The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
April 2003
Tapat sa Ating mga Tipan

Tapat sa Ating mga Tipan

SUSAN W. TANNER
Young Women General President

SUSAN W. TANNER

Ang pagiging tapat kay Cristo ay nagpapahiwatig ng pagiging tapat sa mga tipan.... Kapag ginagawa natin
ang mga bagay na ito, . . . sumisigla tayo at napupuno ng pag-ibig ang ating puso.

Mula nang tawagin ako anim na buwan pa lang ang nakararaan, nadama ko na ang malaking pag-ibig ng Diyos sa inyo, mahal kong mga kapatid. Ang pinakamimithi ko para sa mga kabataang babae sa buong mundo ay ang malaman ninyo na hindi lang ako ang nagmamahal sa inyo—kundi pati mga magulang at lider ninyo, at lalo na ang inyong Ama sa Langit.

Kung minsa’y mahirap madama ang pagmamahal na ito. May kilala akong kabataang babae na parang lahat ay nasa kanya na. Kapapanalo pa lang niya sa eleksyon ng student body, at ka-oodisyon pa lang niya sa madrigal choir at nakuha siya rito, at kapipili pa lang sa kanya na maging junior prom queen. Isang araw pagkauwi niya galing sa eskwela, sumubsob siya sa kama niya at umiyak. Tinanong ng nanay niya kung ano ang problema at sinabi niyang, “Parang wala akong silbi, walang nagmamahal sa akin; wala akong alam; hindi ako makaagapay sa mga kaklase ko, at ang pangit ko.” Walang mag-iisip na dama niyang nag-iisa siya, nalulungkot, at may kakulangan; ngunit karamihan sa mga kabataan ay nadarama ito paminsan-minsan.

At ilang kabataan natin ang dumaranas ng higit na mga paghihirap. Halimbawa, sa mga kilala kong kabataaang babae, may isang ang ina ay mamamatay na sa kanser. Ang isa’y diborsiyado ang mga magulang. Ang isa ay mag-isang naiiwan sa bahay tuwing Sabado’t Linggo habang nasa labas at nag-iinumang lahat ang kanyang kaibigan. Ang isa’y nalumpo sa isang aksidente. Ang ama ng isa ay pinaglingkod sa militar. Ang isang butihing kapatid ay nag-aalala sa kapatid niyang naliligaw ng landas.

Ano ang makakatulong sa mga kabataang ito sa iba’t iba nilang mabibigat na problema? Ang tema ng Mutwal para sa taong ito, na siyang pokus natin ngayong gabi, ang sasagot diyan. Sinasabi nito, “Kaya nga, kinakailangan kayong magpatuloy sa paglalakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao” (2 Nephi 31:20). Mahal ko ang banal na kasulatang ito. Inilalawaran nito kung paano natin dapat harapin ang mga hamon sa buhay. Kapag nagpapatuloy ako sa paglalakad nang may pagasa at pag-ibig, nadarama ko rin ang pag-asa at pag-ibig.

Ang pagiging tapat kay Cristo ay nagpapahiwatig ng pagiging tapat sa mga tipan. Linggu-linggo inuulit natin ang ating mga tipan sa binyag na “taglayin sa ating sarili ang Kanyang pangalan,” “lagi Siyang alalahanin,” at “sundin ang Kanyang mga kautusan” (tingnan sa D at T 20:77). Tapat tayo kay Cristo kapag ginagawa natin ang mga bagay na ito at sumisigla tayo at napupuno ng pag-ibig ang ating puso. Sa madaling salita, kapag sumusunod ako sa aking mga tipan, nakadarama ako ng pag-asa at pag-ibig.

Ang bata kong kaibigan, na tatawagin kong Lindsey ay nangangailangan ng pag-asa. Nakatira siya sa isang bahay na salat sa Espiritu at pag-ibig.

Galawgaw ang mga kaibigan niya, at karamihan sa mga lider niya sa Young Women ay itinuturing siyang isang “proyekto.” Ngunit alam ng puso niya na mahal siya ng Panginoon, sa kabila ng mahirap niyang kalagayan. Nagpokus siya sa laging pag-alala sa Kanya. Pinili niyang huwag makisama sa kanyang mga kaibigan sa paggawa ng masasama. Sinikap niyang sambahin ang Ama sa Langit sa loob ng sarili niyang silid dahil gusto niyang madama ang Kanyang Espiritu sa kanyang buhay. Parang gusto niyang maging mabuti, na tuparin ang Kanyang mga kautusan. Maging sa limitado niyang kaalaman at kakulangan sa tulong, sinisikap niyang tuparin ang mga tipan niya sa binyag. Nakadama siya ng pagasang magpatuloy, at ng pagmamahal ng Ama sa Langit.

Nangako ang Panginoon na hindi Niya tayo kalilimutan dahil Kanyang “inanyuan [tayo] sa [Kanyang] mga palad” (Isaias 49:16). At ang pangako natin sa Kanya ay hindi natin Siya kalilimutan dahil iniukit natin Siya sa ating puso.

Itinuro ito sa mga naunang Banal nang naghihirap sila sa Missouri. Pinayuhan sila ng Panginoon na “matiyagang [maghintay] sa Panginoon, sapagkat ang inyong mga panalangin ay nakarating sa tainga ng Panginoon. . . .

“Samakatwid, ibinigay niya ang pangakong ito sa inyo, nang may hindi mababagong tipan na ang mga yaon ay matutupad; at lahat ng bagay na kung saan kayo pinahirapan ay magkakalakip na gagawa para sa inyong ikabubuti” (D at T 98:2–3). Hindi tinanggal ng pangakong ito ang mga pagsubok nila, kundi tunay itong nagbigay-aliw sa kanila, nagbigay sa kanila ng pag-asa sa hinaharap.

Si Abraham man ay nagpatuloy na maglakad nang may katatagan, na tiwala sa mga pangako ng Diyos sa kanya. Tuwing babasahin ko ang tungkol sa pagpunta ni Abraham sa Bundok ng Moria upang ialay ang anak niyang si Isaac bilang sakripisyo, nag-aalala ako para sa kanya. Hindi niya alam ang bunga ng pagsubok na iyon na tulad ng pagkakaalam natin ayon sa kasaysayan. Hindi niya alam ang kalalabasan ng kanyang gagawin. Pero matatag pa rin siya. Tiwala siya sa pangakong pagpapalain siya ng Panginoon. Hindi naging hadlang ang anumang kabang nadama niya sa patuloy na pagiging tapat kay Cristo.

Tulad ng mga Banal sa Missouri, alam ni Lindsey na sa kabila ng hirap niyang kalagayan, hindi siya iiwan ng Ama sa Langit. Matatag ang Kanyang pag-ibig. Nabigyan siya ng aliw sa “di mababagong tipan” ng Kanyang pagmamahal—na “lahat ng bagay na kung saan kayo pinahirapan ay magkakalakip na gagawa para sa inyong ikabubuti” (D at T 98:3). Tulad ng kay Abraham, hindi naging madali ang kanyang kalagayan, subalit nagpatuloy siya. Habang ginagawa niya ito, nakatagpo siya ng tulong. Isang espesyal na lider ng Simbahan ang nagmahal at pumatnubay sa kanya. Mas napalapit siya sa Ama sa Langit at kalauna’y nakatagpo ng isang binatang magmamahal sa kanya, na maraming itinuro sa kanya tungkol sa ebanghelyo, at pinakasalan siya.

Sa wakas marami sa mga pagpapalang kinasabikan niya noong bata pa siya ay tinamasa niya. Nalaman niyang maaaring mapasapamilya niya ang Espiritu at mapalaki niyang mababait ang mga anak. Kung noo’y nag-iisa siya at napabayaan, ngayo’y naliligiran siya ng pagmamahal. Nangyari ito dahil nagpatuloy siya habang matiyagang naghihintay sa Panginoon. Ang pagiging tapat niya sa Panginoon ang naghatid ng pag-asa kay Lindsey at gayon din sa bawat isa sa atin sa mga pagsubok natin sa buhay. Mahihikayat tayo ng mga salitang aawitin ng koro ngayong gabi na lumapit sa Kanya:

“Anupaman ang suungin, O ang magbanta sa akin, Ako’y Kanyang ‘nililigtas, S’ya ang tanggulan kong angkin. Sa Kanya ay magsilapit, Kayong mga naninimdim, Kayong hanap ay pahinga, Mangagsilapit sa Kanya!” (“Mangagsilapit sa Kanya,” Mga Himno, blg. 65).

Habang ang pagtupad sa mga tipan ay nagbibigay-pag-asa sa atin na magpatuloy, binabago rin nito ang puso. Itinuturo ng Panginoon sa Jeremias, “Ito ang tipan na aking ipakikipagtipan. . . Aking itatala ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat sa kanilang puso” (Jeremias 31:33). Pinatataba ng mga tipan ang ating puso at ipinadarama sa atin “ang pag-ibig ng Diyos at ng lahat ng tao” (2 Nephi 31:20). Tandaan, kapag tinutupad natin ang ating mga tipan, nakadarama tayo ng pag-asa at pag-ibig. Itinuro ni Jesus sa Sermon sa Bundok ang magagandang katangian ng puso tulad ng pag-ibig, pagpapatawad, at awa. Itinuro Niya sa atin bilang Kanyang mga disipulo na taglayin natin ang Kanyang pangalan at katangian. Binabago nito ang ating puso at ang relasyon natin sa iba. Sinabi ni Elder Marvin J. Ashton, “Kung tunay tayong nagbalik-loob kay Jesucristo, nangangako sa Kanya, isang kahangahangang bagay ang nangyayari: nababaling ang ating pansin sa kapakanan ng ibang tao, at ang pakikitungo natin sa mga tao ay napupuspos ng tiyaga, kabutihan, [at] masuyong pagtanggap” (“The Tongue Can Be a Sharp Sword,” Ensign, Mayo 1992, 20).

Mas magiging tapat ba kayo kay Cristo sa sarili ninyong tahanan, kasama ang mga miyembro ng sariling ninyong mga pamilya? Kapag nangako kayong taglayin sa inyong sarili ang Kanyang pangalan at mga katangian, kailangan ninyong mas malumanay na magsalita, mas maging mabait, mas maglingkod nang di makasarili sa inyong mga kapatid, at mas hayag na pahalagahan at tulungan ang inyong mga magulang.

Ginawa na ito noon ng anak naming lalaki nang mamasyal ang pamilya. Nagbiyahe kami nang malayo para makita ang isang magandang kastilyo. Nang makarating kami roon, isa sa mga nakababatang anak naming babae ay pagod at may sumpong na. Ayaw niyang lumabas ng kotse para lumakad nang kaunti papuntang kastilyong hangad naming makita. Karamihan sa amin ay nawalan ng pasensya sa kanya. Ngunit masuyong pinasan siya sa likod ng 14-na-taong gulang na anak naming lalaki at dinala ito sa kastilyo. Nawala ang tensyon ng sandaling iyon sa mahinahon niyang pagpapakita ng pagmamahal. Mas buhay iyan sa aming alaala kaysa sa kastilyong nakita namin.

Kung minsa’y mas mahirap ang maging mabait sa sarili nating tahanan. Nangangailangan ito ng sigasig upang “patuloy na lumakad.” Ngunit kapag tinutupad ninyo ang inyong tipan, matututo rin kayong mas mahalin ang mga taong nakabuklod sa inyo sa kawalang-hanggan. At mas maibabahagi ninyo ang inyong pagmamahal sa ibang tao.

Ilang taon na ang nakalilipas nanirahan ang pamilya ko sa Brazil sa maikling panahon. Dalawang linggo bago kami umuwi, naaksidente kami. Habang pauwi kami sakay ng kotse sa gitna ng malakas na ulan mula sa sakrament miting, pumasok kami sa isang sangandaan. Isang kotse ang umatras mula sa likod ng isang nakahimpil na sasakyan at nabangga ang gilid ng kotse namin. Mabuti na lang walang isa mang nasaktan sa dalawang sasakyan, subalit kapwa lubhang nayupi ang mga sasakyan. Habang palabas ng kotse ang asawa kong si John para kausapin ang kabilang drayber, ipinilit ko sa kanyang hindi namin iyon kasalanan. Di nagtagal ay bumalik siya sa kotse at mabagal na nagmaneho pabalik sa munting bahay naming tinitirhan sa bukid, na dinig ang kumakaskas na piraso ng bakal sa gulong ng sasakyan sa bawat ikot nito. Sumunod ang kabilang kotse. Ang tanging sabi ni John ay, “Mamaya na ako magpapaliwanag.”

Nang makauwi kami, kinuha ni John ang maliit na sobreng lalagyan namin ng perang pang-emergency at binayaran ang kabilang pamilya para maipaayos nila ang kotse nila. Masaya silang umalis. Nabigla ako. Tapos ay tinipon ni John ang buong pamilya namin. Nagpapaumanhin siyang nagpaliwanag sa kanyang ikinilos. “Alam kong hindi natin kasalanan ang aksidente, pero habang nakikipag-areglo ako sa kanila, ang tanging laman ng isip ko ay mahigit isang oras pa lang ang nakalilipas ay nakipagtipan ako sa Ama sa Langit na lagi kong gagayahin ang gagawin Niya. Alam kong kung ako Siya, maaawa Siya sa pamilyang iyon at gagawin Niya ang lahat para tulungan sila.” Isa siyang huwarang asawa at ama! Naalala niya ang kanyang mga tipan. Sa pagkilos niya nang may pagmamahal na tulad ni Cristo, maraming puso ang napalambot niya.

Nagpapatotoo ako sa inyo na kapag naaalala ko ang aking mga tipan sa bawat araw, nadarama ko ang pag-asa at pag-ibig. Alam kong ang pagiging tapat kay Cristo ay naghahatid sa puso ko ng ganap na kaliwanagan ng pagasa sa akin at pagmamahal sa Diyos at sa lahat ng tao.

“Ano’ng hinihiling sa ‘tin? Ano ang tagubilin? Tularan ang Kanyang Anak, Ang kapwa’y mahalin” (“Isinugo, Kanyang Anak,” Aklat ng mga Awit Pambata, 20–21; Liahona, Abr. 1992, F11). Dalangin kong bawat isa sa ati’y lalapit kay Cristo upang magkaroon ng pag-asa at susunod sa Kanyang halimbawa ng pagmamahal, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy