ELDER D. REX GERRATT
Ng Pitumpu
Sa pagbubukas ninyo ng inyong mga isipan at puso para madama ang Espiritu, bibigyan kayo ng Panginoon sa sarili Niyang panahon at paraan ng mga tagubiling magpapala sa inyong buhay.
Ilang taon na ang nakalilipas habang naglilingkod ako bilang klerk ng ward, dumating sa bahay ang mga gamit ng ward para sa bagong taon. Kasama sa maraming kahon, napansin ko ang isang nakaadres sa klerk ng ward. Nakadikit dito ang isang tag na nakasulat sa malalaking titik na: Kapag wala nang magagawaPakiusap! Sundin ang mga tagubilin.
Hindi ko itinuring na para sa lahat ang mensaheng ito, at tiyak kong may isang tao sa punong tanggapan ng Simbahan na nakakakilala sa akin.
Bagama’t nakakatawa iyon nang oras na iyon, napagkit sa isip ko ang mensahe sa tarhetang iyon:
Kapag wala nang magagawa Pakiusap! Sundin ang mga tagubilin.
Dumaranas ang lahat ng tao ng maraming hamon sa buhay na ito. Bawat isa ay may kalayaang gumawa ng mga pagpiling nakakaapekto sa kanyang pag-unlad. Ang mabubuting pasiya ay naghahatid ng pangakong mga pagpapala at ang masasama ay laging di kanais-nais ang bunga.
Walang katiyakan ang buhay. Maikli at mahalaga ang ating oras. Ito ang panahon para “maghanda sa pagharap sa Diyos” (Alma 34:32). Walang panahong dapat aksayahin sa mga pansariling pagsubok o pagkasangkot sa mga bagay na napatunayang nakapipinsala sa ating katawan at kaluluwa.
Walang perpekto sa atin, at lahat tayo’y kailangan ng tulong. Ngunit hindi tayo mag-iisa kung madali tayong turuan, na may mga pusong nakadarama at mga taingang nakikinig.
“Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo, At huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan: Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong lakad, At kaniyang ituturo ang iyong mga landas” (Mga Kawikaan 3:5–6).
Paano tayo tumatanggap ng tagubilin?
Una, dapat tayong maghangad nang taos puso.
Ikalawa, dapat tayong manalig—sa paniwalang kilala tayo ng Panginoon, na mahal Niya tayo, at sasagutin Niya ang ating mga dalangin.
Habang binabasa ni Joseph Smith ang Biblia, nabasa niya sa Santiago 1:5:
“Ngunit kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya.
“Nguni’t humingi siyang may pananampalataya, na walang anomang pagaalinlangan.”
Sinunod ni Joseph ang mga tagubilin at tumanggap ng sagot sa kanyang dalangin. Tatanggap din tayo ng mga kasagutan sa ating mga dalangin.
Sa buong buhay ko, isa akong magsasaka at ama ng isang malaking pamilya. Bagama’t ang panalanging pansarili at pampamilya ay lagi nang bahagi ng aming pang-araw-araw na buhay, paminsan-minsa’y matindi ang pakiramdam kong dapat akong magtungo sa bukid sa gabi o lumuhod sa tabi ng mandala, tumingala sa kalangitan, at kausapin nang malakas ang aking Ama sa Langit. Lagi kong nadarama ang init ng Kanyang pagmamahal at batid ko noon, tulad ngayon, na nakikinig Siya sa akin at sasagutin ang aking mga dalangin ayon sa Kanyang karunungan, para sa aking lubos na ikabubuti.
Sa lahat, saanman kayo naroroon— kayong mga ngangailangan ng pag-asa at ginhawa, kayong mga nalulungkot, nangangailangan ng patnubay at nais madama ang layunin ninyo sa buhay—mahal kong mga kaibigan, hinihikayat ko kayo! Hininimok kong yumuko kayo o lumuhod! Sa sarili ninyong mga salita, pasalamatan ang inyong Ama sa Langit sa nagbabayadsalang sakripisyo ng Kanyang anak para sa inyo at sa lahat ng pagpapala Niya sa inyo. Mababasa ng luha ang inyong mga mata, at mapupuspos ng init ng Espiritu ang inyong puso.
Pagkatapos ay kausapin ang Panginoon, na humihiling ng ginhawa, patnubay, at pang-unawa. Sa pagbubukas ninyo ng inyong mga isipan at puso para madama ang Espiritu, bibigyan kayo ng Panginoon sa Kanyang sariling panahon at paraan ng mga tagubiling magpapala sa inyong buhay.
Naglalaman din ang mga banal na kasulatan ng mga tagubilin ng sinauna at makabagong mga propeta. “Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran” (2 Kay Timoteo 3:16).
Sa dispensasyong ito binigyan tayo ng Panginoon ng nakagiginhawang payo na “huwag kayong matakot sa inyong mga kaaway, sapagkat aking napagpasiyahan sa aking puso, wika ng Panginoon, na akin kayong susubukin sa lahat ng bagay, kung kayo ay mananatiling tapat sa aking tipan, maging hanggang sa kamatayan, nang kayo ay matagpuang karapat-dapat” (D at T 98:14).
Ang pagsunod sa mga tagubilin ay nangangailangan ng lubos na pagsisikap, matibay na pangako, at pagtitiis hanggang wakas.
“Kaya nga, kinakailangan kayong magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao. Samakatwid, kung kayo ay magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan”
(2 Nephi 31:20).
“At muli sinasabi ko sa inyo, kung inyong susundin ang ano mang ipinag-uutos ko sa inyo, ako, ang Panginoon, ay aalisin ang lahat ng poot at galit mula sa inyo, at ang pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig sa inyo” (D at T 98:22).
“Kung kayo ay handa kayo ay hindi matatakot” (D at T 38:30).
Tulad ng mga nagdaang panahon, tumatanggap tayo ng tagubilin mula sa buhay na propeta ng Panginoon. Nagpapatotoo ako sa inyo na batid kong si Pangulong Gordon B. Hinckley ang propeta ng Panginoon ngayon. Ibinibigay niya sa atin ang inspiradong payo para sa ating panahon.
Sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2001, kanyang sinabi: “Nahaharap tayo ngayon sa matitindi, nakasisira, mahihirap at nakababagabag na mga problema. Talagang kailangan natin ng Panginoon. . . .
“Ang kaligtasan nati’y nakasalalay sa kabutihan ng ating buhay. Ang lakas nati’y nakasalalay sa ating kabutihan. Nilinaw ng Diyos na kung hindi natin Siya tatalikuran, hindi rin Niya tayo tatalikuran” (“Hanggang sa Muling Pagkikita,” Liahona, Ene. 2002, 104–5).
Pagkatanggap ng mga tagubilin, kailangan tayong sumunod at makinig sa ipinapayo sa atin. Kailangan nating pakinggan at sundin ang mga pinunong itinalaga sa atin.
Noong minsan, itinuring ng Tagapagligtas ang mga tao bilang mga tupang walang pastol (tingnan sa Mateo 9:36). Ang bawat miyembro ng Simbahan ay may pastol. Tinatawag natin silang mga lider ng korum, bishop, at stake president.
Pinapayuhan tayo ng Panginoon na saliksikin ang mga banal na kasulatan at sundin ang mga kautusan.
Kanyang ipinangako na lahat ng Kanyang salita ay matutupad, “maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa” (D at T 1:37–38).
Ipinahayag ng Panginoon na “anuman ang kanilang sasabihin kapag pinakikilos ng Espiritu Santo ay magiging mga banal na kasulatan, ang magiging kalooban ng Panginoon, ang magiging kaisipan ng Panginoon, ang magiging salita ng Panginoon, ang magiging tinig ng Panginoon, at ang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan” (D at T 68:3–4).
Kapag wala nang magagawa Pakiusap! Sundin ang mga tagubilin.
Nawa’y gawin natin ito, ang siyang dalangin ko, sa pangalan ni Jesucristo, amen.