The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2003
"Kilala Niya Tayo; Mahal Niya Tayo"

"Kilala Niya Tayo; Mahal Niya Tayo"

SYDNEY S. REYNOLDS
Unang Tagapayo sa Primary General Presidency

Nakikilala . . . tayo [ng Panginoon] at alam Niya kung nasaan tayo, at alam Niya kung sino ang nangangailangan ng ating tulong.

SYDNEY S. REYNOLDSSi Joseph Smith sa edad ng 14 ay isa sa mga di-kilalang nilalang sa mundo, subalit kilala siya ng Diyos ng langit at tinawag siya sa kanyang pangalan sa Sagradong Kakahuyan. Naniniwala ako na nalalaman ng Panginoon ang aking pangalan at gayundin naman ang sa inyo.

Sa Primary, itinuturo natin sa mga bata na ang bawat isa ay anak ng Diyos at kilala at minamahal sila ng Ama sa Langit. Ipinakikita ng mga pinuno ng Primary at priesthood kung ano ang gagawin ng Tagapagligtas kapag tinatawag nila sa pangalan ang bawat bata. Sinabi ni Jesus, "Ako ang mabuting pastor, at nakikilala ko ang aking sariling akin, at ang sariling akin ay nakikilala ako."1 Ang banal na kasulatan ay nagpapatotoo na "tinatawag [Niya] ang kanyang sariling mga tupa sa pangalan, at sila'y inihahatid sa labas."2

Hindi lamang tayo kilala ng Panginoon, alam Niya kung nasaan tayo at inaakay na gumawa ng mabuti. Isang araw, isang ina na kakilala ko ang nakadamang tawagan ang kanyang anak na babae. (Ang ganitong bagay ay palaging nangyayari sa mga ina.) Katanghalian noon at ang ina ay nasa trabaho at hindi siya karaniwang tumatawag nang ganoong oras. Nabigla siya nang manugang niyang lalaki ang sumagot sa telepono—bihira itong nasa bahay kapag araw ng trabaho. Habang iniaabot sa asawa ang telepono, sinabi nitong, "Si Inay mo ito, nadama niyang kailangan mo siya."

Kagagaling lang nila sa doktor. Naiiyak niyang sinagot ang telepono at sinabing, "Nakita sa ultrasound na nakapulupot nang dalawang beses ang pusod ng sanggol sa leeg nito. Sinabi ng doktor na wala tayong magagawa kundi ang gawin ang C-section sa lalong madaling panahon." At sinabi niya ang tunay na dahilan ng pagdadalamhati niya: "Sinabi niya na singbigat lang ng bagong silang na sanggol ang maaari kong buhatin sa loob ng apat na linggo!" Bago siya operahan, kailangan niyang matiyak na alam ng Panginoon ang kanyang pangangailangan at siya ay minamahal—at may tutulong sa pag-aalaga sa tatlo pang maliliit na bata. Kapag ang mga ina—at ama—ay nanalangin sa Panginoon para basbasan at palakasin ang kanilang pamilya, madalas ay ipinakikita Niya sa kanila ang paraan.

Si Sister Gayle Clegg ng general presidency ng Primary at ang kanyang asawa ay nanirahan sa Brazil sa loob ng maraming taon. Kamakailan nagkaroon siya ng tungkulin sa Primary sa Japan. Sa pagpasok niya sa kapilya noong Linggo, napansin niyang sa gitna ng mga Banal na Hapones ay may isang pamilyang taga-Brazil. "Mukha silang taga-Brazil," wika niya. Isang minuto pa lamang niyang binabati sila ay napansin niyang puno ng sigla ang ina at mga anak, subalit tahimik ang ama. "Puwede ko silang kausapin pagkatapos ng miting," ang nasaisip niya habang naglalakad papunta sa pulpito. Ibinigay niya ang kanyang mensahe sa wikang Ingles, na isinasalin sa wikang Hapon, at naisip niya na magpatotoo sa wikang Portuges. Nag-alinlangan siya sa dahilang walang mga tagapagsalin sa Portuges at 98% ng tao ang hindi maiintindihan ang kanyang sasabihin.

Pagkatapos ng miting lumapit sa kanya ang amang taga-Brazil at sinabing, "Sister, ibang iba ang mga kaugalian dito, at nalulungkot ako. Mahirap ang magsimba at di makaintindi ng kahit ano. Minsan, iniisip kong mas matututo ako kung sa bahay ako magbabasa ng banal na kasulatan. Sinabi ko sa asawa ko, 'Isang beses na lang,' at dumalo ako ngayon sa pag-aakalang ito na ang huli kong pagsisimba. Nang magpatotoo ka sa Portuges, naantig ng Espiritu ang puso ko, at nalaman kong dito ako nabibilang. Alam ng Diyos na narito ako, at tutulungan Niya ako." At tumulong siya sa pagliligpit ng mga upuan.

Nagkataon lang ba na ang tanging miyembro ng Primary presidency na nakapagsasalita ng Portuges ang siyang isinugo sa Japan sa halip na sa Portugal? O alam ng Panginoon na may isang tao roon na nangangailangan at siya lamang ang makatutugon—at may lakas siya ng loob na sundin ang paramdam ng Espiritu? Ang isa sa mga dakilang biyaya ng pagkakaroon ng tungkulin sa Simbahan ay bibigyan tayo ng Panginoon ng inspirasyon, sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu, para tulungan ang mga taong pinaglilingkuran natin.

Bawat taong nagbabayad ng buong ikapu ay makapagpapatotoo na personal na dumarating sa atin ang mga pagpapala ng Panginoon at tinutugunan ang ating mga pangangailangan. Nangako ang Panginoon na kung magbabayad tayo ng ikapu, bubuksan Niya ang mga durungawan sa langit at ihuhulog sa atin ang isang pagpapala, na walang sapat na silid na kalalagyan.3

Maraming taon na ang nakalipas, si John Orth ay nakapagtrabaho sa isang tunawan ng iba't ibang metal sa Australia. Sa isang malubhang aksidente, natilamsikan ang kanyang mukha at katawan ng mainit na tunaw na tingga. Pinagamot siya at di-gaanong makakita ang kanyang kanang mata samantalang tuluyang nabulag ang kaliwang mata. Dahil di siya makakita, nawalan siya ng trabaho. Sinikap niyang makapagtrabaho sa pamilya ng kanyang asawa, subalit nalugi ang negosyo nito dahil sa pagbagsak ng ekonomiya. Napilitan siyang magbahay-bahay para maghanap ng anumang ipapatrabaho sa kanya kahit panandalian para pambayad sa pagkain at renta.

Isang taon siyang di nakabayad ng ikapu at kinausap niya ang branch president. Naunawaan ng branch president ang sitwasyon ngunit hiniling nito kay John na magdasal at mag-ayuno para makahanap ng paraan at mabayaran ang ikapu. Si John at ang asawang si Alice ay nag-ayuno at nanalangin at natantong ang tanging bagay na may halaga na pagmamay-ari nila ay ang singsing ng babae—napakagandang singsing na nabili noong panahon ng kasaganaan. Matapos ang labis na pagdadalamhati, nagpasiya silang isangla ang singsing at nalamang ito'y sapat na pambayad ng kanilang ikapu at ng iba pang pinagkakautangan. Nang linggong iyon, nagpunta siya sa branch president at binayaran ang kanyang ikapu. Nang paalis na siya sa opisina nagkakilala sila ng mission president na napansin ang kanyang mga napinsalang mata.

Ang anak na lalaki ni Brother Orth, na ngayo'y bishop sa Adelaide, ay sumulat: "Naniniwala kami na [ang mission president] ay doktor sa mata sapagkat kilala siya sa tawag na President Dr. Rees. Kinausap niya si Itay at sinuri ito at nagmungkahi ng makatutulong sa kanyang paningin. Sinunod ni Itay ang kanyang payo, . . . at di nagtagal ay naibalik ang kanyang paningin—15% nakakakita ang kanyang kaliwang mata at 95% nakakakita ang kanang mata—at sa tulong ng salamin nakakita siyang muli."4 Nang makakita na siyang muli, hindi na nawalan pa ng trabaho si John; natubos ang singsing na ngayon ay mahalagang pag-aari ng pamilya; at nagbayad ng buong ikapu sa buong buhay niya. Kilala ng Panginoon si John Orth at kilala Niya kung sino ang makatutulong dito.

"Si President Dr. Rees" ang ama ng aking ina, at marahil wala siyang alam sa nangyaring himala nang araw na iyon. Pinagpala ang mga henerasyon sapagkat ang isang pamilya ay nagdesisyong magbayad ng ikapu anumang hirap nila—at kasunod niyon ay "nagkataong" nakilala niya ang isang tao na "nagkataong" siruhano sa mata na nagpabago sa kanilang buhay. Bagama't ang ilan ay natutuksong maniwala na ito'y nagkataon lamang, naniniwala ako na hindi mahuhulog ang maya sa lupa kung hindi Niya ipahihintulot.5

Nalaman lang ito ng aming pamilya noong nakalipas na dalawang taon, ngunit ito ang pagkakilala namin sa aming lolo: mahal niya ang Panginoon at nagsikap na paglingkuran Siya sa buong buhay niya. At ito naman ang pagkakilala namin sa Panginoon: kilala Niya tayo, at alam Niya kung nasaan tayo at alam Niya kung sino ang nangangailangan ng ating tulong.

Nakita ko kayo na nakakakilala sa Panginoon at nagmamahal sa Kanya na tapat na nagsasabi sa isang kabataang nagsisikap na hanapin ang daan: "Mahal ka ng Diyos. Gusto ka niyang magtagumpay. Ang mithiin Niya'y pagpalain ka." Narinig kitang nagpatotoo sa nagdadalamhating kaibigan: "Alam ko na may kabilang-buhay. Alam ko na nananatiling buhay ang iyong anak at may paraan upang siya'y muli mong makita at makapiling." Nakita ko ang marami sa inyo na sinasabi sa isang inang pinanghihinaan ng loob:

"Hayaan mong tulungan kita—ang ginagawa mo ang pinakamahalagang gawain sa mundo." Nakita ko na hindi lang nadama ng natulungan ninyo ang inyong pagmamahal kundi pati ang pagmamahal at kapangyarihan ng Panginoon nang ang Kanyang Espiritu ay magpatotoo sa kanila na ang mga sinabi ninyo ay totoo.

Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ako'y napaniwala ni Pablo, na kahit kapighatian, kahit ang buhay ni kamatayan man, kahit anupang pangyayari ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig.6

Inialay ng Tagapagligtas ang Kanyang buhay para sa atin. Alam Niya ang ating kagalakan at mga pighati. Alam Niya ang pangalan ko at ang pangalan mo. Nang tayo'y makipagtipan sa Kanya sa binyag, nangako tayong susundin ang Kanyang mga utos, aalalahanin Siya sa tuwina, at tataglayin sa ating sarili ang Kanyang pangalan. Sa huli, nais nating matawag sa Kanyang pangalan dahil "walang ibang pangalang ibinigay, o anumang daan, o paraan kung saan ang kaligtasan ay mapapasa mga anak ng tao, tanging kay at sa pamamagitan lamang ng pangalan ni Cristo, ang Panginoong Makapangyarihan."7 Pinatotohanan ko na Siya ay buhay at minamahal tayo at tinatawag tayo sa ating pangalan upang lumapit sa Kanya. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Juan 10:14.

2. Juan 10:3.

3. Tingnan sa Malakias 3:10.

4. Liham mula kay J. Orth, ika-13 ng Dis. 2001.

5. Tingnan sa Mateo 10:29.

6. Tingnan sa Mga Taga Roma 8:35-39.

7. Mosias 3:17.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy