon,
. . . at kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan.”4 Sa gayong pangunahing mga bagay ukol sa pananampalataya hindi kailangang pangatwiranan pa ng mga propeta ang paghingi ng pagkakaisa, maging pagsang-ayon, tulad ng masimbulong paggamit ni Propetang Joseph Smith sa salitang iyon kalaunan5. Anu’t ano man, tulad ng sinabi sa akin ni Elder Neal Maxwell, “Tila wala namang nagreklamo noon sa araw na hatiin ang Dagat na Pula.”
Hindi maaaring hayaan na lang ng mga magulang ang mumunting pagaalinlangang iyon, at pagkatapos ay magulat na lang na ito pala ang kinamulatan ng kanilang mga anak. Kung pag-uusapan ang pananampalataya at paniniwala ay namimiligro na matangay ang mga anak sa agos ng maling pilosopiya at paniniwala na maaaring karaniwan lang sa popular na kultura. Dapat tiyakin nating mga magulang na nakakapit pa rin tayo sa mga pamantayan na malinaw na nakikita ng ating pamilya. Walang buting idudulot ang pagpapatangay kasama ng mga anak, at pagkatapos kapag dumausdos na tayo pababa ay ipaliliwanag sa kanila na alam naman nating totoo ang Simbahan at taglay nito ang mga susi ng priesthood, kaya lang ay ayaw nating diktahan ang sinuman na paniwalaan ito. Huwag nating asahang maihahatid nang ligtas ang mga anak kung hindi alam ng mga magulang kung saan ligtas na maiaangkla ang sariling bangka. Nagpahayag minsan si Isaias ng gayong paglalarawan nang sabihin niya sa mga di naniniwala, “[Ang kanilang] mga tali ay nangakalag; hindi nila mapatibay ang kanilang palo, hindi nila mailadlad ang layag.”6
Palagay ko may mga magulang na hindi maunawaan na kahit na sigurado silang may sarili silang patotoo, mahihirapan pa rin silang maipakita ang pananampalatayang iyon sa kanilang mga anak. Maaaring aktibo at dumadalo tayo sa mga pulong ngunit kung hindi natin ipinamumuhay ang ebanghelyo sa paraang maituturo natin sa ating mga anak ang taos pusong paniniwala sa katotohanan ng Pagpapanumbalik at patnubay ng Simbahan mula sa Unang Pangitain hanggang sa sandaling ito, kung gayon hindi nakapagtataka na lumaking hindi gaanong aktibo at di dumadalo sa mga pulong ng Simbahan ang ating mga anak, o kaya’y tuluyan nang maging hindi aktibo.
Kamakailan lang, nakausap namin ni Sister Holland ang isang lalaki. Katatapos lang niyang magsaliksik hinggil sa iba’t ibang kababalaghan sa mga relihiyon sa silangan para lang makahanap ng aanibang relihiyon. Inamin niyang kung anu-ano lang ang pinaniniwalaan ng ama niya. Pero, ang lolo daw niya’y miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. “Pero hindi siya masyadong aktibo,” sabi ng binata. “Medyo nagdududa siya sa Simbahan.” Mula sa lolo na nagdududa sa anak na di naniniwala hanggang sa apo na desperado sa paghahanap ng isang bagay na ibinigay na ng Diyos sa pamilya niya! Tamang-tamang halimbawa ang babalang ibinigay minsan ni Elder Richard L. Evans.
Sabi niya, “Minsan ipinapalagay ng ilang magulang na hindi nila kailangang sumunod na mabuti o kaya’y magkaroon ng maling pananaw hinggil sa mahahalagang bagay—iniisip na walang magiging kaibhan kung hahayaan na lang nila ito—o hindi sila magsisimba o magtuturo o magiging kritikal sa mga lider ng Simbahan. Minsan, iniisip ng ilang magulang na mababalewala nila ang mga turo ng ebanghelyo nang hindi naaapektuhan ang kinabukasan ng pamilya nila. Ngunit,” sabi niya, “mas malamang na mahigitan pa ng mga anak ang ipinakikitang halimbawang ito ng mga magulang.”7
Walang karapatan ang magulang o sinuman na akayin ang bata (o sinuman!), mula sa pagiging matapat, kahit di sinasadya, para lang masabing magaling siya o malayang gawin ito. Sa relihiyon ang mapagdudang isipan ay hindi magandang halimbawa ng kagandahang-asal di gaya ng mapagpaniwalang puso, at ang panunuri at pagtatanong na naaangkop lang sa pagsusuri ng literatura, halimbawa, ay makasisira kapag iniangkop sa mga pamilyang naghahangad ng paniniwalaan sa tahanan. Nakalilinlang at hindi kaagad napapansin ang epekto nito. Ayon nga sa isang mapagmasid, “[Kung itataas mo ang temperatura ng] tubig na ipaliligo [ko] nang isang digri kada sampung minuto, paano [ko malalaman] kung kailan ako sisigaw sa sakit?”8
Nang itinatayo ang kanilang sagradong tabernakulo sa ilang sa Sinai, inutasan ang mga anak ni Israel noon na higpitan ang taling pangsuporta at patibayin ang mga poste na sinasabitan nito.9 Ang dahilan? Dumarating ang mga unos sa buhay—palagi. Kaya ayusin, higpitan ito, at ayusing muli. Noon pa man alam natin na may mga anak na gumagawa ng mga pagpili na nagpapalungkot sa mga magulang nila. Ginagawa ng mga magulang ang lahat ngunit may mga anak pa rin silang naliligaw. Umiiral pa rin ang kalayaang pumili. Ngunit maging sa mahirap na sandaling iyon ay nakaaaliw na malaman ninyo na alam ng inyong mga anak ang walang-maliw ninyong pananampalataya kay Cristo, sa Kanyang totoong Simbahan, sa mga susi ng priesthood at sa mga nagtataglay nito. Nakaaaliw na malaman na kung pinili ng mga anak ninyo na iwan ang makipot at makitid na landas aalis silang nalalaman na nananalig ang mga magulang nila rito. Bukod pa riyan mas malamang na bumalik sila sa daang iyon kapag sila ay nakapagisip,10 at maalala ang mapagmahal na halimbawa at magiliw na mga turong ibinigay ninyo sa kanila doon.
Ipamuhay ninyo ang ebanghelyo hangga’t kaya ninyo. Tuparin ang mga tipang alam nilang ginawa ninyo. Magbigay ng basbas ng priesthood. At magpatotoo!11 Huwag ninyong akalain na basta na lang matututuhan ng mga anak ninyo ang mga pinaniniwalaan ninyo. Isinulat ni propetang Nephi nang malapit na siyang mamatay na nagsulat sila tungkol kay Cristo at iningatan ang kanilang pananalig sa Kanyang ebanghelyo upang “hikayatin ang ating mga anak . . . na malaman ng ating mga anak . . . [at paniwalaan] ang tamang landas.12
Tulad ng ginawa ni Nephi, maitatanong natin sa ating sarili kung ano ang alam ng ating mga anak? Mula sa atin? Mismo? Alam ba ng ating mga anak na mahal natin ang mga banal na kasulatan? Nakikita ba nilang binabasa natin ang mga iyon at minamarkahan at inaasahan araw-araw sa ating buhay? Nangyari na bang di sinasadyang binuksan ng mga anak natin ang pinto at nakita tayong nagdarasal? Narinig na ba nila tayong nanalangin di lang nang kasama sila kundi para sa kanila dahil mahal natin sila bilang mga magulang? Alam ba ng mga anak natin na naniniwala tayo sa pag-aayuno hindi lang dahil obligasyong gawin ito tuwing unang Linggo ng buwan? Alam ba nila na nag-ayuno tayo para sa kanila at para sa kinabukasan nila sa mga araw na wala silang kaalam-alam? Alam ba nila na gustung-gusto nating nasa templo, dahil ibinubuklod nito sila sa inyo sa paraang hindi makakalas ng laksa-laksa mang kasamaan? Alam ba nila na mahal at sinusuportahan ninyo ang pangkalahatan at lokal na mga pinuno, hindi man sila perpekto, dahil tinanggap nila ang mga tungkuling hindi nila hinangad upang ingatan ang pamantayan ng kabutihan na hindi sila ang may gawa? Alam ba ng mga anak na ito na mahal natin ang Diyos nang buong puso at umaasam na makita ang mukha—at yumukod sa paanan—ng Kanyang Tanging Bugtong na Anak? Dalangin ko na sana’y alam nila ito.
Mga kapatid, tinatahak ng ating mga anak ang daan patungo sa kinabukasan na parang isang panang pinakawalan mula sa busog. At kahit na maingat nating sinusubaybayan ang paglipad ng panang iyon at nalalaman ang lahat ng maaaring magpalihis sa destinasyon nito matapos na kumawala iyon sa ating mga kamay, gayunman kumukuha tayo ng tapang sa pag-iisip na ang pinakamahalagang bagay na magpapasiya sa destinasyon ng panang iyon ay ang katatagan, lakas, at katiyakang mula sa tagahawak ng busog.13 Minsa’y sinabi ni Carl Sandburg, “Ipinakikita ng isang sanggol ang opinyon ng Diyos na dapat magpatuloy ang buhay.”14 Para sa kinabukasan ng sanggol na iyon at maging sa inyo, magpakatatag. Magtiwala. Patuloy na magmahal at magpatotoo at magdasal. Maririnig ang mga panalanging iyon at sasagutin sa hindi ninyo inaasahang oras. Ang pinakamabilis na tulong na ipinadadala ng Diyos ay sa bata,—at sa magulang ng bata.
“At sinabi sa kanila [ni Jesus]; Masdan ang inyong mga musmos.
“At . . . itinuon nila ang kanilang mga paningin sa langit, at kanilang nakitang bumukas ang kalangitan, at nakita nila ang mga anghel na bumababa
. . . na parang ito ay nasa gitna ng apoy; at sila ay bumaba at pinalibutan yaong mga musmos, at sila ay napalibutan ng mga apoy; at ang mga anghel ay naglingkod sa kanila.”15 Dalangin ko nawa’y laging magkagayon—para sa mga bata—sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. 3 Nephi 17:11, 1416, 18, 2123.
2. Tingnan sa Juan 14:6.
3. 2 Nephi 28:30.
4. D at T 68:4.
5. Tingnan sa D at T 128:13.
6. Isaias 33:23.
7. Richard L. Evans, sa Conference Report, Okt. 1964, 135-136; idinagdag ang diin.
8. Marshall McLuhan, sinipi sa The Proper Place for Commercials, ni John Leo, U.S. News and World Report, ika-30 ng Okt. 1989, 71.
9. Tingnan sa Isaias 54:2; 3 Nephi 22:2.
10. Tingnan sa Lucas 15:17.
11. Tingnan sa Joseph Smith, tinipon, Lectures on Faith, (1985), 37 para sa paliwanag hinggil sa kapangyarihan ng magulang sa patotoo ng tao.
12. 2 Nephi 25:23, 26, 28; idinagdag ang diin.
13. May utang na lob ako sa The Prophet ni Kahlil Gibran para sa mungkahi sa metaporang ito.
14. Sa The Columbia World of Quotations (1996), blg. 48047.
15. 3 Nephi 17:2324.