The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
April 2003
Pangwakas na Panalangin

Pangwakas na Panalangin

PANGULONG GORDON B. HINCKLEY

PANGULONG GORDON B. HINCKLEY

Nagsusumamo ako na bawat isa sa ati’y maghangad na mapalapit pa sa Panginoon at makipag-usap sa Kanya nang mas madalas at may ibayong pananampalataya.

Minamahal kong mga kapatid, tapos nang lahat liban sa gawain. Magpasalamat tayong lahat sa napakagandang kumperensyang ito. Nagpulong-pulong tayo sa kapayapaan nang walang gulong anuman. Pinagnilay-nilayan natin ang mga kamangha-manghang pagpapala ng Panginoon. Nag-ibayo ang pagpapahalaga natin sa mga biyayang napasaatin sa ebanghelyo. Nang marinig natin ang mga patotoo ng mga nagsalita, muling nagningas sa maningning at nag-aalab na liwanag ang sarili nating patotoo sa katotohanan. Sana’y naantig sa kabutihan ang lahat ng nakibahagi sa napakagandang kumperensyang ito, na bawat isa’y napahusay sa naranasan nating magkakasama nitong nagdaang dalawang araw. Sarili ko ang tinutukoy ko sa pagsasabing dama kong mas malapit ako sa Panginoon. Sana’y naranasan din ninyo ito. Tumindi ang pagnanais kong sundin ang Kanyang mga kautusan, ipamuhay ang Kanyang mga turo, at kausapin Siya sa panalangin, nang sa gayo’y mapanatili ko ang kaugnayan sa Kanya na aking Ama at aking Diyos.

Kaya nga, sa pagtatapos natin sa malaking pagtitipong ito ng mga Banal sa mga Huling Araw nagsusumamo ako na bawat isa sa ati’y maghangad na mapalapit pa sa Panginoon, at makipag-usap sa Kanya nang mas madalas at may ibayong pananampalataya.

Mga ama at ina, ipagdasal ang inyong mga anak. Manalangin na mailigtas sila sa mga kasamaan ng mundo, na lumago sila sa pananampalataya at kaalaman, na maituro sila sa buhay na kapaki-pakinabang at mabuti. Mga lalaki, ipagdasal ang inyong mga kabiyak. Ipahayag sa Panginoon ang inyong pasasalamat sa kanila at magsumamo sa Kanya alang-alang sa kanila. Mga babae, ipagdasal ang inyong mga asawa. Marami sa kanila ang nahihirapan sa napakaraming problema at alalahanin. Magsumamo sa Maykapal na gabayan sila, basbasan, protektahan, bigyang-inspirasyon sa mga makatwiran nilang gawain.

Manalangin para sa kapayapaan sa daigdig, nang ang Maykapal na namamahala sa sansinukob ay iunat ang Kanyang kamay at hayaang limliman ng kanyang Espiritu ang mga tao nang hindi sila mag-away-away. Idalangin ang panahon. May mga pagbaha tayo sa isang lugar at tagtuyot sa isa pa. Naniniwala ako na kung sapat ang mga dalanging umaabot sa langit para mabasa ang lupa, sasagutin ng Panginoon ang mga dalanging iyon alang-alang sa mabubuti.

Noong 1969, ako’y nasa Timog Amerika. Nag-eroplano ako mula Argentina hanggang Santiago, Chile. Ang Andes Mountains ay tuyo. Walang niyebe. Nag-aapoy sa init ang damo. Ang Chile ay nasa gitna ng nakapipinsalang tagtuyot.

Nagsumamo ang mga tao sa tulong para mabasa ang lupa.

Inilaan namin ang dalawang bagong gusali sa pagbisitang iyon. Sa bawat serbisyong iyon sa dedikasyon nagsumamo kami sa Panginoon para sa ulan sa lupain. May patotoo ako sa maraming nasa mga miting na iyon na nabuksan ang kalangitan at saganang bumuhos ang ulan kaya hiniling ng mga tao sa Panginoon na patigilin ito.

Manalangin para sa karunungan at pag-unawa habang dinaranas natin ang hirap ng buhay. Kung determinado kayong gumawa ng kahangalan at kapusukan, palagay ko’y hindi kayo pipigilan ng Panginoon. Ngunit kung hahangarin ninyo ang Kanyang karunungan at susundin ang udyok ng damdaming dumarating sa inyo, naniniwala akong pagpapalain kayo.

Maging madasaling mga tao tayo. Palakihin natin ang ating mga anak “sa pag-aalaga at pagpapayo ng Panginoon” (Enos 1:1). Nawa’y matanggap ninyo ang mga karampatang pagpapala ng langit. Sa mga salita sa Deuteronomio, “At ngayon, Israel, ano ang hinihingi sa iyo ng Panginoon mong Dios, kundi matakot ka sa Panginoon mong Dios, lumakad ka sa lahat ng kaniyang mga daan, at ibigin mo siya, at paglingkuran mo ang Panginoon mong dios, ng buong puso mo at ng buong kaluluwa mo” (Deuteronomio 10:12).

Tinitiyak ko, mahal kong mga kapatid, na “Siya, na nagbabantay sa Israel, ay hindi umiidlip, ni natutulog” (Felix Mendelsshon, Elijah).

Mapakumbaba kong idinadalangin na sumainyo ang pagpapala ng langit sa paghahayag ko ng aking pagmamahal sa bawat isa sa inyo. Salamat sa inyong malaking kabaitan sa akin at sa dakilang katapatan at lakas sa pagsulong ng gawain ng Maykapal, sa pangalan ng Panginoong Jesucristo na ating Manunubos, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy