ELDER SHELDON F. CHILD
Ng Pitumpu
Ang ating mga patotoo . . . ay dapat na nakatayo sa tiyak na pundasyon,
matatag na nakasalig sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Ilang taon na ang nakalilipas isang malakas na bagyo ang nanalanta sa lugar na tinitirhan namin. Nagsimula ito sa malakas na buhos ng ulan, na sinundan ng mapangwasak na hanging silangan. Pagkatapos ng bagyo, inalam ang laki ng pinsala—nasira ang mga linya ng kuryente, mga ari-arian, at maraming magagandang puno roon ang nabunot. Makaraan ang ilang araw kausap ko ang isang kaibigang nawalan ng ilang puno sa kanyang bakuran. Ang mga puno sa isang panig ng bahay niya ay nanatiling nakatayo nang tuwid at matayog. Nakayanan nila ang bagyo, samantalang ang mga punong nasa itinuring kong pinakamagandang bahagi ng kanyang lupain ay bumigay sa lakas ng hangin. Sinabi niya sa akin na ang mga punong nakaligtas sa bagyo ay matatag ang lupang pinagtaniman; malalim ang kapit ng kanilang mga ugat para makakuha ng sustansya sa lupa. Ang mga punong nabuwal ay nakatanim malapit sa maliit na sapa, kung saan madaling makakuha ng sustansya sa lupa ang mga ugat. Mababaw ang mga ugat nito. Hindi sapat ang lalim ng kapit ng mga ugat sa lupa para makaligtas ito sa bagyo.
Ang ating mga patotoo, tulad ng mga punong iyon, ay dapat na nakatayo sa tiyak na pundasyon, matatag na nakasalig sa ebanghelyo ni Jesucristo, upang pagdating ng malalakas na hangin at bagyo sa ating buhay, na tiyak na mangyayari, sapat ang katatagan natin para makayanan ang mga bagyong nagngangalit sa ating paligid. Pinayuhan ni Helaman ang kanyang mga anak:
"At ngayon, mga anak ko, tandaan, tandaan, na sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan; nang sa gayon kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, oo, kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo, hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo na hilahin kayong pababa sa look ng kalungkutan at walang katapusang kapighatian, dahil sa bato kung saan kayo nakasandig na tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak."1
Sa Aklat ni Mormon, sa paghaharap nina Jacob at Serem na kalaban ni Cristo, itinanong ni Jacob: "Itinatatwa mo ba ang Cristo na paparito? At sinabi niya: Kung magkakaroon ng Cristo, hindi ko siya itatatwa; subalit nalalaman kong walang Cristo, ni nagkaroon na, ni kailanman ay magkakaroon.
"At sinabi ko sa kanya: Naniniwala ka ba sa mga banal na kasulatan? At sinabi niya, Oo.
"At sinabi ko sa kanya: Kung gayon hindi mo nauunawaan ang mga ito; sapagkat tunay na nagpapatotoo ang mga ito kay Cristo. Masdan, sinasabi ko sa iyo na walang sino man sa mga propeta ang nagsulat, ni nagpropesiya, maliban sa nangusap sila hinggil sa Cristong ito.
"At hindi lamang ito . . . ; at ipinaalam din ito sa akin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo."2
Tinutukoy ni Jacob ang tatlong pinagmumulan ng katotohanan—mga banal na kasulatan, mga propeta, at ang Espiritu Santo—na nagpapatotoo kay Cristo. Tutulungan tayo ng mga ito na sumalig "sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos."3
1. Ang mga Banal na Kasulatan:
Mismong Tagapagligtas ang nagsabi, "Saliksikin ninyo ang mga kasulatan; . . . ang mga ito'y siyang nagpapatotoo sa akin."4 Nang atasan ng Diyos si Lehi na dalhin ang pamilya niya sa ilang, alam Niyang kakailanganin nila ang matatag na pundasyon para sa bagong lupain. Napakahalaga ng mga kasulatan kaya, upang makuha ang mga talaan, inatasan ng tinig ng Espiritu si Nephi na patayin si Laban, na sinasabing, "Higit na mabuting masawi ang isang tao kaysa ang isang bansa ay tuluyang manghina at masawi sa kawalang-paniniwala."5
Halos kasabay nito sa kasaysayan, isa pang grupo ng mga tao ang inakay ng Panginoon palabas ng Jerusalem patungong lupang pangako. Maraming salinlahi ang lumipas, natuklasan ni Haring Mosias ang kanilang mga inapo. Kilala sila bilang mga mamamayan ng Zarahemla. Mahina ang kanilang espirituwalidad. Sa Omni mababasa natin, "Ang kanilang wika ay naging marumi; at wala silang dinalang mga talaan; at itinatwa nila ang pagkatao ng kanilang Lumikha."6
Kung hindi sa mga banal na kasulatan, hindi lang mga bansa ang malilipol, kundi manghihina rin sa kawalang-pananalig ang mga pamilya at indibiduwal. Tinutulungan din tayo ng araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan na isalig ang ating pananampalataya kay Cristo. Tunay na nagpapatotoo ang mga ito sa Kanya.
2. Ang mga Propeta
Ilang taon na ang lumipas nang italaga akong muling buuin ang isang stake presidency. Sa sesyon sa Linggo ng kumperensya, ikinuwento ito ng kabiyak ng bagong stake president. Sinabi niyang lumaki siya sa isang mabuting tahanang Kristiyano. Araw-araw ay tinitipon sila ng kanilang mga magulang para magbasa at mag-aral ng Biblia. Habang nagbabasa sila tungkol sa mga sinaunang propeta, tinanong niya ang kanyang mga magulang kung bakit walang mga propeta ngayon sa mundo. Hindi siya nasiyahan sa sagot nila, ni sa sagot ng kanyang mga guro at lider sa relihiyon.
Isang araw, noong nag-aaral pa siya sa unibersidad, napansin niya ang dalawang kabataang lalaking nakapolong puti at kurbata. Nabasa niya ang pangalang "Jesucristo" sa itim na name tag na suot nila. Tinanong niya kung mga ministro sila. "Oo, tama! Mga misyonero kami ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw."
"Kung gayon, puwedeng magtanong?" sabi niya. "Mahal pa ba ng Diyos ang mga tao ngayon tulad ng mga tao noon?"
"Oo, mahal Niya!" sagot nila.
"Kung gayo'y bakit wala tayong mga propeta sa lupa ngayon?"
Nawawari ba ninyo ang saya ng mga misyonero nang marinig ang tanong na iyon? Sabi nila, "Mayroon. May mga propeta tayo sa lupa ngayon. Gusto mong makinig tungkol sa kanila?"
Iyon din ang mensahe natin sa mundo: "Talagang may mga propeta tayo sa lupa ngayon." Sa hapong ito mismo, itataas natin ang ating mga kamay upang sang-ayunan si Pangulong Gordon B. Hinckley, kanyang mga tagapayo, at ang Korum ng Labindalawa, bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Sila ay mga natatanging saksi sa pangalan ni Jesucristo. Sa dokumentong "Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol," sabi nila: "Nagpapatotoo kami, bilang Kanyang marapat na inordenan na mga Apostol—na si Jesus ang Buhay na Cristo, ang walang kamatayang Anak ng Diyos. . . . Siya ang liwanag, ang buhay, at pagasa sa mundo. Siya ang daan na naghahatid sa kaligayahan sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating"7 Mga kapatid, kung mahal tayo ng Diyos nang sapat para magsugo sa atin ng mga propeta, dapat nating mahalin Siya nang sapat para sundin sila. Ang pagsunod sa propeta ay tutulong sa pagliligtas sa atin sa mga unos ng buhay at aakayin tayo kay Cristo.
3. Ang Espiritu Santo
Nang nakipagkita si Cristo sa Kanyang mga Apostol sa silid sa itaas bago Siya ipinako sa Krus, sinabi niya: "Kung ako'y inyong iniibig ay tutuparin ninyo ang aking mga utos. At ako'y dadalangin sa Ama, at kayo'y bibigyan niya ng ibang Mangaaliw, upang siyang suma inyo magpakailan man."8
Kapag ipinapatong ang mga kamay sa ating ulo matapos binyagan, kinukumpirma tayo bilang miyembro ng Kanyang Simbahan at pinagkakalooban ng Espiritu Santo. Kung mamumuhay tayo nang matwid at mananatiling marapat, ang pangako'y lagi natin Siyang makakapiling; tayo'y gagabayan Niya, tuturuan ng mga katotohanan, at magpapatotoo sa atin na si Jesus ang Cristo. Bilang mga pinagtipanang miyembro ng Simbahan ng Panginoon, nangangako tayong paglilingkuran Siya at susundin ang Kanyang mga utos "nang kanyang ibuhos nang higit na masagana ang kanyang Espiritu sa [atin]."9
Sa West Africa, kung saan kami naglilingkod ngayon, dama namin ang masaganang pagbuhos ng Kanyang Espiritu sa matatapat na Banal. Noong 1989 isang bagyo ang sumalanta sa Ghana—hindi bagyo ng hangin o ulan, kundi bagyo ng pag-uusig, pagkutya, at mga maling pagkaunawa. Malaking pagsubok iyon; bago pa lang ang Simbahan doon. Pinaaalis sa bansa ang lahat ng misyonero nating hindi Aprikano. Ikinandado at binantayan ang mga meetinghouse natin upang hindi magamit ng mga miyembro. Hindi makapagtipon ang mga Banal, kaya sumamba sila sa sarili nilang mga tahanan. Ilang miyembro ang hinuli at ikinulong pa. Ang panahong ito ay tinawag na "pagpapatigil." Babahagya lang ang ugnayan o suporta ng mga miyembro mula sa labas ng Simbahan, ngunit hindi sila hinayaang mag-isa sa pagharap sa bagyo. May mga banal na kasulatan sila at mga salita ng mga propeta; nagtiwala sila at nanalig sa Panginoon, at masagana Niyang ibinuhos ang Kanyang Espiritu sa kanila. Sabi ng isang miyembro ng Simbahan: "Sumaamin ang Espiritu ng Panginoon; nadarama namin ang Kanyang paggabay at patnubay sa amin. Mas napalapit kami sa isa't isa at sa Tagapagligtas."
Sa loob ng 18 buwan, ipinag-ayuno at ipinagdasal ng mga Banal ang araw na matapos na ang pagpapatigil. Noong Nobyembre ng 1990, inalis ang pagbabawal. Lumipas ang pinakamatinding hagupit ng bagyo, ngunit nagiwan ito ng pinsala. May mga nawala sa Simbahan. Mababaw ang kanilang ugat at mahina ang kanilang pundasyon. Ang pundasyon ng Simbahan sa Ghana ngayon ay nakatatag sa pananampalataya ng mga yaong nakayanan ang bagyo. Malalim ang kapit ng kanilang ugat sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Mga kapatid, ang mga banal na kasulatan, mga propeta, at Espiritu Santo ay nagpapatotoong lahat kay Cristo. Tutulungan tayo ng mga ito na magtayo "sa tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak."10 Mapakumbaba ko itong pinatototohanan, sa ngalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Helaman 5:12.
2. Jacob 7:9-12.
3. Helaman 5:12.
4. Juan 5:39.
5. 1 Nephi 4:13.
6. Omni 1:17.
7. "Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol," Liahona , Abr. 2000, 3.
8. Juan 14:15-16.
9. Mosias 18:10.
10. Helaman 5:12.