KATHLEEN H. HUGHES
Unang Tagapayo sa General Presidency ng Relief Society
Nagpapagaling ang tubig na buhay. Nangangalaga at sumusuporta ito. Dulot nitoy kapayapaan at galak.
Sa mga unang araw ng ministeryo ni Cristo, naglakbay Siya mula Jerusalem hanggang sa kinagisnan niyang tahanan sa Nasaret, sa Galilea. Sa Samaria Siya dumaan, at sa pagod sa Kanyang paglalakbay, tumigil siya para magpahinga sa sinaunang balon ni Jacob. Habang naghihintay si Jesus at naghahanap ng pagkain ang Kanyang mga alagad sa kalapit na bayan, isang Samaritana ang lumapit sa balon. Alam na ninyo ang kuwento. Nang humingi ng inumin si Jesus, nagulat ang Samaritana nang hilingan siya nang gayon ng isang Judio. Ilang siglo nang magkaaway ang mga Judio at Samaritano. Ngunit sinabi ni Cristo na kung nauunawaan lang niya kung sino ang kanyang kausap, siya ang hihingi sa Kanya ng tubig: tubig na buhay—na titighaw sa kanyang uhaw magpakailanman. Hindi nito naunawaan, kaya nagpaliwanag Siya:
“Ang bawa’t uminom ng tubig na ito ay muling mauuhaw:
“Datapuwa’t ang sinomang umiinom ng tubig na sa kaniya’y aking ibibigay ay hindi mauuhaw magpakailan man; ngunit ang tubig na sa kaniya’y aking ibibigay ay magiging isang balon ng tubig na bubukal sa kabuhayang walang hanggan” (Juan 4:13–14).
Nagustuhan ng Samaritana ang ideyang hindi na niya kailangang uminom kailanman. Tiyak na hindi niya hahanap-hanapin ang araw-araw na pagbubuhat ng mabigat na banga ng tubig mula sa balon pauwi. Ngunit nang patotohanan sa kanya ni Cristo na Siya ang Mesiyas, at patotohanan ito ng espiritu sa kanya, naunawaan niya na mas malalim ang mga katotohanang binabanggit ni Jesus. Iniwan niya ang balon ng tubig at nagdumaling humanap ng ibang magnanais na pumunta roon at makinig. May alinlangan ako, gayunpaman, kahit sa puntong iyon lang, na ganap niyang naunawaan—o kung ganap nga nating nauunawaan—ang kahulugan ng pagkakaroon ng bukal ng tubig na buhay sa ating kalooban.
Nagpapagaling ang tubig na buhay. Nangangalaga at sumusuporta ito. Dulot nito’y kapayapaan at galak.
Isang babaeng kilala ko ang nagpipigil ng galit sa isang taong nanakit ng damdamin niya at ng kanyang pamilya. Bagama’t sinabi niya sa kanyang mga anak na huwag magdamdam at magalit, siya mismo’y nilalabanan din ang damdaming iyon. Makaraan ang mga linggo ng pagsusumamo sa kanyang Ama sa Langit, sa wakas ay nakadama siya ng pagbabago. Isinalaysay niya, “Isang araw, sa gitna ng halos panay-panay kong pagdarasal, dumating ang paghilom. Nadama ko ang pagdaloy nito sa buong katawan ko. Pagkatapos, napanatag at napayapa ako. Nalaman ko na anuman ang nangyari, okey lang kami ng aking pamilya. Napalis ang galit ko, at gayundin ang hangad kong makaganti.”
Ang tubig na buhay ay ang ebanghelyo ni Jesucristo; ang Espiritu Santo ang nagpapahayag nito. Batid ng kaibigan ko kung ano ang tama. Nasabi niya ang mga angkop na salita sa kanyang pamilya. Kung sapat siyang magpapakumbaba para inumin ang tubig—upang madama ang Banal na Espiritu—doon pa lamang siyang magsisimulang gumaling.
Sa dami ng nakilala kong babae nitong nagdaang taon—at mga lider nila sa priesthood—marami akong narinig na mga salaysay ng nakapagpapagaling na kapangyarihan ni Cristo. Napakaraming pagdurusa sa mortalidad, maraming dahilan ng pasakit. May kilala akong mga taong isinusugo ang kanilang mga anak sa panganib, at araw-araw na ipinagdarasal ang kanilang kaligtasan sa digmaan. Kausap ko ang mga magulang na natatakot para sa kanilang mga anak, na batid ang mga tuksong kinakaharap nila. May mga mahal akong kaibigan na tinitiis ang nakapipinsalang mga epekto ng chemotherapy. May kilala akong mga ina at amang nag-iisa, na iniwan ng kanilang mga asawa, na mag-isang pinalalaki ang mga anak. Ako mismo ay dumanas ng nakapanlulupaypay na mga epekto ng lungkot. Ngunit natutuhan ko sa sarili kong karanasan, at sa mga nakilala ko, na hindi tayo nag-iisa sa ating mga problema. Hindi tayo pinababayaan. Nasasaatin ang isang bukal ng kabutihan, ng lakas at tiwala, at kapag nakikinig tayo nang may pananalig, ibinabangon tayo. Pinagagaling. Hindi lang tayo nabubuhay, kundi minamahal pa natin ang buhay. Humahalakhak tayo; nagagalak; sumusulong nang may pananampalataya.
Nangangalaga rin ang tubig na buhay. Pinatototohanan ko sa inyo na tulad ng Kanyang pangako, lumalapit si Cristo sa lahat na lubhang nabibigatan; at pinagpapahinga Niya tayo (tingnan sa Mateo 11:28). Sinusuportahan Niya tayo kapag tayo’y napapagal. Ang bukal ay isang dumadaloy na balon, na naghahandog ng patuloy na pamatiduhaw—kung iinom tayo rito. Maaaring masira ng kapalaluan ang mga epekto nito, gayundin ng pagbabalewala rito. Ngunit ang mga umiinom nang lubos dito ay hindi lang nagiging ganap, kundi nagiging bukal sa iba, habang inaalagaan at pinakakain nila ang espiritu ng bawat isa.
Noong isang taon isang mahal na kaibigan ng pamilya ang pumanaw. Si Lucile ay 89 na taong gulang at mahigit 20 taon nang balo. Hindi siya mayaman, hindi siya tanyag, at wala halos nakaalam nang mamatay siya. Ngunit alam ito ng kanyang pamilya. Ng kanyang mga kapitbahay. Ng mga miyembro ng kanyang ward. Sa lahat ng nakadama ng kanyang pagmamahal, nag-iwan ng malaking puwang sa mundo ang kanyang pagkamatay. Sa mga taon ng kanyang pagkabalo, mahihirap na hamon ang tiniis ni Lucile, kabilang na ang pagkamatay ng isang pinakamamahal na apong lalaki, at mga sakit ng katandaan. Ngunit patuloy pa rin niyang inaruga ang lahat ng kanyang kakilala sa pamamagitan ng kanyang kabaitan, mga luto, mga kobrekama at kumot, pagpapatawa at kabutihan. At gustung-gusto niyang magtrabaho sa templo. Isang araw ng tagsibol noong 1981 isinulat niya sa kanyang journal: “Ngayong alas 3:30 ng umaga, habang naglalakad ako patungong templo, minasdan ko ang watawat na marahang iwinawagayway ng hangin at ang magandang kalangitan at naisip ko kung gaano ako kasaya na makapunta roon. Nalungkot ako para sa lahat ng taong natutulog at hindi nakakikita ng magandang bukang liwayway.”
Karamihan sa atin ay hindi iniisip na ang mundo ay “gumigising” nang alas 3:30 ng umaga, at masaya tayong paikut-ikot sa kama sa oras na iyon at hinahayaang malungkot si Lucile para sa atin. Pero ang galing niya! Tanging ang kabutihan ng kanyang loooban ang makapagpapaliwanag noon. Inangkin ba niya ang kadalisayan ng espiritu sa edad na 15, 25, o kahit 55? Ewan ko. Kadalasan, baka habambuhay nating pakikinggan ang Espiritu Santo bago natin makilala nang husto ang tinig ng Diyos, at bago tayo sapat na manalig sa mga tubig na buhay para tikman ito sa buong maghapon—lalo na sa isang araw na nagsisimula nang alas 3:30 n.u. Ngunit naniniwala ako na sinuportahan ng mga tubig na buhay si Lucile sa maraming taong iyon na sana’y naawa na lamang siya sa sarili, dahil ang kanyang buhay, ang kanyang espiritu, ay nagpalago sa lahat ng kakilala niya.
Makapagdudulot ng kapayapaan at galak ang mga tubig na buhay kahit parang tuyo na ang bukal sa ating kalooban. Kamakaila’y narinig ko ang tungkol sa babaeng, ang anak na lalaki, sa labis na pagdaramdam ay namatay nang di inaasahan. Labis na nalungkot ang pamilya. Hindi maisip ng ina kung liligaya pa siyang muli. Ngunit pinagpala siya sa paglilingkod ng isang kabataang babae, isang dati niyang Laurel, na isang Relief Society sister na ngayon at visiting teacher niya, na nagsabing, “Tinulungan mo ako noon; ngayo’y ako naman—at magkasama nating lalabanan ‘yan.” Ang kapayapaan, maging kagalakan, ay nagsimulang bumalik sa kanyang buhay.
Maaaring habambuhay—at higit pa rito—ang kailangan upang ganap na padalisayin ang ating mga espiritu, ngunit para sa lahat ang tubig na buhay, pati na sa mga kabataan. Inspirado ako tuwing mamasdan ko ang mga kabataang babae ng Simbahan, na matapos tumanggap ng espirituwal na pagtuturo mula pa sa pagkabata, ay pumasok sa Relief Society at kaagad nagbibigay ng dagdag na lakas sa mas sanay na mga kababaihan. Tuwangtuwa ako tuwing mamasdan ko ang mga kabataang nauunawaan kung gaano kalaki ang matututuhan nila mula sa mas nakatatandang mga babae. Dumarating sa atin ang kapayapaan mula sa Panginoon, ngunit matutulungan natin ang isa’t isa na madama ang kapayapaan habang ibinabahagi natin ang ating mga pasanin at kaligayahan.
Ang pangako ni Cristo ay simple at dakila: “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man” (Juan 14:27). Mga kapatid, magulo ang ating paligid. Nanganganib ang mga ekonomiya; naghihirap ang mga pamilya; namumuhay tayo, tulad ng sinabi ni Pangulong Hinckley, sa “mapanganib na panahon” (“Sa Panahon Natin Ngayon,” Liahona, Enero 2002, 83). Ngunit naghahandog pa rin ng kapayapaan at galak ang mga tubig na buhay. Kapag matwid tayong namumuhay, kapag nagawa na natin ang lahat, isa sa mga kaloob na tatanggapin natin ay tiwala. Sinasabi sa atin ng Panginoon, “. . . mapanatag at malaman na ako ang Diyos” (D at T 101:16). Sa gitna ng kaguluhan, huminto tayo. Pakinggan natin ang espiritung nagsasabi sa atin na “Kay inam ng buhay,” (Mga Banal, Halina,” Mga Himno, blg. 23) tulad ng ginawa ng mga unang Banal. May dahilan para mag-alala, pero mas higit ang dahilan para mapayapa.
Minasdan ng Samaritana ang mukha ni Cristo, pinakinggan ang Kanyang tinig, at nakilala Siya noong tanggihan ng karamihan ang lahat ng Kanyang itinuro. Kilala rin natin Siya, o makikilala natin, kung hahayaan nating dumaloy sa atin ang Kanyang nagpapagaling na kapangyarihan, nangangalagang lakas, kapayapaan at galak na “[tulad ng] balon ng tubig na bubukal sa kabuhayang walang hanggan.” Nawa’y gawin natin ito, ang dalangin ko, sa ngalan ni Jesucristo, amen.