ELDER DALLIN H. OAKS
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Kapag nagpapasalamat tayo sa lahat ng bagay, nakikita natin ang mga hirap at pasakit sa konteksto ng layunin ng buhay.
Sa isa sa mga panahon ng espirituwal at temporal na kagipitan na nakatala sa Aklat ni Mormon, nang ang mga tao ng Diyos ay “nagdurusa ng lahat ng bagay,” inutusan sila ng Panginoon na “magbigaypasalamat sa lahat ng bagay” (Mosias 26:38–39). Iaangkop ko ang turong iyan sa ating panahon.
I.
Ang mga anak ng Diyos ay lagi lang inuutusang magpasalamat. May mga halimbawa sa buong Luma at Bagong Tipan. Isinulat ni Apostol Pablo, “Sa lahat ng mga bagay ay magpasalamat kayo; sapagka’t ito ang kalooban ng Dios kay Cristo tungkol sa inyo”
(I Mga Taga Tesalonica 5:18). Itinuro ng propetang si Alma, “Kapag ikaw ay bumangon sa umaga hayaang ang iyong puso ay mapuspos ng pasasalamat sa Diyos” (Alma 37:37). At sa makabagong pahayag sinabi ng Panginoon na “siya na tumatanggap ng lahat ng bagay nang may pasasalamat ay gagawing maluwalhati; at ang mga bagay sa mundong ito ay idaragdag sa kanya, maging isandaang ulit” (D at T 78:19).
II.
Napakarami nating dapat ipagpasalamat. Una sa lahat, nagpapasalamat tayo sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Sa ilalim ng plano ng Ama, nilikha Niya ang mundo. Sa tulong ng Kanyang mga propeta, inihayag Niya ang plano ng kaligtasan kasama ng mga kautusan at ordenansa rito. Isinilang Siya upang ituro at ipakita sa atin ang daan. Nagdusa Siya at nagbayad para sa ating mga kasalanan kung magsisisi tayo. Ibinuwis Niya ang Kanyang buhay at dinaig ang kamatayan at bumangon mula sa libingan nang lahat tayo’y mabuhay na muli. Siya ang Ilaw at Buhay ng Mundo. Tulad ng itinuro ni Benjamin, kung ating “ibibigay ang lahat ng pasasalamat at papuri na makakayang taglayin ng [ating] buong kaluluwa, sa Diyos na siyang lumikha sa [atin], at nagaaruga at nangangalaga sa [atin], at
... paglilingkuran [natin] ng [ating] buong kaluluwa, gayunman, [tayo] ay magiging hindi kapaki-pakinabang na mga tagapaglingkod” (Mosias 2:20–21).
Nagpapasalamat tayo sa mga inihayag na katotohanang nagbibigay ng pamantayang sukatan ng lahat ng bagay. Tulad ng itinuturo sa Biblia, binigyan tayo ng Panginoon ng mga apostol at propeta “sa ikasasakdal ng mga banal” (tingnan sa Mga Taga Efeso 4:11–12). Ginagamit natin ang inihayag na katotohanang ibinibigay nila sa atin, “upang tayo’y huwag nang maging mga bata pa, na napapahapay dito’t doon at dinadala sa magkabikabila ng lahat na hangin ng aral, sa pamamagitan ng mga daya ng mga tao, sa katusuhan, ayon sa mga lalang ng kamalian” (Mga Taga Efeso 4:14). Ang mga nakauunawa sa bawat kalamidad at sinukat ang bawat bagong pamimilit o tuklas laban sa pamantayan ng inihayag na katotohanan ay hindi kailangang “napapahapay dito’t doon,” kundi mapapanatag at mapapayapa. Ang Diyos ay nasa Kanyang kalangitan at ang Kanyang mga pangako ay tiyak. “Huwag kayong mabagabag,” ang sabi Niya sa atin hinggil sa mga pagkawasak na susundan ng wakas ng mundo, dahil “sa panahong ang mga bagay na ito ay mangyari, malalaman ninyo na ang mga pangakong ginawa sa inyo ay matutupad” (D at T 45:35). Anong tibay na angkla sa kaluluwa sa panahong ito ng kaguluhan!
Nagpapasalamat tayo para sa mga kautusan. Sila’y mga direksyong naglalayo sa mga panganib, at nagaanyaya sa mga biyaya. Minamarkahan nila ang landas at ipinakikita sa atin ang daan tungo sa kaligayahan sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa mundong darating.
III.
Nitong huling walong buwan sa Pilipinas narinig ko ang maraming patotoo sa mga biyaya ng ebanghelyo. Nang magsalita sa dedikasyon ng kapilya ng kanyang ward, isang Pilipinong bishop ang nagpasalamat sa mensahe ng ebanghelyo na dumating sa kanyang buhay mga 10 taon na ang nakararaan. Inilarawan niya kung paano siya iniligtas nito mula sa buhay na puno ng kasakiman, kalabisan, at pang-aabuso at ginawa siyang mabuting asawa at ama. Nagpatotoo siya sa mga biyayang dumating sa kanya mula sa pagbabayad ng kanyang ikapu.
Sa pagsasalita sa miting sa pamumuno, isang abogadong tagapayo sa stake presidency at lider sa komunidad ang nagsabi: “Maipapahayag ko sa buong mundo nang walang alinlangan na ang pinakadakilang nangyari sa aking buhay ay ang pagiging miyembro ko ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ito’y . . . nakagawa ng malaking kaibhan sa aking buhay at sa buhay ng aking pamilya kahit na dama kong marami pa akong dapat matutuhan at maipamuhay. Tunay na ang Simbahan ay isang kagila-gilalas at kamanghamanghang gawain.”
Hindi ninyo kailangang maglakbay sa Pilipinas upang danasin ang gayong mga patotoo. Kitang-kita ang mga ito saanman natanggap at naipamuhay ang mensahe ng ebanghelyo. Ngunit labis ang pasalamat namin ni Sister Oaks sa pagkakataong manirahan at maglingkod sa Pilipinas, kung saan libu-libong mababait na miyembro ang nakilala namin sa iba’t ibang lugar at naunawaan namin ang ebanghelyo sa bago at naiibang paraan.
Sa umuunlad na mundo natututuhan natin ang kahalagahan ng pagtatatag ng Simbahan—hindi basta pagtuturo at pagbibinyag, kundi pagpapanatili sa mga bagong miyembro sa pagmamahal, paghirang at pag-oorden, at sa pangangalaga sa mabuting salita ng Diyos. Nalaman namin ang kahalagahan ng paghamon sa mga miyembro na talikuran ang mga tradisyong kultural na salungat sa mga kautusan at tipan ng ebanghelyo at mamuhay upang sila at kanilang mga inapo “ay hindi na . . . mga taga ibang lupa at mga manglalakbay, kundi [sila’y] mga kababayan na kasama ng mga banal, at sangbahayan ng Dios . . . na itinatayo sa ibaba ng kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus din ang pangulong bato sa panulok” (Mga Taga Efeso 2:19–20).
Ang mga taong gumagawa nito ay nagiging bahagi ng pandaigdigang kultura ng ebanghelyo ng mga kautusan at tipan at ordenansa at mga biyaya. Ang gayong mga tao ay dumaranas “ng malaking pagbabago” sa kanilang puso, na “wala na [sila]ng hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti” (Mosias 5:2). Ang wangis ng Diyos ay “nakaukit sa [kanilang] mga mukha” (Alma 5:19). Ang gayong mga alagad ni Cristo ay matatagpuan sa bawat lupain kung saan naitatag ang ebanghelyo at Simbahan. Marami tayong ganito sa Pilipinas, at hinihikayat namin na maparami pa sila. Ginagawa namin ito sa pamamagitan ng paglago mula sa mga sentro ng lakas, pagtuon sa aming turo kung saan may sapat na dami ng mga tapat na miyembrong makikipagkaibigan, magtuturo, magiging huwaran, at tutulong sa mga nagsisikap na mga bagong binyag na pinag-aaralan pa lang ang mga utos at biyaya ng ebanghelyo.
IV.
Ang mga pahayag na pinasasalamatan natin ay nagpapakitang dapat nating pasalamatan maging ang ating mga dalamhati dahil ibinabaling nila ang ating puso sa Diyos at binibigyan tayo ng mga pagkakataong maging gaya ng nais ng Diyos sa atin. Tinuruan ng Panginoon ang propetang si Moroni, “Ako ay nagbibigay ng kahinaan sa mga tao upang sila ay magpakumbaba,” at pinangakuang “kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili” . . . at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila” (Eter 12:27). Sa gitna ng mga paghihirap na dinanas ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Missouri gayon din ang itinuro ng Panginoon at nangako: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo aking mga kaibigan, huwag matakot, maaliw sa inyong mga puso; oo, magsaya kailanpaman, at sa lahat ng bagay ay magbigay-pasasalamat; . . . at lahat ng bagay na kung saan kayo pinahirapan ay magikakalakip na gagawa para sa inyong ikabubuti” (D at T 98:1, 3). At kay Joseph Smith sa mga paghihirap ng Liberty Jail, sinabi ng Panginoon, “Alamin mo, aking anak, na ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti” (D at T 122:7). Naunawaan iyon ni Brigham Young. Ang sabi niya, “Wala ni isang kalagayan sa buhay [o] isang oras ng karanasan na hindi nakabubuti sa lahat ng nag-aaral, at naglalayong mapagyaman ang mga karanasang kanilang tinatamasa” (Mga Turo ni Brigham Young, 200).
Tulad ng sabi ng isang tao, malaki ang kaibhan ng 20 taong karanasan sa 1 taong karanasan na 20 beses naulit. Kung nauunawaan natin ang mga turo at pangako ng Panginoon, matututo tayo at lalago sa ating mga paghihirap.
Maraming inspiradong turo ng ating mga makabagong propeta ang natipon sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan, ang kurso natin para sa Melchizedek Priesthood at Relief Society. Ang walang hanggang mga doktrina at alituntuning nakapaloob sa mga aklat na iyon ay mga bukal ng banal na karunungan at patnubay. Hindi ipagpapalit ng matatalinong guro sa mga ward at branch ang sarili nilang mga paksa at karunungan, ngunit tutuon sila sa mga inspiradong turong ito at ang kaangkupan nito sa kasalukuyang mga pangyayari at hamon.
Halimbawa, sa kasalukuyang tomo mababasa natin ang mga salitang ito ni Pangulong John Taylor tungkol sa pasasalamat sa mga paghihirap: “Marami tayong natutuhan sa pamamagitan ng paghihirap. Tinatawag natin itong paghihirap. Tinatawag ko itong paaralan ng karanasan.... Ang
iniisip ko lamang ay ang layunin ng mga pagsubok na [pa]dalisayin ang mga Banal ng Diyos nang sila, tulad ng sinasabi sa banal na kasulatan, [ay matulad sa] ginto na pitong ulit na dinadalisay sa pamamagitan ng apoy”
(p. 242). Ang mga tagabunsod gaya ni Pangulong John Taylor, na sumaksi sa pagpaslang sa kanilang propeta at dumanas ng mahabang pahirap at di mapaniwalaang mga pagdurusa para sa kanilang pananampalataya, ay pinuri at pinasalamatan ang Diyos. Dahil sa mga hamon at matapang at inspiradong pagkilos nila upang tugunan ang mga ito, lumago ang kanilang pananampalataya at espirituwalidad. Dahil sa kanilang mga dalamhati naging tulad sila ng nais ng Diyos na kahinatnan nila, at inilatag nila ang pundasyon ng dakilang gawaing nagpapala sa ating buhay ngayon.
Gaya ng mga tagabunsod, pasalamatan natin ang Diyos sa ating mga pagdurusa, at manalangin para sa patnubay sa pagharap sa mga ito. Sa saloobing ito at sa pananampalataya at pagsunod natin, makakamit natin ang mga pangako ng Diyos. Bahagi itong lahat ng plano.
Gustung-gusto ko ang pelikulang musikal na Fiddler on the Roof. May napakabait na amang kumakanta ng “If I Were a Rich Man.” Ang di malilimutang dalangin niya ay nagwakas sa pagsamong ito:
Tupa at leon nilikha mo, Utos mo sumunod lang ako.
Masisira ba ang plano mo, Kung napakayaman ko? (mga titik ni Sheldon Harnick [1964])
Oo, Tevye, maaari. Magpasalamat tayo sa kung ano tayo at sa mga kalagayang ibinigay sa atin ng Diyos sa pagtahak natin sa landas ng buhay.
Noong unang panahon itinuro ni Propetang Lehi ang katotohanang ito sa anak niyang si Jacob:
“Sa iyong kamusmusan ikaw ay nagdanas ng mga kahirapan at maraming kalungkutan, dahil sa kalupitan ng iyong mga kapatid.
“Gayunman, Jacob, aking panganay sa ilang, nalalaman mo ang kadakilaan ng Diyos; at kanyang ilalaan ang iyong mga paghihirap para sa iyong kapakinabangan” (2 Nephi 2:1–2).
Gustung-gusto ng nanay ko ang mga salitang iyon at ipinamuhay ang alituntunin nito. Ang pinakamalaking paghihirap sa buhay niya ay nang mamatay ang kanyang asawa, ang aming ama, makaraan lang ang 11 taon ng kanilang pagsasama. Binago nito ang kanyang buhay at labis siyang nahirapan sa paghahanapbuhay at pagpapalaking mag-isa sa tatlong maliliit na anak. Gayunpaman, madalas niyang sabihing inilaan ng Panginoon ang dalamhating iyon para sa kanyang kapakinabangan dahil ang pagkamatay ng asawa niya’y nagbunsod sa kanya na magamit ang kanyang mga talento at maglingkod at marating ang hindi sana niya narating kung hindi sa trahedyang iyon. Ang aming ina ay isang higante sa espirituwal, matibay at ganap na marapat sa mapagmahal na papuri ng kanyang tatlong anak na nakaukit sa kanyang lapida: “Ang Lahat ay Pinalakas ng Kanyang Pananampalataya.”
Ang mga pagpapala ng paghihirap ay umabot sa iba. Alam kong isang pagpapala ang mapalaki ng isang balong ina na ang mga anak ay maagang naturuang magsikap nang husto. Alam kong higit na hirap ang hatid ng kasaganaan at maraming libreng panahon kaysa kaunting pera at pagsusumikap nang husto. Alam kong nagpapalakas ang paghihirap at lumalago ang pananampalataya sa sitwasyong hindi natin makita ang susunod na mangyayari.
V.
Kapag nagpapasalamat tayo sa lahat ng bagay, nakikita natin ang mga hirap at pasakit sa konteksto ng layunin ng buhay. Ipinadala tayo rito upang subukan. Dapat ay may oposisyon sa lahat ng bagay. Dapat tayong matuto at lumago dahil diyan, sa pagtugon sa ating mga hamon at pagtuturo sa iba na gayon din ang gawin. Ang mahal nating kasamahang si Elder Neal A. Maxwell ay nagpakita ng marangal na halimbawa nito. Ang kanyang tapang, ang kanyang kapakumbabaang tanggapin ang paghihirap niya sa kanser, at patuloy na tapat na paglilingkod ay nagpaginhawa sa libu-libo at nagturo ng walang hanggang mga alituntunin sa milyun-milyon. Ang halimbawa niya ay nagpapakita na hindi lang ilalaan ng Panginoon ang ating mga hirap para sa ating kapakinabangan, kundi gagamitin pa Niya ang mga ito upang pagpalain ang buhay ng maraming iba pa.
Itinuro ni Jesus ang aral na ito nang makita nila ng kanyang mga disipulo ang isang lalaking isinilang na bulag. “Sino ang nagkasala, ang taong ito, o ang kaniyang mga magulang, upang siya’y ipanganak na bulag?” tanong ng mga disipulo. “Wala,” sagot ni Jesus. Isinilang na bulag ang lalaki “upang mahayag sa kaniya ang mga gawa ng Dios” (Juan 9:2–3).
Kung titingnan natin ang buhay sa espirituwal na pananaw, makikita natin ang maraming halimbawa ng mga gawa ng Diyos na isinusulong sa pamamagitan ng mga paghihirap ng Kanyang mga anak. Madalas kong bisitahin ang American War Memorial sa Manila. Sa akin, iyo’y sagradong lugar. Libingan iyon ng mahigit 17,000 sundalo, marino at pilotong namatay sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Pacific. Pinararangalan din nito ang mahigit 36,000 iba pang naglingkod na namatay ngunit di natagpuan ang mga bangkay. Sa pagdaan ko sa magagandang dingding na inukitan ng kanilang mga pangalan at pinanggalingan, nakita ko ang maraming sa palagay ko’y matatapat na Banal sa mga Huling Araw.
Sa paggunita sa maraming marapat at mabubuting miyembrong namatay sa digmaan at sa tindi ng dusang dulot nito sa kanilang mga mahal sa buhay, naisip ko ang dakilang pangitain ni Pangulong Joseph F. Smith na nakatala sa bahagi 138 ng Doktrina at mga Tipan. Nakita niya ang napakaraming samahan ng mabubuting espiritu na naging tapat sa patotoo kay Jesus nang sila’y nabubuhay (t. 12). Binuo sila at itinalagang mga sugo, “na nadaramitan ng kapangyarihan at karapatan, at inatasan[g] . . . humayo at dalhin ang liwanag ng ebanghelyo sa kanila na nasa kadiliman, . . . at sa gayon ang ebanghelyo ay naipangaral sa mga patay” (t. 30). Sa paggunita sa mga pahayag na ito at pag-alala sa milyun-milyong namatay sa digmaan, nagagalak ako sa plano ng Panginoon kung saan ang pasakit ng kamatayan ng maraming mabubuting tao ay nauwi sa pagpapala ng mabubuting sugong mangangaral ng ebanghelyo sa napakaraming kapwa nila sundalong namatay.
Kapag naunawaan natin ang alituntuning ito, na nag-aalok ang Diyos sa atin ng mga pagkakataong mapagpala at pinagpapala tayo sa sarili nating mga hirap at mga hirap ng iba, mauunawaan natin kung bakit paulit-ulit niya tayong inutusang “pasalamatan
. . . ang Panginoon ninyong Diyos sa lahat ng bagay” (D at T 59:7).
Dalangin kong mabiyayaan tayo ng pang-unawa sa katotohanan at layunin ng mga doktrina at kautusang inilarawan ko at sapat tayong maging tapat at matibay upang magpasalamat sa lahat ng bagay. Pinatototohanan ko si Jesucristo, ang ating Tagapagligtas at Manunubos at Lumikha, na pinasasalamatan natin, sa pangalan ni Jesucristo, amen.