The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2003
Ikaw na Kahanga-hanga

Ikaw na Kahanga-hanga

PANGULONG JAMES E . FAUST
Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan

Simulang alamin kung sino nga ba kayo talaga sa pagtuklas pa tungkol sa inyong mga ninuno.

PANGULONG JAMES E . FAUSTMga mahal kong kapatid ng priesthood ng Diyos sa buong mundo, minamahal at binabati namin ang bawat isa sa inyo nasaan man kayo.

Ilarawan natin sa isipan ang isang anim na taong gulang na ulilang batang babae na patawid sa mga kapatagan ng Amerika. Siya si Elsie Ann. Namatay ang kanyang ina nang siya'y dalawang taon. Nag-asawang muli ang kanyang ama kaya nagkaroon siya ng pangalawang ina. Sumunod ay namatay ang kanyang ama sa Winter Quarters noong limang taon siya. Nag-asawang muli ang kanyang pangalawang ina at umalis. Iniwan niya ang ulilang ito kina Peter at Selina Robison, na kamag-anak ng kanyang pangalawang ina. Sumama si Elsie Ann sa mga Robison noong Hulyo ng 1849 pakanluran. Habang minamasdan niya ang pag-aalaga ni Selina sa 10 buwang sanggol na babae nito, inasam niya ang kalinga ng sariling ina. Minsa'y itinatanong niya, "Nasaan ang nanay ko?"

Naaawa ako sa batang ito kapag iniisip ko ang walang katiyakang bukas na haharapin niya na walang kamag-anak na aalo at tutulong sa kanya. Si Elsie Ann ay aking lola sa tuhod at nito lang namin nalaman kung sino talaga ang kanyang ina. Maraming taon din naming inakala na anak ni Jane Robison si Elsie Ann. Natuklasan ang tunay na mga magulang niya dahil sa masusing pagsasaliksik, at matapos ang maraming taon, nabuklod na rin si Elsie Ann sa kanyang amang si John Akerley, at sa kanyang inang si Mary Moore.

Malaki ang impluwensya ng mga lolo't lola ko sa akin. Bagama't matagal na silang patay, nararamdaman ko pa rin ang kanilang pagmamahal. Ang isang lolo ko, si James Akerley Faust, ay namatay bago ako isilang. Nakilala ko lang siya dahil ikinuwento siya sa akin ng aking lola at mga magulang. Gayunpaman, malapit ako sa kanya dahil may pagkakatulad kami. Maliban sa iba pa, dati siyang cowboy, rantsero, at kartero sa isang nayon sa gitnang Utah. Minsa'y naglakbay si lolo noong taglamig sa Idaho upang makipagkita sa isang kakilalang naghihikahos. Malamig noon, at walang pangginaw ang kaibigan niya. Hinubad ni lolo ang pangginaw niya at ibinigay dito.

Ngayong gabi hinihikayat ko kayong mga kabataan na simulang alamin kung sino nga ba kayo talaga sa pagtuklas pa tungkol sa inyong mga ninuno. Sinabi ni Alex Haley, may-akda ng aklat na Roots: "Lahat tayo ay umaasam nang labis na malaman ang ating pinagmulan—sino tayo at saan tayo nanggaling. Kung wala ang nakahihikayat na kaalamang ito, naroroon ang hungkag na pag-asam. Anuman ang marating natin sa buhay, mayroon pa ring puwang na di napupunan, kahungkagan, at nakababagabag na katahimikan."1 Magkakaroon tayo ng masasayang karanasan kapag nalaman natin ang tungkol sa ating masasayahing ninuno. Tao rin sila na may mga problema, inaasam, at mga pangarap na tulad natin ngayon.

Sa maraming paraan, may bahagi tayo sa buong pagkatao ng ating mga ninuno. Ang kagalingan nila ay maaaring kagalingan din natin, lakas nila'y lakas natin, mga hamon nila'y hamon natin. Ang ilan sa mga katangian nila ay maaaring katangian din natin. Napansin ko kanina na nakatutuwang lumakad ang isa sa mga apo ko sa tuhod, na musmos pa. Ang sabi ng asawa ko, "Pareho kayong maglakad!" Iniisip ko ngayon kung kanino ko naman kaya namana ang paglakad ko.

Nakasisiyang makilala ang ating mga ninuno na matagal nang namatay. Bawat isa sa atin ay may nakatutuwang family history. Ang paghahanap sa inyong mga ninuno ang isa sa mga nakawiwiling palaisipan na maisasagawa ninyo, mga kabataan.

Kailangang masimulan natin ang gawaing ito, at magagawa ito ng bata o matanda man. Nitong tag-init 170 mga bata ng Accra Ghana Lartebiokorshie Stake ang gumawa ng kanilang family tree para sa apat na henerasyon bilang bahagi ng dalawang oras na programa. Mahigit 74 ang nakatapos at nakapagdispley ng kanilang mga puno.

Tulad nga ng sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer, "Kung hindi ninyo alam kung saan magsisimula, magsimula sa inyong sarili. Kung hindi ninyo alam kung anong mga talaan ang kukunin, at kung paano kukunin ang mga ito, magsimula sa kung anumang mayroon kayo."2 Malalaman ninyong kahanga-hanga kayo. Mas nakakaingganyo ito kaysa sa anumang pelikulang maaaring panoorin ninyo o computer game na lalaruin ninyo. Kailangang alamin ninyo kung sino ang inyong mga lolo't lola at lolo't lola sa tuhod, at anong ordenansa sa templo ang nagawa na para sa kanila. Kung hindi ninyo alam kung paano kukunin ang impormasyong ito, magtanong sa sinumang nakaaalam sa ward ninyo.

Itanong sa mga buhay pang miyembro ng inyong pamilya ang alam nila tungkol sa mga kamag-anak ninyo. Maghanap sa mga rekord sa paligid-ligid ninyo, tulad ng Biblia ng pamilya, para makakita pa ng mga detalye tungkol sa mga ninuno ninyo. Sumunod, gamitin pa ang ibang mapagkukunan, tulad ng mga personal na rekord, rekord sa simbahan, sensus, at militar. Kung may magagamit kayong kompyuter, gamitin ito at mag-log sa Web site ng Simbahan na FamilySearch.org. Naging isa nang modernong aktibiti ang family history at maraming impormasyon ang maibibigay sa inyo ng kompyuter. Madali lang kayong makakakuha ng malaking koleksyon ng rekord ng family history, gamit ang Internet sa kompyuter ninyo sa bahay o sa pinakamalapit na family history center.

Mayroon na ngayong gumaganang family history center sa 88 bansa. Bahagi sila ng di mapantayang sistema ng pagrerekord na tumutulong sa pangangalaga ng mga pamanang alaala ng mga pamilya sa buong daigdig. Sa Family History Library sa Salt Lake City laging nakikipag-ugnayan at nagsusumite ng mga impormasyon tungkol sa kanilang mga family history ang mga patron. May isang nagsulat, "Magpapadala kami sa inyo ng limang tao sa hiwalay na sobre."

Ang dakilang gawaing maglaan ng mga nakapagliligtas na ordenansa para sa ating mga namatay na kamaganak ay mahalagang parte ng tatluhang bahaging misyon ng Simbahan. Ginagawa natin ito na may layuning tubusin ang ating mga namatay na ninuno. Mahalaga ang gawain sa templo kapwa sa atin at sa ating mga namatay na naghihintay na magawan ng mga nakapagliligtas na ordenansang ito. Mahalaga ito dahil "tayo ay hindi magagawang ganap; ni sila kung wala tayo ay hindi magagawang ganap."3 Kailangan nila ng nakapagliligtas na ordenansa, at kailangang mabuklod tayo sa kanila. Ito ang dahilan kung bakit mahalagang hanapin natin ang pagkakaugnay-ugnay ng ating angkan upang wala ni isang maiwan.

Hindi lamang libangan ang pagsasaliksik sa ating mga namayapang kamag-anak. Napakahalagang tungkulin ito ng lahat ng miyembro ng Simbahan. Naniniwala tayong patuloy ang buhay matapos ang kamatayan at mabubuhay na muli ang lahat.4 Naniniwala tayo na magpapatuloy ang mga pamilya sa buhay na darating kung tinupad nila ang mga tipang ginawa sa isa sa mga sagradong templong iyon sa ilalim ng awtoridad ng Diyos. Naniniwala tayo na ang mga namatay nating ninuno at ang kanilang pamilya ay magsasama rin nang walang hanggan kapag nakikipagtipan tayo para sa kanila sa mga templo. Maaaring tanggapin ng ating mga ninuno ang mga tipang ito, kung nais nila, sa daigdig ng mga espiritu.5 Ang dakilang gawain sa templo para sa ating mga patay ay nagpapakita na makatarungan at patas ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith ang kahilahilakbot na kalagayan na haharapin ng mga anak ng Diyos kung hindi gagawa sa templo para sa mga patay. Ang sabi niya: "May isang namatay at inilibing, na hindi kailanman narinig ang Ebanghelyo ng pakikipagkasundo sa Diyos; may isa namang nadalhan ng mensahe ng kaligtasan, narinig at tinanggap niya ito, at nagmana ng buhay na walang hanggan. Magiging kabahagi ba ang isa ng kaluwalhatian at ang isa naman ay malalagak sa malubhang kapahamakan? Wala bang pagkakataong maligtas siya?"6 Sa kabutihang-palad, magkakaroon ng pagkakataon ang ating mga ninuno na matanggap at tanggapin ang nakapagliligtas na mga ordenansa kapag nakilala natin sila at nakumpleto ang mga sagradong ordenansang ito para sa kanila sa pamamagitan ng proxy. Ginagawa natin ang hindi nila magagawa para sa kanilang sarili. Nakasisiyang karanasan ito.

Sa dakilang pangitain sa Kirtland Temple, nagpakita ang propetang si Elijah kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery, at iginawad ang mga susi ng gawain sa templo at ang nakapagbubuklod na kapangyarihan sa mga kamay ni Joseph Smith.7 Isinakatuparan nito ang propesiya ni Malakias na ipadadala si Elijah "upang ibaling ang mga puso ng mga ama sa mga anak, at ang mga anak sa kanilang mga ama, at baka ang buong mundo ay bagabagin ng isang sumpa."8

Ano ang ibig sabihin nito? Ang ibaling ang ating mga puso sa ating mga ama ay ang saliksikin ang mga pangalan ng ating mga namayapang ninuno at gawin ang nakapagliligtas na ordenansa sa templo para sa kanila. Lilikha ito ng di mapuputol na kawing sa atin at sa ating mga ninuno at sa huli'y sa lahat mula pa nang panahon nina Amang Adan at Inang Eva.

Ang puso ng isang 11 taong gulang na bata ay nabaling sa kanyang ama sa family home evening nang gumawa ang mga anak ng mga pansariling aklat ng mga alaala. Gustong sumama ni Jeff sa kanyang ina sa National Archives. Takot ang kanyang ina na makaistorbo siya sa ibang nananaliksik doon, pero mapilit siya, kaya pumayag na ito. Pagkaraan ng apat na oras na pagsasaliksik, sinabi niya, "Mama, nahanap ko na si lolo!" Nahanap nga niya ang kanyang lolo sa tuhod.9 Gayunpaman, hindi laging nangyayari iyan. Sa isang liham sa Family History Department ay ganito ang nilalahad: "Namatay na ang lola namin. Pwede bang magpadala kayo ng kopya?"

Itinuturo sa atin ng ebanghelyo ni Jesucristo na ang pang-selestiyal na organisasyon ng pamilya ay maging "kumpleto," ibig sabihi'y, "isang organisasyong nag-uugnay sa ama at ina at mga anak sa isang henerasyon, sa ama at ina at mga anak ng susunod na henerasyon, bunga niyo'y lalawak at lalaganap ito hanggang sa katapusan ng panahon."10

Sa paghahanap ng mga pangalan ng ating pamilya, madalas na nakikita nating mali ang pagkabaybay ng mga ito, depende sa pinanggalingan. Ito ang nangyari sa isang estudyante sa Provo, Utah, na nagkainteres sa pagkakaugnay-ugnay na ito ng mga henerasyon. Naglalakad siya papuntang aklatan isang gabi at naalala niyang may nabanggit ang isang miyembro ng pamilyang Searing tungkol sa isang bayan sa Estado ng New York na ipinangalan sa isang ninuno nila. Di sinasadyang nakakita siya ng lumang-lumang kopya ng gazetteer ng New York at nabasa ang tungkol kay Simon Searing na tumulong gawing panirahanan ang Long Island noong kalagitnaan ng 1600s. Hindi kaya maaaring ninuno niya si Simon Searing? Aalamin niya. Sinimulan niya ang masusing pagsasaliksik at natunton ang pinagmulan ng kanyang angkan sa ilang henerasyon. Pero kailangan pa rin niyang pag-ugnayin ang mga nakatala sa pagitan ng 1800s at 1600s. Isang himala ang naganap. Di sinasadyang nakita niya ang kasaysayan ng Pamilyang Syring. Nagtapos ang tala ng pamilyang Syring sa henerasyon ding yaon kung saan umabot ang kanyang sariling pagsasaliksik. Hindi lang niya napag-ugnay-ugnay ang maraming henerasyon kundi naiugnay rin niya ang sarili sa naunang dayuhang si Simon Searing.11

Sinusubok ng ilang interesado sa family history na pagandahin ang reputasyon nila sa pamamagitan ng pag-uugnay ng sarili sa mga kilalang tao. Sa karanasan ko, iba ang nangyari. Interesado akong makilala ang ilan sa mga di kilala at ordinaryong tao, na namuhay nang magiting. Sinabi minsan ni Arthur R. Bassett: "Sino sa atin ang gustong magsabi nang masama sa kanilang sariling ninuno? Isa ako sa interesado sa kanilang mga pakikibaka—sa kanilang tagumpay at kabiguan . . . Interesado ako sa maituturing na napakaordinaryong buhay dahil nalaman ko ang kasiglahang nakatago rito."12

Malamang na hindi kayo makakakita ng magnanakaw sa inyong angkan. Pero kung makakakita kayo, mahalagang magawan sila ng mga ordenansa sa templo, dahil naniniwala rin tayo na makapagsisisi rin ang mga patay:

"Ang mga patay na magsisisi ay matutubos, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ordenansa ng bahay ng Diyos,

"At pagkatapos nilang mabayaran ang kaparusahan sa kanilang mga kasalanan, at mahugasang malinis, ay tatanggap ng gantimpala alinsunod sa kanilang mga gawa, sapagkat sila ay mga tagapagmana ng kaligtasan."13

Ang proseso ng paghahanap sa ating mga ninuno nang isa-isa ay maaaring mahirap ngunit kasiya-siya at makabuluhan din. Madalas na nakadarama tayo ng espirituwal na gabay sa mga lugar na patungkol sa kanila. Dahil napakaespirituwal na gawain ito, makaaasa tayo ng tulong mula sa kabila ng tabing. Nadarama natin ang paghimok mula sa ating mga kamag-anak na naghihintay sa atin na makita sila at magawan ng mga ordenansa. Isa itong paglilingkod na tulad kay Cristo dahil gumagawa tayo ng isang bagay na hindi nila magagawa para sa kanilang sarili.

Marami na sa inyo, mga kabataan, ang nakaranas ng gawain sa templo nang nagpabinyag kayo para sa mga patay. Kapag maaga tayong pumupunta sa templo, madalas tayong nakakakita ng mga kabataang nakaputi at handa nang makibahagi sa nakasisiyang karanasang ito bago sila mag-eskwela. Dapat kayong papurihan sa dedikasyon ninyong gawin ang mahalagang bagay na ito. Dahil dito nadama na ninyo ang kapayapaan at katahimikang matatagpuan sa loob ng ating mga templo.

Pinatotohanan ko na makatarungan ang Diyos, at hindi Siya magbibigay sa atin ng pribilehiyong hindi Niya ibibigay sa ating mga ninuno. Ngunit kailangan nating magpabinyag, magpaendow, at magpabuklod para sa kanila sa mundong ito upang sama-sama tayong mapag-ugnay nang walang hanggan "at magkaroon ng bahagi sa unang pagkabuhay na mag-uli."14

Pinatotototohanan ko rin na tinatagubilinan at binibigyang inspirasyon ng Panginoon si Pangulong Hinckley sa kanyang pamumuno sa atin sa mahalagang gawaing ito. Nawa'y mapasaatin lagi ang kapayapaang mula sa matapat na pagganap ng ating tungkulin sa priesthood, sa ngalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. "What Roots Means to Me," Reader's Digest, Mayo 1977, 73-74.

2. "Your Family History: Getting Started," Liahona, Ago. 2003, 15.

3. D at T 128:18.

4. Tingnan sa Mga Gawa 24:15; Alma 11:41-45.

5. Tingnan sa "Why Family History," Internet, www.familysearch.org.

6. History of the Church, 4:425-26.

7. Tingnan sa D at T 110:13-14, 16.

8. Tingnan sa D at T 110:14-15.

9. R. Scott Lloyd , "Hearts of the Children," Church News, ika-14 ng Set. 1986, 16.

10. Joseph Fielding Smith, Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo (1954-56), 2:175.

11. Bryan Searing, "The Link Made," Church News, 27 Okt.1990, 16.

12. "The Relationship of Genealogy and History" sa Proceedings of the 1980 World Conference on Records, 13 tomo, Mga Archive of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 2:4.

13. D at T 138:58-59.

14. Wilford Woodruff, The Discourses of Wilford Woodruff, tinipon ni G. Homer Durham (1946), 149.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy