PANGULONG GORDON B. HINCKLEY
Salamat sa Panginoon para sa mabubuting bishop sa Simbahang ito sa buong
mundo. . . . Sumainyo nawa ang kapayapaang sa Diyos lang nagmumula na dumarating
sa mga naglilingkod sa Kanya.
Mga kapatid, ngayong gabi'y kakaiba ang gagawin ko. Uulitin ko ang isang pananalitang ibinigay ko labinlimang taon na ang nakalilipas sa ating general Priesthood meeting, na may kakaunting pagbabago. Muli akong magsasalita sa mga bishop ng Simbahan, ang mahusay na lupon ng mga kalalakihang tunay na mga pastol ng Israel.
Lahat ng nakikibahagi sa kumperensyang ito ay nananagot sa isang bishop o branch president. Napakalaki ng mga pasaning dala nila, at inaanyayahan ko ang bawat miyembro ng Simbahan na gawin ang lahat ng magagawa niya para mabawasan ang bigat ng trabaho ng mga bishop at branch president.
Ipagdasal natin sila. Kailangan nila ng tulong sa pagdadala ng mabibigat nilang pasanin. Mas masusuportahan natin sila at mababawasan ang pag-asa sa kanila. Matutulungan natin sila sa lahat ng posibleng paraan. Mapasasalamatan natin sila sa lahat ng ginagawa nila para sa atin. Pinapagod natin sila sa maikling panahon sa mga pasaning ipinababalikat natin sa kanila.
Mahigit 18,000 ang mga bishop natin sa Simbahan. Bawat isa ay lalaking tinawag ng diwa ng propesiya at pahayag at itinalaga at inorden sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay. Bawat isa sa kanila ay mayhawak ng mga susi ng panguluhan sa kanyang ward. Lahat ay high priest, ang namumunong high priest sa kanyang ward. Lahat ay pasan ang napakabigat na responsibilidad ng pamamahala. Lahat ay tumatayong ama sa kanyang mga miyembro.
Walang bayad ang kanyang paglilingkod. Walang bishop ng ward na binabayaran ng Simbahan para gampanan ang kanyang tungkulin.
Ang hinihinging mga katangian sa bishop ngayon ay tulad din noong panahon ni Pablo, na sumulat kay Timoteo:
"Dapat nga na ang [bishop] ay walang kapintasan, asawa ng isa lamang babae, mapagpigil, mahinahon ang pagiisip, mahusay, mapagpatuloy, sapat na makapagturo;
"Hindi magulo, hindi palaaway [mapanakot o marahas], . . . hindi mapakipagtalo, hindi maibigin sa salapi;
"Namamahalang mabuti ng kaniyang sariling sangbahayan, na sinusupil ang kaniyang mga anak na may buong kahusayan;
"(Nguni't kung ang sinoman nga ay hindi marunong mamahala sa kaniyang sariling sangbahayan paanong makapamamahala sa iglesia ng Dios?)
"Hindi baguhan, baka siya kung magpalalo ay mahulog sa kaparusahan ng diablo" (I Timoteo 3:2-6).
Sa kanyang sulat kay Tito, idinagdag ni Pablo na "ang [bishop] ay walang kapintasan, palibhasa siya'y katiwala ng Dios; . . .
"Na nananangan sa tapat na salita na ayon sa turo, upang umaral ng magaling na aral, at papaniwalain ang nagsisisalangsang" (Tito 1:7, 9).
Angkop na inilalarawan sa mga katagang ito ang bishop ngayon sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Magsasalita ako ngayon nang tuwiran sa libu-libong bishop na dumalo ngayong gabi. Gusto ko munang sabihin na mahal ko kayo dahil sa inyong integridad at kabutihan. Dapat kayong maging mga kalalakihang may integridad. Maging mga halimbawa kayo sa mga kongregasyong pinamumunuan ninyo. Magpakabuti para matulungan ninyong magpakabuti ang iba. Maging ganap na tapat dahil hawak ninyo ang pondo ng Panginoon, ang ikapu ng mga tao, ang mga handog mula sa kanilang pag-aayuno, at mga kontribusyon nila mula sa katiting nilang kabuhayan. Kay laki ng tiwala sa inyo bilang mga tagapag-alaga ng pera ng Panginoon!
Dapat na maging halimbawa ang inyong kabutihan sa inyong mga miyembro. Dapat ay walang bahid-dungis ang inyong pagkatao. Ang mga tukso ni Satanas ay maaari ninyong makaharap dahil batid niyang kung kaya niya kayong sirain, kaya niyang saktan ang buong ward. Dapat kayong maging maingat sa lahat ng pakikitungo ninyo at baka makitaan kayo ng iba ng bahid ng kasalanan.
Hindi kayo maaaring padala sa tukso na magbasa ng mga pornograpiya, o magtago sa sarili ninyong silid upang manood ng masasagwang pelikula. Ang moralidad ninyo ay dapat maging matatag upang kung sakaling tawagin kayo para hatulan ang pagkatao ng iba, magagawa ninyo ito nang hindi nag-aalangan o napapahiya.
Hindi ninyo maaaring gamitin ang katungkulan ninyo bilang bishop upang itaguyod ang inyong negosyo at baka dahil sa mga problema ninyo sa pananalapi ay pagbintangan kayo ng mga nagtiwala sa inyo.
Hindi ninyo mailalagay sa panganib ang pagkamarapat ninyong maupo bilang hukom sa Israel. Nakatatakot at nakalululang responsibilidad ang tumayo bilang hukom ng mga tao. Kayo ang magiging hukom nila sa ilang mga pangyayari tulad ng pagkamarapat na maging miyembro ng Simbahan, pagkamarapat na makapasok sa bahay ng Panginoon, pagkamarapat na mabinyagan, pagkamarapat na makatanggap ng priesthood, pagkamarapat na magmisyon, pagkamarapat na magturo at maging opisyal sa mga organisasyon. Kayo ang magiging hukom ng kanilang pagkamarapat na makatanggap ng tulong sa oras ng kagipitan mula sa mga handog-ayuno ng mga tao at pagkain mula sa bodega ng Panginoon. Walang sinuman sa inyong responsibilidad ang dapat magutom o maging hubad o mawalan ng tutuluyan kahit nahihiya silang manghingi. Dapat ninyong alamin ang kalagayan ng lahat ng miyembrong inyong pinamumunuan.
Kayo ang kanilang tagapayo, tagaaliw, angkla at lakas sa oras ng kalungkutan at problema. Dapat kayong tumatag sa lakas na iyon mula sa Panginoon. Dapat kayong maging matalino sa karunungang iyon mula sa Panginoon. Dapat maging bukas ang inyong pintuan para dinggin ang kanilang mga hinaing at matibay ang inyong dibdib para dalhin ang kanilang mga pasanin, sensitibo ang inyong puso para desisyunan ang kanilang mga pangangailangan, sapat ang lawak at tibay ng inyong makadiyos na pag-ibig para masakop maging ang mga nagkakamali at namimintas. Dapat kayong maging mapagpasensiya, handang makinig at nagsisikap umunawa. Sa inyo lang babaling ang ilan. Dapat ay naroon kayo kapag wala na silang matakbuhan. Tulutan ninyong basahin ko ang ilang linya mula sa liham na ipinadala sa isang bishop.
"Mahal kong Bishop:
"Halos dalawang taon na ang nakararaan mula nang desperado akong humingi ng tulong sa inyo. Noon gusto ko nang magpatiwakal. Wala akong masulingan—walang pera, trabaho, kaibigan. Nailit na ang bahay ko, at wala akong matirhan. Simbahan ang huling pag-asa ko.
"Batid ninyong nilisan ko ang Simbahan sa edad na 17 at nilabag ang halos lahat ng patakaran at utos na umiiral sa paghahanap ko ng kaligayahan at tagumpay. Sa halip na lumigaya, napuno ng lungkot, dalamhati, at kawalang-pag-asa ang buhay ko. Walang pag-asa o kinabukasan para sa akin. Nagsumamo pa ako sa Diyos na hayaan na akong mamatay, para matakasan ko ang kalungkutan. Ayaw din Niya sa akin. Damdam ko'y tinanggihan din Niya ako.
"Noon ako bumaling sa inyo at sa Simbahan. . . .
"Nakinig kayo nang buong pag-unawa, nagpayo, pumatnubay, tumulong.
"Nagsimula akong umunlad at makaunawa at matuto ng ebanghelyo. Nalaman ko na kailangan kong baguhin ang ilang bagay sa buhay ko na talagang napakahirap, ngunit sa kalooban ko'y may halaga at lakas akong gawin iyon.
"Nalaman ko na sa pamumuhay ko ng ebanghelyo at pagsisisi, hindi na ako takot. Napanatag ako. Napawi ang dalamhati at kawalang-pag-asa. Dahil sa Pagbabayad-sala, napatawad ang mga kahinaan at kasalanan ko sa pamamagitan ni Jesucristo at ng pag-ibig Niya sa akin.
"Pinagpala Niya ako at pinalakas. Nagbukas Siya ng mga landas para sa akin, ginabayan niya ako, at inilayo sa kapahamakan. Nalaman ko na kapag nalalampasan ko ang hadlang, umuunlad ang aking negosyo, at nakikinabang ang aking pamilya at nadarama ko na parang may maganda akong nagawa.
"Bishop, inunawa mo ako at sinuportahan sa nagdaang dalawang taon. Hindi ko sana narating ito kung hindi sa iyong pagmamahal at pasensiya. Salamat sa iyong pagiging tagapaglingkod ng Panginoon para tulungan ako, na anak Niyang naligaw."
Mga bishop, kayo ang bantay sa tore ng ward na pinamumunuan ninyo. Maraming guro sa bawat ward. Pero kayo ang dapat maging punong-guro nila. Dapat ninyong siguruhin na walang maling doktrinang nakalulusot sa mga miyembro. Dapat ninyong siguruhin na lumalago ang kanilang pananampalataya at patotoo, integridad at kabutihan at pagnanasang maglingkod. Dapat ninyong tiyakin na lalo nilang minamahal ang Panginoon at nakikita ito sa pagmamahalan nila sa isa't isa.
Dapat nila kayong mapagtapatan, na batid ang mga pinakatatagong sekreto nila, at lubos na ilihim ang mga ipinagtapat nila sa inyo. Kayo lamang ang dapat makaalam niyon at dapat itong ilihim at itago sa mga usisero. Baka matukso kayong sabihin ito sa iba. Huwag kayong patangay.
Maliban kung nakasaad sa tagubilin sa mga kaso ng pang-aabuso, panatilihing lihim ang ipinagtapat sa inyo. May hotline ang Simbahan na dapat ninyong tawagan hinggil sa mga kaso ng pang-aabuso na makararating sa inyo.
Kayo ang siyang namumuno sa Aaronic Priesthood ng ward. Kayo ang kanilang lider, kanilang guro, kanilang halimbawa, sa ayaw at sa gusto ninyo. Kayo ang namumunong high priest, ang ama sa buong pamilya ng ward, na tinawag bilang tagalutas sa mga di-pagkakasundo, bilang tagapagtanggol ng akusado.
Kayo ang namumuno sa mga miting kung saan itinuturo ang doktrina. Kayo ang mananagot sa espirituwalidad sa mga miting na iyon at sa pangangasiwa ng sakrament sa mga miyembro, upang lahat ay mapaalalahanan ng mga sagradong tipan at obligasyon ng mga nagtaglay sa kanilang sarili ng pangalan ng Panginoon.
Manindigan kayo bilang matalik na kaibigan ng balo at ng ulila, ng mahihina at ng naliligalig, ng mga inabuso at ng mga walang-malay.
Ang tunog ng inyong trumpeta ay dapat maging tiyak at malinaw. Sa inyong ward kayo ang tumatayo bilang pinuno ng hukbo ng Panginoon, na naghahatid sa kanila sa tagumpay sa paglupig sa kasalanan, pagwawalang-bahala, at pagtalikod sa katotohanan.
Alam ko na mahirap ang gawain kung minsan. Talagang kulang ang oras para magawa ito. Marami at madalas ang tawag sa telepono. May iba pa kayong gawain. Totoo iyan. Huwag ninyong nakawan ang inyong amo ng oras at lakas na nauukol sa trabaho. Huwag ninyong nakawan ang inyong pamilya ng oras na para sa kanila. Ngunit batid na ng marami sa inyo na, habang naghahangad kayo ng banal na patnubay, pinagpapala kayo ng talinong higit pa sa sariling lakas at kakayahang hindi ninyo aakalaing taglay ninyo. Maaari ninyong hatiin ang inyong oras para hindi ninyo makaligtaan ang inyong amo, o pamilya, o kawan.
Nawa'y basbasan ng Diyos ang mabubuting bishop ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Paminsan-minsa'y aangal kayo sa mga problema ninyo sa inyong katungkulan. Ngunit batid din ninyo ang galak sa inyong paglilingkod. Mabigat man ang pasanin, batid ninyong ito ang pinakamagiliw, pinakakapaki-pakinabang, pinakamahalagang bagay na nagawa ninyo sa labas ng inyong sariling tahanan.
Salamat sa Diyos para sa inyo. Salamat sa Panginoon para sa mabubuting bishop sa Simbahang ito sa buong mundo. Ipinagdarasal ko kayo, lahat kayong 18,000. Isinasamo kong magpakatatag kayo. Maging tapat. Maging matibay sa sarili ninyong buhay at mga mithiing itinakda ninyo para sa iba. Bagama't mahaba at nakapapagod ang mga araw ninyo, mapahinga nawa kayo nang husto at sa inyong puso'y sumainyo ang kapayapaang sa Diyos lang nagmumula na dumarating sa mga naglilingkod sa Kanya.
Nagpapatotoo ako sa katatagan at kabutihan ng mga bishop ng Simbahang ito. Pinupuri ko ang mga tagapayong tumutulong sa kanila at ang lahat ng naglilingkod sa ilalim ng patnubay nila ayon sa kanilang mga katungkulan.
Hindi namin inaasahan ang imposible sa inyo. Hinihiling namin na gawin ninyo ang pinakamainam ninyong magagawa. Ibigay sa iba ang bawat aspeto ng gawain ayon sa mga tagubilin. At ipaubaya sa Diyos ang lahat.
Balang araw ire-release kayo. Malungkot ang araw na iyon para sa inyo. Ngunit maaaliw kayo sa pasasalamat ng inyong mga miyembro. Hinding-hindi nila kayo malilimutan. Maaalala nila kayo at pasasalamatan sa darating na mga panahon, dahil sa lahat ng opisyal ng Simbahan kayo ang pinakamalapit sa kanila. Kayo ay tinawag, inorden, at itinalaga bilang pastol ng kawan. Pinagkalooban kayo ng pang-unawa, paghatol, at pagmamahal upang basbasan ang kanilang buhay. Dahil dito, mapagpapala ninyo ang sarili ninyong buhay.
Nagpapatotoo ako sa likas na kabanalan ng inyong tungkulin at sa kamangha-manghang paraan ng pagtupad ninyo nito. Pagpalain nawa kayo, ang inyong mga tagapayo, asawa, at mga anak sa paglilingkod ninyo sa mga anak ng Panginoon ang mapakumbaba kong dalangin, sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.