Ang mensahe ng Panunumbalik ay [isang] imbitasyon na alamin kung
bakit ipinanumbalik ang ebanghelyo ni Jesucristo at ang Kanyang tunay na
Simbahan sa pamamagitan ng isang propeta sa makabagong panahon.
Ang mga salita'y bahagi ng bokabularyo na gamit natin sa pagbabahagi ng damdamin, kaalaman, o impormasyon sa mga tao. Kasama sa mga salitang ito ang isa na gamit para hanapin ang sanhi ng isang bagay. Kapag binigkas, bibigyang kasiyahan nito ang ating pagkamausisa, ang pagtuklas sa di alam, o pagtanggap ng mga sagot sa mahahalagang tanong na nauugnay sa buhay natin sa lupa. Kung hindi gagamitin o isasantabi, titigil ang proseso ng pag-iisip at mananaig ang kamangmangan. Kung gayon, ano ang mahalagang salitang ito? Alam n'yo ba? Ito'y may limang titik; ito'y ang salitang bakit.
Bakit ang isa sa mga una at paboritong salita na binibigkas ng mga bata at lalo ng mga tinedyer. Isang paboritong bakit ng mga apo ko: "Bakit kailangan kong kumain ng gulay?" At, habang lumalaki ang mga bata, ang mga bakit ang tumutuklas ng damdamin: "Bakit namatay si Lola?" At ito'y nagiging pagsasaliksik ng kaalaman o pagtitibay ng mga responsibilidad: "Bakit kailangan kong magsimba o magmisyon?" "Bakit inutusan tayong ibahagi ang ebanghelyo sa iba?"
Ang huling tanong na ito'y malaking hamon! Ang gawaing misyonero ay responsibilidad din ng bawat miyembro— ang isigaw ang tinig ng babala sa kanyang kapwa, sa kahinahunan at kaamuan (tingnan sa D at T 38:41). Bakit? Para matanggap ng iba ang mga nakapagliligtas na ordenansa sa Simbahan ni Jesucristo sa pamamagitan ng pag-imbita sa kanila na lumapit kay Cristo (tingnan sa Moroni 10:32). Ang mensahe ng Panunumbalik ay imbitasyon na alamin kung bakit ipinanumbalik ang ebanghelyo ni Jesucristo at ang Kanyang tunay na Simbahan sa pamamagitan ng isang propeta sa makabagong panahon.
Paano ninyo maipaaabot ang imbitasyon sa isang tao?
Una, sa pagsasabing buhay ang Diyos na ating Ama, minamahal tayo, at Siya ang Diyos ng paghahayag. Paano 'yan malalaman? Sa pamamagitan ng paghahayag at patotoo ng mga propeta.
Ang sukatan ng panahon ng kasaysayan ng relihiyon ay nagsimula sa Biblia. Ito'y ulat ng mga naunang paghahayag ng Diyos sa Kanyang mga propeta na may kinalaman sa sangkatauhan. Nagsimula ito sa kuwento nina Adan at Eva, na ating mga unang magulang; ang paglikha sa kanila; ang kanilang pagkahulog, kaakibat ang mga bunga nito—mortalidad at pagkawalay sa Diyos; at ang una nilang hakbang sa mortal na mundo. Marahil ang isa sa mga unang tanong nila noon ay "Bakit tayo narito?" Para malaman, ang tanging solusyon ay ang tumawag sa ngalan ng Panginoon, na tanging pinagmumulan ng totoong kaalaman (tingnan sa Genesis 4:26). Sa direktang paghahayag, narinig nila ang tinig ng Panginoon na nag-uutos na dapat nilang sambahin ang Panginoon nilang Diyos at maghain ng alay sa Kanya (tingnan sa Genesis 4:4; Moises 5:4-5). Itinuro ng karagdagang paghahayag kina Adan at Eva na ang hain ay katulad ng sakripisyo ng Bugtong na Anak ng Ama, na si Jesucristo ang tanging pangalan kung saan ang kaligtasan ay darating sa kanila. At ang kaloob na Espiritu Santo ay ipinangako sa kanila upang anuman ang kanilang hilingin, ito ay ibibigay sa kanila (tingnan sa Moises 5:6-7; 6:52).
Sa huli, natanggap ni Adan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ang tiyak at ganap na patotoo na si Jesus ang Cristo, ang Tagapagligtas at Manunubos ng daigdig. May literal na panunumbalik ng pang-unawa tungkol sa mortal na kalagayan ng nahulog na sina Adan at Eva sa pagbibigay sa kanila ng kaalaman tungkol sa kaugnayan nila sa Ama, sa Anak, at sa Espiritu Santo; kaalaman tungkol sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Muli; at dagdag na kaalaman tungkol sa mga unang alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo ng kaligtasan.
Dahil sa narinig at nakita ni Adan, naging marapat siyang tawagin na unang propeta sa mundo, isang personal na saksi ng paghahayag na ibinigay sa tao. Pangunahin niyang responsibilidad ang ipreserba ang katotohanan ng ebanghelyo at ituro ito tulad ng pagkabigay sa kanya. Si Satanas naman, na kinatawan ng oposisyon, ay gagawin at ituturo ang kahit ano para itatwa, tanggihan, o ipagwalang-bahala ang ebanghelyong natanggap sa paghahayag. Ito'y upang maganyak ang mga taong tumanggap nito tungo sa pagtalikod sa katotohanan, sa pagkalito, paghiwalay, pagiwan o pagwaksi sa kanilang dating pananampalataya! Dahil dito ang natitirang kuwento ng Lumang Tipan ay naging kasaysayan ng relihiyon tungkol sa tuluy-tuloy na paghahayag sa iba't ibang propeta tulad nina Noe, Abraham, at Moises, sa iba-ibang panahon—na tinatawag na mga dispensasyon—para maibalik ang nawala dahil sa panibagong pagtalikod sa katotohanan. Ang mga propetang ito'y tinatawag sa tuwina ng Diyos. Binibigyan sila ng banal na awtoridad; nasa kanila ang mga susi ng priesthood; inutusan silang magsalita sa ngalan ng Panginoon at ituro at ipropesiya ang tungkol sa pagdating at Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang Tagapagligtas at Manunubos ng daigdig (tingnan sa Amos 3:7).
Pinagtitibay ng Bagong Tipan ang mga turo, patotoo, at propesiya ng mga propeta ng Lumang Tipan. Kuwento ito ng pagsilang, buhay, at ministeryo ni Jesucristo, na Anak ng Diyos na buhay; ng Kanyang Pagbabayad-sala; at Kanyang Pagkabuhay na Muli. Tungkol ito sa pagkakatayo ng Kanyang Simbahan, ng Kanyang banal na awtoridad, ng Kanyang ebanghelyo, at Kanyang kautusan sa Kanyang mga disipulo na ibahagi, na "magsiyaon . . . sa buong sanglibutan, at ipangaral ang [Kanyang] evangelio sa lahat ng kinapal" (Marcos 16:15).
Malinaw ang mensahe ng Bagong Tipan: may isang kawan, isang pananampalataya, isang ebanghelyo, isang priesthood, isang simbahan upang maging "iisa, ang mga anak ni Cristo" (4 Nephi 1:17).
At muli, pag-uusig, pagtatatwa sa banal na katauhan, at pagtanggi sa ebanghelyo ni Cristo at sa Kanyang mga awtorisadong lingkod sa priesthood ang umiral matapos ang pagkabuhay na muli ni Cristo. At ipinakikita sa atin ng kasaysayan ng relihiyon ang ebidensiya kung gaano kabilis napalitan ang awtoridad ng priesthood ng awtoridad ng daigdig; kung paanong ipinagpalit ang banal na doktrina sa nagbabago at binaluktot na pilosopiya ng tao; kung paano binago o binili ng salapi ang mga ordenansa ng kaligtasan; kung paanong napalitan ang paghahayag ng lambong ng kadiliman na humantong sa kapanahunan ng espirituwal na kadiliman.
Gayunman, dumating ang sandali sa panahong ito ng pagtalikod sa katotohanan, na napropesiya noon, na muling nangibabaw ang pagsasaliksik sa relihiyon—ang "Bakit gayon?" Naglitawan ang mga taong may malaking pananampalataya at sinikap ireporma ang mga maling doktrina at maling awtoridad. Ang matapat at marubdob nilang pagsisikap ay lumikha lamang ng mas maraming simbahan na nagtataglay ng kanilang pangalan at ng kanilang ipinaglalaban at nadagdagan pa lalo ang pagkalito at pagkakabahagi. Ang totoo, dalawang pangunahing elemento ang wala sa reporma: paghahayag at awtoridad, ang tanging paraan ng Panginoon para maibigay ang banal na katotohanan sa tao.
Sa patuloy at mabilis nating pag-usad sa panahong ito ng kasaysayan ng relihiyon, may matatagpuan tayong petsa at pangalan. Ang petsa ay 1820; ang pangalan ay Joseph Smith. Habang iniisip ang kalituhan sa relihiyon at pagkakabahagi ng simbahan noong kanyang panahon, naitanong ng binatilyo sa kanyang sarili, "Kung mayroon mang isang tama sa mga simbahang ito, alin ito, at paano ko ito malalaman?" (Joseph Smith— Kasaysayan 1:10). Bakit nalilito? Ang huwaran ng propeta ay magtanong sa Diyos. Biglang naulit ang kasaysayan ng relihiyon batay sa paraan ng Diyos kung paano sasagutin ang mga bakit ng tao. Minsan pa, isang pangitain ang naging sagot sa pagkakataong ito, ang pangitain ng Ama at Anak. Minsan pa, isang banal na patotoo mula sa Ama ang ibinigay: "Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak.
Pakinggan Siya!" (Joseph Smith— Kasaysayan 1:17). Minsan pa, direktang pahayag ang sagot sa tanong ni Joseph Smith: "Alin sa lahat ng [simbahan] ang tama . . . at alin ang dapat kong sapian. Sinagot ako na hindi ako dapat sumapi sa alinman sa kanila, sapagkat lahat sila ay mali" (Joseph Smith-Kasaysayan 1:18-19). Minsan pa ang pagtalikod sa katotohanan ay ipinahayag mula sa pinagmumulan ng katotohanan—si Jesucristo mismo. At muli kailangan itong sundan ng panunumbalik, at gayon nga.
Nang sumunod na mga taon, sa pamamagitan ng paghahayag, natanggap ni Joseph Smith ang ganap na kaalaman sa banal na doktrina at awtoridad at mga susi ng priesthood. Sa wakas noong 1830, ang Simbahan ni Jesucristo, kasama ang lahat ng doktrina ng kaligtasan at mga ordenansa nito, ay ipinanumbalik. Si Joseph Smith ay karapat-dapat tawaging Propeta ng Panunumbalik sa makabagong panahon.
Samantalang ang Biblia ang pinanghahawakang ebidensya ng banal na paghahayag sa mga propeta noong unang panahon, gayundin naman na ang Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo ay makabagong ebidensyang nanghihikayat na si Joseph Smith ay isang propetang tumanggap ng paghahayag at awtoridad tulad nila. Ang patotoo sa katunayan ng Aklat ni Mormon ay tumutulong sa mga tao para mahanap ang sagot sa bakit ipinanumbalik ang ebanghelyo at ang Simbahan ni Jesucristo sa pamamagitan ng isang propeta at bakit mayroon tayong buhay na propeta ngayon, na si Gordon B. Hinckley. Ito rin ang sagot sa mahalagang tanong na bakit: ang lahat ng ordenansa ng ebanghelyo ang nagdudulot ng pinakadakilang pagpapala para maihanda ang ating kaligtasan at magampanan ang ating layunin sa buhay na lumikha ng mga walang hanggang pamilya. Ang mensaheng ito ng Panunumbalik ay totoo dahil ito'y banal.
Ito ang patotoo ko, sa pangalan ni Jesucristo, amen.