ELAINE S. DALTON
Pangalawang Tagapayo ng Young Women General Presidency
Makapagpapatuloy kayo sa inyong pangarap. Tutulungan kayo ng Espiritu Santo na manatiling matatag, at ng patotoo ninyo sa Tagapagligtas na magpatuloy nang may ganap na kaliwanagan ng pag-asa.
Sa isang pier sa Copenhagen, Denmark, ay may estatwa ng dalagang si Kristina. Nakatayo si Kristina na nakatanaw sa dagat tungo sa mithiin niyang makasama ang mga Banal sa Sion. Hinahampas siya ng malakas na hangin, ngunit di siya lumilingon. Matatag siya habang patuloy na ginagawa ang mahirap na bagay na alam niyang tama. Gustung-gusto ko ang estatwang iyon, dahil para sa akin kinakatawan ni Kristina ang kalola-lolahan kong taga Denmark na piniling sumapi sa Simbahan sa kabila ng pagtutol ng lahat. Salamat sa kanyang tapang at patotoo. Sa desisyon niya noon nakasalalay hindi lang ang walang-hanggang kapalaran ko, kundi ang kapalaran ng maraming henerasyon.
Sa Aklat ni Mormon, sinasabi sa atin ni Nephi na kaya nating “magpatuloy sa paglalakad” (2 Nephi 31:20). Hindi lang natin kaya kundi kailangan. Marahil gaya ni Kristina ay nakikita ni Nephi na may epekto sa maraming henerasyon ang matatag na pagpili ng isang tao. Nang pabalikin ng kanyang ama si Nephi sa Jerusalem para kunin ang mga lamina ni Laban, sinabi ni Nephi, “At masdan, iyon ay karunungan sa Diyos na nararapat nating makuha ang mga talaang ito, upang mapanatili natin para sa ating mga anak ang wika ng ating mga ama” (1 Nephi 3:19; idinagdag ang diin). Iniisip ni Nephi ang kanyang magiging pamilya, kahit wala pa siyang mapapangasawa noon. Tandaan na nag-iisa ang pamilya niya noon sa ilang! Hindi lang may ideya si Nephi kung paano bumalik sa tahanan niya sa langit, kundi may ideya rin siya kung ano ang gusto niya sa tahanan niya sa lupa.
Tutulungan kayo ng Tagapagligtas na makita at maunawaan ang nais Niya para sa inyo. Kayo ang mga mahal Niyang anak. Kilala Niya ang bawat isa sa inyo at may plano Siya para sa inyo. Nangako Siya na habang namumuhay kayo nang marapat, laging sasainyo ang Kanyang Espiritu.
Gaya ng malakas na ihip ng hangin sa kabilang direksyon na dinanas ni Kristina sa pier sa Denmark, bawat isa sa inyo’y daranas ng pagsalungat mula sa mga puwersa ng mundo. Ang “magpatuloy sa paglalakad” ay nagpapahiwatig ng pagsalungat. Hindi sinasabi ng banal na kasulatan na lumakad nang pasulong, o kumilos nang pasulong, o basta sumulong. Ang sabi’y patuloy na lumakad! Para magawa ito, kailanga’y alam ninyo kung saan kayo patungo.
Tutulungan kayo ng Espiritu Santo na manatiling matatag, at ang patotoo ninyo sa Tagapagligtas ang tutulong para makapagpatuloy kayo nang may ganap na kaliwanagan ng pag-asa.
Ilang taon na ang nagdaan, nakasali kaming mag-asawa sa pagtakbo sa Boston Marathon. Noong gabi bago mag-marathon, sa pagsisikap na mapakiramdaman kung paano makatapos sa karera, nagpunta kami sa kabayanan ng Boston mga isang milya mula sa finish line. Sa katahimikan ng gabi’y itinali namin ang sintas ng aming mga sapatos at tinakbo ang huling milya hanggang dulo. Pagtawid namin sa linya ay magkahawak kaming nagtaas ng kamay at nagkunwang nanalo kami sa karera! Inisip namin ang libu-libong manonood na humihiyaw sa galak. Kinabukasa’y tumakbo kami sa karera. Napakalayo ng dalawampu’t anim na milya (41.3 km). May mga burol na tinatawag na “Heartbreak” dahil mahirap akyatin ito. Habang tinatakbo ko ang mga burol, tinandaan ko ang finish line na iyon at ang pakiramdam ng tagumpay na makalampas sa linya noong nakaraang gabi. Ang pag-iisip sa finish line ang tumulong sa akin para matapos ang marathon sa napakalamig na unos ng New England.
Ang pag-iisip sa kinabukasan ang tutulong sa inyo para magpatuloy. Isipin sandali kung ano ang gusto ninyong marating sa susunod na isa o dalawa o limang taon. Tapos ay kumilos para ihanda ang inyong sarili. Hindi basta-basta tumatakbo sa marathon ang mga tao kung kailan nila gusto. Kailangan nilang magsanay araw-araw, dahan-dahang magkaroon ng lakas at tiyagang takbuhin ang layong
42.2 kilometro. Ganyan din sa buhay. Araw-araw na sipag sa pagdalangin at pag-aaral ng banal na kasulatan ang tutulong para makamit ang inyong mga mithiin. Ang mga desisyon ninyo sa araw-araw ay makaiimpluwensiya sa maraming henerasyon.
Seminary ang tumulong kay Melissa na pangarapin ang uri ng dalagang nais niyang maging balang araw. Hindi siya miyembro ng Simbahan natin noon, pero nag-enrol sila ng kanyang mga kaibigan sa seminary. Nang mag-18 na siya, tinuruan siya ng mga misyonero. Alam niyang totoo ang mga itinuro nila sa kanya! Napakagiliw ng espiritu sa binyag niya. Parang hindi lang mga kaibigan at pamilya niya ang naroon kundi pati na ang magiging pamilya niya. Sinabi ng bishop na halos marinig niyang sinasabi ng magiging pamilya niya na, “Salamat, Inay!”
Tulad ni Melissa, gumawa kayo ng mga tipan sa binyag. Gagabayan kayo ng Espiritu Santo sa pagtupad ninyo ng inyong mga tipan. Poprotektahan at palalakasin kayo ng Espiritu Santo at sasabihin sa inyo ang “lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:5). Kakaiba kayo sa mundo dahil sa kaloob na ito.
Alam naming maraming sumasalungat sa inyong mga pamantayan. Sinabi sa akin ng mga dalagita sa
Tennessee at Arkansas na sinasalungat sila sa eskwelahan dahil sa paniniwala nila. Ang mga dalagitang nakilala ko sa Haiti ay araw-araw ding pinipilit sumali sa mga bagay na di angkop para sa mga kabataang babae ng tipan. Gayunman makikita sa mga mata nila ang pag-asang dulot ng ebanghelyo. Nananatili silang matatag dahil nakikinig sila sa “marahang bulong na tinig” (I Mga Hari 19:12) ng Espiritu Santo at sumusunod sa mga paramdam nito.
Gagabayan kayo ng Espiritu Santo sa pagdedesisyon para sa hinaharap. Isa pang dalagitang kilala ko ang nakikipagdeyt sa isang matangkad at makisig na binata—ang pinamahusay na manlalaro sa basketball team ng eskuwela at senior class president. Habang pinag-uusapan ang mga plano nila sa hinaharap, ipinaliwanag ng babae na nagpasiya na siya noon pa na magpakasal sa templo sa isang nakauwi nang misyonero. Walang planong magmisyon ang lalaki, at di na ito kumibo. Nang sumunod na Pasko, binigyan nito ng munting regalo ang babae. Nang buksan niya ito, nakita niyang liham ito ng propeta ng Diyos na tinatawag sa misyon ang kaibigan niya. Ang mabuting impluwensiya nito ang tumulong sa lalaki na gawin ang mahalagang pasiyang iyon.
Maiimpluwensiyahan din ninyo ang mga binatilyong kahalubilo ninyo para “lalo pang magpakabuti at magpakahusay” (Gordon B. Hinckley, “The Quest for Excellence,” Liahona, Set. 1999, 8). Matutulungan ninyo silang maghanda at maglingkod nang marangal sa misyon, at manatiling malinis ang puri para taglayin ang priesthood nang may dangal. Ang mabuting impluwensiya ninyo sa buhay ng isang binatilyo ay magkakaroon ng walanghanggang epekto hindi lang sa buhay niya kundi sa buhay ng maraming henerasyon.
Sa edad na 15, nagpasiya ang anak naming si Emi. Isang umaga napansin kong nakabuklat ang kanyang Aklat ni Mormon sa kabanata 48 ng Alma. Minarkahan niya ang mga talatang naglalarawan kay Kapitan Moroni: “Si Moroni ay isang malakas at makapangyarihang lalaki; siya ay isang lalaking may ganap na pang-unawa. . . .
Oo, at siya’y isang lalaking di matitinag sa pananampalataya kay Cristo” (tt. 11, 13).
Sa gilid ng pahina ay isinulat niya, “Gusto kong mapangasawa ang tulad ni Moroni.” Lumipas ang pitong taon, totoo nga! Napangarap ni Emi ang gusto niyang mapangasawa nang basahin niya ang mga banal na kasulatan at sundin ang mga paramdam ng Espiritu Santo. Nalaman at naunawaan din niya ang Tagapagligtas at ang Kanyang “dakilang plano ng kaligayahan” (Alma 42:8).
Habang binabasa ninyo ang mga banal na kasulatan, malalaman ninyong ang Tagapagligtas ay hindi lang ilaw at buhay ng daigdig; Siya ang tangi nating pag-asa. Sa Kanya’y makaaasa kayong makabalik sa piling ng inyong Ama sa Langit. Sa Kanya’y makakapagsisi kayo at madadaig ninyo ang mga bagay na hahadlang sa katatagan ninyo. Sa Kanya’y magkakaroon kayo ng lakas at tapang para magpatuloy sa paglakad kahit pasalungat ang hangin.
Ngayo’y baka hindi na ninyo kailangang tumayo sa pier at mahirapang magdesisyong tulad ni Kristina. At baka hindi na kayo kailanman aakyat sa mga burol ng marathon. Ngunit mahaharap kayo sa mga pagpiling may mga epekto sa kawalang-hanggan.
Makapagpapatuloy kayo sa inyong pangarap. Tutulungan kayo ng Espiritu Santo na manatiling matatag at ng patotoo ninyo sa Tagapagligtas na magpatuloy nang may ganap na kaliwanagan ng pag-asa.
Maaaring may matatarik na burol sa unahan, ngunit nangako ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo na sasamahan Niya kayo sa bawat hakbang. Wala nang mas mahalagang pagkakataon para magpatuloy sa paglalakad at maging matatag.
At tulad ni Nephi ay sinasabi ko, “Kaya nga, kinakailangan kayong magpatuloy nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa. . . . Samakatwid, kung
kayo ay magpapatuloy, . . . at magtitiis hanggang wakas, . . . ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (2 Nephi 31:20; idinagdag ang diin). Sa pangalan ni Jesucristo, amen.