The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2003
Sagisag sa mga Bansa, Ilaw ng Sanlibutan

Sagisag sa mga Bansa, Ilaw ng Sanlibutan

PANGULONG GORDON B. HINCKLEY

[Para tayo maging] sagisag sa mga bansa at ilaw ng sanlibutan, kailangan nating tularan pa ang kinang ng buhay ni Cristo.

PANGULONG GORDON B. HINCKLEY
  Mahal kong mga kapatid, gusto kong iparating ang pasasalamat ko sa inyong patuloy na pananampalataya at mga dalangin. Mahalaga at maselan ang ipinagkatiwala ng Panginoon sa pamunuan ng Simbahang ito, at sinuportahan ninyo kami sa responsibilidad na iyon. Batid namin na ipinagdarasal ninyo kami, at nais kong malaman ninyo na ipinagdarasal namin kayo.

Walang araw na dumaan na di ako nagpapasalamat sa Panginoon dahil sa matatapat na Banal sa mga Huling Araw. Lagi kong dasal na pagpalain Niya kayo saanman kayo naroon at anuman ang inyong pangangailangan.

Nais kong ipaalala sa inyo na samasama tayong lahat sa bagay na ito. Hindi ito ukol sa mga General Authority ni sa mga miyembro. Nagkakaisa tayo sa paggawa sa isang dakilang layunin. Lahat tayo ay mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo.

Sa sakop ninyong responsibilidad ay may mabigat kayong obligasyon tulad ko sa sakop kong responsibilidad. Dapat maging determinado ang bawat isa sa atin na itatag ang kaharian ng Diyos sa lupa at isulong ang gawain ng kabutihan.

Palagay ko'y matapat kong masasabi na wala tayong mga makasariling hangarin ukol sa gawaing ito maliban sa magtagumpay ito.

Kami sa Unang Panguluhan ay laging nahaharap sa malalaki at iba't ibang problema. Araw-araw ang dating ng mga ito.

Sa pagtatapos ng isang gayong kahirap na araw, tiningnan ko ang ipinintang larawan ni Brigham Young na nasa dingding ko. Itinanong ko, "Brother Brigham, ano'ng dapat naming gawin?" Tila bahagya siyang ngumiti at tila nagsabing: "Noong panahon ko, may mga problema rin ako. Huwag ako ang tanungin mo. Panahon mo ito. Itanong mo sa Panginoon, sa Kanya naman ang gawaing ito." At tinitiyak ko sa inyo, ito ang ginagawa namin, at kailangang laging gawin.

Habang pinag-iisipan ko ang mga bagay na ito noong araw na iyon, binuksan ko ang Biblia ko sa unang kabanata ng Josue at binasa ang mga salitang ito:

"Hindi ba kita inutusan? Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang na mabuti; huwag kang matakot, ni manglupaypay: sapagka't ang Panginoon mong Dios ay sumasa iyo" (Josue 1:9).

Sabi ko sa sarili ko: "Walang dahilan para mawalan ng pag-asa. Gawain ito ng Diyos. Kahit ano ang gawin ng lahat ng kumakalaban dito, susulong ito ayon sa layunin ng Diyos sa langit."

Binuklat ko ang mga pahina ng Lumang Tipan sa ikalawang kabanata ng Isaias at binasa ang mga salitang ito:

"At mangyayari sa mga huling araw, na ang bundok ng bahay ng Panginoon ay matatatag sa taluktok ng mga bundok, at magiging mataas sa mga burol; at lahat ng bansa ay magsisiparoon doon.

"At maraming bayan ay magsisiyaon at mangagsasabi, Halina kayo, at tayo'y magsiahon sa bundok ng Panginoon, sa bahay ng Dios ni Jacob; at tuturuan niya tayo ng kaniyang mga daan, at tayo'y magsisilakad sa kaniyang mga landas: sapagka't mula sa Sion ay lalabas ang kautusan, at ang salita ng Panginoon ay mula sa Jerusalem" (Isaias 2:2-3).

Simula nang ilaan ang Salt Lake Temple, inunawa na namin ang banal na kasulatang iyon ni Isaias, na inulit sa Mikas (tingnan sa Mikas 4:1-2), na tinutukoy ang sagradong bahay na ito ng Panginoon. At sa lugar na ito, mula noong mailaan ito, tunay na sinabi ng dumaraming mga tao sa lahat ng panig ng mundo, "Halina kayo, at tayo'y magsiahon sa bundok ng Panginoon, sa bahay ng Diyos ni Jacob, upang maturuan Niya tayo ng Kanyang mga daan, para mangagsilakad tayo sa Kanyang mga landas."

Naniniwala ako at nagpapatotoo na misyon ng Simbahang ito na magsilbing sagisag sa mga bansa at ilaw ng sanlibutan. Iniatang sa atin ang dakilang utos na sumasakop sa lahat na hindi natin maiiwasan ni matatanggihan. Tinatanggap natin ang kautusang ito at determinado tayong tuparin ito, at sa tulong ng Diyos magagawa natin ito.

May mga puwersa sa paligid na pipigil sa atin sa paggawa nito. Lagi tayong pinipilit ng mundo. Dama natin ang pamimilit ng magkabilang panig para sirain ang ating paninindigan, para dahan-dahan tayong sumuko.

Hindi natin dapat kaligtaan ang ating adhikain. Lagi nating tandaan ang mithiing itinakda ng Panginoon para sa atin.

Sang-ayon kay Pablo: "Sa katapustapusa'y magpakalakas kayo sa Panginoon, at sa kapangyarihan ng kaniyang kalakasan.

"Mangagbihis kayo ng buong kagayakan ng Dios, upang kayo'y magsitibay laban sa mga lalang ng diablo.

"Sapagka't ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga namamahala ng kadilimang ito sa sanglibutan, laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan" (Mga Taga Efeso 6:10-12).

Dapat tayong magpakatatag. Dapat nating pigilan ang mundo. Kung gagawin natin ito, ang Maykapal ang ating magiging lakas at tagapagtanggol, ating gabay at tagapaghayag. Mapapanatag tayo na malamang ginagawa natin ang ipinagagawa Niya sa atin. Maaaring di sumang-ayon sa atin ang iba, ngunit tiwala ako na rerespetuhin nila tayo. Hindi tayo maiiwang mag-isa. Gayon din ang nadarama ng maraming di natin kapanalig. Susuportahan nila tayo. Aalalayan nila tayo sa ating gawain.

Huwag tayong magyabang. Huwag tayong magmagaling. Sa sitwasyong pinaglagyan sa atin ng Panginoon ay dapat tayong magpakumbaba dahil nakikinabang tayo sa Kanyang patnubay.

Kahit hindi tayo sang-ayon sa iba sa ilang bagay, huwag tayong makipagtalo. Dapat tayong maging palakaibigan, mahinahon sa pagsasalita, matulungin, at maunawain.

Gusto ko ngayong bigyang-diin ang temang binanggit na sa kumperensyang ito. Sa ating kabataan, sa magigiting na kabataan ng henerasyong ito, sinasabi ko, maging tapat. Manampalataya. Panindigan ang alam ninyong tama.

Kaharap ninyo ang napakalaking tukso. Sinasalakay kayo nito sa mga bulwagan ng popular na libangan, sa Internet, sa sinehan, sa telebisyon, sa malalaswang babasahin, at sa iba pang paraan—mapanlinlang, nakahahalina, at mahirap tanggihan. Halos hindi malabanan ang pamimilit ng barkada. Pero, mahal kong mga kaibigang kabataan, huwag kayong sumuko. Maging matatag. Isipin ang inyong kinabukasan sa halip na patangay sa nakaaakit na tukso sa inyong harapan.

Ang malalaswang tagaaliw ay umaakit ng marami sa ating mga kabataan. Yumayaman sila sa matataas na bayad. Marami silang kinakanta na nagpapahiwatig ng kahalayan.

Nagkalat ang pornograpiyang nakakatukso ang paanyaya. Iwasan ito. Aalipinin kayo nito. Sisirain kayo nito. Kilalanin ninyo ang itsura nito— masagwa at nakakadiri na ginagawa at ipinamamahagi ng mga yumayaman kahit mapahamak ang mga tumitingin dito.

Ang kabanalan ng seks ay lubos na nasisira sa malaswang pagpapakita sa media. Ang likas na maganda ay pinasasama ng popular na pagtatanghal nito. Natutuwa akong malaman na ang istasyon ng telebisyong pag-aari ng Simbahan dito sa Salt Lake City ay tumangging magpapasok ng network program na likas na malaswa. Nakakatuwa ring malaman na ang isa pang istasyong kabilang sa network na ito na tanging nagkansela ng brodkast ay ang nasa South Bend, Indiana, na kinaroroonan ng University of Notre Dame. Nakakatuwang malaman na may iba pang ganoon din katindi ang nadarama at handang gawin ang nararapat tungkol dito.

Mas maganda ang buhay kaysa madalas nating makita. Mas maganda pa rin ang kalikasan. Mas maganda pa rin ang pag-ibig. Ang ganitong libangan ay pangit na karikatura ng mabuti at maganda.

Kayong mga kabataang nakikinig sa akin ngayon, batid ninyong mga estudyante sa unibersidad sa maraming kampus na isa sa malalaking problema sa mga kampus na ito ay ang walang tigil na lasingan. Nakababawas ito ng kakayahan. Nakasisira ng buhay. Nagsasayang ng pera at oras at makabuluhang pagsisikap. Nakakalungkot makitang sinisira ng matatalinong kabataan ang kanilang sarili at mga oportunidad nila dahil sa sobrang paglalasing.

Malaking papuri sa mga estudyante ng Brigham Young University nang ituring sila ng Princeton Review bilang "pinakamatinong" grupo ng mga estudyante sa Amerika. Karamihan sa inyo ay hindi makapag-aaral sa BYU, ngunit saanman kayo naroon maipamumuhay rin ninyo ang mga pamantayang hinihingi sa kampus ng BYU.

Nabasa ko kamakailan sa ating magasin na New Era ang tungkol sa mga kabataang Banal sa mga Huling Araw sa Memphis, Tennessee. Sa ilang pagkakataon, sila lang ang Banal sa mga Huling Araw sa kampus. Isa sa kanila ang nagsabing, "Ako nga lang siguro ang nag-iisang miyembro sa eskuwelahan, pero . . . kahit mag-isa lang ako, kapiling ko ang espiritu" (sa Arianne B. Cope, "Smiling in Memphis," New Era, Okt. 2003, 23-24).

May isa pang binanggit: "Alam ko na maraming tinedyer ang nag-iisip kung alam nga ba nilang totoo ang ebanghelyo. Pero . . . dito kailangang alam ninyo ang sagot kahit paano dahil araw-araw kayong tinatanong. Tuwing sasagot kayo'y nagbibigay kayo ng patotoo" (New Era, Okt. 2003, 25).

Ang mga kabataang ito, na nagkalat sa malaking lungsod na iyon, ay natutong magkaisa, para patatagin ang isa't isa.

Pagpalain kayo ng Diyos, mahal kong mga kaibigang kabataan. Kayo ang pinakamagaling na henerasyon sa lahat. Mas alam ninyo ang ebanghelyo. Mas tapat kayo sa inyong mga tungkulin. Mas matatag kayo sa pagharap sa mga tuksong dumarating. Ipamuhay ang inyong mga pamantayan. Magdasal para sa patnubay at proteksyon ng Panginoon. Hindi Niya kayo iiwang mag-isa kailanman. Aaliwin Niya kayo. Aalalayan. Babasbasan at pasisiglahin Niya kayo at pagagandahin ang inyong gantimpala. At matutuklasan ninyo na maaakit sa inyong halimbawa ang iba at lalakas ang loob nila dahil sa inyong katatagan.

Tulad ng mga kabataan ay gayundin kayong mga nasa hustong gulang. Kung ang Simbahang ito'y gagawin nating sagisag sa mga bansa at ilaw ng sanlibutan, kailangang tularan pa ang kinang ng buhay ni Cristo sa ating sarili at sa sarili nating mga kalagayan. Sa paninindigan sa tama, hindi natin dapat katakutan ang mga ibubunga. Huwag tayong matakot. Sabi ni Pablo kay Timoteo:

"Sapagka't hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng katakutan; kundi ng kapangyarihan at ng pag-ibig, at ng kahusayan.

"Huwag mo ngang ikahiya ang pagpapatotoo sa ating Panginoon" (2 Timoteo 1:7-8).

Sang-ayon ako na ang Simbahang ito ay higit pa sa isang organisasyong panlipunan kung saan tayo'y nagtitipon upang magalak sa piling ng isa't isa. Higit pa ito sa miting ng Sunday School at Relief Society at priesthood. Higit pa ito sa sakrament miting, kahit sa paglilingkod sa templo. Ito ang kaharian ng Diyos sa lupa. Kailangan nating kumilos sa paraang angkop sa miyembro ng kahariang iyon.

Kayong mga lalaking mayhawak ng priesthood ay may napakalaking responsibilidad. Dapat ninyong iwasan ang mapanuksong tawag ng mundo. Gapiin ito. Dapat kayong manatiling marapat sa priesthood ng Diyos. Dapat ninyong iwasan ang lahat ng anyo ng kasamaan at magpakabuti at magpakadisente, at hayaang magliwanag ang ilaw, ang banal na ilaw, sa inyong mga kilos.

Hindi magiging lugar ng kanlungan at kapayapaan ang tahanan kung ang lalaking nakatira doon ay hindi maunawain at matulunging asawa at ama. Sa katatagang makukuha sa ating tahanan, mas kakayanin nating harapin ang mundo, mas tatanggapin tayo sa lipunang ating ginagalawan, mas pahahalagahan tayo ng ating mga amo— mas huhusay na lalaki.

Marami akong kilalang gayong lalaki. Maliwanag na mahal nila ang kanilang asawa at mga anak. Ipinagmamalaki nila sila. Ang nakakatuwa pa, tagumpay sila sa kanilang napiling propesyon. Pinupuri sila at pinupugay at iginagalang.

At sa inyong mga kababaihan. Mahaba ang sinabi ko sa mga miyembro ng Relief Society noong isang linggo. Naroon ang taos-puso kong pagkakilala sa inyo. Matutularan din ninyo ang mga katangian ni Cristo. Maaari din kayong tumatag at makahikayat at gumanda at tumulong.

Ipinaaalala ko sa ating lahat na tayo'y mga Banal sa mga Huling Araw. Nakipagtipan tayo sa ating Ama sa Langit, na sagrado at nagbibigkis. Ang mga tipang iyon, kung tutuparin natin, ay magpapahusay sa atin bilang mga ama at ina, at mga anak.

Naniniwala ako na makikiisa sa atin ang iba kung gagawin natin ito. Mapaninindigan natin ang katotohanan at kabutihan, at hindi tayo magiisa. Bukod dito, aalalayan tayo ng puwersa ng langit na hindi nakikita.

Balikan natin ang Lumang Tipan: "At nang ang lingkod ng lalake ng Dios ay magbangong maaga, at maglabas, narito, isang hukbo na may mga kabayo at mga karo ay nakalibot sa bayan. At ang kaniyang lingkod ay nagsabi sa kaniya, Sa aba natin, panginoon ko! paano ang ating gagawin?

"At siya'y sumagot, Huwag kang matakot: sapagka't ang sumasaatin ay higit kay sa sumasa kanila.

"At si Eliseo ay nanalangin, at nagsabi, Idinadalangin ko sa iyo, Panginoon, na idilat ang kaniyang mga mata, upang siya'y makakita. At idinilat ng Panginoon ang mga mata ng binata; at siya'y nakakita, at narito, ang bundok ay puno ng mga kabayo at ng mga karo ng apoy sa palibot ni Eliseo" (II Mga Hari 6:15-17).

Sinabi sa atin ng Panginoon: "Samakatwid, huwag matakot, munting kawan; gumawa ng mabuti; hayaang magsama ang mundo at impiyerno laban sa inyo, sapagkat kung kayo ay itinayo sa aking bato, hindi sila mananaig . . .

"Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot" (D at T 6:34, 36). Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy