ELDER DALLIN H. OAKS
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Ang ibig sabihin ng pagsisisi ay isuko ang lahat ng ating nakaugalian—sa
sarili, pamilya, kultura, at bansa—na salungat sa mga utos ng Diyos.
Hatid ko ang pagbati mula sa Pilipinas, na may 520,000 miyembro sa 80 stake at 80 member district at 2,200 misyonero nito sa 13 misyon. Umuunlad tayo sa kabila ng mga hamong kinakaharap ng Simbahan sa mga lugar kung saan hindi pa ito ganap na matatag.
Sa mga umuunlad na lugar na ito, lubos tayong umaasa sa mga senior missionary couple. Binibigyang-diin ko ito dahil maraming nakikinig sa akin ngayon na kailangang malaman ang kahalagahan ng kanilang serbisyo, at dalangin naming magpasiya nawa ang iba na gawin ang mahalagang paglilingkod na ito.
I.
Sisimulan ko ito sa sinabi sa akin ng isa sa magigiting na misyonerong ito. "Kapag naiisip ko ang nakaraan," sabi niya, "di ko akalaing makakumpleto ng tatlong misyon ang isang nakayapak na surfer na taga-Hawaii. Pero nang madama ko ang pagmamahal ng Tagapagligtas, gusto ko Siyang paglingkuran, at nagbago ako." Totoo nga! Sang-ayon kay Stanley Y. Q. Ho hanggang sa edad na 30 ay wala siyang ginawa kundi "tumambay sa baybayin ng Waikiki." At natuklasan niya ang ebanghelyo, pinakasalan ang isang dalagang Banal sa mga Huling Araw, at nagbago. Mula noon marami na siyang nagampanang tungkulin, pati bishop at stake president. Ngayon, si Elder Ho at ang mahal niyang si Momi, na dahilan ng mga pagbabago sa kanyang buhay, ay nakatatlong misyon na.
Isa pang halimbawa, babaling ako sa Ebanghelyo ni Lucas:
"At [si Jesus] ay pumasok at nagdaan sa Jerico.
"At narito, isang lalake na tinatawag sa pangalang Zaqueo; at siya'y isang puno ng mga maniningil ng buwis, at siya'y mayaman.
"At pinagpipilitan niyang makita si Jesus kung sino kaya siya; at hindi mangyari, dahil sa maraming tao, sapagka't siya'y pandak.
"At tumakbo siya sa unahan, at umakyat sa isang punong kahoy na sikomoro upang makita siya: sapagka't siya'y magdaraan sa daang yaon.
"At nang dumating si Jesus sa dakong yaon, ay siya'y tumingala, at sinabi sa kaniya, Zaqueo, magmadali ka, at bumaba ka; sapagka't ngayo'y kinakailangang ako'y tumuloy sa bahay mo.
"At siya'y nagmadali, at bumaba, at tinanggap siyang may tuwa" (Lucas 19:1-6).
Itinala dito ng Ebanghelyo na "nangagbulung-bulungan" ang mga tagasunod ni Jesus dahil sa pagpunta Niya sa bahay ng makasalanan (t. 7). Ngunit hindi ito pinansin ni Jesus. Ang ebanghelyo Niya ay para sa lahat ng tatalikod sa dati nilang pamumuhay at magbabago para maligtas sa kaharian ng Diyos.
Balikan natin ang kuwento tungkol sa lalaking nagbukas ng bahay at puso niya sa Panginoon:
"At si Zaqueo ay nagtindig, at sinabi sa Panginoon; Narito, Panginoon, ang kalahati ng aking mga pagaari ay ibinibigay ko sa mga dukha; at kung sakali't nakasingil akong may daya sa kanino mang tao, ay isinasauli ko ng makaapat.
"At sinabi sa kaniya ni Jesus,
Dumating sa bahay na ito ngayon ang pagkaligtas. . . .
"Sapagka't ang Anak ng tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang nawala" (t. 8-10).
Kinakatawan tayong lahat nina Zaqueo ng Jerico at Stanley ng Hawaii. Sila'y mga halimbawa ng ipinagdarasal nating danasin nating lahat na nagdedesisyon na tanggapin ang Panginoon nang "may tuwa" at sundan ang Kanyang mga yapak.
II.
Hinahamon tayo ng ebanghelyo ni Jesucristo na magbago. "Magsisi" ang pinakamadalas nitong mensahe, at ang ibig sabihin ng pagsisisi ay isuko ang lahat ng ating nakaugalian—sa sarili, pamilya, kultura, at bansa—na salungat sa mga utos ng Diyos. Layon ng ebanghelyo na gawing selestiyal na mamamayan ang karaniwang nilikha, at kailangan dito ang pagbabago.
Nangaral ng pagsisisi si Juan Bautista. Ang mga tagapakinig niya'y mula sa iba't ibang grupo, at ipinahayag niya ang mga pagbabagong kailangang gawin ng bawat tao upang "mangagbunga ng karapatdapat sa pagsisisi" (Lucas 3:8). Ang mga publikano, sundalo, at ordinaryong tao—bawat isa ay may mga tradisyong isinusuko sa proseso ng pagsisisi.
Hinamon din ng mga turo ni Jesus ang mga tradisyon ng iba't ibang grupo. Nang ireklamo ng mga eskriba at Fariseo na ang mga disipulo Niya ay "[nagsilabag] sa sali't-saling sabi ng matatanda" sa di paghuhugas ng mga kamay, sumagot si Jesus na ang mga eskriba at Fariseo ay "[nagsilabag] sa utos ng Dios dahil sa [kanilang] sali't-saling sabi" (Mateo 15:2-3). Inilarawan Niya kung paano nila "niwalan ng kabuluhan ang salita ng Dios dahil sa kanilang sali't-saling sabi" (t. 6). "Mapagpaimbabaw" ang tawag Niya sa mga taong ang pagsunod sa kanilang mga tradisyon ay humadlang sa pagsunod nila sa mga utos ng Diyos (t. 7).
Muli, sa makabagong paghahayag sinabi ng Panginoon na inilayo ng "masama" ang mga walang malay na anak ng Diyos sa liwanag at katotohanan "sa pamamagitan ng pagsuway . . at dahil sa kaugalian ng kanilang mga ama" (D at T 93:39).
Ang tradisyon o kultura o pamumuhay ng mga tao ay may kasamang ilang mga kaugaliang dapat baguhin ng mga nais tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos.
Isang halimbawa ang kalinisang-puri. "Huwag kang mangangalunya," ang utos ng Panginoon mula sa Sinai (Exodo 20:14) at inulit sa makabagong pahayag (D at T 42:24; tingnan din sa D at T 59:6). "Magsitakas kayo sa pakikiapid" ang utos ng Bagong Tipan (I Mga Taga Corinto 6:18; tingnan din sa Mga Taga Galacia 5:19; I Mga Taga Tesalonica 4:3). Laging isinusumpa ng mga propeta ng Diyos ang pagpapatutot. Gayunman ang mga walang hanggang utos na ito ay madalas balewalain, kontrahin o kutyain ng makapangyarihang mga tradisyon sa maraming lupain. Kitang-kita ito ngayon, dahil madali nang makipagpalitan sa ibang tao ng mga pelikula, magasin, at komunikasyon sa Internet. Ang pakikipagseks sa labas ng kasal ay tinutulutan o itinataguyod ng marami. Gayundin ang mabilis na paglawak ng kultura ng pornograpiya. Lahat ng kasangkot sa makasalanang kulturang ito ay dapat magsisi at magbago kung gusto nilang maging mga tao ng Diyos, dahil binalaan Niya tayo na "walang maruming bagay ang makapapasok sa kanyang kaharian" (3 Nephi 27:19).
Ang pagsisimba linggu-linggo ay isa pang halimbawa ng utos na salungat sa mga popular na tradisyon. Inutusan tayo ng Panginoon na magsimba at "ihandog ang [ating] sakramento" sa araw ng Kanyang Sabbath (tingnan sa D at T 59:9). Hindi ito basta pagdalo lamang. Inuutusan tayong makibahagi sa pagsamba at paglilingkod, at kailangan dito ang mahirap na pagbabago ng maraming di-Kristiyano, at maging sa mga Kristiyanong paminsan-minsan lang magsimba.
Ang utos ng Panginoon na tumigil tayo sa pag-inom ng alak, tsaa, kape at paninigarilyo (tingnan sa D at T 89) ay salungat din sa tradisyon ng marami. Ang matatagal nang pagkalulong o pag-uugali ay mahirap alisin, ngunit malinaw ang utos ng Diyos, at higit pa sa mga hamon ng pagbabago ang mga pangakong biyaya.
Isa pang halimbawa ang katapatan. Pinahihintulutan ng ilang kultura ang pagsisinungaling, pagnanakaw, at iba pang pandaraya. Ngunit ang anumang uri ng pandaraya—kahit para pampalubag, hindi mapahiya, o para kumita—ay tuwirang pagsalungat sa mga utos at kultura ng ebanghelyo. Ang Diyos ay Diyos ng katotohanan, at hindi nagbabago ang Diyos. Tayo ang dapat magbago. At malaking pagbabago iyan para sa mga taong dahil sa tradisyon ay nasanay isipin na puwede ang kaunting pagsisinungaling, kaunting pandaraya, o panloloko kung makabubuti ito sa kanila at malamang na hindi ito malaman.
Isang di gaanong malubhang tradisyon na salungat sa kultura ng ebanghelyo ay ang ideya ng pagtaas o pagbaba ng katungkulan. Sa daigdig, ito'y ang pagtaas o pagbaba ng ranggo sa trabaho. Pero walang mataas o mababang tungkulin sa Simbahan. Umiikot lang tayo. Ang bishop na inirelease ng wastong awtoridad at tinawag na magturo sa Primary ay hindi bumaba sa tungkulin. Susulong siya sa pagtanggap sa kanyang release nang may pasasalamat at gaganap sa mga tungkulin ng bagong katungkulan— gaano man ito kaliit.
Nakita ko ang halimbawa nito sa Pilipinas ilang buwan na ang nakararaan. Dumalaw ako sa ward ng Pasig stake, malapit sa Maynila. Naroon si Augusto Lim, na nakilala ko noon bilang stake president, mission president, General Authority, at pangulo ng templo sa Manila. Ngayo'y mapagpakumbaba at mapagpasalamat siyang naglilingkod sa ward bishopric nila, bilang pangalawang tagapayo sa isang lalaking mas bata at kaunti ang karanasan kumpara sa kanya. Mula sa pagiging temple president ay naging pangalawang tagapayo sa ward bishopric, napakagandang halimbawa ng kultura ng ebanghelyo.
Sa mga halimbawang ito'y di ko inihahambing ang kultura o tradisyon ng isang panig ng mundo sa kabilang panig. Inihahambing ko ang paraan ng Panginoon sa paraan ng mundo—ang kultura ng ebanghelyo ni Jesucristo sa kultura o tradisyon ng bawat bansa o lahi. Walang grupong nag-aangkin ng lahat ng katangian o di kasama sa utos na magbago. Hindi tinangka ni Jesus at ng Kanyang mga Apostol na gawing mga Judio ang mga Gentil (tingnan sa Mga Taga Roma 2:11; Mga Taga Galacia 2:11-16, 3:1-29, 5:1-6, 6:15). Tinuruan nila ang mga Gentil at Judio, at sinikap na gawin silang mga tagasunod ni Cristo.
Hindi rin naman tinatangka ng mga lingkod ng Panginoon ngayon na gawing mga Amerikano ang mga Pilipino o Asyano o Aprikano. Lahat tayo'y pinalalapit ng Tagapagligtas (tingnan sa 2 Nephi 26:33; D at T 43:20), at hinihimok ng Kanyang mga lingkod na kumbinsihin ang lahat—pati ang mga Amerikano—na maging mga Banal sa mga Huling Araw. Sinasabi namin sa lahat, isuko ang inyong mga tradisyon at kaugalian sa kultura na salungat sa mga utos ng Diyos at kultura ng Kanyang ebanghelyo at samahan ang Kanyang mga tao sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Kung di na tayo lalakad sa dilim, itinuro ni Apostol Juan na, "tayo'y nagsisilakad sa liwanag, . . . may pakikisama tayo sa isa't isa, at nililinis tayo ng dugo ni Jesus na kaniyang Anak sa lahat ng kasalanan" (I Juan 1:7).
III.
Kakaiba ang kultura ng ebanghelyo, ang grupo ng pinahahalagahan at inaasahan at kaugaliang karaniwan sa lahat ng miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang pamumuhay sa ebanghelyong ito'y mula sa plano ng kaligtasan, mga utos ng Diyos, at mga turo ng mga buhay na propeta. Nakikita ito sa pagpapalaki ng ating pamilya at sa ating sariling pamumuhay. Ang mga prinsipyong nasa pahayag sa mag-anak ay magandang pagpapahayag ng kultura ng ating ebanghelyo.
Ang mga nabinyagan sa Simbahan ni Jesucristo ay nakikipagtipan. Sa makabagong paghahayag sinabi ng Panginoon, "Kapag ang mga tao ay tinawag sa aking walang hanggang ebanghelyo, at nakipagtipan na may walang hanggang tipan, sila ay ituturing bilang asin ng lupa at lasa ng mga tao" (D at T 101:39). Para magampanan ang tipan natin bilang asin ng lupa, kailangan tayong maging kaiba sa mga nakapaligid sa atin.
Tulad ng itinuro ni Jesus: "Ibinibigay ko sa inyo na maging asin ng lupa; ngunit kung ang asin ay mawalan ng lasa saan kaya ang lupa ay mapapaalat? Ang asin kung magkagayon ay magiging walang kabuluhan, kundi ang itapon at yapakan ng mga paa ng tao" (3 Nephi 12:13; tingnan din sa Mateo 5:13; D at T 101:40).
Dito'y kailangan nating baguhin ang ilan sa kultura ng ating pamilya, lahi, o bansa. Kailangan nating baguhin ang lahat ng elemento ng ating pag-uugali na salungat sa mga utos, tipan, at kultura ng ebanghelyo.
Ang plano ng ebanghelyo ay batay sa kani-kanyang pananagutan. Nakasaad sa saligan ng ating pananampalataya ang walang hanggang katotohanan "na ang mga tao ay parurusahan dahil sa kanilang sariling mga kasalanan, at hindi dahil sa paglabag ni Adan" (Saligan ng Pananampalataya 1:2). Ang pagkakaroong ito ng sariling pananagutan, na nakikita sa iba't ibang paraan sa ating doktrina, ay lubhang salungat sa plano ni Satanas na "[tubusin] ang buong sangkatauhan, upang wala ni isa mang katao ang mawala" (Moises 4:1). Ang plano ng Ama at ng Tagapagligtas ay batay sa pagpili at pagsisikap ng bawat isa.
Salungat ang doktrina at nakaugaliang personal na responsibilidad at pagsisikap sa kani-kanyang tradisyon at kultura sa maraming lupain. Nabubuhay tayo sa mundong malaki ang pagkakaiba sa sahod at ari-arian, at sinisikap ng marami sa publiko at pribado na bawasan ang pagkakaibang iyon. Inuutusan ang mga tagasunod ng Tagapagligtas na bigyan ang mahihirap at marami ang gumagawa nito. Ngunit itinaguyod ng ilang kaloob ang kultura ng pag-asa sa iba, at nababawasan ang pangangailangan ng tao sa pagkain o kanlungan, ngunit salat naman sila sa walang hanggang pangangailangan na umunlad. Ang pag-unlad na sinasabi sa plano ng ebanghelyo ay nangyayari lamang sa kultura ng pagsisikap at responsibilidad ng bawat isa. Hindi ito nangyayari sa kultura ng pag-asa sa iba. Anuman ang dahilan ng pag-asa natin sa iba para sa mga desisyon o kabuhayang mailalaan naman natin sa ating sarili ay nagpapahina sa ating espirituwalidad at nagpapabagal sa pag-unlad natin tungo sa dapat nating marating ayon sa plano ng ebanghelyo.
Iniaahon ng ebanghelyo ang mga tao mula sa kahirapan at pag-asa sa iba. Nangyayari lang ito kapag nangibabaw ang kultura ng ebanghelyo sa mga tradisyon at kultura ng pag-asa sa iba, at kapag matapat na nagbabayad ng ikapu kahit ang mga dukha. Iyan ang dapat nating matutuhan mula sa mga anak ni Israel, na nakalaya sa daan-daang taon ng pagkaalipin sa Egipto at sumunod sa propeta patungo sa sarili nilang lupain at naging makapangyarihan. Matututuhan din iyan sa mga Mormon pioneer, na di kailanman idinahilan ang pag-uusig sa kanila o kahirapan at patuloy na sumulong sa pananampalataya. Batid nilang pagpapalain sila ng Diyos kapag tinupad nila ang Kanyang mga utos, na ginawa nga Niya.
Ang mga pagbabagong dapat nating gawin para maging bahagi ng kultura ng ebanghelyo ay kailangan ng matagalan at minsa'y matinding pagsisikap, at dapat makita ang ating mga pagkakaiba. Bilang "asin ng lupa," tayo rin ay "ilaw ng sanglibutan" at di natin dapat itago ang liwanag (tingnan sa Mateo 5:13-16). Nagbabala si Apostol Juan na kapopootan tayo ng mundo dahil dito (tingnan sa I Juan 3:13). Kaya nga ang mga nakipagtipan na magbabago ay may sagradong tungkuling magmahalan at magtulungan. Dapat iparating ang panghihikayat na iyan sa bawat kaluluwang nagsisikap makaalpas sa kultura ng mundo at makabahagi sa kultura ng ebanghelyo ni Jesucristo. Pagwawakas ni Apostol Juan, "Huwag tayong magsiibig ng salita, ni ng dila man; kundi ng gawa at katotohanan" (I Juan 3:18).
Wala nang mas kahanga-hangang magmamahal sa kanyang kapwa kaysa sa mararangal na tao ng Simbahang ito na iniiwan ang ginhawa ng tahanan at kapaligiran para maglingkod bilang mga couple missionary. Sila ang nagbibigay ng pinakatunay at pinakamahalagang tulong sa mga nagsisikap na magbago. Pagpalain nawa ng Diyos ang ating mga couple missionary!
IV.
Inutos ni Jesus na magmahalan tayo, at ipakita iyan sa paraan ng paglilingkod natin sa isa't isa. Inutusan din tayong mahalin ang Diyos, at ipakita iyon sa patuloy na pagsisisi at pagsunod sa Kanyang mga utos (tingnan sa Juan 14:15). At ang pagsisisi ay higit pa sa pagtalikod sa ating mga kasalanan. Sa pinakamalawak na kahulugan nito, kailangan nito ng pagbabago, ng pagsuko ng lahat ng tradisyon nating salungat sa mga utos ng Diyos. Sa ganap nating pakikibahagi sa kultura ng Ebanghelyo ni Jesucristo, tayo'y nagiging "mga kababayan na kasama ng mga banal, at sangbahayan ng Dios" (Mga Taga Efeso 2:19).
Pinatototohanan ko na ito ang gustong ipagawa sa atin ng ating Panginoon at Tagapagligtas, upang matupad ang layon sa atin ng Kanyang ebanghelyo, sa ngalan ni Jesucristo, amen.