The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2003
Naniniwala Kami sa Lahat ng Ipinahayag ng Diyos

Naniniwala Kami sa Lahat ng Ipinahayag ng Diyos

ELDER L . TOM PERRY
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Ang Diyos ay patuloy na naghahayag ng Kanyang kalooban sa sangkatauhan, katulad ng ginawa Niya sa lahat ng panahon kung kailan may mga awtorisadong lingkod Siya sa lupa.

ELDER L . TOM PERRY"Naniniwala kami sa lahat ng ipinahayag ng Diyos, sa lahat ng Kanyang ipinahahayag ngayon, at naniniwala rin kami na maghahayag pa Siya ng maraming dakila at mahahalagang bagay hinggil sa Kaharian ng Diyos."1

Ipinahahayag namin sa daigdig na hindi sarado ang mga kalangitan. Ang Diyos ay patuloy na naghahayag ng Kanyang kalooban sa sangkatauhan, tulad ng ginawa Niya sa lahat ng panahon kung kailan may mga awtorisadong lingkod Siya sa lupa. Ang katotohanang ito'y dapat na alam ng lahat ng mga anak ng ating Ama sa Langit, sapagkat nagbibigay ng maraming patunay dito ang mga banal na kasulatan.

Kung minsan, ipinakakahulugan natin ang pagbibigay-alam ng kalooban ng Diyos bilang paghahayag. Minsan tinutukoy natin ang pagbibigay-alam na ito bilang inspirasyon. Subalit ang paghahayag ay higit pa riyan. Samantalang angkop na maituturing ang inspirasyon bilang paghahayag, ang paghahayag ay maaari ding mga pangitain, panaginip, sinambit na salita, o iba pang espirituwal na pagpapadama. Ipinaliwanag ni Elder James Talmage:

"Ang paghahayag ay pagpapaalam ng banal na katotohanan sa pamamagitan ng komunikasyon mula sa kalangitan. . . . "Kung minsan ang salitang inspirasyon ay ipinakakahulugan na halos katulad ng paghahayag, bagama't naiiba ang kahulugan nito pagdating sa pinagmulan at unang paggamit nito. Ang magbigay-inspirasyon ay literal na makipag-ugnayan sa espiritu; inspirado ang isang tao kung siya ay nasa ilalim ng impluwensya ng isang kapangyarihan maliban sa kanyang sarili. Ang inspirasyong mula sa langit ay maituturing na mas mababa o mas mahina ang katindihan sa espirituwal na pag-impluwensya sa tao kaysa sa . . . paghahayag. Samakatwid, ang kaibahan ay nasa antas sa halip na sa uri."2

May sistema sa paraan ng paghahayag ng Panginoon ng Kanyang kalooban sa sanlibutan. Lahat tayo ay may karapatang manalangin sa Panginooon at tumanggap ng inspirasyon sa sakop ng ating pinamumunuan sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu. Ang mga magulang ay makatatanggap ng paghahayag para sa kanilang pamilya, ang bishop para sa kanyang ward, at ang Unang Panguluhan para sa buong Simbahan. Gayunpaman, hindi tayo makatatanggap ng paghahayag para sa tungkulin ng iba. Sinabi ni Propetang Joseph Smith:

"Salungat sa pamahalaan ng Diyos na ang sinumang miyembro ng Simbahan, o sinuman, ay makatanggap ng tagubilin para sa mga taong may awtoridad na mas mataas kaysa sa kanila."3

"Ang mga paghahayag ng isipan at kalooban ng Diyos sa Simbahan, ay ipinararating sa pamamagitan ng [Unang] Panguluhan. Ito ang kaayusan ng langit, at ang kapangyarihan at pribilehiyo ng Priesthood na ito. Pribilehiyo rin ng sinumang lider ng Simbahang ito na tumanggap ng mga paghahayag, hangga't nauugnay ito sa kanyang partikular na tawag at tungkulin sa Simbahan."4

Kapag mas akma ang ating buhay sa tagubiling ibinigay sa atin ng Panginoon upang gabayan tayo, mas naaayon tayo sa Kanyang Espiritu. Ang isang taong humihingi ng gabay sa Panginoon ay dapat na marapat na tumanggap nito. Kailangang namumuhay siyang tugma at nakasusunod sa mga pamantayang inutos ng Panginoon sa Kanyang mga anak. Kailangang nasa matwid ang buhay niya sa harapan ng Diyos at ng Kanyang mga tao. Dapat na tugma ito sa mga turo ng mga banal na kasulatan, ng mga propeta, at ng kaayusan ng Simbahan.

Maaaring magsinungaling ang isang tao na nakatanggap siya ng paghahayag para mapabuti lamang ang kanyang pinansyal na kalagayan. O na kailangang tunguhin ng Simbahan ang direksyong kaiba sa sinasabi ng propeta. Malalaman natin agad na hindi sa Diyos ang pahayag na iyon.

May dakilang lakas at kapangyarihan sa katotohanang milyun-milyon sa buong mundo ang may iisang patotoo sa Diyos, ang Tagapagligtas, at sa misyon ni Propetang Joseph Smith. Hindi tayo hinikayat kailanman na sumunod nang hindi nag-iisip; ito ay isang matalinong pagsunod na nagpapamukod-tangi sa mga miyembro ng Simbahan.

Naitala na sinabi ni Brigham Young na ang naging pinakamalaking takot niya ay ang ituring ng mga miyembro ng Simbahan na isipan at kalooban ng Diyos ang sinasabi niya nang hindi muna nagdarasal at nagtatamo ng patotoo niyon para sa kanilang sarili.5

Sa pagtatatag ng Kanyang kaharian sa mundo, nagbigay ang Panginoon ng mga pangunahing alituntunin at batas upang mapamahalaan ang Kanyang mga anak dito. Ang pagsunod sa mga batas at alituntuning iyon ay nagbubunga ng biyaya na Kanyang ipinangakong igagawad sa atin. Ang mga paglabag ay mapasasailalim sa Kanyang paghatol.

Makikita sa kasaysayan ng tao ang mga halimbawa ng mga pagpapalang bunga ng pagsunod at pagdurusa at pagkawasak na bunga ng paglabag. Ang landas na dapat nating sundin ay naipahayag na sa pamamagitan ng Kanyang mga banal na propeta, na nagbibilin sa ating maging masunurin sa mga tagubilin ng Panginoon.

Isang halimbawa nito ay ang tagubilin ng Panginoon sa mga anak ni Israel, habang naglalakbay sila sa ilang. Upang may mapagsambahan sila, inutusan ng Panginoon si Moises na magtayo ng tabernakulo. Ang tabernakulo ang sinundan ng templo. Ito'y madaling dalhin sa kanilang paglalakbay.

"Sapagka't sinalita ng Panginoon kay Moises, . . .

"Kundi ipamamahala mo sa mga Levita ang tabernakulo ng patotoo, at ang lahat ng kasangkapan niyaon, at ang lahat ng nauukol doon; kanilang dadalhin ang tabernakulo, at ang lahat ng kasangkapan niyaon; at kanilang pangangasiwaan at sila'y hahantong sa palibot ng tabernakulo.

"At pagka ililipat ang tabernakulo ay pagtatanggaltanggalin ng mga Levita: at pagka itatayo ang tabernakulo ay paguugnay-ugnayin ng mga Levita. . . .

"At ang mga anak ni Israel ay magtatayo ng kanilang mga tolda, na bawat lalake ay sa kaniyang sariling kampamento at bawat lalake ay sa siping ng kaniyang sariling watawat ayon sa kanilang mga hukbo.

"Datapuwa't ang mga Levita ay magsisitayo sa palibot ng tabernakulo ng patotoo, upang huwag magtaglay ng galit sa kapisanan ng mga anak ni Israel: at ang mga Levita ay mamahala ng tabernakulo ng patotoo."6

Naging sentro ang tabernakulong ito sa kanilang kampamento habang naglalakbay sila patungong lupang pangako. Maisasagawa na rito ang mga sagradong serbisyo. Nang araw na matapos ang tabernakulo, may tumakip na ulap dito. Napapawi ang ulap kapag kailangang magpatuloy sila sa paglalakbay. Kapag natatakpan ng ulap ang tabernakulo, hindi sila maglalakbay.

Nang naglalakbay na sila, tinagubilinan sila ng Panginoon na magkampo sa paanan ng Bundok ng Sinai. Dito tinagubilinan si Moises na umakyat sa bundok at makipag-usap sa Panginoon. Sinabi sa kanya roon kung paano pamumunuan ang Israel sa ilang. Si Moises ay binigyan din ng "dalawang tapyas ng patotoo, na mga tapyas na bato, na sinulatan ng daliri ng Dios."7

Matagal na nalayo si Moises sa mga tao. "At nang makita ng bayan na nagluluwat si Moises ng pagpanaog sa bundok, ay nagpipisan ang bayan kay Aaron, at nagsabi sa kaniya, Tumindig ka at igawa mo kami ng dios na mangunguna sa amin; sapagka't tungkol sa Moises na ito, na lalaking nagsampa sa amin mula sa lupain ng Egipto, ay hindi namin maalaman kung anong nangyari sa kaniya."8

Nagpadaig si Aaron sa gusto ng mga tao at sinabihan silang tipunin ang lahat ng kanilang ginto at pilak at mahahalagang bagay at tunawin ang mga ito upang gawing guyang binubo, isang diyus-diyosan na masasamba nila at madadala sa paglalakbay. Samantala, tinatanggap naman ni Moises ang dalawang tapyas ng patotoo na naglalaman ng mga utos ng Diyos sa Kanyang mga tao. Bumaba siya ng bundok na dala ang mga tapyas.

"At nangyari paglapit niya sa kampamento, na kaniyang nakita ang guya at ang sayawan; at ang galit ni Moises ay naginit at kaniyang inihagis ang mga tapyas na nasa kaniyang mga kamay at nangasira sa paanan ng bundok."9

Dahil sa paglabag ng mga anak ni Israel, "[Kinuha] ni Moises . . . ang tolda [tabernakulo] [sa kanila] at [itinayo] sa labas ng kampamento."10

Ngayon, inalis na sa kanila ang tabernakulo. Hindi na sila magagabayan at mapoprotektahan nito. Tanging ang matatapat na lang ang makapapasok sa tabernakulo. Ang isang bagay na hindi kukunsintihin ng Panginoon ay ang pagsamba sa ibang diyos. Dahil sa maraming taon nilang pagkabihag sa Egipto, naging napakahirap nito para sa mga anak ni Israel.

Matapos makapagsumamo ng kapatawaran sa Panginoon, tinagubilinan si Moises na ,"humugis . . . ng dalawang tapyas na bato na gaya ng una"11 at umakyat sa bundok.

Gumugol si Moises ng 40 araw at 40 gabi sa tuktok ng Bundok Sinai, nang walang tinapay o tubig, at tinagubilinan siya ng Panginoon:

"Isulat mo ang mga salitang ito: sapagka't ayon sa tunog ng mga salitang ito, ay nakipagtipan ako sa iyo at sa Israel.

". . . At isinulat Niya sa mga tapyas ang mga salita ng tipan, ang sangpung utos."12

Sa ganyan ibinigay ang Sampung Utos sa sanlibutan upang sundin at gamitin sa kanilang buong buhay. Sa wakas dahil sa pagsunod naipadala sa mga anak ni Israel ang batas ng Panginoon. Ang pagsuway lamang ang nagpapaantala sa pagtungo nila sa lupang pangako. Kailangang maging marapat sila para matanggap ang batas ng Panginoon.

Pansining ipinahatid ng Panginoon ang kanyang salita kay Moises, na Kanyang propeta. Alam ng Panginoon kung ano ang magpapala sa Kanyang mga anak, at dahil diyan, ipinarating Niya ang Kanyang mga batas sa mga tao sa pamamagitan ng kanyang mga propeta . Kung susundin, maaakay tayo ng mga batas na ito pabalik sa Diyos. Hindi natin inaalam sa ating sarili kung ano ang mga batas na iyon. Ibinibigay ito ng Diyos sa tao.

Tinupad ng Tagapagligtas ang batas ni Moises,13 at naipahayag sa ating panahon ang gayunding mga banal na tagubilin sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, tulad nang nakapaloob sa ika-59 na bahagi ng Doktrina at mga Tipan. Inutos ng Panginoon:

"Dahil dito, binibigyan ko sila ng isang kautusan, nagsasabi nang ganito: Ibigin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos nang buo ninyong puso, nang buo ninyong kapangyarihan, pag-iisip, at lakas; at sa pangalan ni Jesucristo paglingkuran ninyo siya.

"Ibigin ninyo ang inyong kapwa gaya ng sa inyong sarili. Huwag kayong magnakaw; ni makiapid, ni pumatay, ni gumawa ng anumang bagay tulad nito.

"Pasalamatan ninyo ang Panginoon ninyong Diyos sa lahat ng bagay. "Maghandog kayo ng hain sa Panginoon ninyong Diyos sa kabutihan, maging yaong may bagbag na puso at nagsisising espiritu.

"At upang lalo pa ninyong mapagingatan ang inyong sariling walang bahid-dungis mula sa sanlibutan, kayo ay magtungo sa panalanginan at ihandog ang inyong sakramento sa aking banal na araw;

"Sapagkat katotohanang ito ay araw na itinakda sa inyo upang magpahinga mula sa inyong mga gawain, at iukol ang inyong mga panalangin sa Kataas-taasan;

"Gayunman ang inyong mga panata ay iaalay sa kabutihan sa lahat ng araw at sa lahat ng panahon;

"Subalit tandaan na dito, sa araw ng Panginoon, inyong iaalay ang inyong mga handog at ang inyong mga sakramento sa Kataas-taasan, ipinagtatapat ang inyong mga kasalanan sa inyong mga kapatid at sa harapan ng Panginoon.

"At sa araw na ito wala kayong iba pang bagay na gagawin, kundi ihanda ang inyong pagkain nang may katapatan ng puso upang ang inyong pag-aayuno ay maging ganap, o, sa madaling salita, upang ang inyong kagalakan ay malubos."14

Tandaan na ang sistema ng pagbibigay-alam ay nagmumula sa Panginoon patungo sa atin. Napakaraming pagkakataon sa ating kasaysayan, sa ating hangad na bigyang-katwiran ang ating sarili, tinatangka nating baligtarin ang sistemang iyon at baguhin ang mga batas ng Diyos. Hindi pa nagtagumpay ito kahit kailan.

Nakikita natin, sa halip, na sa tuwing sumasalungat ang mga anak ng Diyos sa Kanyang batas, nababalam ng pagsuway at pagkawasak ang mga di nagbabago at maayos na pamamaraan ng langit. Mabisa ang pamamaraan ng Panginoon. Ang pagsunod sa Kanyang mga batas at utos ay laging magdudulot ng ipinangakong mga biyaya.

Inutusan ng Panginoon si Nephi na kunin ang mga laminang tanso para madala nila sa kanilang paglalakbay sa ilang. Tinanggihan ni Laban ang lahat ng pagsisikap nilang makuha ang talaan. Sa gayon ibinigay ng Panginoon si Laban sa mga kamay ni Nephi. Itinuro kay Nephi kung bakit kailangang patayin niya si Laban: "Higit na mabuting masawi ang isang tao kaysa ang isang bansa ay tuluyang manghina at masawi sa kawalang-paniniwala."15

Nakatulong ang paghahayag na ito para maalala ni Nephi ang ipinangako ng Panginoon sa Kanya sa ilang: "Habang ang iyong mga binhi ay sumusunod sa aking mga kautusan, sila ay uunlad sa lupang pangako."16

At sumagot si Nephi: "Oo, at naisip ko ring hindi nila masusunod ang mga kautusan ng Panginoon alinsunod sa mga batas ni Moises, maliban kung nasa kanila ang mga batas.

"At alam ko rin na ang mga batas ay nakaukit sa mga laminang tanso."17

Paulit-ulit na ipinahahayag ng mga banal na kasulatan na ibinibigay ng Panginoon ang Kanyang mga kautusan sa mga anak ng tao sa pamamagitan ng mga buhay na propeta. Walang lupon, samahan, o anupamang awtoridad ang may karapatang diktahan Siya ng doktrinang salungat sa Kanyang batas. Ang mga walang hanggang biyaya ng Diyos ay depende sa ating pagsunod at pagt alima sa salita ng Panginoon na ipinahayag sa atin sa pamamagitan ng Kanyang mga banal na propeta.

Nawa'y pahintulutan ng Diyos na laging mapasaatin ang kahandaan at tapang na maging masunurin sa Kanya, na ating Amang Walang Hanggan, at sa Kanyang hinirang na Anak, na ating Panginoon at Tagapagligtas, upang matamasa natin ang Kanilang mga pagpapala rito at sa walang hanggang darating. Sa ngalan ng ating Panginoon at Tagapagligtas, maging si Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9.

2. The Articles of Faith, ika-12 edisyon (1924), 296.

3. Teachings of the Prophet Joseph Smith, pinili ni Joseph Fielding Smith (1976), 21.

4. Teachings, 111.

5. Tingnan sa Deseret News, 9 Dis.1857, 317; 12 Feb.1862, 257.

6. Mga Bilang 1:48, 50-53.

7. Exodo 31:18.

8. Exodo 32:1.

9. Exodo 32:19.

10. Exodo 33:7.

11. Exodo 34:1.

12. Exodo 34:27-28.

13. Tingnan sa 3 Nephi 15:5.

14. D at T 59:5-13.

15. 1Nephi 4:13.

16. 1 Nephi 4:14.

17. 1 Nephi 4:15-16.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy