The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2003
Personal na Responsibilidad sa Priesthood

Personal na Responsibilidad sa Priesthood

ELDER RUSSELL M. NELSON
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Kapag naorden kayo sa katungkulan sa priesthood, ginagawaran kayo ng awtoridad. Ngunit dumarating ang kapangyarihan kapag ginamit ninyo sa kabutihan ang awtoridad na iyon.

ELDER RUSSELL M. NELSONMahal kong mga kapatid sa priesthood, bagama't iba't ibang bansa ang ating pinagmulan, tayo, ayon kay Pablo, ay sa "isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo."1 Ngunit ang lakas ng pananampalatayang nasasaatin ay nabubuo sa bawat isa, hindi nang pangkatan.

Halimbawa, isipin ninyo ang pananampalataya ng isang batang mga walong taong gulang, na ooperahan sa malalang apendisitis. Habang nakahiga siya sa kamang pag-ooperahan, tumingin siya sa doktor at nagsabing, "Doktor, bago kayo mag-opera, puwede bang ipagdasal ninyo ako?"

Manghang tiningnan ng doktor ang bata at sinabi, "Aba, hindi kita puwedeng ipagdasal."

Sabi ng bata, "Kung hindi ninyo ako ipagdarasal, sandali lang po at ipagdarasal ko ang sarili ko." Doon sa kamang pag-ooperahan, lumuhod ang bata, humalukipkip, at nagsimulang magdasal. Sabi niya: "Ama sa Langit, ako po'y ulilang paslit. Malala po ang sakit ko, at ooperahan ako ng mga doktor na ito. Maaari po bang tulungan ninyo sila para di sila magkamali? Ama sa Langit, kung pagagalingin po ninyo ako, magpapakabait po ako. Salamat po sa pagpapagaling ninyo sa akin." Nahiga siya, tiningnan ang lumuluhang mga doktor at nars, at sinabi, "Handa na po ako."2

Ganap siyang gumaling, at nag-ibayo ang kanyang espirituwal na lakas. Kayong mga kapatid ay mas nakatatanda at nagawaran na ng priesthood. Binibigyan kayo ng inyong mga korum ng priesthood ng pagkakataong makipagkaibigan, maglingkod, at matuto. Ngunit personal na responsibilidad ninyo ang pagkakaroon ng bisa ng inyong priesthood. Kayo mismo ang dapat kumilos para magkaroon ng matibay na pananampalataya sa Diyos at marubdob na pagnanasang makapagdasal. Kayo mismo ang dapat kumilos para inyong masunod ang mga utos ng Diyos. Kayo mismo ang dapat kumilos para makapagsisi. Kayo mismo ang dapat kumilos para maging marapat sa mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan. At kapag nabuklod kayo sa inyong kabiyak, pag-iibayuhin ng kanyang lakas at potensyal ang sa inyo.

Kabilang ako sa isang magaling na korum ng priesthood. Masaya ang kapatiran namin. Sama-sama kaming nagdarasal at naglilingkod. Nagtuturuan, nagmamahalan, at nagsusuportahan kami. Iba-iba ang pinagmulan ng Labindalawa—sa negosyo, edukasyon, batas, at siyensya. Pero walang tinawag na maglingkod nang dahil sa kanyang pinagmulan. Katunayan, lahat ng kalalakihang tinawag sa mga katungkulan sa priesthood ay pinili dahil sa kanilang pagkatao at potensyal.3

Habambuhay iba't ibang tungkulin at resposibilidad ang mapapasainyo. Marami sa mga ito ang pansamantala lang at mawawala kapag kayo ay na-release. (Hindi naman siguro kayo tatangging ma-release sa pagbubunot ng mga damong ligaw sa welfare farm.) Pero kahit kaila'y hindi kayo mare-release sa mga responsibilidad ukol sa sarili ninyong pag-unlad at sa inyong pamilya.

Kapag naorden kayo sa katungkulan sa priesthood, ginagawaran kayo ng awtoridad. Ngunit dumarating ang kapangyarihan kapag ginamit ninyo sa kabutihan ang awtoridad na iyon.

Responsibilidad sa Panginoon

Mula sa Pangulo ng Simbahan hanggang sa pinakabagong deacon, mananagot tayo sa Panginoon. Dapat tayong maging tunay at tapat at mamuhay ayon sa bawat alituntunin at doktrinang ibinigay Niya sa atin. Hindi natin puwedeng isuko ang isang paghahayag o kautusan na ipinagawa sa atin. Pinagtitiwalaan Niya tayong "itatag ang kaharian ng Diyos, at pagtibayin ang kanyang katwiran."4

Balang-araw mangagsusulit tayo sa Panginoon.5 Napansin ko ito nang magkausap kami nang masinsinan ng isang mahal kong kaibigan na malapit nang mamatay. Tinanong ko kung handa na siyang mamatay. Hindi ko malilimutan ang sagot niya. Matapang at tiwala niyang sinabi, "Handa akong magpasiyasat."

Nang harapin ni Joseph ang kamatayan, sinabi niya, "Ako ay patutungong gaya ng isang kordero sa katayan; subalit ako ay mahinahon gaya ng isang umaga sa tag-araw; ako ay may budhi na walang kasalanan sa harapan ng Diyos, at sa lahat ng tao."6

Panahon na para paghandaan ang pinakamahalaga ninyong panayam sa Diyos. Maitatanong ninyo sa inyong sarili: "Buong puso ba akong nagbabayad ng ikapu? Sinusunod ko ba ang Word of Wisdom? Hindi ba ako nagsasalita ng malalaswa at nagmumura? Hindi ba ako mahalay? Taos ba ang pasasalamat ko sa Pagbabayad-sala na nagsasakatuparan ng aking pagkabuhay na mag-uli at pinapangyayari ang buhay na walang hanggan? Tinutupad ko ba ang mga tipan ko sa templo na nagbubuklod sa akin sa mga mahal ko sa buhay magpakailanman?" Kung tapat kang makakasagot ng oo, nagkakabisa sa iyo ang priesthood.

Makadaragdag sa lakas na iyan ang kaloob na Espiritu Santo. Nagsasalaysay ang mga banal na kasulatan tungkol sa mga taong nakatanggap sa Espiritu Santo ngunit hindi batid ito.7 Huwag ninyong hayaang mangyari ito sa inyo. Pagyamanin ang kaloob na iyan at maging marapat sa pangako ng Diyos: "Sabihin ninyo ang mga bagay na ilalagay ko sa inyong puso, at hindi kayo malilito sa harapan ng mga tao; Sapagkat ibibigay sa inyo sa mga oras na yaon, oo, sa sandali, kung ano ang inyong sasabihin."8

Personal na Responsibilidad at Kapangyarihan ng Priesthood

Umiral na ang awtoridad ng priesthood sa maraming dispensasyon, tulad ng kina Adan, Noe, Enoc, Abraham, Moises, sa kalagitnaan ng panahon, sa mga Jaredita, Nephita, at iba pa. Lahat ng naunang dispensasyon ay limitado sa panahon, dahil humantong ang bawat isa sa pagtalikod sa katotohanan. Limitado rin ang mga ito sa maliliit na bahagi ng planetang Daigdig. Sa kabilang dako, ang ating dispensasyon—ang dispensasyon ng kaganapan ng panahon—ay walang limitasyon sa panahon o lugar. Sa buong mundo, pangangasiwaan nito ang buo, kumpleto, at perpektong pagsasama-sama, pag-iisahin ang mga dispensasyon, susi, kapangyarihan, at kaluwalhatian mula noong panahon ni Adan hanggang sa kasalukuyan.9

Ang Aaronic Priesthood ay ipinanumbalik ni Juan Bautista noong Mayo 15, 1829, kasunod agad nito ang Melchizedek Priesthood na ipinanumbalik nina Pedro, Santiago, at Juan.10 Nagkaloob ng mga partikular na susi ng priesthood ang iba pang mga sugo ng langit. Hawak ni Moroni ang mga susi ng Aklat ni Mormon.11 Inihatid ni Moises ang mga susi ng pagtitipon ng Israel at ng pag-akay sa sampung lipi.12 Ipinagkaloob ni Elias ang mga susi ng pagpapanumbalik ng lahat ng bagay,13 kabilang na ang tipang Abraham.14 At iginawad ni Elijah ang mga susi ng awtoridad sa pagbubuklod.15

May alam kayo tungkol sa mga susi. Maaaring sa bulsa ninyo ay may susi kayo sa bahay o sasakyan. Sa kabilang banda, ang mga susi ng priesthood ay hindi nahahawakan o nakikita. "Pinagagana" nito ang awtoridad ng priesthood. May ilang susi pang nagbibigay-kapangyarihan na magbuklod sa langit gayundin sa lupa.16

Iginawad ni Joseph Smith ang mga susi ng priesthood sa Labindalawa.17 Ang mga susing iyon ay naipasa na sa mga sumunod na lider. Taglay ngayon ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang awtoridad para sa bawat naipanumbalik na susing taglay ng "lahat ng yaong nakatanggap ng dispensasyon sa alin mang panahon mula pa noong simula ng paglalang."18

Kung isasaisip ang kasaysayang ito sa doktrina, maliwanag na hindi mabibili ninuman ang priesthood. Ipinahayag ng mga banal na kasulatan na "sinoman ay hindi tumatanggap sa kaniyang sarili ng karangalang ito, liban na kung tawagin siya ng Dios, na gaya ni Aaron."19

Ang pagtataglay ng priesthood ay pagkakaroon ng personal na responsibilidad na gampanan ang inyong tungkulin. Hayaang makatulong ang bawat pagkakataong makapaglingkod upang mapag-ibayo ang inyong kapangyarihan sa priesthood. Sa pag-aayos ninyo sa sarili, sundin ang halimbawa ng buhay na mga propeta. Ito ay tahimik na pahiwatig na talagang nauunawaan ninyo ang kahalagahan ng "Banal na Pagkasaserdote, alinsunod sa Orden ng Anak ng Diyos."20

Kapag nagkaroon kayong mga kapatid ng pagkakataong gamitin ang Melchizedek Priesthood, pag-isipan ang gagawin ninyo. Kapag nagpatong kayo ng mga kamay sa ulo ng iba, hindi kayo nag-aalay ng panalangin, na mangyari pa ay walang kailangang awtoridad. May awtoridad kayong magtalaga, mag-orden, magbasbas, at magsalita sa ngalan ng Panginoon.21 Tandaan ang Kanyang mga pangako: "Sinuman ang iyong pagpalain ay aking pagpapalain,"22 at "ipagkakaloob ko sa iyo ang aking Espiritu, . . . at pagkatapos ay iyong malalaman . . . ang lahat ng bagay . . . na nauukol sa mga bagay ng kabutihan, nang may pananampalataya na naniniwala sa akin na ikaw ay makatatanggap."23

Upang magampanan ang inyong mga katungkulan sa Aaronic Priesthood, kayong mga kabataan ay dapat pagsikapan ang limang pansariling layunin na:

  • Magtamo ng kaalaman sa ebanghelyo ni Jesucristo.
  • Maging marapat sa pagmimisyon.
  • Panatilihing malinis ang puri at marapat na makapasok sa banal na templo.
  • Magpatuloy sa pag-aaral.
  • Sundin ang mga pamantayan ng Simbahan at maging marapat sa mapapangasawa ninyo.

Paano ninyo matatandaan ang limang layuning iyon? Madali lang. Tingnan ninyo ang inyong kamay. Ang hintuturo ninyo ang tutukoy sa mga banal na kasulatan. Dito kayo magtatamo ng higit na kaalaman sa ebanghelyo ni Jesucristo, at mamuhay ayon sa Kanyang mga turo. Ang gitnang daliri ninyo ang magpapaalala sa inyo na maging marapat sa pagmimisyon. Ang palasingsingan ninyo ang magpapaalala sa inyo sa kasal, endowment, pagbubuklod, at mga biyaya ng templo. Ang hinliliit ninyo ang magpapaalala sa inyo na espirituwal na responsibilidad ang magpatuloy sa pag-aaral.24 Itaas ang inyong hinlalaki, para ipaalala sa inyo na sundin ang mga pamantayan ng Simbahan at maging marapat sa makakasama ninyo sa kawalang-hanggan. Ang pagsasakatuparan ng limang layuning ito ay magpapala sa inyong buhay.

Kayong mga maytaglay ng Melchizedek Priesthood ay dapat maging marapat sa pinakamataas na antas ng kaluwalhatiang selestiyal. "Upang matamo [ito], ang isang tao ay kailangang pumasok sa orden na ito ng pagkasaserdote [ibig sabihin ang bago at walang hanggang tipan ng kasal]; At kung hindi niya gagawin, hindi niya ito matatamo."25

Natutupad ang tipang iyan kapag iginalang ninyo ang inyong kabiyak. Ang unang priyoridad ng isang lalaki ay ang pangalagaan ang kanyang kabiyak. Maging tapat sa kanya. Huwag tumingin kailanman sa pornograpiya o gawing mahalay ang inyong pananalita. Ang mismong mga desisyong bunga ng kalayaang pumili ay naglilimita sa kalayaan ng tao sa hinaharap. Hindi kayo maaaring pumili at takasan ang pananagutan at responsibilidad na resulta ng bawat pagpili ninyo.

Huwag kalimutan na "ang mga karapatan ng pagkasaserdote ay may di mapaghihiwalay na kaugnayan sa mga kapangyarihan ng langit. . . . [Ang kapangyarihang ito] ay hindi mapamamahalaan ni mahahawakan [maliban kung] alinsunod sa mga alituntunin ng kabutihan."26 Kung aabusuhin natin ang kapangyarihang iyan para pagtakpan ang ating mga kasalanan, bigyang-kasiyahan ang ating kapalaluan, ang ating walang kabuluhang adhikain, o kontrolin ang iba sa alinmang antas ng kasamaan, nawawala sa atin ang kapwa awtoridad at kapangyarihan ng pagkasaserdote.27

Mga kapatid, maglingkod nang may kahinahunan, mahabang pagtitiis, kaamuan, hindi pakunwaring pag-ibig, dalisay na kaalaman at ng pag-ibig sa bawat isa.28 Sa gayon ang "doktrina ng pagkasaserdote ay magpapadalisay sa [inyong] kaluluwa gaya ng hamog mula sa langit."29

Damhin ninyo ang aming pagmamahal at pasasalamat sa bawat isa sa inyo. Salamat sa inyong pananampalataya, paglilingkod, at nagpapalakas na katatagan. Nawa'y pagpalain kayo, ang inyong mga mahal sa buhay, at inyong angkan sa mabuti ninyong paghahangad sa kapangyarihan ng priesthood.

Buhay ang Diyos. Si Jesus ang Cristo. Pinamamahalaan Niya ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta at apostol. Pinatototohanan ko ito, sa ngalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Mga Taga Efeso 4:5.

2. Tingnan sa Sharing the Gospel with Others, ni George Albert Smith, tinipon ni Preston Nibley (1948), 144-45.

3. Tingnan sa Mateo 20:16; 22:14; I Ni Pedro 2:9; Apocalipsis 17:14; Alma 13:3, 6, 9; 3 Nephi 12:1; D at T 3:10; 52:1; 95:5; 121:34, 40-46.

4. Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 6:38.

5. Tingnan sa Mga Hebreo 13:17; Alma 5:18; 11:43; D at T 72:13-16.

6. D at T 135:4.

7. Tingnan sa 3 Nephi 9:20.

8. D at T 100:5-6.

9. Tingnan sa D at T 128:18.

10. Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:72; D at T 27:8, 12.

11. Tingnan sa D at T 27:5.

12. Tingnan sa D at T 110:11.

13. Tingnan sa D at T 27:6.

14. Tingnan sa D at T 110:12.

15. Tingnan sa Teachings of the Prophet Joseph Smith, ni Joseph Smith, tinipon ni Joseph Fielding Smith (1976), 337-38; tingnan din sa D at T 27:9; 110:13-16; 128:21.

16. Tingnan sa Mateo 16:19; 18:18; D at T 124:93; 127:7; 128:8, 10; 132:46.

17. Tingnan sa Doctrines of Salvation, ni Joseph Fielding Smith, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo (1954-56), 3:154-56.

18. D at T 112:31; tingnan din sa D at T 128:18.

19. Sa Mga Hebreo 5:4.

20. D at T 107:3; tingnan din sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Sa Mga Hebreo 7:3; Alma 13:1.

21. Tingnan sa D at T 1:20, 38; 84:19-22, 26-27; 107:18-20; 124:39-46; 133:6.

22. D at T 132:47.

23. D at T 11:13-14.

24. Tingnan sa D at T 130:18-19.

25. D at T 131:2-3; nasa orihinal ang ikalawang mga panaklong.

26. D at T 121:36.

27. Tingnan sa D at T 121:37.

28. Tingnan sa II Mga Taga Tesalonica 1:3; D at T 121:41-42.

29. D at T 121:45.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy