ELDER JOSEPH B. WIRTHLIN
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Aalukin ko kayo ng sarili kong programa sa pagpapaganda. Ito'y binubuo
ng tatlong hakbang na nakatulong sa akin.
Kailan lang, napansin kong dumarami ang bilang ng mga programa ukol sa pagpapaganda ng sarili. Kailangan nga marahil ang mga produktong ito dahil madalas nakikita o naririnig ang mga anunsyo nito sa telebisyon o radyo, na ipinangangako ang lahat mula sa pagpapapayat hanggang sa pagpapatubo ng buhok. Minsa'y naiisip ko kung kilala ba ako nang personal ng mga taong gumagawa ng mga produktong ito.
Ngayon, aalukin ko kayo ng sarili kong programa sa pagpapaganda. Ito'y binubuo ng tatlong hakbang na nakatulong sa akin, at naniniwala akong makatutulong din ito sa inyo. Ang maganda pa rito, libre ang programang ito ng pagpapaganda. Hindi ninyo kailangang gamitin ang inyong credit card. Hindi na kayo kailangang magmadali sa pagtawag sa telepono sa loob ng limang minuto para mabili ang produktong minsan lamang iaalok.
Marahil ang pinakamainam na paraan para maituro ang mga alituntuning ito ay sa isang parabula.
Minsan may isang lalaking nagngangalang John na, bagama't bata pa, ay dumanas ng maraming hirap at pighati. Walang tirahan at sugapa sa alak at sa iba pang droga, lubhang malungkot at nanghihinawa na sa buhay si John. Sa lalo niyang pagkasugapa at kawalang pag-asa, natanto niyang kung hindi siya magbabago—kaagad-agad—ay tiyak na mamamatay siyang miserable, walang pakinabang, at nag-iisa.
Marahil dahil nakadalo noong bata pa ng ilang beses sa Primary, nagtungo si John sa kalapit na bahay-pulungan at hiniling na makausap ang bishop.
"Sinira ko ang buhay ko," wika ni John sa pagitan ng paghikbi na nagmumula sa kaibuturan ng kanyang nagdadalamhating kaluluwa. Ikinuwento niya ang mga nagawa niyang kasalanan at ang kinasadlakan niyang landas sa pagwasak sa sarili at kalungkutan.
Habang nakikinig ang bishop sa malungkot na kuwento ni John, masasabi niyang gusto na ng lalaking ito na magsisi at baguhin ang kanyang buhay. Gayunpaman, nadama din niyang kakaunti na lamang ang tiwala ni John sa sarili na siya ay makapagbabago pa.
Nag-isip sandali ang bishop ng kanyang sasabihin. Sa wakas, tumingin siya at sinabing, "John, may tatlo akong pinili sa aking buhay na mahalaga sa akin. Baka sakaling makatulong din ang mga ito sa iyo." "Sige na, sabihin n'yo sa akin," ang pagmamakaawa ni John. "Gagawin ko'ng lahat. Nais kong magsimulang muli. Gusto kong bumalik sa dati."
Ngumiti ang bishop at sinabi sa kanya, "Ang unang bagay na dapat mong unawain ay hindi ka na makababalik at makapagsisimula sa dati. Pero, hindi naman nawala lahat. Makapagsisimula ka. Piliin mong simulan ang pagsisisi ngayon."
Kahit paano, gaya rin tayo ni John. Nagkamali tayo. Ngunit gaano man natin gustuhing bumalik at magsimulang muli, hindi na maaari. Gayunman, makapagsisisi tayo at makapagsisimula kung saan man tayo ngayon.
Sa Aklat ni Mormon, nabasa natin ang tungkol sa Nakababatang Alma. Siya'y anak ng dakilang propeta ngunit naghimagsik sa kanyang ama at gumawa ng masama. Matapos dalawin ng isang anghel ay naiwan siyang walang lakas at di makapagsalita. Nagsisi si Alma at buong buhay na nagsikap para ayusin ang pinsalang nagawa niya. At bilang resulta, pinagpala at pinagyaman niya ang buhay ng libu-libong tao. Hindi tinanggap ni Alma na siya'y nakatadhanang isumpa dahil sa maling nagawa noon. Naunawaan niyang hindi niya mabubura ang nakaraan. Gayunman, nauunawaan niyang may kakayahan siyang magsisi at magbagong-buhay.
Paano tayo magsisimulang magsisi? Una, aminin ang ating kasalanan at magpasiyang magsisi. Mangako ngayon—sa araw na ito mismo—na gumawa ng mas mabuti, mabuhay nang marangal at may habag, magsikap sa bawat araw na maging lalong katulad ng Tagapagligtas.
Ang ating tadhana at kahahantungan ay depende sa ating mga araw-araw na pagpapasiya.
Batid ito ng dakilang propetang si Josue sa Lumang Tipan nang sabihin niyang, "Piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; . . . ngunit sa ganang akin at ng aking sangbahayan ay maglilingkod kami sa Panginoon."1
Naunawaan ni Josue kung gaano kahalaga ang piliin agad na maging mas mabuti. Tayo rin ay dapat magpasiya ngayon. Pupunuin ba natin ng panghihinayang at lungkot ang buhay natin? O magsisisi at magsisikap tayo araw-araw para maging kapaki-pakinabang at makabuluhan ito?
Ang kagalakan o kalungkutan natin sa hinaharap ay nagmumula sa pagpapasiya natin ngayon. Marahil ay iniisip ng mga taong: "Alam kong kailangan kong baguhin ang ilang bagay sa buhay ko. Marahil sa ibang araw na lang, hindi ngayon."
Ang mga taong nag-aalangan pa na magbago at naghihintay ng tamang pagkakataon ay tulad ng isang taong nakatayo sa pampang ng ilog na naghihintay matuyo ang tubig para siya'y makatawid.
Ngayon dapat magdesisyon.
Nang marinig ni John ang sinabi ng bishop, nangako siyang gagawin iyon. Dahil sa kanyang pagkasugapa, alam ni John na dapat siyang magsisi at magpalusog. Kaya't nagpagamot siya kung saan dumaan siya sa mahabang proseso ng pagpapagaling. Nagsimula siyang kumain ng masusustansyang pagkain. Nagsimula siyang maglakad-lakad at mag-ehersisyo.
Lumipas ang mga linggo. Gumaling na si John sa pagkasugapa. Nakita niyang gumanda na ang kanyang kalusugan at lumalakas na. Subalit hindi pa rin siya nasisiyahan. Napakarami pang bagay sa kanyang buhay na kailangang paunlarin kaya't medyo nahirapan siya't tila nawalan ng pag-asa.
Kaya, muli, nagpa-iskedyul siyang makipagkita sa kanyang bishop.
Noon niya nalaman ang pangalawang pipiliin: "John," wika ng bishop sa kanya, "mahihirapan ka kung iisipin mong magiging perpekto ka kaagad. Dapat matutuhan mong piliin ang iyong mga priyoridad. Dapat mong unahin ang mga bagay na pinakamahalaga."
Sa halos lahat, ang pag-unlad ay unti-unti—paisa-isa. Nauunawaan natin ito pagdating sa pagiging mahusay sa isang instrumentong musikal, sa pagiging matagumpay na atleta, o sa pagpapalipad ng jet aircraft. Ngunit madalas na hindi natin mapatawad ang sarili kapag hindi tayo humusay gaya ng inaasahan natin sa lahat ng aspeto ng ating buhay.
Ang magagaling na iskultor at pintor ay gumugugol ng di mabilang na oras sa pagperpekto ng kanilang mga talino. Di nila ginagamit ang pait o pinsel at paleta na umaasang mapeperpekto iyon kaagad. Nauunawaan nilang magkakamali sila habang sila'y natututo, gayunman, nagsimula sila sa mahalaga, na inuuna ang pinakamahahalagang bagay.
Gayundin tayo.
Nagiging dalubhasa tayo ng ating buhay sa gayunding paraan—sa pagtutuon muna sa mahahalagang bagay. Marami tayong magagandang ideya sa mahahalagang desisyon na kailangan nating gawin—na magpapabuti ng ating buhay at magdudulot sa atin ng matinding ligaya at kapayapaan. Dito tayo dapat magsimula. Dito tayo dapat magsikap nang husto.
Tuwing gabi bago matulog, kumukuha ako ng maliit na kard at inililista ang mga bagay na gagawin ko kinabukasan ayon sa kahalagahan ng mga ito.
Kapag dumarating ako sa opisina kinaumagahan, tinitingnan ko ang aking kard at sinisikap kong gawin ang unang aytem sa listahan. Kapag nagawa ko na iyon, isinusunod ko ang pangalawa at sunod-sunod na. May mga araw na natatapos ko ang lahat ng nakalista. May mga araw na hindi. Hindi ako nasisiraan ng loob, dahil itinutuon ko ang lakas ko sa mga bagay na mas mahalaga.
Naunawaan ni John na hindi niya mababago ang lahat ng mali sa kanyang buhay sa isang iglap, subalit mapipili niya ang kanyang mga priyoridad. Makatutuon siya sa mga bagay na mas mahalaga at darating ang araw, bubuti rin ang kanyang buhay.
Sa tulong ng pangulo ng korum ng mga elder, nakahanap si John ng disenteng matutuluyan. Alam niyang kailangan niyang humanap ng paraan para suportahan ang sarili, at habang bumubuti ang kalusugan niya't pag-uugali ay nakahanap siya ng part-time na trabaho.
Tuwing gabi bago matulog si John, inililista niya ang pinakamahahalagang bagay na dapat niyang gawin kinabukasan.
Kalaunan, nagkaroon na si John ng permanenteng trabaho. Lumipat siya sa mas komportableng tirahan at bumili ng kotse. Gayunman, kahit maayos na ang buhay niya at ang tinatahak nito, nakadama pa rin siya ng kakulangan.
Dahil dito, nakipagkita si John sa ikatlong pagkakataon sa kanyang bishop.
"Ang dahilan kaya ka nakadama ng kakulangan," wika ng bishop, "ay dahil hindi mo pa pinipili ang pangatlo."
Tinanong ni John kung ano iyon. "Hindi sapat ang pumili at magdesisyon, at isagawa ang mga ito sa bawat araw," wika ng bishop. "Maraming tao ang gumugol ng kanilang buhay sa makabuluhang paggawa at labis na nagtagumpay. Gayunpaman nakadama pa rin sila ng kawalan. At bandang huli, nanangis sila dahil di-gaanong naging makabuluhan ang buhay nila."
Ganoon nga ang nadarama ni John. Nagpatuloy ang bishop, "Hindi sapat na gawin ang mga bagay-bagay. Dapat tayong gumawa nang tama— ang mga bagay na nais na ipagawa sa atin ng ating Ama sa Langit."
"Paano ko malalaman ang mga bagay na tama?" tanong ni John.
Ngumiti ang bishop at kinuha sa kanyang desk ang isang set ng banal na kasulatan. Ang pabalat nitong leather ay luma at lukot na. Ang malagintong kulay ng gilid ng papel ay halos wala na. "Sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan at mga salita ng ating mga propeta sa mga huling araw," sagot ng bishop. "Ito ang mga 'bagay na tama.' Naniniwala ang ilan na ang mga kautusan ng ating Ama sa Langit ay mahigpit at mahirap. Sa kabilang banda, ang mga ito ay hanbuk tungo sa kaligayahan. Bawat aspeto ng ebanghelyo ni Jesucristo—ang mga alituntunin, mga doktrina, at kautusan—ay bahagi ng plano ng ating Ama sa Langit para tulungan tayo na matamo ang kapayapaan at kaligayahan."
Binuksan ng bishop ang Aklat ni Mormon at binasa ang mga salita ni Haring Benjamin: "Isaalang-alang . . . ang pinagpala at maligayang kalagayan ng mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Sapagkat masdan, sila ay pinagpala sa lahat ng bagay, kapwa temporal at espirituwal; at kung sila ay mananatiling matapat hanggang wakas, sila ay tatanggapin sa langit upang doon sila ay manahanang kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan."2
Habang nagsasalita ang bishop, naisip ni John ang kanyang buhay. Ang mga natamasa niyang bagay ay di nagbigay sa kanya ng kaligayahan. Marahil totoo ang sinabi ng bishop. Marahil ang kaligayahan ay dumarating sa pagsunod sa mga kautusan ng ating Ama sa langit.
"Alalahanin ang mga salita ng Tagapagligtas," wika ng bishop, na para bang alam ang iniisip ni John.
"'Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao, na makamtan ang buong sanglibutan, at mapapahamak ang kaniyang buhay?'"3
Nang gabi ring iyon, nangako si John na babasahin ang salita ng Diyos at pag-aaralan ang mga kautusan at doktrina ng kanyang Ama sa Langit. Hindi na niya tinanggihan ang mga salita ng Panginoon, sa halip niyakap at minahal niya ito. Sa gayon, ang nadamang kawalan ng kanyang kaluluwa ay nagsimulang maglaho, at sa kinalalagyan nito unti-unti niyang natuklasan ang kagalakan at kapayapaan na di kayang ipaliwanag.
Ang mga bagay na sinabi sa kanya ng bishop, ay tunay na nagpabago ng kanyang buhay. Kung noon, siya'y pinanghihinaan ng loob, malungkot, at halos mamatay, ngayon, siya'y buhay na buhay, masigla, at puspos ng kagalakan.
Mga kapatid, ibinigay sa atin ng ating mapagmahal na Ama sa Langit ang mga banal na kasulatan upang ituro sa atin ang daan tungo sa kapayapaan at kaligayahan. Ngayon, may dahilan upang magalak, sapagkat nangungusap sa ating lahat ang Kanyang Anak!
Ang Panginoon ay hindi nauupo sa Kanyang kalangitan nang walang ginagawa at naroon lamang sa nakapinid na muog. Sa tagubilin ng ating Ama sa Langit, ang Panginoon ay nag-utos sa Kanyang mga hinirang na tagapaglingkod. Sa mismong oras na ito, ang ating propeta, si Pangulong Gordon B. Hinckley, ang namamahala sa banal na gawain ng Panginoon dito sa lupa.
Dagdag pa dito, ang Liwanag ni Cristo ang umaakay sa lahat ng tao patungo sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang mga katotohanan. Itinuturo nito sa atin na mahalin ang Panginoon at ang ating kapwa, sapagkat "Ang Espiritu ni Cristo ay ipinagkakaloob sa bawat tao, upang malaman niya ang mabuti sa masama."4
May kakaunti lamang tayong katwiran sa di pagpili sa landas ng Panginoon. Sa palagay n'yo ba, sa Araw ng Paghuhukom, ay papansinin ng ating Tagapagligtas ang mga kayamanang natamo natin o ang papuring natanggap natin? Nais Niya tayong lumapit sa Kanya, matuto sa Kanya, at matuklasan ang dalisay na pag-ibig ni Cristo na nagmumula sa pagyakap sa Kanyang mga salita at pagsunod sa Kanyang mga kautusan.
Iyon ang paraan para mapawi ang lungkot sa ating buhay at mapuspos ang ating kaluluwa ng di-mailarawang kagalakan.
Rerepasuhin ko sa inyo ang tatlong pipiliing ito para mapag-isipan ninyo. Walang alinlangang may mga pagpili na kayong ginawa na matagumpay ninyong nasusunod sa buong buhay ninyo.
Una, piliing simulan ngayon ang proseso ng pagsisisi. Huwag ipagpaliban. Dumalo sa inyong mga miting at masiglang maglingkod sa Simbahan. Matuto at ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Simulan na ngayong ihanda ang sarili na makapasok sa templo.
Pangalawa, piliin ang inyong mga priyoridad. Unahin ang inyong pamilya. Magdaos ng makabuluhang family home evening. Mag-ukol ng oras sa inyong pamilya na magpapakita kung gaano sila kahalaga sa inyo. Mahalin at pangalagaan ang mga miyembro ng pamilya at huwag hayaang lumikha ng di pagkakaunawaan sa inyong mga mahal sa buhay ang pagiging abala at pagkabigo. Sikaping maging masunurin sa araw-araw sa mga kautusan ng Panginoon.
Pangatlo, piliin ang tama. Pag-aralan ang mga banal na kasulatan at salita ng ating propeta maging si Pangulong Gordon B. Hinckley. Ipamuhay ang mga sagradong turong ito sa inyong buhay. Tumulong sa mga namimighati—sa mga nalulumbay, maysakit, at nangangailangan. Gawin ang inyong makakaya para maibsan ang pagdurusa at tulungan ang iba na tumayo sa sariling paa. Kapag ginawa ninyo ito, kalulugdan kayo ng Panginoon.
Mga kapatid, alam ko na buhay ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Minamahal na Anak. Pinatototohanan ko sa inyo na si Joseph Smith ay tinawag upang itatag ang Simbahan ng Panginoon sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon. Bilang natatanging saksi ni Jesucristo, alam kong inialay ng Tagapagligtas ang Kanyang buhay para sa atin. Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, lahat ng tao ay makapagsisisi at malilinis sa kasalanan. Makababalik tayo sa ating Ama sa Langit at matatanto ang kahalagahan ng walang hanggang sakripisyo ng ating Tagapagligtas. Ito ang aking patotoo. Sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Josue 24:15.
2. Mosias 2:41.
3. Marcos 8:36.
4. Moroni 7:16.