The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
April 2003
Ang Magagandang Katangian ng Mabubuting Anak na Babae ng Diyos
Arrow icon acting as a button to Previous Page Previous      

Ang Magagandang Katangian ng Mabubuting Anak na Babae ng Diyos

PANGULONG JAMES E. FAUST
Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan

PANGULONG JAMES E. FAUST

Hinihimok ko kayong palakasin ang magagandang katangiang taglay na ninyo at magpasiyang dagdagan pa ito.

Minamahal kong mga batang kapatid, labis ang kagalakan kong makasama kayo dahil napakalaki ng potensyal ninyo para sa kabutihan. Kayo’y mahalagang bahagi ng magiging kapalaran ng Simbahan at ng daigdig, gaya ng inyong mga ina, tiya, at lola noong mga nagdaang taon. Maaari kayong lumigaya nang higit kaysa pinapangarap at inaasahan ninyo.

Karangalan nating makapiling ngayong gabi sina Pangulong Gordon B. Hinckley, Pangulong Thomas S. Monson, at iba pang mga General Authority. Pinupuri ko sina Sister Tanner, Sister Beck, at Sister Dalton sa napakahuhusay nilang mensahe tungkol sa katatagan kay Cristo. Ang musika ng korong ito ng mga kabataang babae ay talagang napakahusay din.

Noong Marso 19, 2003, nagpadala ng liham ang Unang Panguluhan sa mga lider ng priesthood na humihimok sa kanilang tulungan ang mga kabataang babae sa malaking hamon ng kanilang pagdadalaga. Napakahalaga nito. Binibigyang-diin sa liham na bagama’t mga magulang ang may pangunahing pananagutan, ang mga bishopric, lider ng Young Women, at Relief Society ay dapat magtulungan upang maging malakas ang ating kadalagahan sa panahong ito.

Mahal kong mga batang kapatid, sa paglalakbay ko sa Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo, nakilala ko ang ilan sa inyong magagaling na dalagita at hanga ako sa inyong katatagan. Walang pag-aatubili kong sasabihing maaari kayong magkaroon ng “ganap na kaliwanagan ng pag-asa” sa inyong hinaharap at walang-katapusang kagalakan kung kayo’y “susulong” bilang mabubuting anak ng Diyos.1 Kayo’y mga dalagitang may magagandang katangian at dakilang pangako. Hinihimok ko kayong palakasin ang magagandang katangiang taglay na ninyo at magpasiyang dagdagan pa ito.

Ngayong gabi gusto kong banggitin ang ilan sa magagandang katangiang ito. Marami ang di lubos na nakauunawa sa kahulugan ng magandang katangian. Ang karaniwang pagkaunawa rito ay kalinisang-puri, ngunit ang magandang katangian sa buong kahulugan nito ay saklaw ang lahat ng kagandahang-asal na tumutulong sa paghubog ng ating pagkatao. Sa isang lumang binurdahang tela sa museo ng Newfoundland, na tinahi noong 1813, ay mababasa: “Ang magandang katangian ang pinakamahalagang kagandahan ng isipan, ang pinakamaharlikang palamuti ng sangkatauhan. Ang magandang katangian ang ating tanod at gabay na pumupukaw sa katwiran kapag inililigaw tayo ng ating pandama.”

Magmumungkahi ako ng 10 magagandang katangian na maaari ninyong hangarin sa paghahanap ng kahusayan at kaligayahan:

1. Pananampalataya

Una kong inilista ang pananampalataya dahil ito ang pinakamahalaga. Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo ang “saligan ng lahat ng matwid.”2 Ipinangangako ko sa inyong mga binibini na kung sisikapin ninyong sundin ang mga kautusan, patuloy na lalago ang inyong pananampalataya. Sa pagsampalataya, tayo’y nagiging masayahin at gumaganda ang ating pananaw, mapagkawanggawa at malakas ang loob, dahil pananampalataya ang nagpapakilos sa lahat ng magagandang katangiang ito.

2. Katapatan

Nagkuwento ang isang dalagita sa isang volleyball team sa unibersidad nang sila ng kaibigan niyang si Muki ay magkasamang naglaro sa isang kampeonato:

“Tanda ko’y mahigpit ang laban noon. . . . Si Gracie [sa team ng kalaban] ang titira sa bola, tumalon siya, at tinira ang bola nang ubod-lakas. . . .
Sinabi ng mga hurado na lampas ito sa linya, at itinaas ng punong opisyal ang kanyang daliri para isenyas ang puntos [ng aming team]. Nagbabatian kami’t nagkakasiyahan nang mapansin naming sumesenyas si Muki sa opisyal na nahipo niya ang bola nang tangkain niyang harangin ito. Inamin ni Muki ang pagkakamali niya. Sumenyas . . . ang mga hurado . . . na lampas ito sa linya, [pahiwatig] na walang nakahipo sa bola.

“Ang tahimik at mahiyaing si Muki ay nagpakita ng integridad at katapatan na hindi ko nakita kailanman. Hangang-hanga si Gracie Shute kaya kinausap niya si Muki matapos ang laban. . . . Sa huli’y binigyan ni Muki si
Gracie ng Aklat ni Mormon. Di ko alam kung nabasa na ni Gracie ang aklat . . . , pero alam kong naantig siya ng halimbawa ni Muki, gaya naming lahat.3

Hindi ka magiging tapat sa iba kung hindi ka tapat sa iyong sarili.

3. Kalinisang-puri

Sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” mababasa nating, “Ang banal na kapangyarihang lumikha ng bata ay nararapat lamang gawin ng lalaki at babae, na ikinasal bilang mag-asawa ayon sa batas.”4 Sinabi pa ng Panginoon sa Aklat ni Mormon, “Ako, ang Panginoong Diyos, ay nalulugod sa kalinisang puri ng mga babae.”5 Ang mga nakikipagniig sa taong hindi nila asawa ay malamang na usigin ng budhi at masaktan nang husto ang kalooban at katawan. Ang mga pagtatalik ng mga lalaki at babae sa labas ng mga hangganang itinakda ng Panginoon ay nagdudulot ng matinding pighati, kahihiyan, kawalan ng dangal, at lungkot sa mga sangkot.

Sa kabaligtaran, kapag ang sagradong mga kaloob na ito’y ginamit ayon sa layon ng Panginoon sa loob ng bigkis ng kasal sa templo, dulot nito sa ati’y lubos na galak at ligaya. Nagiging mga katuwang tayo ng Diyos sa pagkakaroon ng pamilya at inapo. Ang kalinisang-puri bago makasal na sinusundan ng katapatan matapos ikasal ay sagradong pasaporte sa paggalang sa sarili at ligaya para sa lahat. Gusto kong ulitin ang mabuting payo ni Pangulong N. Eldon Tanner, “Laging tandaan na mas malayo ang mararating ninyo sa paggalang kaysa sa katanyagan.”6 Basahin ninyo ang napakahusay na payo sa kadalisayang sekswal na nasa polyetong Para sa Lakas ng mga Kabataan.

4. Pagpapakumbaba

Ang pagpapakumbaba ay pagtitimpi. Halimbawa, kapag ikaw ay pinuri, magiliw itong tanggapin, ngunit huwag itong ipagyabang. Kayong mga dalagita ay marami nang alam, ngunit marami pa kayong matututuhan. Ang taong mapakumbaba ay madaling turuan. Tunay na nangako ang Panginoon, “Sapagkat ang aking Espiritu ay isinugo sa daigdig upang bigyangliwanag ang mga mapagpakumbaba at nagsisisi.”7 Isa sa mga paborito kong sawikain ay: “Matutong magsabi ng, ‘Hindi ko alam.’ Kung angkop ang paggamit, madalas ninyo itong mababanggit.”8

5. Disiplina sa Sarili

Kailangan ninyo ng lakas para madisiplina ang sarili upang maisagawa ang inyong mga mithiin at mapaigi ang inyong likas na kalakasan. Ang mga nakagawiang disiplina sa sarili noong bata pa ay magiging bahagi ng inyong pagkatao habambuhay. Ang pagkataong nahubog mula sa disiplina sa sarili ay babangong kasama ninyo sa Pagkabuhay na Mag-uli.9

Ang alituntunin ng pagtatrabaho ay bahagi ng disiplina sa sarili. Ngayon mahal kong mga batang kapatid, di hamak na mas matanda ako kaysa sa inyo, ngunit kahit noong panahon ni Lolo ay may isang bagay na magpapatulog sa inyo nang mahimbing—tinawag nila itong trabaho.

6. Pagiging Patas

Kailangan tayong maging patas at mahabagin sa pakikitungo sa ating kapwa-tao. Ibinigay sa atin ng Tagapagligtas ang talinghaga ng dimakatwirang alipin na malaki ang utang. Pinatawad ng kanyang panginoon ang utang niya, ngunit ang aliping ito’y humayo at ipinakulong ang kapwa niya alipin dahil sa mas maliit na utang. Kinagalitan siya ng kanilang panginoon sa hindi pagpapakita ng habag na natanggap niya mismo, at pagkatapos ay ipinakulong din siyang tulad ng kapwa niya alipin.10

Kung magiging patas kayo sa ibang tao, malamang na maging patas din sila sa inyo. May kuwento tungkol sa isang guro sa Sunday School na nagtuturo ng prinsipyong ito. Ang sabi niya sa kanyang klase, “Tandaan, narito tayo para tulungan ang iba.” Isang batang babae sa klase niya ang nagtanong, “Kung gayon, ano pa ang gagawin ng iba?”

7. Pagtitimpi

Bahagi ng diwa ng Word of Wisdom ang pagtitimpi sa lahat ng bagay, maliban sa mga bagay na tahasang ipinagbawal ng Panginoon. Makabubuting iwasang magmalabis sa pananamit, estilo ng buhok, pagpapaganda, pagkilos, pananalita, at musika. Ang pagmamalabis ay aakit ng pansin ng ilan, ngunit mas malamang itong makawalang gana sa mga pinahahanga ninyo.

Noong binatilyo pa ako, nagpunta kami ng mga kaibigan ko sa isang peryahan, kung saan sumakay kami ng flying saucer. Parang plato itong nakataob at ikot nang ikot. Karamihan sa amin ay nagsikap pumagitna para hindi kami ihagis ng puwersa ng ikot habang papabilis ito. Kung minsan ang mga nasa gilid ay hahatak ng isang kaibigan na mas malapit sa gitna, at iyon ang hahatak sa dalawa palabas ng saucer. Agad kong nalaman na mas mahina ang puwersa ng ikot sa gitna. Mas ligtas ako sa gitna kahit patuloy sa pagikot ang saucer. Ngunit mapanganib kapag kumapit sa akin ang nasa gilid. Natutuhan ko na ang kaligtasan ay nasa pananatiling malapit sa gitna.

8. Kalinisan

Maraming taon na ang nakaraan, dinalaw namin nina Pangulong Howard W. Hunter at Sister Faust ang ilang estudyante ng BYU nang ilagak ang programang pag-aaral sa ibayongdagat sa Jerusalem sa isang kibbutz, o bahay-tuluyan sa Israel. Sa pintuan ng dalawa sa mga estudyante ay may paskil na nagsasabing, “Kung kalinisan ang kasunod ng kabanalan, maligayang pagpasok sa purgatoryo!”

Nagbigay ng napakainam na payo si Pangulong Hinckley nang sabihin niya: “Maging malinis sa pananamit at pag-uugali. . . . Ang panahon natin
ngayon ay naging panahon na ng bulagsak na pananamit at pag-uugali. Pero hindi ko masyadong inaalala ang suot ninyo basta malinis lang
ito. . . . Tiyakin ang pansarili ninyong
kalinisan.”11 Tandaan na bahagi ng paghatol sa inyo at sa Simbahan ang inyong kalinisan at kaayusan.

9. Lakas ng Loob

Kailangan ninyong mga mahal na binibini ang malaking tapang—tapang para makaiwas sa pamimilit ng barkada, malabanan ang tukso, matiis ang panlilibak o pagtatakwil, manindigan sa katotohanan. Kailangan din ninyo ng tapang para harapin ang mga hamon ng buhay. Isang dalagitang mananakbo ang sumulat: “Madalas akong matuksong sumuko at tumigil na sa karera ng takbuhan. Sa unang takbo ko ngayong taon, nang muntik na akong matalo at tumigil sa pagtakbo, pumasok sa isip ko ang mga titik sa ikatlong talata ng ‘Saligang Kaytibay.’ Nagpatapang ito sa akin para tapusin ang karera.”12

Ako’y kapiling, kung kaya’t h’wag mangamba, Ako’y inyong Diyos na tutulong sa t’wina. Itataguyod at lakas ay iaalay, Kamay ko ang inyong gabay.13

10. Biyaya

Sinabi sa atin sa Doktrina at mga Tipan na dapat tayong “lumaki sa biyaya.”14 Ang biyaya ay kabutihang bigay ng Diyos. Ito ang kapasiyahang maging mabait at gumawa ng mabuti. Ito’y kaakit-akit na ugali o gawa; “isang kaibig-ibig at mabining anyo.”15 Ang halina ay pang-akit mula sa personal na dignidad; isang kagandahan ng kaloobang mula sa pagpapahalaga sa sarili. Sinasabing ang ekspresyon sa mukha ang pinakamahalagang maisusuot ninyo. Isang makisig na binatang kilala ko ang may listahan ng mga katangiang hanap niya sa mapapangasawa. Pagiging masayahin ang unang-una sa listahan.

Madalas nating makitang hinahamak ang impluwensiya ng mabubuting babae. Ito’y impluwensiyang hindi madalas mapansin ngunit matindi ang bunga. Malaking kaibhan ang magagawa ng isang babae sa isang bansa. Dalawang halimbawa ang babanggitin ko mula sa mga banal na kasulatan, isang masama at isang mabuti.

Sa aklat ni Eter, inakit ng magandang anak ni Jared si Akis sa mapanuksong pagsayaw para pakasalan siya nito. Kapalit ng paghingi ni Akis sa kanyang kamay sa kasal ang pagpatay sa lolo nitong si Haring Omer para maging hari ang ama ng babae. Sa pamimilit ng babae, bumuo si Akis ng mga lihim na sinumpaang sabwatang naging dahilan ng kapahamakan ng bansang Jaredita.16

Sa kabilang dako, iniligtas ni Esther, ang babaeng Judio sa Lumang Tipan, ang kanyang mga tao. Nang maalipin ang mga Judio, ikinasal si Esther kay Haring Assuero. Nilagdaan ng hari ang batas na ipapatay ang lahat ng Judio. Hinimok si Esther ng pinsan niyang si Mardocheo na mamagitan sa hari alang-alang sa kanyang mga tao sa pagsasabing, “Sinong nakakaalam na kung kaya ka pinasapit sa kaharian ay dahil sa bagay na ito?”17 Kahit nanganib ang buhay, sumamo si Esther sa hari na huwag ipapatay ang kanyang mga tao. Dininig ng hari ang kanyang pagsamo at sila’y naligtas. Malaking kaibhan ang magagawa ng isang babae, maging para sa isang bansa.

Maraming hamon sa ating panahon. Naniniwala akong inireserba ang inyong mga espiritu para sa mga huling araw na ito; na kayo, tulad ni Esther, ay naparito sa lupa “para sa ganitong panahon.” Maaaring ang pinakamalaking magagawa ninyo sa kawalang-hanggan ay ang mabuting impluwensiya ninyo sa iba, na ang banal na kagandahan ng kalooban at kutob ninyong mga babae ay maipamamalas sa nakatago ninyong lakas, kahinahunan, dignidad, halina, giliw, pagkamalikhain, pagiging sensitibo, ningning, at espirituwalidad. Pagyamanin ang dakilang mga kaloob na ito sa babae. Gagawin kayo nitong kaakit-akit at mahirap tanggihan sa pagsisilbi ninyo sa iba bilang mga tagapaglingkod ng Diyos.

Pinatototohanan ko na kung ipamumuhay ninyo ang mabubuting katangiang ito kayo ay “mag[pa]patuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao.”18 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Tingnan sa 2 Nephi 31:20.
2.
Lectures on Faith (1985), 1.
3. Pribadong liham na isinulat ni Michele Lewis, 12 Ago. 1996.
4.
Liahona, Okt. 1998, 24.
5. Jacob 2:28.
6. “No Greater Honor: The Woman’s Role,” sa
Woman (1979), p. 8.
7. D at T 136:33.
8. “Rumsfeld’s Rules,”
Parade Magazine, 18 Nob. 2001, 9.
9. Tingnan sa D at T 130:18.
10. Tingnan sa Mateo 18:23–34.
11. “Be Ye Clean,”
Ensign, Mayo 1996, 48–49.
12. “Feedback,”
New Era, Ago. 1990, 3.
13.
Mga Himno, blg. 47.
14. D at T 50:40.
15.
Merriam-Webster’s Collegiate Dictionary, 10th ed. (2000), “grace,” 504.
16. Tingnan sa Eter 8:8–21, Helaman 6:28.
17. Esther 4:14.
18. 2 Nephi 31:20.

 
Arrow icon acting as a button to Previous Page Previous      
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy