The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
April 2003
Paghahanap ng Kayamanan

Paghahanap ng Kayamanan

PANGULONG THOMAS S. MONSON
Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan

PANGULONG THOMAS S. MONSON

Matuto sa nakaraan, paghandaan ang kinabukasan, mabuhay sa kasalukuyan.

Noong bata pa ako’y tuwa-tuwa ako sa pagbabasa ng Treasure Island, ni Robert Louis Stevenson. Nanood din ako ng mga pelikula kung saan ilang tao ang may hawak ng kapiraso ng sira-sirang mapa na kung mapagsasama-sama at mapagdurugtung-rugtong ay magtuturo sa kinaroroonan ng nakabaon na kayamanan.

Naaalala kong nakikinig pa ako noon sa 15 minutong programa sa radyo tuwing hapon. Ang tinutukoy ko’y ang Jack Armstrong, the AllAmerican Boy. Nagsisimula ito sa jingle na, “Natikman n’yo na ba ang Wheaties, ang pinakamasarap na pang-almusal sa bansa?” Pagkatapos, isang misteryosong boses ang maririnig sa radyo na magsasabing, “Sumama tayo ngayon kina Jack at Betty habang papalapit sila sa lihim na lagusan papunta sa libingan ng mga elepante, na pinagtataguan ng kayamanan. Pero teka; mapanganib ang daan papunta roon.”

Walang nakapipigil sa pakikinig ko sa programang ito. Para kasing ako ang namumuno sa paghahanap ng nakatagong kayamanan ng mamahaling garing.

Sa naiibang panahon at lugar, binanggit ng Tagapagligtas ang tungkol sa kayamanan. Sa Kanyang sermon sa Bundok sinabi Niya:

“Huwag kayong mangagtipon ng mga kayamanan sa lupa, na dito’y sumisira ang tanga at ang kalawang, at dito’y nanghuhukay at nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw:

“Kundi mangagtipon kayo ng mga kayamanan sa langit, na doo’y hindi sumisira kahit ang tanga kahit ang kalawang, at doo’y hindi nanghuhukay at hindi nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw:

Sapagka’t kung saan naroon ang iyong kayamanan, doon naman doroon ang iyong puso.”1

Ang pangakong gantimpala ay hindi garing, ginto o pilak. Ni hindi ito ekta-ektaryang lupa o pag-aaring mga stock at bond. Ang binanggit ng Guro ay ang kayamanang abot-kamay ng lahat—ang kagalakang di mailarawan dito at walang hanggang kaligayahan sa kabilang buhay.

Ngayon pinili kong bigyan kayo ng tatlong piraso ng inyong mapa ng kayamanan upang gabayan kayo tungo sa inyong walang hanggang kaligayahan. Ang mga ito ay:

1. Matuto sa nakaraan.
2. Paghandaan ang kinabukasan.
3. Mabuhay sa kasalukuyan. Pag-usapan natin ang bawat piraso ng mapa.

Una, matuto sa nakaraan.

Bawat isa sa atin ay may pamana— marahil mula sa mga ninunong pioneer, o sa mga bagong binyag o iba pang tumulong sa paghubog ng ating buhay. Ang pamanang ito’y naglalaan ng pundasyong itinatag ng sakripisyo at pananampalataya. Ang ati’y pribilehiyo at responsibilidad na magtayo sa gayong katibay at katatag na pundasyon. May isang kuwentong isinulat si Karen Nolen, na inilathala sa New Era noong 1974, tungkol kay Benjamin Landart, na noong 1888, ay 15 taong gulang at bihasang biyolinista. Ang pagtira sa bukid sa Northern Utah kasama ang ina at pitong kapatid ay hamon kay Benjamin kung minsan, dahil kakatiting ang oras niya para tumugtog ng biyolin. Paminsan-minsa’y itatago ng nanay niya ang biyolin hanggang matapos niya ang kanyang mga tungkulin sa bukid, dahil labis na natutukso si Benjamin na tugtugin ito.

Noong patapos na ang 1892 pinapunta si Benjamin sa Salt Lake upang mag-awdisyon para makasali sa opisyal na orkestra ng Utah. Para sa kanya iyon na ang katuparan ng kanyang pangarap. Makaraan ang ilang linggo ng pagsasanay at pagdarasal, nagpunta siya sa Salt Lake noong Marso ng 1893 para sa pinakahihintay na awdisyon. Nang marinig tumugtog si Benjamin, sinabi rito ng tagakumpas na si Mr. Dean na siya ang pinakamahusay na biyolinistang narinig niya sa kanluran ng Denver. Pinagreport siya sa Denver para sa mga pagsasanay sa taglagas at nalaman niyang sapat ang kikitain niya para mabuhay, at may matitira pang maipapadala sa bahay.

Gayunman, isang linggo matapos matanggap ni Benjamin ang magandang balita, ipinatawag siya ng kanyang bishop sa opisina nito at tinanong kung puwede niyang ipagpaliban nang dalawang taon ang orkestra. Sinabi niya kay Benjamin na bago siya magsimulang kumita ay mayroon siyang utang na dapat bayaran sa Panginoon. Pagkatapos ay hinilingan niya itong magmisyon.

Nadama ni Benjamin na parang hindi niya kayang isuko ang pagkakataong tumugtog sa orkestra, ngunit batid din niya kung ano ang dapat niyang maging desisyon. Ipinangako niya sa bishop na kung may anumang paraan para magkapera siya para makapagmisyon, tatanggapin niya ang tawag sa misyon.

Nang sabihin ni Benjamin sa kanyang ina ang tungkol sa misyon, labis itong natuwa. Sinabi sa kanya ng ina na nais noon ng kanyang ama na magmisyon pero namatay ito bago pa nagkaroon ng gayong pagkakataon. Gayunpaman, nang pag-usapan nila ang pera para sa misyon, nalungkot ito. Sinabi ni Benjamin sa ina na hindi siya papayag na magbenta ito ng lupa nila. Sandali siyang tinitigan ng ina at nagsabing, “Ben, may paraan para makaipon tayo ng pera. Ang pamilyang ito ay may isang bagay na sapat ang halaga para maipadala ka sa iyong misyon. Kailangan mong ibenta ang iyong biyolin.”

Makaraan ang sampung araw, noong Marso 23, 1893, isinulat ni Benjamin sa kanyang journal: “Paggising ko kaninang umaga’y kinuha ko ang biyolin ko sa lalagyan nito. Maghapon kong tinugtog ang musikang gustung-gusto ko. Kinagabihan nang madilim na at di na ako makatugtog pa, inilagay ko ang instrumento sa lalagyan nito. Sapat nga iyon. Bukas pupunta na ako sa misyon.”

Apatnapu’t limang taon ang nagdaan, noong Hunyo 23, 1938, sumulat si Benjamin sa kanyang journal: “Ang pinakamalaking desisyong ginawa ko sa buhay ay nang isuko ko ang bagay na mahal ko sa Diyos na mas mahal ko. Hinding-hindi Niya ako kinalimutan dahil doon.”2

Matuto sa nakaraan.

Ikalawa, paghandaan ang kinabukasan.

Nagbabago ang ating mundo. Halos buong buhay natin ang binago ng teknolohiya. Dapat tayong makaagapay sa mga pagbabagong ito—maging sa mga panandaliang pagbabagong ito—sa isang mundong hindi pinangarap kailanman ng ating mga ninuno.

Alalahanin ang pangako ng Panginoon: “Kung kayo ay handa kayo ay hindi matatakot.”3 Ang takot ay nakamamatay na kaaway ng pag-unlad.

Kailangang maghanda at magplano, para hindi masayang ang ating buhay. Kung walang mithiin, walang tunay na tagumpay. Isa sa pinakamagandang kahulugan ng tagumpay na narinig ko ay ganito: Ang tagumpay ay ang paunti-unting katuparan ng isang karapat-dapat na mithiin. Sinabi ng isang tao na ang problema sa hindi pagkakaroon ng mithiin ay parang paikut-ikot ka lang sa buhay nang wala kang napapala.

Maraming taon na ang nagdaan may isang romantikong awitin na ganito ang sinasabi, “Mangarap ka’t magkakatotoo / Kaya’t mangarap ka lang / At problema’y maglalaho.”4 Gusto kong sabihin dito ngayon na hindi mapapalitan ng pangangarap ang puspusang paghahanda sa pagharap sa mga pagsubok ng buhay. Mahirap maghanda ngunit lubhang mahalaga ito sa ating pag-unlad.

Ang tatahakin nating landas tungo sa hinaharap ay hindi isang makinis na daan mula rito hanggang sa walang hanggan. Bagkus, may mga sangasanga at liku-likong landas, bukod pa sa mga di-inaasahang bako. Araw-araw tayong manalangin sa mapagmahal na Ama sa Langit na ang hangad sa bawat isa sa atin ay magtagumpay sa buhay. Paghandaan ang kinabukasan.

Ikatlo, mabuhay sa kasalukuyan.

Kung minsan hinahayaan nating maubos ang araw natin sa kaiisip sa kinabukasan. Ang pangangarap nang gising tungkol sa nakaraan at pagasam sa kinabukasan ay nakalilibang ngunit hindi makahahalili sa pamumuhay sa kasalukuyan. Ngayon ang ating pagkakataon, at dapat natin itong samantalahin.

Si Propesor Harolld Hill, sa The Music Man ni Meredith Willson, ay nagbabala: “Kung lagi mong iisipin ang kinabukasan, matatagpuan mong hungkag ang iyong mga nakaraan.”

Walang kinabukasang aalalahanin kung wala tayong gagawin ngayon, at para mabuhay nang ganap ngayon, dapat nating gawin ang pinakamahalaga. Huwag nating ipagpaliban ang mga bagay na pinakamahalaga.

Kamakaila’y nabasa ko ang kuwento ng isang lalaki, na nang mamatay ang asawa nito ay binuksan niya ang kahon ng tokador ng asawa at nakita roon ang isang damit na binili niya nang bumisita sila sa bahaging silangan ng Estados Unidos siyam na taon na ang nakararaan. Hindi pa ito naisusuot ng babae, itinabi niya ito para sa espesyal na okasyon. Ngayon, siyempre pa, hindi na darating ang okasyong iyon.

Nang ikuwento ang karanasan sa isang kaibigan, sinabi ng lalaking ito, “Huwag mong itabi ang isang bagay para lang sa espesyal na okasyon. Bawat araw sa buhay mo ay espesyal na okasyon.”

Pagkaraa’y sinabi ng kaibigang iyon na binago ng mga salitang iyon ang kanyang buhay. Nakatulong ang mga ito para itigil niya ang pagpapaliban sa mga bagay na pinakamahalaga sa kanya. Sabi niya, “Ngayo’y mas mahaba na ang oras ko para sa pamilya. Gamit ko’y mga basong kristal araw-araw. Nagsusuot ako ng bagong damit papuntang supermarket kapag gusto ko. Ang mga salitang ‘balang araw’ at ‘isang araw’ ay naglaho na sa bokabularyo ko. Tinatawagan ko na ang aking mga kamag-anak at matatalik na kaibigan. Tinawagan ko na rin ang dati kong mga kaibigan para makipagbati. Sinasabi ko sa mga kapamilya ko kung gaano ko sila kamahal. Pinipilit kong huwag ipagpaliban o ipagpabukas ang anumang maghahatid ng tuwa at galak sa buhay namin. At tuwing umaga, sinasabi ko sa sarili kong espesyal ang araw na ito. Bawat araw, bawat oras, bawat minuto, ay espesyal.”

Isang kahanga-hangang halimbawa ng pilosopiyang ito ang ibinahagi ni Arthur Gordon sa isang pambansang magasin maraming taon na ang nakalipas. Isinulat niya:

“Noong mga labingtatlong taong gulang ako at ang kapatid kong lalaki’y sampung taon, nangako si Tatay na dadalhin kami sa perya. Pero bandang tanghalian may tumawag sa telepono: may mahalagang bagay na kailangan niyang asikasuhin sa bayan. Inisip na namin na hindi na kami matutuloy. Pagkatapos ay narinig naming sinabi niya [sa telepono], ‘Hindi, hindi ako makakapunta. Makapaghihintay iyan.’

“Pagbalik niya sa mesa, ngumiti si Nanay. ‘Pabalik-balik naman ang perya, ‘di ba,’ [sabi niya].

“‘Alam ko,’ sabi ni Tatay, ‘pero ang pagkabata’y hindi.’”5

Si Elder Monte J. Brough ng Unang Korum ng Pitumpu ay nagkuwento tungkol sa isang tag-init sa tahanang kinagisnan niya sa Randolph, Utah, nang sila ng kanyang nakababatang kapatid na si Max ay magpasiyang gumawa ng bahay-bahayan sa itaas ng puno sa likuran ng bahay. Ipinlano nila ang pinakamagandang bagay na gagawin nila sa kanilang buhay. Tinipon nila ang mga gamit mula sa buong kapitbahayan at iniakyat ang mga ito sa bahagi ng puno na may dalawang sanga na pinakamagandang pagtayuan ng bahay-bahayan. Mahirap iyon, at sabik silang matapos ang gawain. Ang nakini-kinita nilang tapos na bahay-bahayan ang humikayat sa kanila para tapusin ang proyekto.

Buong tag-init silang nagtrabaho, at sa wakas noong taglagas bago nagsimula ang pasukan sa taong iyon, nayari ang bahay-bahayan nila. Sinabi ni Elder Brough na hindi niya malilimutan kailanman ang galak at kasiyahan nila nang matapos nila sa wakas ang bunga ng kanilang pinagpaguran. Naupo sila sa bahay-bahayan, tumingin-tingin sa paligid nang ilang minuto, bumaba ng puno—at di na muling bumalik. Ang tapos na proyekto, kahit napakaganda, ay hindi nakakuha ng interes nila kahit buong araw man lang. Sa madaling salita, ang proseso ng pagpaplano, pagtitipon, pagtatayo at pagtatrabaho—hindi ang tapos na proyekto—ang nagdulot ng tumatagal na kasiyahan at kaluguran na kanilang nadama.

Lasapin natin ang buhay habang nabubuhay tayo at, tulad nina Elder Brough at ng kapatid nitong si Max, magalak sa paglalakbay.

Ang lumang sawikaing, “Huwag ipagpabukas ang magagawa mo ngayon” ay doble ang kahalagahan kapag pinag-usapan ang pagpapakita ng ating pagmamahal at malasakit—sa salita at sa gawa—sa mga kapamilya at kaibigan. Sabi ng awtor na si Harriett Beecher Stowe, “Ang pinakamapait na luhang tumulo sa mga libingan ay para sa mga katagang hindi nasambit at mga gawaing hindi nagawa.”

Isinatula ng isang makata ang lungkot sa mga pagkakataong nasayang. Babanggitin ko ang isang bahagi:

Sa may kanto ako’y may kaibigan, Sa lungsod na ito na walang katapusan; Dumaan ang araw, dumaan ang linggo Di ko namalayan, taon ay naglaho, Di ko man nakita aking kaibigan, Buhay kay bilis, matinding paligsahan.

Darating ang bukas–ngunit ito’y lilipas, Pagitan nati’y lalo pang lalawak.

Sa may kanto!—milya-milya ang layo . . . “Telegrama po, sir,” Si Jim patay na po.

At ‘yun sa huli’y ating kinahinatnan Sa may kanto, naglahong kaibigan.7

Mahigit isang taon pa lang, nagpasiya akong hindi ko na ipagpapaliban ang pagbisita sa isang mahal na kaibigang matagal ko nang hindi nakikita. Matagal ko nang balak bisitahin siya sa California pero hindi ko pa rin nagagawa.

Nagkakilala kami ni Bob Biggers noong kapwa nasa Classification Division sa U.S. Naval Training Center sa San Diego, California kami, bago nagwakas ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Matalik kaming magkaibigan noon pa. Minsan siyang bumisita sa Salt Lake bago siya nag-asawa; at nanatili kaming magkaibigan sa panulat mula nang magretiro ako noong
1946. Kami ng maybahay kong si Frances ay nakikipagpalitan ng Christmas card sa kanila ng asawa niyang si Grace taun-taon.

Sa huli, pagpasok ng Enero 2002, nag-iskedyul ako ng pagbisita sa stake conference sa Whittier, California, kung saan naninirahan ang mga Bigger. Tinawagan ko ang kaibigan kong si Bob, na 80 taong gulang na, at nakipag-ayos na magkita-kita kami kasama sina Frances at Grace, para gunitain ang nakaraan.

Masaya ang pagkikita namin. Nagdala ako ng mga larawang kuha noong magkasama kami sa Navy mahigit 55 taon na ang nakararaan. Inisaisa namin ang mga sundalong kilala namin at pinag-usapan kung saansaan na sila naroroon ayon sa nalalaman namin. Bagama’t hindi miyembro ng ating simbahan, naalala ni Bob ang pagsama niya sa akin sa isang sakrament miting noong nakaistasyon pa kami sa San Diego.

Nang magpaalam kami ni Frances kina Bob at Grace, matindi ang kapayapaan at galak na nadama ko sa pagsisikap na makitang muli sa wakas ang isang kaibigang minahal ko, bagamat magkalayo kami, sa nakalipas na mga taon.

Balang-araw, bawat isa sa atin ay mauubusan ng bukas. Huwag nating ipagpaliban ang mga bagay na pinakamahalaga.

Mabuhay sa kasalukuyan. Buo na ang inyong mapa ng kayamanan: Matuto sa nakaraan, paghandaan ang kinabukasan, mabuhay sa kasalukuyan.

Nagtatapos ako sa aking sinimulan. Mula sa ating Panginoon at Tagapagligtas:

“Huwag kayong mangagtipon ng mga kayamanan sa lupa, na dito’y sumisira ang tanga at ang kalawang, at dito’y nanghuhukay at nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw:

“Kundi mangagtipon kayo ng mga kayamanan sa langit, na doo’y hindi sumisira kahit ang tanga kahit ang kalawang, at doo’y hindi nanghuhukay at hindi nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw:

“Sapagka’t kung saan naroon ang iyong kayamanan, doon naman doroon ang iyong puso.”8

Mga kapatid, mula sa kaibuturan ng aking kaluluwa iniiwan ko sa inyo ang aking patotoo: ang Diyos ang ating Ama; ang Kanyang Anak ang ating Tagapagligtas at Manunubos; pinamumunuan tayo ng isang propeta sa ating panahon, maging si Pangulong Gordon B. Hinckley.

Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Mateo 6:19–21.
2. Tingnan sa “Benjamin: Son of the Right Hand,”
New Era, Mayo 1974, 34–37.
3. D at T 38:30.
4. “Wishing Will Make It So,” titik ni B. G. DeSylva.
5.
A Touch of Wonder (1974), 77–78.
6. Sa Gorton Carruth at Eugene Ehrlich, tinipon,
The Harper Book of American Quotations (1988), 173.
7. Charles Hanson Towne, “Around the Corner,” sa
Poems That Live Forever, pinili ni Hazel Felleman (1965), 128.
8. Mateo 6:19–21.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy