The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
April 2003
Ang Kapatawaran ay Papalitan ang Kapaitan ng Pagmamahal

Ang Kapatawaran ay Papalitan ang Kapaitan ng Pagmamahal

ELDER DAVID E. SORENSEN
Ng Panguluhan ng Pitumpu

ELDER DAVID E. SORENSEN

Ang kapatawaran ay nangangahulugan na ang mga problemang nakaraan ay hindi na didiktahan ang ating mga kapalaran, at mabibigyan natin ng buong pansin ang hinaharap nang may pag-ibig ng Diyos sa ating mga puso.

Kamangha-mangha ang mga kaloob ng Espiritu na ibinigay ng Panginoon kay Elder Nelson. Pinagpapala ng kanyang mga talento hindi lamang ang Simbahan, kundi maging ang buong mundo.

Nais kong magsalita ngayong araw na ito tungkol sa pagpapatawad.

Lumaki ako sa isang maliit na bukiring bayan kung saan tubig ang pinakamahalagang kabuhayan ng komunidad. Naaalala ko ang mga tao sa aming bayan na laging hinihintay, inaalala at ipinagdarasal ang ulan, ang karapatan sa patubig, at ang tubig sa kabuuan. Kung minsa’y tinutukso ako ng mga anak ko; sinasabi nilang wala silang kilalang kasing tindi ko ang pagaalala sa ulan. Sabi ko tama nga sila dahil lumaki ako sa lugar na higit pa sa pag-aalala ang ulan. Buhay na ang nakataya rito!

Dahil sa pag-aalala at hirap ng aming klima, kung minsa’y maiinit ang ulo ng mga tao. Paminsan-minsan, nagtatalo ang magkakapitbahay kapag sobra ang tubig na kinukuha ng isang magbubukid mula sa irigasyon. Doon nagsimula ang away ng dalawang lalaking nakatira malapit sa aming pastulan sa bundok, na tatawagin kong Chet at Walt. Nagsimulang pag-awayan ng magkapitbahay na ito ang tubig mula sa irigasyong ginagamit nilang dalawa. Sa simula’y parang balewala lang ito, ngunit paglipas ng mga taon ang di nila pagkakasundo ay nauwi sa pagkapoot at pagtatalo—hanggang sa magbantaan na sila.

Isang umaga ng Hulyo muling kinulang sa tubig ang dalawang lalaki.

Bawat isa’y nagtungo sa dike para tingnan kung ano ang nangyari, na kapwa iniisip na ninakaw ng isa ang kanyang tubig. Sabay silang dumating sa may prinsa. Nagpalitan sila ng galit na mga salita na humantong sa away. Malaking lalaki si Walt at napakalakas. Si Chet ay maliit, maliksi ang katawan, at matapang. Sa init ng labanan, ginamit na sandata ng dalawa ang dala nilang mga pala. Di sinasadyang natamaan ng pala ni Walt ang isang mata ni Chet, na bumulag sa matang iyon.

Mga buwan at taon ang lumipas. Subalit si Chet ay hindi makapagpatawad ni makalimot. Kumukulo ang dugo niya sa pagkabulag niya, at tumindi ang kanyang pagkamuhi. Isang araw, nagtungo si Chet sa kanyang kamalig, kinuha ang baril mula sa suksukan nito, at nangabayo pababa sa prinsa. Hinarangan niya ang prinsa at pinalihis ang tubig palayo sa bukid ni Walt, batid na darating si Walt upang tingnan kung ano ang nangyari. Tapos ay nagtago siya sa palumpong at naghintay. Nang dumating si Walt, binaril ito ni Chet. Tapos ay sumakay siya sa kabayo, umuwi, at tinawag ang sheriff upang ipaalam na pinatay niya si Walt. Pinasasama ang tatay ko sa huradong didinig sa kasong pagpatay ni Chet. Tumangging sumama ang tatay dahil matagal na niyang kaibigan ang dalawang ito at ang mga pamilya nito. Nilitis si Chet at nahatulang mabilanggo habambuhay sa salang pagpatay.

Makaraan ang maraming taon, lumapit ang maybahay ni Chet sa tatay ko at hiniling ditong pirmahan ang petisyon sa gobernador na pawalan ang kanyang asawa na ngayo’y masama na ang kalagayan makaraan ang maraming taon sa bilangguan. Pinirmahan ng tatay ang petisyon. Ilang gabi ang nagdaan, dalawang anak na lalaki ni Walt ang kumatok sa aming pintuan. Galit na galit sila. Sinabi nilang dahil pumirma sa petisyon ang tatay ko, maraming sumunod dito. Pinakiusapan nila ang tatay na bawiin ang pangalan niya sa petisyon. Tumanggi ito. Naniniwala siyang malala na ang lagay ni Chet. Matagal na niyang pinagdusahan sa bilangguan ang teribleng krimen dahil lamang sa silakbo ng damdamin. Nais niyang tiyakin na magkakaroon ng disenteng libing si Chet at makakatabi nito ang kanyang pamilya.

Galit na tumugon agad ang mga anak ni Walt at sinabing, “Kung pawawalan siya sa bilangguan, sisiguruhin naming mapapahamak siya at ang kanyang pamilya.”

Kalauna’y pinawalan si Chet at hinayaang makauwi at mamatay sa piling ng kanyang pamilya. Sa kabutihangpalad, wala nang gulo pang nangyari sa dalawang pamilya. Madalas malungkot ang tatay ko sa nangyari kina Chet at Walt, na magkapitbahay at magkaibigan mula pa sa pagkabata, na nagpatangay sa kanilang galit at hinayaang wasakin nito ang kanilang buhay. Napakalungkot na ang panandaliang init ng ulo ay nahayaang lumala,—na kalauna’y kumitil sa buhay ng dalawang lalaki—dahil lang sa hindi nila mapatawad ang isa’t isa sa kaunting bahagi ng tubig mula sa irigasyon.

Sinabi ng Tagapagligtas, “Makipagkasundo ka agad sa iyong kaalit, samantalang ikaw ay kasama niya sa daan,”1 sa gayo’y inuutusan tayong maaga nating lunasan ang di pagkakasundo, nang di mauwi ang panandaliang init ng ulo sa kalupitang pisikal o emosyonal, at matangay tayo ng ating galit.

Higit na naaangkop sa ating mga pamilya ang prinsipyong ito. Ang problema ninyo’y maaaring hindi sa tubig, ngunit bawat isa sa atin sa mundo, na nabubuhay sa pag-aalala at hirap ng klima sa mundong ito, ay may dahilan—totoo man o inaakala— para masaktan. Paano tayo tutugon? Sasama ba ang loob natin? Maninisi ba tayo? Hahayaan ba nating madaig tayo ng panandaliang init ng ulo?

Minsa’y inihambing ni Pangulong Brigham Young ang pagsama ng loob sa isang nakalalasong tuklaw ng ahas.

Sabi niya, “dalawa ang pwede nating gawin kapag natuklaw ng ulupong ang isang tao. Ang isang tao, sa galit, takot, o paghihiganti, ay hahabulin ang ulupong at papatayin ito. O magmamadali siyang alisin ang kamandag sa kanyang katawan. Kung susundin natin ang huli malamang tayong makaligtas, ngunit kung tatangkain nating sundin ang una, baka hindi tayo tumagal para maisagawa ito.”2

Ngayo’y nais kong ibabala na magingat tayo nang husto na hindi makapagdulot sa ating mga pamilya ng espirituwal o emosyonal na tuklaw ng ahas. Karamihan sa popular na kultura ngayon, ang magagandang katangian ng pagpapatawad at kabaitan ay hinahamak, habang ang paghamak, galit, at masakit na pamimintas ay hinihikayat. Kung hindi tayo mag-iingat, maaari nating magawa ang mga kagawiang ito sa sarili nating mga tahanan at pamilya, at matagpuan ang sarili nating namimintas sa ating mga asawa, anak, at kamag-anak. Huwag nating saktan ang mga pinakamamahal natin sa pamamagitan ng pamimintas! Sa ating mga pamilya, ang maliliit na pagtatalo at balewalang pamimintas, kung hindi pipigilin, ay lalason sa mga relasyon at mauuwi sa paghihiwalay, maging pang-aabuso at diborsyo. Sa halip, gaya ng nakalalasong kamandag, “magmadali” tayong bawasan ang pagtatalo, palisin ang paghamak, itigil ang pamimintas, at alisin ang poot at galit. Hindi tayo dapat magpadala sa mapanganib na silakbo ng damdamin—kahit sa loob lang ng isang araw.

Ihambing ang trahedya nina Walt at Chet sa halimbawa tungkol kay Jose ng Egipto. Kinamuhian si Jose ng mga kapatid niya dahil sa selos. Pinlano nilang patayin siya, at sa huli’y ipinagbili bilang alipin. Dinala si Jose sa Egipto at nagpakahirap itong makaalpas sa pagkaalipin. Sa mga hamong ito maaaring tugisin ni Jose ang kanyang mga kapatid at sumumpang maghiganti. Maaaring mapaginhawa ang paghihirap niya sa pagpaplanong maghiganti balang araw, ngunit hindi niya ito ginawa.

Nang lumaon, naging pinuno si Jose sa buong Egipto, pangalawa ng ranggo sa Faraon. Sa isang mapanirang taggutom naglakbay ang mga kapatid ni Jose patungong Egipto para sa pagkain. Na hindi nakilala si Jose, yumukod sila sa kanya dahil sa mataas nitong posisyon. Tiyak na sa sandaling iyon puwedengpuwede nang maghiganti si Jose. Maaari sana niyang ipabilanggo ang mga kapatid niya o ipabitay sila. Sa halip pinatawad niya ang mga ito. Sinabi niya: “Ako’y si Jose na inyong kapatid, na inyong ipinagbili upang dalhin sa Egipto. At ngayo’y huwag kayong magdalamhati, o magalit man sa inyong sarili na inyo akong ipinagbili rito. . . . At
sinugo ako ng Dios sa unahan ninyo upang papanatilihin kayong pinakalahi
. . . at upang iligtas kayong buhay sa pamamagitan ng dakilang pagliligtas. Hindi nga kayo ang nagsugo sa akin dito, kundi ang Dios.”3

Ang hangad ni Jose na magpatawad ay pinalitan ang kapaitan ng pagmamahal.

Gusto kong liwanagin na hindi dapat ipagkamaling pagpapaubaya sa kasamaan ang pagpapatawad sa mga kasalanan. Katunayan, sa Pagsasalin ni Joseph Smith, sinabi ng Panginoon, “. . . huwag hahatol nang di makatarungan.”4 Inutusan tayo ng Tagapagligtas na talikuran at labanan ang lahat ng anyo ng kasamaan, at kahit dapat nating patawarin ang taong nanakit sa atin, magsikap pa rin tayong huwag nang maulit ang pananakit na iyon. Ang isang babaeng inabuso ay hindi dapat maghiganti, ngunit dapat din siyang gumawa ng mga hakbang para hadlangan ang susunod pang pang-aabuso. Ang isang negosyanteng dinaya sa isang transaksyon ay hindi dapat kamuhian ang taong hindi naging matapat, ngunit makagagawa siya ng mga tamang hakbang para lunasan ang pagkakamali. Sa pagpapatawad ay hindi natin kailangang tanggapin o pagbigyan ang kasamaan. Hindi natin kailangang balewalain ang pagkakamaling nakikita natin sa ating paligid o sa sarili nating buhay. Ngunit habang nilalabanan natin ang mga pagkakasala, hindi natin dapat pahintulutang kontrolin ng pagkamuhi o galit ang ating mga isipan o kilos.

Sinabi ng Tagapagligtas, “Dahil dito, sinasabi ko sa inyo, na nararapat ninyong patawarin ang isa’t isa; sapagkat siya na hindi nagpapatawad sa kanyang kapatid ng kanyang mga pagkakasala ay nahatulan na sa harapan ng Panginoon; sapagkat mananatili sa kanya ang mas malaking kasalanan.”5

Hindi ibig sabihi’y madaling magpatawad. Kapag ang isang tao ay sinaktan tayo o ang isang mahal natin, halos madaig tayo ng pasakit na iyon. Para bagang ang pasakit o kawalang katarungang iyon ang siyang pinakamahalaga sa mundo, at ang tanging dapat gawin natin ay maghiganti. Ngunit si Cristo, na Prinsipe ng Kapayapaan, ay tinuturuan tayo ng mas magandang paraan. Maaaring napakahirap patawarin ang pananakit ng isang tao sa atin, ngunit kapag ginawa natin iyon, pinagaganda natin ang ating kinabukasan. Hindi na nakokontrol ng pagkakamali ninuman ang ating landas. Kapag pinatawad natin ang iba, pinalalaya tayo nito sa pagpili kung paano tayo mabubuhay. Ang kapatawaran ay nangangahulugan na ang mga problemang nakaraan ay hindi na didiktahan ang ating mga kapalaran, at mabibigyan natin ng buong pansin ang hinaharap nang may pagibig ng Diyos sa ating mga puso.

Nawa’y hindi mag-ugat sa ating mga tahanan ang mga binhi ng hindi pagpapatawad na umalipin sa aking mga kapitbahay. Nawa’y manalangin tayo sa ating Ama sa Langit na tulungan tayong madaig ang hangal na kapalaluan, poot, at pagwawalangbahala. Nawa’y tulungan Niya tayo na magpatawad at magmahal, nang maging kaibigan natin ang ating
Tagapagligtas, ang iba, at ang ating sarili. “. . . kung paanong pinatawad kayo ng Panginoon, ay gayon din naman ang inyong gawin.”6 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Mateo 5:25.
2. Marion D. Hanks, “Forgiveness: The Ultimate Form of Love,”
Ensign, Ene. 1974, 20.
3. Genesis 45:4–5, 7–8.
4. Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo. 7:1.
5. D at T 64:9.
6. Mga Taga Colosas 3:13.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy