The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
April 2003
Pagdaig sa Alingasaw ng Kasalanan

Pagdaig sa Alingasaw ng Kasalanan

ELDER SPENCER V. JONES
Ng Pitumpu

ELDER SPENCER V. JONES

Batid ng ating mapagmahal na Ama sa Langit . . . na ikaw at ako ay magkakasala at magiging marumi, nagkaloob Siya ng proseso ng paglilinis sa kasalanan na . . . ganap na mabisa.

Bawat pasiya na ating ginagawa, mabuti o masama, ay may ibubunga. Lumaki ako sa maituturing ninyong tahimik na bukirin: sa Virden, New Mexico, na may populasyong
135. Isang gabi sa tag-init, kami ng ilang pinsan ko’t kaibigan ay naghanap ng mapaglilibangan. May nagmungkahing biruin namin ang isang kapitbahay. Ibinulong ng konsensiya ko na mali iyon, ngunit hindi ako nagkaroon ng lakas ng loob na tutulan ang masiglang pagsang-ayon ng grupo.

Matapos gawin ang aming kalokohan, mabilis kaming nagtakbuhan sa madilim na kalsada upang lumayo, nagtatawanan at nagkakasayahan habang tumatakbo. Bigla ay may natisod ang isa sa grupo at sumigaw: “Naku, nakasipa ako ng pusa!” Kasabay noon ay may tila mga patak ng tubig na tumilamsik sa amin. Napakabaho ng amoy. Hindi pala pusa iyon kundi isang skunk. Inispreyan kami nito ng mabahong likido sa pagtatanggol sa sarili. Bibihirang amoy ang makakatalo sa nakasusukang amoy ng skunk, at totoong napakabaho namin.

Matamlay kaming nagsiuwi, umaasa na mauunawaan kami ng mga magulang namin at maaawa sa sinapit namin. Pagpasok namin sa pintuan sa kusina, isang singhot lang ni Inay at agad niya kaming pinalabas. Ipinagtabuyan kami sa bahay namin. Pagkatapos sinimulan niya kaming linisin. Sinunog niya ang mga damit namin. At lahat na yata ng naimbentong pampaalis ng amoy na nasa bahay at komunidad ay inalok kay Inay para sa aming kapakanan. Kabilang dito ang iba’t ibang uri ng pampaligo; una, katas ng kamatis, tapos ay gatas ng baka, at pati ang magaspang na sabong lihiya. Pero nangangamoy pa rin kami.

Kahit ang paboritong kong aftershave lotion ni Itay ay hindi nakatalo sa masansang na amoy. Ilang araw din kaming pinakain sa ilalim ng puno, pinatulog sa tent sa labas, at pinasasakay lamang sa likod ng trak.

Pagkalipas ng ilang araw, sa pagaakalang wala na ang masansang na amoy, nilapitan namin ang ilang batang babae. Ni hindi nila kami pinalapit sa distansiyang ilang metro— malaking dagok ito sa kagwapuhan naming mga tinedyer!

Ngayon, aaminin ko na ang maispreyan ng skunk ay hindi pangkaraniwang resulta ng kasalanan. Ang karamihan sa mga bunga ng kilos natin ay hindi ganoon kabilis at nakabibigla. Ngunit hindi maglalaon, lahat ng kasalanan ay pagbabayaran.

Kung minsan ang bunga ng mga kasalanan ay tila napakaliit sa tingin ng taong nagkasala. Maaari pa tayong makumbinsi, gaya ng ginawa namin bago lapitan ang mga batang babae, na walang makapapansin sa ating mga kasalanan at naitatago itong mabuti. Ngunit para sa Ama sa Langit at sa mga pinuno, magulang, at kabigan na espirituwal na sensitibo, ang mga kasalanan nati’y kitang-kita.

Sa pagdalo ko sa isang fireside ng mga kabataaan kasama si Elder Richard G. Scott, napansin ko ang limang kabataan—magkakahiwalay sa kongregasyon, na ang mga mukha o kilos ay malakas na nagpapahiwatig na may problema sila sa espirituwalidad. Matapos ang pulong, nang banggitin ko ang tungkol sa limang kabataan kay Elder Scott, simple lang ang sagot niya: “Walo sila.”

Nagpropesiya si Isaias, “Ang kaanyuan ng kanilang pagmumukha ay sumasaksi laban sa kanila, at tanyag ang kanilang mga kasalanan tulad ng Sodoma, at hindi nila ito maitatago” (2 Nephi 13:9; tingnan din sa Isaias 3:9).

Sinabi ng Diyos, “Siya na nagkasala at hindi nagsisi ay ititiwalag” (D at T 42:28). Tulad ng nangyari sa amin ng mga pinsan ko na “itinaboy” palabas sa aming tahanan bilang kabayaran sa aming kasalanan, itataboy tayo sa tahanan natin sa langit kung hindi tayo magsisisi.

“Kung tatangkain nating pagtakpan ang ating mga kasalanan” tulad ng ginawa ko sa paggamit ng lotion, “ang kalangitan ay lalayo at ang Espiritu ng Panginoon ay magdadalamhati” (D at T 121:37). Mawawala ang ating mga espirituwal na kaloob. Ipinahayag ng Panginoon, “Siya na hindi nagsisisi, kukunin sa kanya maging ang liwanag na kanyang natanggap” (D at T 1:33).

Bawat isa sa atin ay may liwanag ni Cristo, o konsensiya. Lagi tayong hinihimok nito na piliin ang tama. Ang mabubuting pagpili ay magbubunga ng mabuti. Sa isang banda, ang pagpapaliban sa pagsisisi at patuloy na paggawa ng kasalanan ay tulad ng patuloy na pagsipa sa skunk. Lalong magiging masansang ang amoy natin sa bawat kasalanan, at lalo tayong ilalayo nito sa Diyos at sa mga mahal natin sa buhay. Sa huli’y matutulad tayo kina Laman at Lemuel, na, makaraan ang tuluy-tuloy na pagpili ng mali, ay naging “manhid” at hindi na madinig ang maliit at banayad na tinig (1 Nephi 17:45).

Kung sinunod ko lamang ang konsensiya ko noong una itong bumulong na mali ang kapilyuhang gagawin namin sa kapitbahay, naiwasan ko sana ang maalingasaw kong pagdurusa.

Sa pamamagitan ni Nephi, itinuro ng Tagapagligtas na “walang maruming bagay ang makapananahanang kasama ng Diyos; kaya nga tiyak na kayo ay itatakwil magpakailanman” (1 Nephi 10:21).

Ngunit noon pa man ay batid na ng ating mapagmahal na Ama sa Langit ang ating mga kahinaan, at dahil alam na ikaw at ako ay magkakasala at magiging marumi, nagkaloob Siya ng proseso ng paglilinis ng kasalanan na—di tulad ng katas ng kamatis, gatas, o sabong lihiya—ganap na mabisa.

Nagsugo Siya ng Tagapagligtas, ang Kanyang Bugtong na Anak, si Jesucristo, upang magbayad-sala para sa ating mga kasalanan (tingnan sa Alma 22:14).

Sa Halamanan ng Getsemani, ipinakita ni Cristo ang ganap na pagsunod, at ang matindi Niyang pagdurusa ang nagbunsod sa Kanya “maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu” (D at T 19:18). Pagkatapos ay hinayaan Niya ang Sarili na “[itaas] sa krus at [patayin] para sa mga kasalanan ng sanlibutan” (1 Nephi 11:33).

“Kanyang tiniis ang mga pasakit ng lahat ng tao, upang ang lahat ng tao ay magsisi at lumapit sa kanya. . . . At
anong laki ng kanyang kagalakan sa kaluluwang nagsisisi!” (D at T 18:11, 13).

Itinuro ng Tagapagligtas kung paano malalaman “kung ang isang tao ay nagsisi ng kanyang mga kasalanan— masdan, kanyang aaminin ang mga yaon at tatalikdan ang mga yaon” (D at T 58:43). Kasunod nito ang mahimalang pangako, “Bagaman ang inyong mga kasalanan ay maging tila mapula, ay magiging mapuputi na parang niebe” (Isaias 1:18).

Kung hinihikayat ng Espiritu ang inyong puso na isaayos ang isang bagay sa inyong buhay, tandaan: mahalaga ang kaluluwa ninyo. Gusto ng Ama sa Langit na mapabilang kayo sa Kanyang walang hanggang pamilya. Magiliw akong sumasamo na, “Huwag ninyong ipagpaliban ang araw ng inyong pagsisisi” (Alma 34:33). Simulan ang proseso ngayon. Alisin ang alingasaw ng kasalanan sa pamamagitan ng lunas ng pagsisisi. At sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, huhugasan kayo ng Tagapagligtas para luminis kayo. Ito ang patototo ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy