The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2003
Mga Kabataang Lalaki—Mga May Hawak ng mga Susi

Mga Kabataang Lalaki—Mga May Hawak ng mga Susi

ELDER MONTE J. BROUGH
Ng Pitumpu

Kailangang gampanang mabuti ng mga kabataang lalaki ang kanilang tungkulin, na alam ang karapatang ibinigay sa kanila noon pa para kumilos sa katungkulang itinalaga sa kanila.

ELDER MONTE J. BROUGHHawak ko ang kopya ng manwal sa Sunday School na pinamagatang Leaders of the Scriptures na inilimbag noong 1947. Ang mga may-akda ay sina Marion G. Merkley at Gordon B. Hinckley. Limampu't anim na taon na ang nakalilipas! Matagal na sa bahay ko ang manwal na ito at isa ito sa nakaganyak sa mensaheng ito.

Isa sa pinakamahahalagang pangyayari sa Panunumbalik ang Aaronic Priesthood noong Mayo 1829. Nagpakita si Juan Bautista kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery.

Salaysay ni Joseph: "Habang kami ay nasa gayong ayos, nananalangin at nananawagan sa Panginoon, isang sugo mula sa langit ang bumaba sa isang ulap ng liwanag, at habang nakapatong ang kanyang mga kamay sa amin, inordenan niya kami, sinasabing:

"Sa inyo na aking kapwa tagapaglingkod, sa pangalan ng Mesiyas, aking iginagawad ang Pagkasaserdoteng Aaron, na may hawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at ng ebanghelyo ng pagsisisi, at ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan."1

Sa sesyong ito ng priesthood ng pangkalahatang kumperensya ay laksa-laksang binatilyo ang mayhawak ng Aaronic Priesthood at kabilang sa mga korum ng deacon, teacher, at priest sa buong mundo. Bawat korum ay pinamumunuan ng panguluhan ng korum, kasama ang isang pangulo na mayhawak ng mga susi para mamuno sa bawat korum ng priesthood.

Maaaring isipin ng marami sa atin na napakabata pa ng mga lider na ito para humawak ng mahahalagang katungkulan. Tingnan ang ilang halimbawa ng talagang kayang gawin ng kabataan.

Una, ang propetang Jeremias: "Ang salita nga ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

"Bago kita inanyuan sa tiyan ay nakilala kita; at bago ka lumabas sa bahay-bata ay pinapaging banal kita, inihalal kitang propeta sa mga bansa.

"Nang magkagayo'y sinabi ko, Ah, Panginoong Dios! narito, hindi ako marunong magsalita: sapagka't ako'y bata.

"Nguni't sinabi sa akin ng Panginoon, Huwag mong sabihin, Ako'y bata: sapagka't saan man kita susuguin ay paroroon ka, at anomang iutos ko sa iyo ay sasalitain mo. . . .

"Nang magkagayo'y iniunat ng Panginoon ang kaniyang kamay, at hinipo ang aking bibig. At sinabi sa akin ng Panginoon, Narito, inilagay ko ang aking mga salita sa iyong bibig."2

Kung gugustuhin ng Panginoon, hindi ba Siya makapaglalagay din ng mga salita sa bibig ng 13 anyos na pangulo ng korum ng mga deacon na "may hawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel"?

Isa pang kabataan, si Timoteo, ang kasamang misyonero ni Apostol Pablo. Ang mga liham ni Pablo kay Timoteo ay mga papugay sa pananampalataya at patotoo ng binatilyong ito. Babasahin ko ang ilang hango mula sa mga liham na iyon:

"Dahil dito . . . paningasin mo ang kaloob ng Dios, na nasa iyo sa pamamagitan ng pagpapatong ng aking mga kamay. . . .

"[Si Cristo] sa atin ay nagligtas, at sa atin ay tumawag ng isang banal na pagtawag."3

"At mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan na makapagpadunong sa iyo."4

Tulad ni Timoteo, hindi ba may karapatan din sa "kaloob ng Diyos" ang 14 anyos na pangulo ng korum ng mga teacher kapag siya'y itinalaga ng bishop? Di ba't ang katungkulan ng pangulo ng korum ng mga teacher ay isa ring "banal na pagtawag"? Maaari bang maging "marunong" ang 16 anyos na priest? Ang sagot ng banal na kasulatan ay malakas na oo!

Ang isa pa sa mga dakilang halimbawa ng binatilyong gumagawa ng malaking kontribusyon ay si Mormon. Basahin natin ang ilang bahagi ng kanyang salaysay:

"At ngayon ako, si Mormon, ay gumagawa ng talaan ng mga bagay na aking kapwa nakita at narinig, at tinawag itong ang Aklat ni Mormon.

"At sa panahong ikinubli ni Amaron ang mga talaan ayon sa Panginoon, siya ay nagtungo sa akin (ako na noon ay mga sampung taong gulang lamang, at ako ay nagsimulang matuto kahit paano alinsunod sa pamamaraan ng pagkakatuto ng aking mga tao) at sinabi ni Amaron sa akin: Nahihiwatigan ko na ikaw ay isang batang mahinahon, at mabilis magmasid. . . .

"At masdan, iyong kukunin [balang-araw] ang mga lamina ni Nephi sa iyong sarili, at ang nalalabi ay iiwanan mo sa pook kung saan naroroon ang mga yaon; at iyong iuukit sa mga lamina ni Nephi ang lahat ng bagay na iyong namasid hinggil sa mga taong ito."5

". . . At sa kabila ng aking pagiging bata, ay malaki ang pangangatawan; anupa't ako ay hinirang ng mga tao ni Nephi na ako ang maging pinuno nila, o ang pinuno ng kanilang mga hukbo.

"[Kaya nga] ito ay nangyari na, na sa aking ikalabing-anim na taon ako ay humayo sa unahan ng hukbo ng mga Nephita."6

Kamangha-manghang sunud-sunod na mga pangyayari sa buhay ng batambatang lalaki! Nagsimula siyang maghanda sa pagiging propeta sa edad na 10, na tumatanggap ng kaalaman hinggil sa mga sinaunang sagradong talaan. Sa paghirang ng mga tao ni Nephi, naging pinuno siya ng mga hukbo ni Nephi sa edad na 16.

Noong Hunyo ng taong iyon na 12 anyos ako, nasugatan ako sa aksidente sa kabayo habang naghahatid ng diyaryo sa bayan ko sa Randolph, Utah. Anim na buwan akong naka-wheelchair hanggang sa makalakad akong muli sa Araw ng Pasko. Naaalala kong dinalaw pa ako sa bahay ng mga miyembro ng panguluhan ng aming korum ng mga deacon—sina Dale Rex, Doug McKinnon, at ng iba pang mga 13 anyos na mga lider sa panguluhan ng korum ng mga deacon. Tila nauunawaan nila ang kanilang responsibilidad sa akin bilang miyembro ng kanilang korum.

Kailan lang habang nakatayo ako sa kuhanan ng bagahe sa Salt Lake City International Airport ay nilapitan ako ng isang babae at tinanong ang pangalan ko. Dati ko pala siyang kaklase sa South Rich High School noong araw. Iba na ang hitsura niya mula noong huli ko siyang makita. Alam n'yo naman ang pakiramdam sa high school reunion. May puting buhok na siya at kaunting kulubot. (Siyempre, wala akong ipinagbago.) Halatang sasalubungin niya ang anak niyang misyonero, na pauwi mula sa misyon. Nagulat ako. Noong nag-aaral pa siya, ang pamilya niya, na hindi mga miyembro ng Simbahan, ay lumipat sa maliit naming komunidad. Ang pangalan niya'y Alice Gomez. Halos kaedad namin siya ng mga kaibigan ko. Natatandaan ko na palakaibigan siya at laging magalang pero hindi siya dumalo sa mga miting ng Simbahan kahit kailan.

Sabi ko sa kanya, "Alice, magkuwento ka naman. Halatang aktibo ka na ngayon sa Simbahan samantalang hindi ka pa miyembro noong nag-aaral pa tayo."

Nakonsiyensya ako sa sagot niya: "Walang nag-imbita sa akin!" Naku! Nagkulang pala ang korum namin sa isang iyon.

Naiulat sa akin ang tungkol sa korum ng mga batang priest sa Jamaica na nakaisip na tumulong sa mga misyonero sa gawain nila. Kaya't ang korum na ito ay nagbahay-bahay para hanapan ng matuturuan ang mga misyonero. Nakahanap sila agad ng iba pang mga referral na sa dami ay halos di makayang turuang lahat ng mga misyonero.

Nagpasiya ang isang korum ng mga priest sa Kaysville, Utah, na di dapat mawala ang kahit isa sa kanilang korum. Pupunta ang buong korum sa bahay ng miyembrong di-gaanong aktibo at ituturo ang aralin sa Linggong iyon sa tabi ng higaan ng di gaanong aktibong miyembro. Di nagtagal sumama rin sa korum ang binatilyong iyon sa pagtuturo ng aralin sa Linggo sa ibang tahanan.

Sa taong 2003, mahigit 26,000 na ang mga ward at branch sa Simbahan, na may tinatayang 78,000 korum ng mga deacon, teacher, at priest. Napakalaking hukbo nito!

Malaki ang maitutulong ng mga korum ng Aaronic Priesthood sa pagpapabalik-loob, pagpapanatiling aktibo, at pagpapaaktibo sa ibang mga miyembro ng kanilang korum.

Kung ang 16 anyos na si Mormon ay maaaring maging pinuno ng malaking hukbo, at kung ang batang si Jeremias ay malalagyan ng mga salita sa bibig ng Diyos na Maykapal, at kung si Timoteo ay tumalino nang gayon, ibig sabihin ang bawat binatilyong nakakarinig sa mensaheng ito ay magagampanan ang kanyang mga tungkulin sa korum.

Ang mga responsibilidad ng mga korum ng Aaronic Priesthood ay singhalaga ng responsibilidad ng korum ng mga elder o grupo ng mga high priest. Alalahanin na "hawak nila ang mga susi ng paglilingkod ng mga anghel." Kailangang gampanang mabuti ng mga kabataang lalaki ang kanilang tungkulin, na alam ang karapatang ibinigay sa kanila noon pa para kumilos sa katungkulang itinalaga sa kanila.

Pinatototohanan ko na ang mga korum na ito ng Aaronic Priesthood ay mayhawak ng banal na priesthood ng Diyos. Sa ngalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Joseph Smith—Kasaysayan 1:68-69.

2. Jeremias 1:4-7, 9.

3. II Kay Timoteo 1:6, 9.

4. II Kay Timoteo 3:15.

5. Tingnan sa Mormon 1:1-2, 4.

6. Tingnan sa Mormon 2:1-2.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy