ELDER W. CRAIG ZWICK
Ng Pitumpu
Kung . . . lalakad (tayo) kasama Niya nang magkahawakkamay sa Kanyang
mga landas, magpapatuloy tayo sa pananampalataya at kailanman ay hindi
makadaramang nag-iisa.
Sa mga mata at puso ng maraming tao sa mundo ngayon, makikita ang pagdududa, takot at kawalang pag-asa. Marami sa mga kaguluhan sa mundo ay unti-unting dumarating sa ating mga tahanan at personal na buhay. Anuman ang ating edad o kalagayan, may pangangailangan tayong lahat na malaman kung ano ang magagawa natin ngayon at kung ano ang maaasahan natin sa hinaharap.
Pakinggan ang mga salita ni Mormon: "Hindi ba ninyo nalalaman na kayo ay nasa mga kamay ng Diyos? Hindi ba ninyo nalalaman na taglay niya ang lahat ng kapangyarihan?" (Mormon 5:23).
Ang kamay ay isa sa mga masimbolong bahagi ng katawan. Sa Hebreo, ang yad, ang karaniwang salita para sa "kamay," ay metaporikong ginagamit din na nangangahulugang kapangyarihan, lakas (tingnan sa William Wilson, Old Testment Word Studies, [1978], 205). Kaya nga, ang kamay ay kumakatawan sa kapangyarihan at lakas.
Ang matulunging kamay ng ating buhay na propeta, si Pangulong Gordon B. Hinckley, ay nagpapalakas, nagpapasigla, at nagbibigay-inspirasyon sa mga tao sa buong mundo.
Ang mapasakamay ng Diyos ay nangangahulugan na hindi lamang Niya tayo sinusubaybayan kundi binabantayan at pinangangalagaan din sa pamamagitan ng Kanyang kahanga-hangang kapangyarihan.
Binabanggit sa lahat ng banal na kasulatan ang tungkol sa kamay ng Panginoon. Makikita ang Kanyang banal na pagtulong sa maraming pagkakataon. Nilikha ng Kanyang makapangyarihang kamay ang mga daigdig, gayunma'y magiliw nitong binasbasan ang maliliit na bata.
Pag-isipan ang mga salita ni Juan na naglalarawan sa nabuhay na mag-uli at maluwalhating Tagapagligtas: "At nang siya'y aking makita, . . . ipinatong niya sa akin ang kaniyang kanang kamay, na sinasabi, Huwag kang matakot; . . . ako'y . . . ang Nabubuhay; at ako'y namatay, at narito, ako'y nabubuhay magpakailanman "(Apocalipsis 1:17-18). Kapag ipinatong Niya ang Kanyang mga kamay sa atin, tayo, tulad ni Juan, ay maaaring mabuhay sa Kanya.
Dalawampu't apat na taon na ang nakakaraan, ang bago naming silang na anak na lalaki ay nakipaglabang mabuhay sa intensive care unit ng isang ospital. Hindi gaanong nabuo ang kanyang mga baga dahil napaaga ang paglabas niya, at siya'y nagpipilit na makahinga. Napakaliit niya, ngunit napakalakas ng kagustuhang mabuhay. Bilang mga bata at walang karanasang mga magulang, kami ng matapang at matapat kong asawang si Jan, ay nanalangin sa Panginoon na kung maaari ay iunat Niya ang Kanyang mga kamay sa aming anak nang sa gayon ay patuloy itong makahinga. Habang inilalagay ko ang nanginginig kong kamay sa maliit na butas ng isolette, pakiramdam ko'y parang wala akong magagawa para sa kanya. Hinawakan ko ang maliit ngunit perpektong kamay ng aming bagong silang na anak, at nakadama ako ng isang makapangyarihang espiritwal na koneksyon na kailanman ay hindi ko malilimutan. Dalawang daliri lamang sa magkabila kong kamay ang nagkasya sa maliit niyang ulo nang basbasan ko siya.
Dalisay ang hangad namin para sa kanya, ngunit alam namin na tanging sa mga kamay ng Diyos nakasalalay ang buhay niya, hindi sa amin, at hindi rin sa mga doktor na gumagamot sa kanya. Pagkatapos ay nadama ko na ang mga nanginginig kong kamay ay may kapangyarihan at awtoridad na hindi sa akin galing. Ang mga daliri ko sa ulo niya ay simbolo ng mga kamay at kapangyarihan ng Diyos na nakapatong sa aming anak. Pagkatapos ng pagbabasbas na iyon, sa sandali ng mapayapang damdamin, nagtinginan kami ng walang hanggan kong kompanyon sa taas ng isolette, na dama ang dagdag na pag-asa at aliw na mula sa pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at sa bunga ng Kanyang pagbabayad-sala para sa amin. Isa itong napakalakas na patotoo ng Kanyang pagmamahal sa isang sanggol na kaaalis pa lamang sa Kanyang kinaroroonan. Pagkatapos noon naging mas handa kaming tanggapin ang kalooban Niya para sa anak namin. Nadama naming ganap naming ipinaubaya ang lahat sa mga kamay ng Tagapagligtas. At waring kamay mismo ng Tagapagligtas ang tumulong upang makahinga nang mas mabuti ang aming anak at lumakas ang kanyang katawan. Sa bawat paghinga niya at sa bawat kaunting pagbuti ng kanyang kalagayan ay dumadalangin kaming nagpapasalamat. Ngayon, ang aming malusog na anak at ang kanyang mga magulang ay patuloy pa ring nagpapasalamat sa nakahandang mga kamay ng Tagapagligtas.
Kabilang sa mga banal na pangako sa pagbabangon sa umaga ng Unang Pagkabuhay na mag-uli at pagmamana ng "mga trono, kaharian, pamunuan, at kapangyarihan" ay mga karagdagang pangako ng "lahat ng taas at ilalim" (D at T 132:19). Kabilang sa dakilang plano ng kaligtasan ay ang gulong ng buhay, na kung saan ang mga magpahamong karanasan ay kakambal ng ating masasayang sandali. Oo, lahat tayo ay may mahihirap at malulungkot na sandali. At minsan, nagiging napakahirap ng mga ito para sa atin at gusto na nating sumuko. May mga pagkakataon na nawawalan tayo ng tiwala sa sarili, nawawalan tayo ng pag-asa at wala tayong magawa kundi humingi ng saklolo.
Ipinaaalala sa atin ni Elder Holland na ang "simbolo ng sarong hindi mapapalampas, ay sarong dumarating sa buhay natin at gayon din sa [Tagapagligtas]. Ito'y mas magaan, di gaanong matindi, ngunit dumarating ito nang madalas upang turuan tayo na kailangan nating sumunod" (Trusting Jesus [2003], 42).
Dapat malaman ng bawat isa sa atin na makapagtitiis tayo hanggang huli sa pamamagitan ng lakas ng Panginoon. Maaari nating ilagay ang ating mga kamay sa kamay Niya, at madarama nating tinutulungan Niya tayong makamit ang mga bagay na di natin kakayaning maabot nang nag-iisa.
Nang dalhin ng nagdadalamhating ama ang kanyang malubhang anak kay Jesus, isinulat ni Marcos na "Hinawakan siya ni Jesus sa kamay, at siya'y ibinangon; at siya'y nagtindig" (Marcos 9:27).
Kailangan nating magtiwala sa Panginoon. Kung kusang loob nating ibibigay ang ating sarili sa kanya, maaalis ang ating mga pasanin at maaaliw ang ating puso.
Kamakailan ay ipinayo ni Elder Scott: "Magtiwala sa Diyos . . . gaano man katindi ang mga pangyayari. . . . Ang kapayapaan ng isipan, katiyakan ng sagot sa mga problema, ang tunay na kagalakan ninyo, ay batay sa pagtitiwala ninyo sa Ama sa Langit at sa Anak Niyang si Jesucristo." ("Ang Nagtataguyod na Kapangyarihan ng Pananampalataya sa Oras ng Kawalang Katiyakan at Pagsubok," Liahona, Mayo, 2003, 76, 78).
Paano tayo matututong magtiwala?
Paano tayo matututong humingi ng tulong at tumanggap ng aliw na ibinibigay ng Panginoon?
May malinaw na mensahe ang Panginoon kay Joseph Smith: "Matuto ka sa akin, at makinig sa aking mga salita; lumakad sa kaamuan ng aking Espiritu, at ikaw ay magkakaroon ng kapayapaan sa akin. . . . Manalangin tuwina, at aking ibubuhos ang aking Espiritu sa iyo" (D at T 19:23, 38).
Narito ang apat na susi:
- Matuto
- Makinig
- Maghangad ng Espiritu
- Manalangin tuwina
Palalakasin at susuportahan tayo ng Panginoon kung handa tayong tumanggap ng Kanyang banal na tulong.
Pinaalalahanan tayo ni Pangulong Thomas S. Monson tungkol sa matulunging kamay ng Tagapagligtas: "Sinasamba ang kamay na nagliligtas—maging ang kamay ni Jesucristo, ang Anak ng Diyos. . . . Sa pamamagitan ng kamay na ito pinupukaw Niya ang ating pang-unawa" ("Hands," Tambuli, Mar. 1991, 5).
Isang gabi naghahandang lumabas ang anak naming babae at ang aming manugang. Nagmamadali silang makaalis at magbilin sa kanilang baby-sitter. Hindi nila napansin ang malungkot na mukha ng isang anak at ang luha sa mga mata ng isa pa nilang anak hanggang nang nasa pinto na sila at papaalis na. Doon lamang nila nalaman na nag-aalala pala ang kanilang mga anak dahil malayo sa kanila ang kanilang ina't ama. Kaya't tinipon ng kanilang mga magulang ang kanilang apat na minamahal na anak. Ipinaunat ng kanilang ama ang kanilang mga kamay sa kanilang harapan. Lahat ng walong maliliit na kamay ay nakaunat. Isaisa itong hinalikan ng kanilang Inay at Itay at sinabi sa kanila na kung hinahanap-hanap na nila sila o natatakot sila o gusto nilang madama ang pagmamahal nila, ilagay lamang nila ang kanilang kamay sa kanilang mga pisngi at madarama nila na parang nasa tabi nila ang kanilang Inay at Itay anumang oras. Natuwa sila nang husto, at nang umalis na ang mga magulang na ito, nakita nila ang apat nilang maliliit na anak na nakatayo sa may bintana na may mga ngiti sa kanilang mga labi at nasa kanilang mga pisngi ang mga kamay ng mga ito.
Nagtiwala sila sa kanilang mga magulang. Alam nilang minamahal sila.
Tulad ng pagtitiwala ng mga bata, bawat isa sa atin ay dapat magkaroon ng ganoong ganap na pagtitiwala. Dapat na tandaan nating lahat na tayo'y mga anak ng Diyos at mahal na mahal Niya tayo. Kung ganap nating nauunawaan kung sino tayo, magkakaroon tayo ng tiyak na mapagkukunan ng pag-asa at aliw.
Kailanman ay hindi natin matatapos "ang takbuhing inilagay sa harap natin" (Sa Mga Hebreo 12:1) kung hindi tayo hihingi ng tulong sa Panginoon.
Ilang taon na ang nakararaan, nagpasya ang nag-iisa naming anak na babae na sumali sa marathon. Nagsanay siya nang husto kasama ang ilan niyang mga kaibigan. Mahirap ang tumakbo sa marathon, at may mga panahong nais na niyang sumuko. Ngunit nagpatuloy siya, na pinagtutuunan na lamang ang bawat hakbang na ginagawa niya. Nang malapit na siya sa kalagitnaan ng tinatakbo nila, may narinig siyang sumigaw sa likuran niya, "May bulag na daraan sa kaliwa mo."
Lumingon siya, at nakitang isang bulag na lalaki ang lumampas sa kanya, na hawak ang kamay ng isa pang lalaki. Pareho silang kasali sa marathon. Nang dumaan sila, nakita niya kung gaano kahigpit ang pagkakahawak ng bulag sa kamay ng kaibigan niya.
Nadadaig na ng matinding pagod, sumigla siya sa pagmamasid sa dalawang lalaking ito na tumatakbo nang magkahawak. Binibigyan ng inspirasyon ng kaibigang bulag ang kasama niyang nakakakita, at ang bulag naman ay umaasa sa paggabay ng kamay ng kaibigan niya. Alam ng anak ko na hindi matatapos ng bulag ang marathon nang nag-iisa. Nabigyan siya ng inspirasyon dahil sa pagtitiwala ng ˆbulag at sa pagmamahal ng kanyang kaibigan.
Sa ganitong paraan, iniaabot ng Tagapagligtas ang Kanyang kamay sa bawat isa sa atin upang hindi tayo tumakbo nang nag-iisa. "Sa mga [yaong] susuray-suray o nadarapa [sa atin] [paminsan-minsan], narito Siya para tayo'y patatagin at palakasin" (Trusting Jesus, 43). Habang papalapit tayo sa finish line, naroroon Siya para iligtas tayo; at para sa lahat ng ito ibinigay Niya ang Kanyang buhay.
Isipin natin ang mga sugat sa Kanyang mga kamay. Ang Kanyang mga kamay na puno ng karanasan, oo, maging ang Kanyang mga sugatang kamay at pisikal na pagsasakripisyo, ay nagbibigay sa ating sariling kamay ng mga matinding kapangyarihan at patnubay.
Ang sugatang Cristo ang umaakay sa atin sa mga sandaling naghihirap tayo. Siya ang sumusuporta sa atin kapag kailangan natin ng mas marami pang hangin para makahinga o kapag kailangan natin ng direksyong masusundan o maging ng lakas para magpatuloy.
Kung susundin natin ang mga utos ng Diyos at lalakad kasama Niya nang magkahawak-kamay sa Kanyang mga daan, magpapatuloy tayo sa pananampalataya at kailanman ay hindi makadaramang nag-iisa.
Magtiwala sa pangako Niyang buhay na walang hanggan, at hayaan ang sariling mapuspos ng kapayapaan at pag-asa.
Kapag malapit tayo sa May-akda ng Kapayapaan at sa Kanyang sakdal at mapantubos na pag-ibig, malalaman natin ang katotohanan ng pangako ng Panginoon: "Akong Panginoon mong Dios, ay hahawak ng iyong kanang kamay, na magsasabi. . ., Huwag kang matakot; aking tutulungan ka" (Isaias 41:13).
Nagpapatotoo ako kay Jesucristo, na ating Manunubos at buhay na Tagapagligtas.
Nagpapatotoo ako na Siya ay buhay at iniaabot ang Kanyang mapagmahal na kamay sa bawat isa sa atin. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.